Kabanata 3 MAHAL KITA, INAY

1665 Words
Hindi pa agad umuwi si Maid matapos bilhin ni Rainnah ang kanyang mga paninda. Nagtuloy siya sa karinderya ni aling Nena. Saktong marami-rami ang huhugasin dahil katatapos lamang magluto ni aling Nena para sa ilalako mamayang hapon. May iilan na rin na kumakain kaya dagdag pa iyon. "Hanggang anong oras ka rito, Maid?" tanong ni aling Nena na ngayon ay inilalagay ang kahuli-huliang malaking kaldero sa hugasin. "Hanggang alas sais po. Kailangan po ako ni inay sa bahay," sagot niya at pinagpatuloy kuskusin ang maitim na puwetan ng palayok. Sa kahoy kasi nagluluto si aling Nena. "Oh siya, magsabi ka kung aalis ka na." "Sige po." Alas tres na ng hapon at halos may tatlong oras din siyang maghuhugas. Okay lang iyon dahil galante magbigay si aling Nena ng suweldo. Ilang beses na siyang naging tagahugas nito sa maliit na karinderya. Siya rin lamang ang hinahayaan nitong mamasukan bilang tagapaghugas dahil hindi naman daw talaga kailangan iyon. Ewan niya lang kung bakit ganoon kabait ito sa kanya. "Aling Nena, alis na po ako," tawag niya sa atensiyon ni Aling Nena nang ready na siyang umalis. Nasa counter ito dahil may nagbabayad na customer. "Sandali lang, Maid..." Tumango siya rito at naupo sa bakanteng mesa malapit sa mga pagkain. Doon ay nakabantay naman ang anak ni aling Nena na si Ignacio. Iggy kung tawagin ng mga nakakakilala rito. Iisa sila ng paaralan ni Iggy, gayunpaman, hindi sila nag-i-interact sa isa't isa. May sarili rin itong mundo. Sikat si Iggy sa school nila at maraming barkada. Kaya ewan niya kung bakit pakiramdam niya ay mahirap itong kausapin. O baka siya lamang talaga. Gusto niya itong ngitian nang mahuli niyang nakatingin ito sa kanya. Agad lamang itong nag-iwas ng tingin kaya hindi nito nakita ang ngiting inialay niya rito. Gusto sana niyang kaibiganin ito ngunit sobra namang ilap nito sa kanya. "Iggy, bigyan mo ng ulam si Maid," rinig niyang utos ni aling Nena sa anak. Agad napatayo si Maid para sana sabihing huwag na at talagang nahihiya na siya sa kabaitan nito. Ngunit tingin pa lamang ni aling Nena ay nagpapahiwatig nang bawal tumanggi. "Mamili ka, Maid," utos nito habang nagbibilang ng pera. "Huwag mong tanggihan ang grasya." Napanguso siyang lumapit sa mga ulam. Napalunok siya sa nakakatakam na itsura ng mga ito. May karne at mga gulay. Talagang masasabi niyang masarap magluto si aling Nena. "Ito na lang," sabi niyang itinuro ang ginataang langka. Hindi na ikalulugi ni aling Nena iyon dahil mura lang kapag gulay. Itinuro niyang muli ang gustong ulam ngunit hindi kumikilos si Iggy sa harap ng mga ulam. "Hoy, Iggy, nakapamili na si Maid. Anong tinatunganga mo riyan?" untag na may halong sigaw ang boses ni Aling Nena sa anak. Napansin nga niyang nakatitig si Iggy sa kanya nang tingalain niya ito. Matangkad si Iggy at lalong tumangkad sa puwestong kinalalagyan nito. Napansin niya ang pamumula ng mukha nito bago iniiwas ang tingin sa kanya. "I-ito ba?" tila tarantang tanong nito saka sumandok sa ginataang langka. Dinagdagan pa nito ang takal sa supot na para sa kanya. Nahiya siyang napatingin kay aling Nena na nakangiting nakamasid sa kanila ng anak. "Dagdagan mo ng menudo, Iggy. Baka hindi rin naman maubos," ika pa nito. Namula siya dahil nahihiya na talaga siya. Matalak lang ang bunganga ni aling Nena ngunit sobrang bait nito. Napatunayan na niya iyon ng ilang beses lalo na noong wala silang makain ng kanyang ina. Nahihiya nga lamang talaga siya rito. Ayaw niyang isipin nito na umaabuso siya sa kabaitan nito. Dahilan iyon kaya pasulpot-sulpot lamang siya sa pagtatrabaho rito. "Ang dami naman nito, aling Nena. Salamat po," sabi niya nang lumapit siya sa ginang para kunin ang kanyang suweldo. Dala na niya ang supot ng ulam at sinamahan na rin ng kanin kaya hindi na siya magluluto pa. "Maliit na bagay iyan, Maid. Kung kailangan mo ng trabaho, welcome ka rito," ika nitong inabutan siya ng dalawang daan. Tatlong oras lamang naman siya naglagi roon. "Bakit hindi ka na lamang dito sa akin, Maid. Kesa nasa simbahan ka naglalako ng sampaguita. Mas mahirap at mainit doon," pahayag nito. Hindi na bago sa kanya iyon. Matipid lamang na ngumiti si Maid kay aling Nena. Maganda ang offer ni aling Nena sa kanya. Ngunit ewan ba niya, hindi niya maiwan ang paglalako ng sampaguita. Lalo na noong makilala niya si Miss Rainnah tatlong taon na ang nakararaan. Doon rin nagsimulang hindi na makapagtrabaho ng maayos ang kanyang ina dahil sa palagiang ubo at panghihina. "Oh siya, hindi kita pipilitin. Basta pumarito ka lamang kapag kailangan mo ng extra na pagkakakitaan." "Opo. Salamat po, aling Nena," sagot niya. Bumaling siya kay Iggy na ngayon ay nagsisilbi sa isang customer. "Salamat Iggy," paalam niya saka kumaway at matamis na ngumiti dito nang mabaling ang tingin sa kanya. Nabitiwan nito ang hawak na sandok gamit pantakal dahil sa kanyang ginawa. Humungi ito ng paumanhin sa customer na bumibili. Mabilis naman naglakad si Maid para makauwi na agad. Pakanta-kanta pa siya habang habang ang supot ng pagkain. Sabado bukas, umaga pa lamang ay magiging abala na siya para wala ng gagawin ang kanyang ina. Panigurado kasing kahit masama ang pakiramdam nito ay gagawa pa rin ito ng gawaing bahay, kaya uunahan na niya ito. Maglalaba at gagawin na niya ang mga gawaing bahay para pagdating ng linggo ay malaya na siya para sa pagpunta sa mansiyon ng mga De Luca. Bago kasi umalis ay sinabing maaring gaganapin ang okasyon ng hapon, ngunit gusto ni Miss Rainnah ay naroon na siya bago magtanghalian. Dalhin na lamang daw niya ang ilalakong sampaguita dahil bibilhin nito iyon lahat para ilagay sa altar na nasa mansiyon. Makalipas ng tatlumpo't minutong paglalakad niya ay nahagip na ng kanyang paningin ang kanilang kubo. Medyo malayo kasi sila sa kabahayan at sa puso ng kanilang lugar. Kung tutuusin ay hindi nga masyadong alam ang lugar na kinaroroonan nila. Papunta na rin kasi iyon sa liblib na lugar na sakop ng isla ng Tanaw. May iilan rin naman silang mga kapitbahay ngunit magkakalayo ang kanilang mga tahanan. Ang tirahan nilang iyon ay namana pa raw ng ina sa mga magulang nito. Napabayaan nga lamang iyon dahil matagal na nawala ang ina niya sa lugar at wala an rin ang mga magulang nito matagal na. Kaya ngayon ay problema talaga ang bahay dahil kapag umulan ay tumutulo ang bubong. Isali pa ang mga dingding na marupok na. Huminga nang malalim si Maid. Ang mga bagay na iyon ang nagpapalakas ng kanyang loob para mas maging masipag at lumaban. Kung ang iba ay nawawalan na ng pag-asa dahil sa mga pagsubok na tila kay hirap malagpasan. Ibahin siya. Lalaban siya at gaano man kataas ang pader ay pilit niya iyong bubuwagin para makapunta sa kabila upang makamtan ang pangarap. Ganoon ang isiniksik niya sa kanyang isip mula noong mamulat sa kahirapan ng kanilang buhay. Magtatagumpay siya at maiaahon ang kanilang buhay sa hirap. Ipinapangako niya iyon sa sarili at sa namayapang ama. Papasok pa lamang siya ay rinig na niya ang sunod-sunod na pag-ubo ng ina. Napatakbo siya dahil tila nahihirapan rin itong huminga. "Nay?" Tama nga siya. Halos habulin na nito ang hininga kauubo. "O-k-kay lang ako," hirap nitong sabi. Sunod-sunod na namang inubo. "D-alhan mo ako ng tubig, Maid," utos nitong hirap sa pagsasalita. Mabilis niya itong sinunod. Nagsalin siya ng tubig sa baso at mabilis rin na binalikan ang ina. Inalalayan ito nang inumin ang baso ng tubig. "Nay, baka kailangan na nating pumunta ng hospital..." "A-yos na ako," saad nito ngunit muling inubo. Tinakpan nito ang bibig at iminuwestra ang kamay na lumayo siya dahil ayaw daw siya nitong mahawa. Hindi niya ito sinunod kaya tinakpan na lamang nito ang bibig habang umuubo. "Nay..." Makaraan ng ilang saglit ay tinapik nito ang kamay niyang mahigpit ang pagkakahawak sa balikat ng ina. Hindi niya mapigilang mapaluha sa sitwasyon nito. Kung hirap ito ay mas hirap siyang makita itong nahihirapan. Kailangan niyang gumawa ng paraan para makapag-aral at makatapos ng pag-aaral. Para sa ganoon ay maipagamot niya ito. Malapatan ng naayon na gamutan. Mag-aaral siya para sa ina. "Bakit ka umiiyak?" natatawang sita ng kanyang ina nang makita siyang lumuluha. Imbes na sagutin ay niyakap niya ito nang mahigpit. Sinasabi ng kanyang yakap na hindi niya bibitawan ang ina. Na mahal na mahal niya ito. "Ang drama ng anak ko..." biro nito. Ngunit mas lalo lamang siyang nalungkot. "Nay naman eh!" reklamo niya nang pilit siya nitong kilitiin sa tagiliran. Wala man lamang lakas ang bawat sundot nito sa kanya. Hindi na gaya ng dati ngunit hindi niya ipinahalatang nag-aalala siya. Bumitiw siya sa ina, pinakatitigang mabuti ito. "Konting tiis na lang tayo, inay. Makakaahon po tayo rito," ika niya rito. "Pangako." Napawi ang ngiti ng kanyang ina at umiwas ng tingin sa kanya. "Hindi ba kayo naniniwala sa akin?" tanong niya nang hindi man lamang niya naringgan ng kahit anong sukli na salita sa kanyang sinabi. Mula sa pagkakatagilid ng kanyang ina ay kita niya ang arko ng ngiti sa labi nito. Kinuha ang litrato na halos lagi nilang katabi sa pagtulog. Litrato ng kanyang ama. "Ernesto, talagang maaasahan na itong anak mo," pahayag nitong biglang gumaralgal ang tinig. "Isa na siyang anak na labis nating maipagmamalaki. Nakikita mo ba siya, Ernesto?" biglang humagulgol ng iyak ang kanyang ina. "Kung sana ay narito ka para matunghayan mo naman ang anak natin kung ano siya ngayon, dahil iyom sa pagpapalaki natin. Napalaki natin siya ng maayos kahit na kapos tayo sa lahat," bulalas ng kanyang ina. Hindi mapigilan ni Maid na muling mayakap ang ina. Alam niyang miss na miss na nito ang kanyang ama. Maging siya. Malaking kawalan sa buhay nila nang mamatay ang pinakamamahal nilang haligi ng tahanan. "Mahal na mahal kita, anak. Mahal na mahal kita," anya pa nitong yumakap angboayat na kamay sa kanya. "Mas mahal kita, Nay. Mahal na mahal ko kayo ni Tatay. Wala na akong mahihiling pang iba, basta narito ka lang sa tabi ko Nay."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD