Bakasyon.
Medyo humaba na ang earthworm na nasa kahong salamin. Masyadong pinagkaabalahan ni Harvey ang earthworm sa kanyang k'warto. Kung ano-anong kemikal ang itinurok niya rito. Gamit ang sariling pera ay kung ano-ano pa ang pinagbibili ni Harvey.
Hanggang isang araw ay matagpuan na lamang niyang hindi gumagalaw ang earthworm. Marahil ay namatay ito dahil sa iba't ibang reaksiyong naidulot ng mga kemikal na itinurok dito ni Harvey. Pero bahagya pa ring napangiti ang bata. Kahit kasi alam niyang patay na ang earthworm, natuwa pa rin siya sa nakita. Halos hindi na kasi ito magkasya sa loob ng kahong salamin. Ibig sabihin, napalaki niya ang earthworm!
Hinintay ni Harvey na gumabi upang maitapon ang namatay na earthworm. At parang umayon naman sa kanya ang pagkakataon.
"Harvey, ako naman ang makikiusap sa'yo. Ngayon lang 'to," ang seryosong mukha ng daddy niya.
Nakatayo silang magkakapatid sa harap ngayon ng nakaupong mga magulang nila.
"Ayokong kung ano-ano ang gagawin mo ngayong gabi. Ngayong gabi lang habang wala kami, naiintindihan mo?" pagpapatuloy ng daddy nila.
Tumango naman si Harvey. Bahagya pa siyang napatingin sa mommy niyang hindi sinusukuan ang de-takong nitong sandalyas.
"Honey, 'wag mo ng ipagpilitan. Maliit na sa'yo iyan for god's sake! Ang dami mo pang mga sandals hindi ba?" iritang baling ni Gerardo sa asawa nang mapansing nilingon ito ni Harvey.
Bigla namang hinawi ni Alpha ang buhok nitong tumabing sa mukha dahil sa pagkakayuko niya habang pilit ipinapasok ang mga paa sa de-takong nitong sandals.
"Don't tell me hon, tumaba ako??" nanlalaki ang mga matang tanong nito sa asawa.
Biglang tumayo si Gerardo at nagpatiuna na sa pintuan bago muling lumingon.
"Harvey, iyong bilin ko. Baka madaling-araw na kami makauwi ng mommy niyo. Matulog na kayo para walang problema. Manang Ermin, paki lock nang mabuti ang mga pintuan at bintana ha?" bilin naman nito sa katulong nila.
"Opo sir, ako na po ang bahala," magalang namang sagot ng katulong nila.
"What now?!!" baling naman ni Gerardo sa asawa na bahagya pang idinipa ang mga kamay, "Let's go!" at saka ito lumabas ng tuluyan.
"Wait hon!" maarteng sagot ni Alpha na talagang pinilit maipasok ang mga paa sa de-takong nitong pulang-pula ang kulay. Hinablot nito ang shoulder bag na pula rin at paika-ikang sumunod sa asawa. Papunta ang mga magulang sa isang birthday party ng katrabaho ng daddy nila.
Napahagikgik naman sina Kisses at ang kambal na sina Yhella at Yhanna nang makita ang hirap na paglakad ng mommy nila.
"Don't laugh at me! I'm your mom you little brats," galit na baling ni Alpha sa tatlong anak na babae.
Si Harvey naman ay pinigilang tumawa kahit pa tawang-tawa na rin siya sa mommy nila. Sigurado kasi siyang siya nanaman ang pagagalitan dahil siya ang panganay. Pero nang muling lingunin ang mommy niya ay bahagyang siyang napatawa. Paano ba naman eh natapilok pa ito kung kailan nasa pintuan na.
"Mommy si kuya tumatawa!" sumbong-sigaw ni Kisses sa mommy nila.
Muli namang lumingon si Alpha, "Harvey!"
"No mom, she's lying," depensa ni Harvey pero mabilis din itong tumakbo paakyat sa k'warto niya.
Akma pa itong susundan ni Alpha pero narinig niya ang sigaw ng asawa.
"Alpha Jane Carters..!" ang tila nagpipigil sa galit na boses ni Gerardo.
"Yes hon, I'm coming!" sagot ni Alpha at mabilis na itong sumakay sa sasakyan nila.
"Ok, let's go," ngiting-ngiting tingin ni Alpha sa asawa.
Kapag ganoon kasing tinawag siya ng asawa sa buong pangalan niya, siguradong galit na galit na ito sa kanya o mas tamang sabihing inis na inis na sa kaartehan niya.
Bumangon si Harvey sa kama nito.
Alas onse pasado na.
Sinilip nito ang ilalim ng kama. Bumaba siya at hinila ang kahong salamin. Ang bigat na nito. Marahil ay dahil sa lumaking earthworm. Hirap na hirap na hinila-hila ito ni Harvey. Napatigil lang siya ng makarinig ng mga yabag. Bahagya niyang binuksan ang pintuan ng k'warto niya at sumilip. Nakita niya ang katulong nila na buhat-buhat si Kisses na tulog na. Nakatulog nanaman ito sa baba habang nanonood ng telebisyon. Nang maipasok ni Manang Ermin si Kisses sa k'warto nito ay bumaba na ang katulong nila. Sinilip ito ni Harvey mula sa hagdan nila. Nasa baba kasi ang k'warto ng katulong nila.
Nang makitang pumasok na ang katulong sa k'warto nito ay dali-daling bumalik si Harvey sa k'warto niya at muling sinubukang hilain ang kahong salamin. Halos kasing laki rin ng kahon ng twenty-four inches na telebisyong buntis ang kahong iyon. Kaya sadyang mabigat ito. Itinulak niya ito mula sa likuran. At pinagtiyagaang maibaba iyon nang pakunti-kunti sa hagdan nila.
Hindi alam ni Harvey kung gaano katagal bago niya nailabas ang kahong salamin sa bahay nila. Tinulak niya ito hanggang sa likod ng bahay nila. Ang halamanan nilang natatabunan ng nagtataasang d**o ay pinaghahawi niya.
Pinagtiyagaan niyang maitulak palayo sa bahay nila ang kahong salamin. Hanggang makarating siya sa bangin na tatlumpung metro rin siguro ang layo sa bahay nila. Mabilis itong itinulak ni Harvey hanggang maihulog sa bangin. Tagaktak ng pawis na tumakbo pabalik sa bahay nila si Harvey. Kailangang makauwi siya kaagad bago pa dumating ang mga magulang niya at nagtagumpay naman siya.
Natulog si Harvey ng nakangiti. Para sa kanya, kahit namatay ang pinaglaruang buhay ng earthworm, may tagumpay pa rin siyang nararamdaman. Napalaki niya ito.
At sapat na iyon sa batang mahilig mag eksperimento.
Samantala, nabasag ang kahong inihulog ni Harvey sa bangin. Bumagsak ang may kalakihan at katabaan ng earthworm. Maaaring wala na nga itong buhay, pero tila may kung anong naggagalawan sa loob ng katawan ng earthworm na iyon....
Masayang bumangon nang umagang iyon ang batang si Harvey.
"Goodmorning Dad, goodmorning Mom," bungad ni Harvey sa kusina kung saan nagkakape ang mga ito at humalik pa siya sa pisngi nila.
Napaangat naman ang tingin ni Gerardo sa anak pagkatapos ay bahagya nitong inayos ang salamin ng mga mata niya bago muling ipinagpatuloy ang pagbabasa sa hawak nitong diyaryo. Nakagawian na ito ni Gerardo tuwing umaga, lalo na kapag ganoong mga araw, weekends.
"Anong meron?" takang tanong naman ni Alpha sa anak. Hindi kasi ugali ni Harvey na humalik sa pisngi nila tuwing umaga maliban na lang kung papasok na ito sa eskwelahan. Ngayong bakasyon lang na ito iyon ginawa ni Harvey.
"Wala po mommy, masaya lang po ako," nakangiting sagot ni Harvey sa mommy nito.
"Harvey...hindi ba kami dapat kabahan sa saya mong iyan?" seryosong muling angat ng tingin ni Gerardo sa anak.
"No dad, nothing to worry," pasigaw ng sagot ni Harvey dahil nakalabas na ito sa kusina at hindi niya na tanaw ang mga magulang mula sa sala.
"Goodmorning Manang Ermin," bati nito sa nasalubong na katulong.
"Ikaw talaga Harvey, alam mong may kasalanan ka kaya mo ako binati ngayon eh," tila nakasimangot na sagot ni Manang Ermin sa pagbati ni Harvey.
Parang bigla namang kinabahan si Harvey.
Nakita kaya siya nito kagabi?
Siya namang silip sa kanila ng mga magulang mula sa kusina. Bahagyang lumitaw ang ulo ng mga ito mula sa pintuan papuntang kusina.
"Harvey..?" si Gerardo.
"Manang Ermin ano nanaman hong ginawa ng batang iyan?" si Alpha.
Napalunok si Harvey. Hindi pwedeng malaman ng mga ito ang tungkol sa lumaking earthworm. Malalagot siya.
His dad would jump into weird conclusions about it. He could hear again the "maarte words" of his mom. Baka lalo na siyang hindi makagawa ng mga gusto pa niyang gawin.
"Nagkalat po kasi iyong mga halaman sa likod, eh inisip ko pong baka si Harvey po ang may gawa. Okey lang naman po ma'm, naayos ko na po ulit at natanggal ko pa iyong mga ligaw na d**o roon. Binibiro ko lang po itong si Harvey," natatawang sagot ni Manang Ermin kina Gerardo at Alpha.
Nakahinga nang maluwag si Harvey.
Si Manang Ermin ay matandang dalaga. Matagal na rin ito sa kanila. Sa pagkakatanda niya, ito na halos ang nag-alaga kina Kisses at sa kambal. Hindi naman pangit si Manang Ermin. Tama lang. Pero hindi pa siguro nito panahong makita ang ka-forever niya. O p'wede rin sigurong nasa kapalaran na nito ang maging forever single. Basta para kay Harvey, okey na sa kanyang hindi ito magkapamilya para hindi na umalis sa kanila. Mabait kasi ito at kasundo nilang mga bata. Kapamilya na rin ang turing nila rito.
Nakadungaw si Harvey sa banyo nila. Kasalukuyang nagbubuhos si Manang Ermin sa sahig ng tubig upang maitaboy papunta sa drainage ang maliliit na earthworm na lumitaw muli roon.
"Ano ba naman ito, araw-araw ko na lang ba itong gagawin," tila inis na kausap ni Manang Ermin sa mga earthworm na naroon.
Nang lumabas si Manang Ermin ay pinulot nito ang natirang earthworm na maliit talaga kumpara sa nakita niya noon na itinataboy ng mommy niya. Pasimple siyang umakyat sa taas ng nakatago ang mga kamay upang hindi mapansin ng mga kasama sa bahay. Pagdating sa kwarto ay inilagay niya ito sa garapon at itinago muli sa ilalim ng kama niya. Bibili na lang ulit siya ng kahong salamin. Susubukan niya ulit eksperimentuhin ang earthworm na iyon. Sa pagkakataong ito, babawasan niya ang dami ng kemikal na ituturok niya rito. Binuklat pa nito ang notebook niyang naroon. Noong una niya kasing eksperimentuhin kuno ang earthworm na nauna, isinulat niya kung gaano kadami at kung ano ang mga naunang kemikal na itinurok niya roon. Sa gagawin niya muli ngayon,bmagbabawas na siya.
Napangiti si Harvey. Ngayon ay sigurado na siyang balang-araw ay magiging sikat siyang scientist at mas pagtutuunan niya ang tungkol sa mga hayop.
Nang walang ano-ano'y bigla niyang narinig ang boses ng mga kasama niya sa ibaba. Tila natataranta ang mga ito. Agad binitiwan ni Harvey ang notebook at bumaba upang tignan kung ano ang nangyari.
Pagkababa ay nakita niya ang daddy niya na tila may ginagamot sa talampakan ni Manang Ermin. Napabuntung-hininga siya dahil dapat ay ang mommy niya ang nag-aasikaso kay Manang Ermin. Napakaarte talaga ng mommy nila.
Lumapit siya sa mga ito dahil nagtataka siya sa ekspresyon ng mukha ni Manang Ermin, para itong nasasaktan. Tiningnan niya ang talampakan ni Manang Ermin na ginagamot ng daddy niya. Bahagya itong pinupunasan ng daddy niya ng bulak na marahil ay may alcohol dahil may nakita siyang alcohol sa sahig nila. Namumula iyon at tila lumobo nang kaunti. Nagtaka pa siya dahil p'wede naman sigurong si Manang Ermin na mismo ang gumawa niyon. Inisip na lang niya na marahil ay masakit talaga ang talampakan ng katulong nila.
"Ano bang nangyari riyan, Manang Ermin?" tanong ng mommy niya pagtapos tumayo ni Gerardo.
"Eh hindi ko rin po alam ma'm, kanina wala naman po iyan. Pagkatapos ko lang maglinis ng cr bigla ko na lang naramdamang sobrang sakit ng talampakan ko," sagot ng katulong nila.
"Baka may natapakan ka lang ho Manang Ermin, baka nga ho napako lang kayo sa labas kaninang nagdadamo kayo. Magpahinga na muna kayo. Wala naman ng gagawin," si Gerardo habang inaayos ang mga ginamit.
Tumalima naman ang katulong nila. Napaisip naman si Harvey, kung napako nga si Manang Ermin, dapat ay naramdaman nito.
Nagkibit-balikat na lang ang bata at saka lumabas. Kinuha nito ang bisikleta at lumabas na ng bakuran nila. Bike lang ito nang bike sa kalsada palayo sa bahay nila. Hindi iyon highway kaya naman bihira lang ang mga sasakyang dumadaan. Nakarating siya sa tulay na maliit at may mga batang nagtatakbuhan galing sa ilalim ng tulay. Naghahabulan ang mga ito at walang pang-itaas na damit. Waring nakaramdam ng inggit si Harvey nang makitang basa ang mga ito. Sigurado kasing nagtampisaw ang mga iyon sa mababaw lang na tubig sa ilalim ng tulay. Hindi kasi sila pinapayagan ng daddy nila. Katwiran sa kanila, marumi raw ang tubig at baka magkasakit pa sila.
Aalis na sana si Harvey nang may mapansin sa likod ng isang bata. Namumula ang isang bahagi sa likod nito. Katulad ng kay Manang Ermin pero parang mas matindi ang pamumula ng nasa bata. Mas umbok din ang namumulang iyon. Napansin pa niyang parang may sugat doon. Nagtaka si Harvey bago nagpatuloy sa pagbibisekleta.
Saan nakuha ng bata iyon?
***