PAGSAPIT ng kinaumagahan ay hindi mapakali si Saphira. Para siyang hindi mapaanak na manok sa pagparoo’t-parito niya. Maya’t-maya niyang hinahanap si Ludgi. Nasa kubo siya ng araw na iyon. Kagabi ay hinintay niyang magsabi ang binata sa kanya ng tungkol sa babaeng nagngangalang Ava. Kahit ng magkatabi na sila at patulog na ay naghihintay siya. Subalit mukhang wala talagang balak na magsabi sa kanya ang binata. Sa halip ay pinagkwentuhan nila ang kung ano-anong bagay at ang mga nakakatuwang pamamasyal nila maghapon. Sinabi din nito ang mga nais pa nilang puntahan kapag bumalik na sa normal ang lahat at nakabalik na siya sa hasyenda. Gusto nitong makapamasyal pa sila sa ibang magagandang lugar. Gusto nitong dalhin siya sa isang maayos na date kung saan makakakain sila sa isang magandang ka

