Hindi alam ni Quin kung paano n’ya isasalarawan ang araw na ‘yon kung saan sabay silang umuwi ni Pio. Inangkas s’ya nito sa motor nito at wala pa sila sa kalagitnaan ng byahe nang abutan sila ng malakas na ulan. Nakita n’yang niliko kaagad ni Pio ang motor nito at tinigil sa pinakamalapit na waiting shed na nadaanan nila. Agad na bumaba s’ya at sumilong sa waiting shed pero basang basa na rin ang damit n’ya dahil sa biglaang paglakas ng ulan. Hinubad n’ya ang helmet na suot at agad kumuha ng panyo para mapunasan kahit papaano ang nabasa n’yang mga braso. “Ugh!” Reklamo n’ya nang makitang halos pati uniform at skirt na suot n’ya ay puro wisik ng tubig ulan.Iritadong iritado tuloy s’ya dahil nagsisimula na rin s’yang makaramdam ng ginaw dahil medyo malakas ang ihip ng hangin at may mangilan

