Kabanata Labing Dalawa

1628 Words
“Saan mo ba ako dadalhin, Jessa?” Lumingon ako kay Gani at nginitian siya nang malaki. “Sa paborito kong palaruan!” Pagkatapos ko iyong sabihin ay hindi na muling nagtanong si Gani tungkol sa pagdadalhan ko sa kaniya, sa halip ay naramdaman ko ang parehong pagkasabik na nararamdaman ko ngayon habang halos patakbo na ang mga lakad namin para lang makarating nang mabilis sa likod ng simbahan. Hawak ko ang kamay ni Gani habang papalayo na kami sa simbahan. Maraming hakbang pa kasi ang lalakarin para makarating doon sa pinagtatambayan ko. Wala ring nakaaalam noon kung hindi ako lang, pati rin pala ang mga miyembro ng simbahan na nakita akong pumupunta roon. “Hindi ka ba natatakot dito, Jessa?” Humigpit ang hawak ni Gani sa kamay ko pagkatapos niyang tanungin iyon. Naramdaman ko rin na mas lumapit pa siya sa aking likuran. Tumawa ako at bahagya siyang nilingon. “Natatakot ka ba?” “Hindi, ah! Nagtanong lang ako kasi tignan mo, ang dami-daming puno tapos wala kang ibang maririnig kung hindi ang mga huni lang ng mga ibon. Saka, ang layo na natin sa may simbahan, hindi ko na marinig ang mga sasakyan na dumaraan,” mahaba niyang paliwanag. Hindi ko naman naintindihan kung bakit kailangan niya pang magpaliwanag. Puwede niya namang sabihin na natatakot siya. Huminto ako at humarap sa kaniya nang maalala ang huli niyang sinabi. “Gusto mo bang bumalik na lang sa tapat ng simbahan?” Itinagilid ko ang aking ulo papunta sa kanan habang hinihintay ang sagot niya. Nakatingin lamang siya sa akin at hindi nagsasalita. Habang hinihintay na marinig ang boses niya pati ang sagot niya sa tanong ko ay mas lalo lamang lumakas ang huni ng mga ibon na sigurado akong nagpapaikot-ikot sa mga nagtataasang puno. Pagkatapos pa ng ilang segundo ay sumagot na rin si Gani. “Sige na nga, puntahan na natin iyong pupuntahan natin.” Lumaki ang ngiti ko at tinanguan siya. Nagpatuloy na kami sa paglalakad para makarating na roon sa paborito kong lugar. Si Gani ang kauna-unahang kaibigan na dadalhin ko sa aking paboritong palaruan. Kahit si Adriel na kapatid ko ay hindi ko pa nadadala roon dahil hindi na rin ako masyadong nakapupunta roon. Nalaman ko lang naman iyon nang mawala si nanay at nagkaroon ng pagbabago ang buhay namin. Naalala ko pa na umiiyak ako noong unang beses akong napadpad sa paborito kong lugar na iyon, at ang nagpatahan sa akin ay nang makita ko ang ganda noong lugar. “Malayo pa ba tayo?” tanong ni Gani makalipas ang ilang sandali pa naming paglalakad. Huminto ako sa harap ng isang may kalakihang lawa. Ang mga dahon lamang ang lumalangoy sa malinaw na tubig at wala ng iba pa. Minsan ko nang nakita ang mga itik na nagtatampisaw sa lawa ngunit ngayon ay wala sila roon. Tahimik din at walang kahit anong hayop ang nandito. “Wow!” Humakbang si Gani para mas makita pa ang lawa. Nasa likuran ko lang kasi siya kanina. “Ito ang paborito kong lugar,” sambit ko at nagtaas-baba ng kilay kay Gani. “dito ako tumatambay kapag gusto kong maglaro.” Naglakad ako papunta sa gilid ng lawa, kung nasaan ang mahabang upuan kung saan ako naupo noong una akong pumunta rito. Naramdaman ko naman ang pagsunod ni Gani sa akin. “Ikaw lang ang mag-isa na pumupunta rito?” Tumango ako at nginitian si Gani. “Oo, ako lang. Ikaw ang una kong isinama rito. Nagustuhan mo ba?” Tumango rin siya at ngumiti. Inalis niya ang mga mata niya sa akin at ibinaling iyon sa aming paligid. Kanina, hindi ako sigurado kung magugustuhan ba ni Gani ang lugar na ito ngunit ngayong nakikita ko na ang itsura niya ay napagtanto kong tama lang na itinuloy namin ang pagpunta rito. Nilingon ko rin ang kapaligiran. Sobrang aliwalas at malamig ang simoy ng hangin dahil sa rami ng mga puno na nakapalibot sa lawa. Sa taas ng mga puno ay natatakpan din noon ang sinag ng araw kaya naman, hindi masyadong mainit ang buong lugar. Gubat na rin kasi ang likod ng simbahan at ang lawang ito ay nasa pinakadulo na. “Ano ang ginagawa mo rito ‘pag nagpupunta ka?” Lumingon nang muli si Gani sa akin. “Minsan may mga itik na nasa lawa, pinanood ko sila kasi para silang naglalaro.” Minsan nga, naiisip ko na mabuti pa ang mga itik ay may mga kalaro. Kumunot ang noo ni Gani. “Mga itik?” “Oo, itik. ‘Yung parang bibe? Ang pinagkaiba lang ay kulay brown ‘yung mga itik. Iyong bibe naman ay kulay puti,” paliwanag ko sa kaniya. Mas lalo lamang kumunot ang noo ni Gani at hindi nakasagot agad. Kumunot din tuloy ang noo ko, hindi niya ba maintindihan ang ibig kong sabihin? “Ah!” kinalaunan din ay nanlaki ang mga mata niya at sabay na tumaas ang kaniyang dalawang kilay. “’yung bibe at itik, ang English niyan ay duck, hindi ba?” Ako naman ang hindi nakasagot kaagad at inisip pa kung ano ang ibig niyang sabihin. Hindi naman kasi ako maalam sa Ingles kaya hindi ko kaagad naintindihan ang sinabi ni Gani. “Oo, tama! Duck nga iyon,” sambit ko nang maalala iyong mga hayop na inilagay ko sa aking proyekto. Naroon kasi ang litrato ng isang duck pati na rin kung ano ang tawag sa hayop na iyon. Nagkuwentuhan kami ni Gani habang nakaupo at pinanood ang mga dahon na lumulutang sa tubig. Mabagal kasing gumagalaw iyon at wala naman na kaming ibang magagawa bukod sa magkuwentuhan lang. Ngunit sa kalagitnaan ng pagkukuwentuhan namin ay tumayo ako at umupo sa harap ng lawa. “Ano ang gagawin mo, Jessa?” tanong ni Gani nang makita ang ginawa ko. “Maghihilamos.” Kumuha ako ng tubig gamit ang aking mga kamay at pinadausdos ang mga palad sa aking mukha. “Ako rin!” Gumaya rin sa akin si Gani at naghilamos ng kaniyang mukha. Ang masayang pakiramdam na naramdaman ko kasama ang bago kong kaibigan ay natapos din nang bumalik na kami sa tapat ng simbahan. Hindi namin alam parehas kung anong oras na noong bumalik kami, ngunit naghihintay na kay Gani ang kanilang kotse nang makarating kami roon. Isinama pa ako ni Gani hanggang sa kotse nila kaya naman nandito kaming dalawa ngayon sa labas noon. “Dad, this is Jessa, she’s the one I’m telling you! My new friend!” Kumunot ang noo ko sa narinig kay Gani. Hindi ko naintindihan iyon maliban sa pangalan ko pati roon sa salitang ‘friend.’ Hindi naman nagsalita nang ganoon si Gani noong magkasama kami kanina, pero ngayon ay ganoon na ang pananalita niya? “Hi, Jessa.” Nilingon ko ang lalaking nasa harapan naming dalawa ni Gani. Kamukhang-kamukha ni Gani iyon ngunit mas matangkad lamang ito sa kaniya. Tinawag niya rin iyong Dad, siya ba ang tatay ni Gani? “Hello po!” masaya kong bati. Ngumiti sa akin ang tatay ni Gani. “Uuwi na muna si Isagani ngayon. Salamat sa pagsama sa kaniya.” “Walang anuman po?” patanong kong sambit dahil hindi ko naintindihan kung bakit nagpasalamat ang tatay ni Gani sa akin. Nagpaalam na rin si Gani na uuwi na at hiniling na bukas daw ay magkita kaming muli. Pumayag naman ako dahil wala pa rin naman akong pasok at wala rin akong gagawin sa bahay bukod sa maglinis at magluto ng aming pagkain kung wala pa. Pagkatapos noon ay wala na akong ginagawa maliban na lamang kung uutusan ako ni tita Carol. Masayang-masaya ako na umuwi ng bahay. May bago na akong kaibigan, at totoo nga talaga iyon! Noong una ay ayaw ko pang paniwalaan dahil parang hindi talaga totoo na kakaibiganin ako ng isang katulad ni Gani, ngunit dahil isinama ko na siya sa aking paboritong lugar ay itinuturing ko na siyang kaibigan. Isa lang ang hindi ko mapaniwalaan. Bakit ako kinaibigan ni Gani, gayong ibang-iba ang buhay niya sa akin? Mukha siyang mayaman at pakiramdam ko ay palaging masarap ang pagkain nila sa lamesa, samantalang ako ay inuutang pa ang uulamin naming pamilya sa tindahan. Marami pa nga kaming utang sa tindahan ni ate Mei, eh. Naiinggit tuloy ako kay Gani. Mararanasan ko rin kaya ang makasakay sa kotse katulad niya? “Saan ka galing?!” Ang dumadagundong na boses ni tita Carol ang kaagad na sumalubong sa akin hindi pa man ako nakapapasok sa loob ng bahay. Nakapamaywang pa si tita Carol at magkasalubong ang mga kilay. “Diyan po sa simbahan, Tita Carol,” sagot ko sa kaniyang tanong. Nagulat ako nang hilahin ni tita Carol ang aking braso at halos kurutin na iyon. “Kanina pa kita hinahanap! Anong oras na at nasa galaan ka pa talaga!” “Nasa simbahan lang naman po ako–” “Labhan mo itong mga damit ko!” putol ni tita Carol sa aking paliwanag. “hindi ako puwedeng maglaba dahil buntis ako! Baka kung mapaano si baby!” Tinignan ko ang tiyan ni tita Carol at saka nagsalita, “Pero hindi pa naman po malaki ang tiyan ni’yo–” “Gusto mo bang sabihin ko kay David na ayaw mong sundin ang utos ko? Sa tingin mo, sino’ng kakampihan niya sa ating dalawa?” Kaagad akong umiling habang nanlalaki ang mga mata. Wala akong nagawa kung hindi ang sundin ang gusto ni tita Carol. Kinuha ko ang kaniyang mga damit na labahan para malabhan na iyon. Ayaw kong magsumbong siya kay tatay, dahil siguradong ako rin ang mapagagalitan kapag sinumbong niya ako. Wala namang kinakampihan si tatay sa bahay na ito bukod sa kaniya. Pinigilan ko ang aking mga luha bago pa man ito tumulo sa aking magkabilang pisngi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD