“Huy, kulugo ka! Ba’t ka tumayo? Lintek namang…” Rinig ko mula sa sala ang reklamo ni Kuya.
Nakadungaw na ako sa mga pagkain na nasa lamesa nang maaninag ko ang presensiya ni Aizel sa kusina.
Letse. Bakit ba narito siya?
“’Di ka yata maagang pumasok…” Mabagal siyang naglakad patungo sa harap ng lamesa at ramdam na ramdam ko ang paninitig niya.
Nanatili akong nakatingin sa mga pagkaing nandoon. Ano ngayon sa ‘yo? Kumausap ka ng hangin!
Maingat ang boses niya nang nagsalita ulit. “Gutom ka na? Nag… luto ako. Gusto mong kumain? Sabayan na kita.”
Nawalan ako bigla ng gana dahil sa sinabi niya. Siya ang nagluto? ‘Di bale na pala, ‘di na pala ako gutom.
Walang imik akong nagtungo palapit sa ref kahit nakatayo siya sa tabi n’on. Hindi ko alam kung dahil galing ako sa pagkakatulog o talagang yamot lang ako kaya wala akong maibigay na ekspresyon.
Ni hindi ko siya nilingon nang buksan ko ang ref para kumuha ng isang boteng tubig. Sunod kong inabot ang sliced bread na nasa taas niyon pati nang strawberry jam at peanut butter. Para lang siyang multong nanatiling nakatayo ro’n nang hindi ko pansinin.
“Ayaw mo ng kanin? Mabubusog ka ba r’yan? Diet ka ba? Ang payat mo na nga…” Naaninag ko ang pagnguso-nguso niyang mag-isa habang pinagmamasdan ang ginagawa kong pagpapalaman sa sliced bread.
Bahagyang tumaas ang kilay ko. Letse! Edi si Ylona na ang sexy! Ako na ang payat! Lumayas ka lang sa harapan ko! Hinayupak!
“Masarap ang hot choco r’yan. Gawan kita, gusto mo?”
Wala akong pakialam!
Hindi ko talaga siya pinapansin at ayokong may makita siya ni katiting na ekspresyon sa mukha ko. Pero hindi ko mapigilan ang kilay kong halos pumintig dahil sa pagkairita ko sa kaniya… sa presensiya niya… sa buo niyang pagkatao… d’yan sa patuloy niyang pagsasalita kahit obvious naman na wala akong balak na kibuin siya.
“Nga pala, dala ko ‘yung pasalubong ni Lola Aimee…”
Natigilan ako sa pagpapalaman at mukhang naalerto siya sa pagpansin ko.
“Nando’n sa sala n’yo… pinatabi niya sa ‘kin kasi… sabi niya itono ko raw. Pinapalitan kasi ‘yung strings… pati na ‘yung napigtas dati.”
Natigilan na naman ako. Letse!
Mabilis kong ibinalik ang mga palaman at supot ng sliced bread sa itaas ng ref para talikuran na siya.
Sandali, itono ang ano? ‘Wag mong sabihing…
“Naaalala mo ‘yung pinaglalaruan nating ukulele ni Lolo?”
Napahinto ako sa paglakad pabalik sa taas dahil sa sinabi niya.
“Gusto ni Lola na ikaw ang magtabi’t gumamit n’on…”
Magsasalita sana ako pero walang alinmang salita ang lumabas sa akin.
“Sabi niya… turuan daw kita…”
Matalim ang tingin ko nang nilingon ko siya sa wakas. At kasabay ng pagsalubong nang nanunukat niyang mga mata sa akin ang unti-unting pagtambol anng malakas ng puso ko.
Ayan na naman… hindi naman siya nakangiti pero masyadong maamo ang mga mata niya kaya halos manghina ako.
“Pakisabi kay Lola Aimee, salamat.”
Nagliwanag ang mukha niya nang magsalita ako. Nagawa pa nga niyang ngumiti!
“Sige… makakarating!”
Naghahadali akong umakyat para pakalmahin ang nagwawala ko nang puso. Walangya! Bakit kinakabahan pa rin ako nang ganito? Bakit naaapektuhan pa rin niya ako? Letseng feelings ‘yan. Sana hindi na lang ako nagkaroon niyan.
Hayup. Oo hayup. Hayup si Aizel, Cadence, tandaan mo ‘yan. Kupal siya. Hindi totoo ‘yong sinabi niyang gusto ka niya. Alalahanin mo ‘yong mga panlalaro at pambibilog niya sa ‘yo. Galit ka sa kaniya, ‘di ba? Bakit ka kinakabahan nang ganiyan dahil lang nakita mo siya ulit at nakausap? Para kang tanga. Umayos ka!
Huminga ako nang malalim habang nakapikit. Oo, tama, galit ako sa kaniya. Galit ako. Galit.
Bumaba ako, handa na para pumasok sa school nang makita kong nandoon pa rin sa sala ang dalawa’t patuloy na naglalaro. Wala bang pasok ang mga ‘to?
“Hindi ka papasok, Kuya?”
“Hindi raw makakapasok prof namin. Siya lang klase namin ngayon eh…” Napatango lang ako sa sinabi niya.
Lalabas na lang ako’y nahagip pa ng paningin ko ang mga mata ni Aizel na nakatingin sa akin.
“Papasok ka na? Hatid na kita…” Nakatayo na siya kaagad nang malingunan ko.
Sinulyapan ko ang busy sa paglalarong si Kuya bago binalikan nang matalim na tingin ang palapit nang si Aizel.
Matigas ang boses ko nang sinabi ito, “’Wag na.”
“Hatid na nga kita…” May naglalarong ngiti sa mukha niya habang nakatitig sa akin. Parang nang-aasar.
Sinimangutan ko. “Sanay akong mag-commute.”
“Bakit ka magko-commute, sanay naman akong mag-drive.”
Pinukol ko siya nang mas masamang tingin. Ang kulit! Bwisit!
“Ayokong magpahatid sa ‘yo!” Umirap ako.
Narinig ko ang tawa ni Kuya bago ako lumabas. Hindi ko alam kung ano ang alam niyang nangyari pero tingin ko’y wala siyang kaide-ideya kung ano ang totoo. Ano kayang sinabi ni Kristian? O nina Luis? O nitong kupal na ‘to?
“Uy, saglit! ‘Yung helmet! Cadence!”
Salubong ang kilay ko habang tinatahak ang pababang daan para makalabas ng gate. Hindi ko siya pinansin. Bahala ka r’yang kulugo ka! Aanhin ko helmet mo? Hindi naman ako aangkas d’yan sa motor mo!
Makulit ka ah? Tignan natin kung sino ang mas matigas ang ulo sa ating dalawa!
“Cadence!”
Napatalon ako’t napapikit nang mariin bago huminto saglit sa paglakad. Nasulyapan ko ang inosente naming kapit-bahay na nagdidilig sa garden nila, lito itong tumingin sa akin, sunod kay Aizel.
Bahagyang nag-init ang pisngi ko sa hiya at parang gusto kong sigawan ang kupal na sumigaw. Wala talagang kahihiyan! Argh!
Nagpatuloy ako sa paglakad at mabilis na humagilap ng tricycle na maaaring magdaan para makatakas. Pero binubuksan na ni Aizel ang gate ay wala pa ring nagdaraan! Letse kung sinuswerte nga naman.
Padabog akong naglakad. Hindi ko alam kung ilang mura na ang naibulong ko sa malinis na pang-umagang hangin.
“Cadence! Sumakay ka na! Ano, lalakarin mo ba hanggang campus?”
Nanggalaiti ako nang maaninag ko ang pagsunod ng motor ni Aizel sa paglakad ko. Sagad at wagas talaga ang kakulitan ng kupal na ‘to. Nakakagigil!
“Oo! Mas gugustuhin kong maglakad kaysa sumakay sa motor mo!” singhal ko sa kaniya habang nakasimalmal.
Halos mapira-piraso ko na siya nang marinig ko siyang tumawa. Tinatawanan niya lang ako? Aba letse.
“Mapapagod ka kaagad niyan… sakay na kasi… ‘di ka na nga pumasok sa isa mong subject, male-late ka pa sa sunod…”
Namilog ang mga mata ko nang bigla akong mapalingon sa kaniya. ‘Wag mong sabihing alam niya ang schedule ko? Bakit niya alam?
Nakukuha na namin ang atensyon ng ilan sa mga taong nakakasalubong namin. Nahihiya na ako pero mas matatanggap ko pa ‘yon kaysa ang sumakay sa motor niya. Asa. Hinding-hindi ako sasakay d’on!
“Cadence… sakay na.”
Nang makabawi ay ‘tsaka ako nagsalita. “Ayoko nga sinabing sumakay sa motor mo! Bakit hindi ‘yung girlfriend mo ang bwisitin mo para pasakayin d’yan?!” Napalakas ang boses ko’t halos mag-untog ako ng ulo sa bawat pader na nadadaanan ko. Bakit ko sinabi ‘yon? Puto! Putong tinapa!
Naghintay akong makarinig ng tawa niya pero wala. Pagkasulyap ko’y naabutan ko ang seryoso at malamig niyang ekspresyon habang diretsong nakatingin sa daan.
Bahagya akong kinabahan at napalunok. Ano, napuno na ba siya? Inis na siya? Hah! Ano ngayon? Mas galit ako!
Pareho kaming tahimik ng ilang sandali habang patuloy ako sa paglalakad at siya sa pagsunod ng motor sa akin. Hanggang sa nagulantang ako’t halos mapatili ng bigla niyang iliko’t iharang mismo sa daraanan ko ang motor niya. Ilang sentimetro lang ang natirang distansya sa pagitan naming dalawa. Muntik na akong bumundol sa kaniya kung hindi lang ako huminto agad.
Mabilis ang takbo ng puso ko nang umurong akong bahagya palayo sa kaniya, namimilog ang mga mata. Sa totoo lang pwede ko na siyang talikuran at iwan doon pero hindi ko magawa dahil sa pagkakagulat ko.
“’Di ba sinabi ko nang hindi ko girlfriend si Ylona? Hindi ka naniniwala?” Seryoso ang mga mata niya nang tumitig sa akin.
Kung nagsisinungaling siya, saludo ako sa kaniya dahil kaya niyang sabihin ‘yon sa ‘kin nang diretso sa mata. Talamak ka na nga talaga, Aizel.
“Hindi mo girlfriend pero lagi mong kasama. Hatid-sundo mo na, inuuwi mo pa sa bahay n’yo. Kahalikan mo pa nga pala sa kwarto mo ‘no? Irony nga naman…” Pait at galit ang resulta ng mga salitang naimutawi ko.
Totoo naman ah. Sino bang niloloko niya?
Mariin niya akong tinitigan, hindi nagbabago ang seryosong ekspresyon. Binitiwan niya ang magkabilang manibela ng motor kung saan siya nanatiling nakaupo para lang tuluyan akong lingunin.
“Lagi kitang kasama, hatid-sundo’t inuuwi kita sa bahay… siya ang humalik sa akin, hindi ako. Pero ako ang humalik sa ‘yo… bakit hindi mo naisip na baka ikaw ang girlfriend ko? Irony?”
Uminit ang pisngi ko’t nagwala ang mga insekto sa sikmura ko. Magtigil kayo! Hindi pwede! Ayokong maramdaman ‘to! ‘Wag ngayon! ‘Wag n’yo akong traydurin ngayon! Letse.
Muntik na akong mapasinghal ulit. Mukhang napaghandaang mabuti ang mga palusot ah?
Matapang akong umiling para iwala ang nararamdaman. “Sinungaling! Ganito rin siguro ang sinabi mo sa kaniya.”
Gumalaw ang panga niya ngunit nanatiling kalmado ang boses. “Cadence, kahit kailan hindi ko sinabing girlfriend ko si Ylona… kung may pagkakataon man na sinabi ko ‘yon, mind to tell me when?”
Magsasalita sana ako pero wala… wala akong mabanggit na pagkakataon na sinabi nga niyang girlfriend niya si Ylona… wala… pero…
“Wala nga pero wala ka ring sinabing hindi naman kayo! Kung may pagkakataon man na nilinaw mo ‘yon, mind to tell me when too?” balik ko sa sinabi niya.
Tinitigan niya ako nang mas mariin bago mabigat na nagbuntonghininga. “There’s no point.”
Panong walang point?
“Kung hindi mo siya girlfriend, eh ano pala?” matabang kong tanong.
Nakita ko ang muling paggalaw ng panga niya. Pinagmasdan niya ako nang matagal. As in matagal na malapit na akong mailang. Ang kalabog ng dibdib ko’y maingay. Anong problema nito?
Hanggang sa unti-unting nanlambot ang ekspresyon niya.
“Bakit gusto mong malaman?” bakas ang humor sa boses niya nang sinabi iyon, nangingiti pa.
Muling nabuhay ang iritasyon ko. Letse.
“Kupal!”
Lalayasan ko na sana siya pero agad niyang nahuli ang kamay ko’t nahila akong pabalik. Galit kong inalis ang pangahas niyang kamay sa kamay ko pero hinigit lang niya ako ulit. Sinubukan ko pa ring bawiin iyon pero hinawakan na ng isa niyang kamay ang braso ko. Wala akong kalaban-laban nang isinalikop niya ang palad sa kamay ko matapos.
Agad ko siyang tinapunan nang masamang tingin ngunit tanging ngiti lang ang isinukli niya bago ako hilain pa palapit. Parang hindi nakukuntento hangga’t may nakikita siyang distansiya sa pagitan namin.
“Bitiwan mo ang kamay ko. Baka makita pa tayo ng girlfriend mo,” nakasimalmal kong untag.
Muli siyang bumuntonghininga at niyuko ang magkasalikop naming mga palad at pinisil iyon.
Ang mga traydor na insekto sa sikmura ko’y muli na namang nabuhay!
“Pinsan ni Yna si Ylona…”
Bahagyang nanlaki ang mga mata ko’t hindi ako nakaimik.
Nag-angat siya ng tingin sa akin. “Do’n din siya nakatira sa probinsya namin. May kalayuan sa ‘min ang bahay nila noon at nito lang sila lumipat malapit banda kina Yna… tanda mo no’ng nawala ako ng ilang araw? Umuwi ako sa probinsiya no’n kasi dapat susunduin ko na si Lola Aimee. Kaya lang sabi ng mga tito’t tita ko, do’n pa muna raw si Lola nang kahit isang buwan. Ang totoo, do’n muna dapat ako ng isang linggo kasi… sabi mo ‘wag kitang paasahin.”
Nakagat niya ang labi bago nagpatuloy. “Inisip ko rin na baka ‘pag lumayo ako sa ‘yo saglit mawala ‘tong nararamdaman ko… plinano ko pa ngang mag-transfer at do’n na lang tapusin ang pag-aaral ko.”
Nanikip ang dibdib ko nang maisip kong hindi na dapat siya babalik… baka naging totoong sila ni Ylona kung sakali… baka… teka nga! Naniniwala na ba ako sa kaniya?
“Kaya lang pinauwi na ako kaagad ni Lola. Para daw may kasabay si Ylona pabalik. Dito na rin kasi niya ipagpapatuloy ang pag-aaral niya…”
Pinagmasdan niya ako nang mabuti at para bang binabasa niya nang maigi ang reaksyon ko.
“Kung nagtataka kang kilala siya ng kuya mo, well, pinsan siya ni Yna… niligawan ng kuya mo si Yna kaya hindi malabong kahit isa o dalawang beses, makikilala namin si Ylona.”
Ayokong maniwala pero mukhang totoo naman ang sinasabi niya… bakit pa niya sasabihin ang lahat ng ito kung nagsisinungaling siya?
“Nagdududa ka pa rin… ang tahimik mo.” Napakamot siya ng sentido. At sa malumanay na tinig ay sinabi ito, “Sumakay ka na… late ka na o.”
Binitiwan niya ang kamay ko’t may demonyong nabigo sa akin. Letse ka, bakit ka nabibigo?
Hawak na niyang muli ang magkabilang manibela nang inayos niya ang motor sa kalsada. Hindi ako kumilos.
“Cadence, late ka na. ‘Wag nang matigas ang ulo. Sige na, sumakay ka na, please…”
Aapila pa sana ako pero naunahan niya ako sa pagsasalita. “Pag ‘di ka pa sumakay, sasabihin ko ngayon mismo sa kuya mo na gusto kita at liligawan kita. Magkakagulo kami, Cadence, gusto mo ba no’n?” Nalaglag ang panga ko sa banta niya.
Hindi ako makapaniwalang ako pa talaga ang bl-in-ack-mail niya! Alam niya talaga kung paano maglaro sa court niya.
“Anong pinagsasabi mo? Nasisiraan ka na ba ng—”
“Hindi mo na ba ako mapapatawad?! Sinabi ko na ang totoo! Pramis, totoo na talaga!”
Namilog ang mga mata ko nang mapukaw namin ang atensyon ng mga naglalakad, pati nang laman ng ilang sasakyang nagdaraan, dahil sa bigla niyang pagsigaw.
Frustrated kuno niyang pinasadahan ng daliri ang buhok at saka tumitig sa akin na animong nagmamakaawa, kung wala lang ngiting sumisilip sa gilid ng labi.
“Aizel, kup—”
“Cadence, maniwala ka naman sa ‘kin! Ano pa bang gusto mong marinig para makumbinsi kitang nagsasabi ako ng totoo? Itataya ko ang kaluluwa ni Luis, wala talaga akong iba dahil ikaw ang gusto ko at—”
Sobrang init ng pisngi ko nang dali-dali ko siyang nilapitan para lang takpan ang bunganga niya. Napaka talaga! Isigaw ba naman ‘yon sa buong kalsada? Sabog ang isang ito!
“Oo na, sasakay na ako! Manahimik ka lang!” Hiyang-hiya kong pinasadahan ng tingin ang mga taong nagdaraan at tanging apologetic look na lang ang naibigay ko sa ilan.
Patawarin n’yo po ang eskandalosong kupal na ito. Wala pang kain.
Naramdaman ko ang paglapat nang mainit niyang palad sa kamay kong naroon sa bibig niya, kaya’t agad ko iyong binawi na parang napaso. Sobrang tulin ng takbo ng puso ko nang magpalitan kaming dalawa ng tingin. Hindi ko na sigurado kung ano ang dahilan ng pag-init ng pisngi ko nang magbanda-banda sa bawat sulok ng isip ko ang sinabi niya kanina.
“…wala talaga akong iba dahil ikaw ang gusto ko…”
Umangat ang magkabilang sulok ng labi niya nang inabot sa akin ang helmet na nakasabit sa manibela, hindi nagbibitiw ng titig. Walang imik ko namang tinanggap iyon at tila lumulutang ako nang sumakay ako sa motor niya.
Imbes na paandarin iyon ay nilingon pa muna niya ako. Sa seryoso at mariing tinig ay itinuloy niya ang sinasabi, “At liligawan kita kahit alam ko kung anong posibleng maging kapalit nito.”