“SAAN niyo ako dadalhin?” iyon ang naging tanong ni Saphira pagkatapos sabihin ng tatlo sa napagdesisyuan ng mga ito. Pumapayag na ang mga itong itago muna siya hangga’t kailangan pero kapag maayos na ang lahat ay aalis na siya sa poder ng mga ito. Sinabi ng mga itong hindi siya dapat magtagal kasama nila dahil ayaw siyang madamay sa pagiging bandido ng tatlo. Pumayag siya sa naging kasunduan nila. Pero sinabi ni Ludgi na hindi siya maaring manatili sa kubong iyon. Napag-alaman niyang kubo pala iyon ng binata at may sarili ding kubo ang dalawang kapatid nito. “Doon ka muna sa Hardin.” Walang emosyong sagot ni Ludgi. Napatingin siya sa bulto nito. Hindi ito nakatingin sa kanya. Nakaharap ito sa bintana ng sala at nakatingin sa labas. At teka, saan ang ‘Hardin’ na sinasabi nito? Garden?

