“SINO ANG AMA?”
Natigilan ako sa tanong ni tita.
Nahinto ako sa pag-iyak at napayuko. Dahan dahan akong napailing.
Natutop na lang niya ang kanyang bibig at napaluha.
“Paano mo nagawa ito, Theryza?!” galit na sabi niya kaya muli akong napahagulgol. “Gumawa ka ng isang bagay nang hindi pinag-iisipan!”
Wala akong naisagot. Dahil alam kong mali ang nagawa ko.
“Paano na yan? Paano mo bubuhayin ang anak mo? Alam mong halos hirap tayong maghanap ng ating ikakain.”
“S-sorry, tita Judith...” iyon lang ang nasabi ko. Paulit ulit ko iyong sinasabi habang humahagulgol at nakayuko.
Napabuntong hininga siya at naupo sa tabi ko.
“Wala na tayong magagawa. Nariyan na yan.”
Napahawak ako sa aking tiyan.
“Kapag lumaki ang tiyan mo ay hindi ka maaaring magtrabaho.”
Naisip ko narin iyon. Kapag nagkaganon ay mas lalo kaming maghihirap. Mas malaki ang kinikita ko kaysa kay tita na paglalabada lamang ang trabaho.
ILANG linggo ang lumipas, nagpatuloy parin ako sa pagtatrabaho. Pero parati akong napapauwi at uma-absent kapag sumasama ang pakiramdam ko.
Alam na ni Jen na buntis ako at palagi niya akong tinutulungan upang makalusot sa galit ng aming head lalo na kapag sunod sunod ang absent ko sa trabaho.
Ngunit dumating ang panahon na halata na ang paglubo ng aking tiyan.
Wala akong nagawa kundi ang tumigil sa pagtatrabaho dahil iyon ang utos ng aming head.
“Ba’t di ka humingi ng tulong sa ama ng ipinagbubuntis mo?” natigilan ako sa sinabi ni tita Judith.
Marahas akong napailing. “Isa lamang pong pagkakamali ang nangyari sa amin, tita.”
“Pareho ninyong pagkakamali iyan, ginawa ninyong pareho kaya dapat lang na panagutan niya ang ipinagbubuntis mo.” napailing muli ako. Wala kailanman sa isip ko ang humingi ng tulong sa lalaking iyon. “Hindi mo kayang buhayin mag-isa ang sanggol na iyan. Lalo na ngayong wala kanang trabaho.”
Napalunok ako sa isiping iyon. Pano ko nga ba bubuhayin ang anak ko sa hirap ng buhay namin.
Pagkaakyat ko sa aking kwarto ay agad kong binuksan ang aking cabinet at hinanap ang isang bagay na matagal ko nang itinago.
Napatitig ako roon...ang calling card na ibinigay ng lalaking iyon.
“Bryce Kent M. Nishimura...” pabulong na basa ko sa card na iyon.
Napabuntong hininga ako. Magdamag akong nagpasya sa dapat kong gawin.
NATAGPUAN ko na lamang ang aking sariling nakasakay sa eroplano papunta sa Maynila. Bago paman ako makapagpasyang magtungo doon ay una kong tinawagan ang kanyang numero na nakatala sa card. Ngunit secretary lang nito ang nakasagot. Sa huli ay hindi ko nakausap si Bryce.
Ang sunod kong ginawa ay pinuntahan ang condo niya sa Cebu City ngunit wala siya doon. Ang sabi ng guard ay minsan lang pumupunta doon si Bryce.
Sa ilang oras ng biyahe ay nakarating ako sa Maynila. Agad akong nagtungo sa kompanya ni Bryce Nishimura.
“Ano pong kailangan niyo, mam?” ang sabi ng security guard sa akin nang harangin niya ako sa entrada ng building.
“Ahm, kakausapin ko lang sana si Bryce Nishimura.”
“May appointment po ba kayo, mam?”
Umiling ako. “W-wala...”
“Nako mam, kailangan niyo po munang magpa-schedule ng appointment para makausap niyo si sir Nishimura.”
“Saglit lang naman ako, kailangan ko lang siyang makausap.”
Napabuntong hininga ang guard. “Ganito mam, papapasukin ko po kayo, pero kailangan niyong pumunta sa reception area namin dito at doon kayo mag-pa-appointment.”
Wala akong nagawa kundi ang tumango. Pinapasok niya ako at itinuro ang reception Desk nila.
“Good morning, ma’am. May i help you?” bungad sakin ng babaeng receptionist.
“Ahm, gusto kong makausap si Bryce Nishimura.”
“May appointment na po kayo, ma’am.”
“Wala pa.”
“Sige po, paki-fill up-an niyo po ito.” ibinigay niya ang isang form at ballpen. Napabuntong hininga akong nagsulat doon. “Maupo muna po kayo doon habang naghihintay. Tatawagin ko nalang po kayo.”
Tumango ako at naglakad papunta sa mahabang sofa sa gilid ng reception area. Napabuntong hininga muli ako nang makitang hindi lang ako ang naghihintay.
Nag-aalala akong baka abutin ako doon ng gabi.
Naghintay ako ng ilang oras. Hindi parin ako natatawag. Unti unti ring nababawasan ang mga taong naghihintay doon.
Maya maya ay nagpasya akong lapitan ang receptionist.
“Miss, pwede ko na bang makausap si Mr. Nishimura?”
“Hindi pa po, ma’am. Pasensya na po, inuuna lang po namin ang mga naunang pagpa-appoint ng meeting with Sir Nishimura.”
Wala akong nagawa kundi ang bumalik sa kinauupuan ko.
Ilang oras muli ang lumipas. Hindi parin ako tinatawag. Nakaramdam na ako ng gutom.
Pero ilang sandali lang ay lumapit sa amin ang babaeng receptionist.
“Pasensya na po ma’am and sir, may out of town business po si sir Nishimura today kaya mamo-move po ang appointment niyo bukas. Pwede na po kayong magsi-uwi.”
Agad akong napatayo at hinabol ang babae. “Miss, baka naman pwedeng tawagan mo ang boss mo. Kailangan ko lang talaga siyang makausap, kahit sandali lang.” pakiusap ko.
“Pasensya na po ma’am. Kasalukuyan na pong bumababa si Sir Nishimura ng building. Aalis po kasi siya ngayon.”
Nanlumo ako at tila nanghina.
Nagpasya akong huwag munang umalis doon at hinintay ang pagbaba ni Bryce.
Tinanaw ko pa ang elevator at inaabangan ang mga lumalabas mula roon.
Nang bumukas iyon ay agad na tumambad sa paningin ko si Bryce kasama ang babae na kinakausap siya.
Nang maglakad siya sa gawi ko ay hindi man lang niya ako napansin at dere-deretso lang sa paglalakad papunta sa labasan.
“B-Bryce!” hinabol ko siya. Natigilan siya sa paglalakad at humarap sa akin.
Huminga ako ng malalim nang makaharap ko siya. “Bryce...”
Nangunot ang noo niya at pinagmasdan ang kabuuan ko. “I’m sorry, but do I know you?”
“A-ako si Theryza, nagkakilala tayo noon sa Cebu City.”
Hindi nawala ang kunot sa noo niya at tila inaalam kung kilala niya ako. “I’m sorry, pero hindi kita kilala.”
Akma na sana siyang tatalikod.
“Sa bar...” nasabi ko at nakagat ang sariling labi.
Nakita kong unti unting nawala ang pagkunot ng noo niya at napalitan iyon ng gulat.
“Nagkita tayo sa bar four months ago.” dagdag ko.
“So, what are you doing here?” nakataas na kilay na aniya. Natigilan ako. Para bang wala lang sa kanya ang nangyari.
“Bumiyahe pa ako mula Cebu para lang makausap ka. Kailangan kitang makausap, Bryce.”
“I’m sorry, but I’m busy right now. Makakaalis kana.” agad niya akong tinalikuran at naglakad.
Galit na galit akong hinabol siya. “Buntis ako!” sigaw ko. Wala akong pakialam kung naririnig man ako ng mga tao doon.
Mabilis namang lumingon si Bryce at salubong ang kilay sa pagkagulat. Sinulyapan pa niya ang aking tiyan na tila inaalam kung nagsasabi ba akong totoo.
Maya maya ay narinig ko ang mga bulungang ng mga tao sa paligid namin kaya nakita kong napapahiya ang itsura ni Bryce.
Hanggang sa makaramdam ako ng kaba nang galit siyang naglakad palapit sa akin. Hinablot niya ang braso ko at hinila palabas.
“B-Bryce!” anas ko dahil nasasaktan ako sa higpit ng pagkakahawak niya.
Nang tuluyan kaming makalabas at makalayo ay marahas niya akong binitawan na muntik ko nang ikatumba.
“What are you planning, huh?” angil niya. “Gusto mo pa akong ipahiya sa loob ng kompanya ko mismo?”
“Hindi ko intensyong ipahiya ka. Kinailangan ko lang sabihin iyon para pagbigyan mo ko!” inis na sabi ko. Unti unti nang namumuo ang luha sa mga mata ko.
“Okay, listen...” aniyang sumeryoso. “Ang lahat ng nangyari nung gabing iyon ay isang malaking pagkakamali. Pareho tayong lasing at hindi natin alam ang ginagawa natin.”
“Alam ko yun!”
“Then what do you want me to do?” singhal na tanong niya.
“Panagutan mo ako!” tumulo ang luha sa isang mata ko habang deretsong nakatingin sa kanya.
“Hell! I can’t do that!” galit na tanggi niya na ikinatigil ko. “You know what? You’re ruining my reputation. You are ruining my life!”
“Sa tingin mo ginusto ko to!” inis na sigaw ko. “Kagaya nga ng sinabi mo, pareho nating hindi alam ang ginagawa natin noon dahil sa kalasingan natin. Pero ano? Mag-isa ko lang pagdusahan ang nangyaring to? May kasalanan karin dito, Bryce!” bumuhos na talaga ang mga luha ko sa tindi ng emosyon ko. Hindi ko akalaing mali ang pinuntahan ko pa siya at pinag-aksayahan ng oras.
Napabuntong hininga siya. “How can I be sure that it’s mine?”
Inis akong tumingin sa kanya, naiinsulto. “Anong akala mo sa’kin, maruming babae?!”
“Malay ko ba kung ganun ka nga.” aniyang mas lalo pang ikinagalit ko. “Hindi kita kilala. Ni hindi ko matandaan ang pangalan mo. So paano kita paniniwalaan?”
Napahagulgol ako at napahawak sa aking tiyan. Hindi ko alam na ganito siya ka-walang puso.
“Dapat hindi na lang ako pumunta dito.” bulong na sabi ko pero alam kong narinig niya iyon. “Hindi ka pala singbuti ng inaakala ko.”
“Fine, fine!” inis na sabi niya. “What do you want? Money? Magkano ba ang gusto mo?”
Nagsalubong ang kilay kong napatingin sa kanya. Dinukot niya pa ang wallet niya at kumuha doon ng lilibuhing pera.
“Here, tanggapin mo. Kulang pa ba yan?” hamon niya na ikinatiim bagang ko.
Tumitig lang ako sa perang inaabot niya at hindi ko iyon tinanggap.
“Hindi ako mukhang pera.” galit na sabi ko sa kanya na ikinatawa niya lang ng mapakla.
“Come on, huwag ka ngang magkunwari.”
“Ano?”
“Hindi ba’t pumunta ka rito para humingi ng pera sakin? You’re just using your pregnancy para makahuthot---”
Sinampal ko siya ng malakas. Hindi ko pinagsisihan iyon. Galit na galit ako sa kanya sa mga oras na iyon. Napahawak siya sa pisngi niya at gulat na napatitig sa akin.
“Kung ayaw mong panagutan ang anak mo, wala na akong magagawa. Pero wag na wag mong insultuhin ang pagkatao ko!” talagang gitil na gitil ang panga ko sa sobrang galit sa kanya. “Sa’yo na yang pera mo!”
Bago pa man ulit bumuhos ang luha ko ay agad ko na siyang tinalikuran at naglakad palayo.
Natutop ko ang aking bibig at tahimik na napahagulgol habang naglalakad.
NAKAUWI ako sa Cebu na walang imik at hindi man lang makausap ni tita Judith.
Namalayan ko na lang ang sariling sinusuntok ang sariling tiyan habang umiiyak.
“Isay!” patakbong lumapit sa akin si tita Judith. “Ano bang ginagawa mo?” hinawakan niya ang mga kamay ko para pigilan.
“Mas mabuti pang wag na lang siyang mabuhay tita.” sabi kong muling sinuntok ang sarili pero pinipigilan niya iyon. “Hayaan niyo na lang ako tita!” nakikiusap na palahaw ko. Pati siya ay napaiyak narin.
“Huli na ang lahat, Theryza. Apat na buwan na ang tiyan mo. At hindi ko hahayaang kitilin mo ang buhay ng walang kamalay malay na sanggol sa sinapupunan mo.”
“Pero pano ko siya bubuhayin tita?”
“Nandito ako, anak. Tutulungan kitang palakihin ang anak mo.” agad niya akong niyakap kaya napahagulgol muli ako. “Gagawin ko ang lahat, matulungan lang kitang alagaan ang batang iyan.”
Natahimik ako at napabuntong hininga nalang. Muli kong naalala ang mga sinabi ni Bryce sa akin. Muling napuot ang puso ko sa kanya. Hindi ko na siya kayang makita ulit.
DUMAAN ang maraming buwan. Sa bawat siglo ng pagbubuntis ko ay papahirap ng papahirap ang aking kalagayan pati narin ang buhay namin ni tita. Halos gumagapang na kami sa paghagilap ng panggastos sa pagbubuntis ko.
At mas lalong lumaki ang kalbaryo sa buhay namin nang mailuwal ko na ang sanggol at pinuproblema namin ang mga gamit ng anak ko.
Kahit hiyang hiya na ako kay Tita Judith ay wala na akong nagawa dahil wala akong kakayahang tumulong.
Mabuti nalang at nandyan si Jen at handang magpautang sa akin gayon din ang iba naming katrabaho.
Sa muling paglipas ng panahon at unti unting lumalaki at nagkakaisip si Arya. Binigyan ko ng pagkakataon ang sarili kong maghintay kay Bryce na magpakita sa kanyang anak.
Ngunit tatlong taon na ang lumipas, ni hibla ng buhok niya ay hindi man lang nagpakita.
Nang magtanong si Arya kung nasaan ang tatay niya. Nabuo ang pasya ko. Para sakin, patay na siya. Patay na ang ama ni Arya.