Hindi na halos umahon si Ana sa kinalulubluban niya ng mga sandaling iyon. Kahit na medyo hirap siya sa pagkapit sa tali ng bangka habang gumagalaw ito ay okay lang sa kanya. Masaya siya dahil tila ay abot-paa lang niya ang mga makukulay na isda na nakikita niya sa ilalim. Sa totoo lang medyo kinakabahan siya dahil baka mamaya ay pating na ang makita niya.
Sakto pang huminto na ang kanilang bangka kaya lalo niyang nakilatis ang mga isda. Naghulog pa siya ng biskwit para sa mga ito kaya medyo nag-panic siya nung makita niya yung mga isdang palapit na talaga sa kanya, kaya hindi na niya inulit ito. Busy siyang magmasid ng mga lamang dagat sa ilalim nang biglang siyang nakakita ng malaki-laking isda na kulay itim. Agad siyang napapitlag at muntik ng umahon patungo sa bangka, pero ng muli niya itong tignan, isang taong nag-iisnorkel lang pala ito. Bahagya siyang nakaramdam ng inggit, dahil buti pa ito ay marunong sumisisid, samantalang kahit magpalutang ay hindi niya kaya.
Tila ay malapit-lapit lang ito sa kanya kaya sinubukan niya itong kawayan, nagbabaka-sakaling si Vince ito dahil hindi niya ito mamukhaan dala ng suot nitong snorkeling gear. Nakita niya itong lumingon sa gawi niya at kumaway din ito sa kanya. Mabuti na lang at hindi niya sinuot ang snorkel hose niya kaya napakagat-labi pa siya sa pagpansin nito sa kanya kahit pa nasa kailaliman ito ng katubigan.
Hindi niya maiwasang makita sa ilalim ng dagat ang pagdadaop-palad nila kanina sa ere, kahit anong likot ng mga isda, hindi na yata maalis sa isip niya iyon.. Mabuti na lamang at walang nakakakita sa mga ngisi niya ngayon sa sobrang kilig na nadarama. Kung tutuusin, sobrang perfect ng romantic moment na iyon. Ni hindi niya pa nga ito nakita sa anumang K-Drama sa halos ilang taon niyang panonood niya ng mga ganito, kung meron may ay hindi niya pa napapanood iyon.
Naramdaman niya na naman ang pagbilis ng pintig ng puso niya ng makitang lumalangoy na ito pataas, papunta sa kanya, kaya napagpasyahan niyang umahon na sa bangka. Hirap na hirap siyang umakyat dito dahil sa bigat niya kaya inuna niya muna niya ang kaliwang paa sa pag-akyat, nang biglang may humila sa kanya at bumagsak siyang muli sa tubig. Napabitaw siya sa pagkakapit niya sa bangka kaya tuloy-tuloy ang pagbaba niya sa ilalim ng tubig. Masyadong mabilis ang nangyari.
Sinubukan niyang ikampay ang kamay at paa pero naunahan na siya ng takot at nawalan na ng malay. Pagmulat niya ng mata, naramdaman niya ang init ng hininga na binubuga ni Vince sa kanyang bibig. Nakita naman nito na nagkamalay na siya dahil napabuga pa siya ng tubig, kaya ilalayo na sana nito ang mukha nito sa kanya pero ewan ba niya kung anong espiritu ng kalandian ang sumapi sa kanya at kumapit siya sa leeg nito at muling inilapit ang mukha nito sa kanya dahilan para lumapat ang mga labi nito sa mga labi niya. Akala mo ay hindi siya muntik-muntikang mamatay dahil sa ginawa nito eh. Siguro mga kulang-kulang sampung segundo din ang itinagal ng sapi niya bago siya sa magising sa katotohanan at bumitaw sa pagkahawak niya dito. Naramdaman naman nito ang pag-aatubili niya kaya nilayo din nito ang mukha nito sa kanya. Napaupo na siya at nakita ang naka-ngising mag-ama sa tabi nila.
“Ang wild mo pala,” tukso ng bata sa kanya na sinundan ng malakas nitong halakhak. Napangiwi siya sa inasal nito at saka tinignan ang nakalahad na kamay ni Vince. Nakatayo na pala ito. Inabot naman niya ang kamay nito at tumayo na din.
“I’m sorry. You almost died because of my sick prank.” Saka lang niya naalala ang paghatak nito sa kanya kanina nang paakyat na siya sa bangka. Ah, mabuti naman at naalala nito iyon, at hindi ang ginawa niyang paghalik dito. Ngunit bigla itong nagsalitang muli.
“But I guess, were even now.” Sabay ipinakita nito ang nakakalokong ngiti nito. Ah, be still my heart, muntik ka na niyang mapatay remember?
Sakto namang napatingin siya sa may bandang dibdib niya ng makitang halos wala na pala siyang saplot dahil sobrang dumikit na ang puntas niyang bestida sa basa niyang balat. Kitang-kita na ng lahat ang kanyang kaluluwa. Nagulat siya ng hinubad ni Vince ang suot nitong pantaas na rash guard at iniabot sa kanya, nakita din pala nito ang sentimyento niya. Agad naman niyang sinuot ito. Kinikilig na siya ng husto sa pagiging sweet at protective nito. Pero mas kinilig yata siya sa nakita niyang four-pack na abs nito.Yummy!
Nakapag-banana boat pa sila at saktong palubog na ang araw ng napagpasyahan nilang lumangoy muna sa magandang pampang doon bago sila bumalik sa kanilang hotel. Para ngang ayaw na niyang bumalik, medyo na-disappoint pa siya ng maalala ang kanyang nobyo. Sa sobrang disappointment niya, hinubad na niya ang rash guard na ipinahiram ni Vince kanina. Ready na siyang magtampisaw sa may pampang banda. Nakita niya naman ang pagkunot ng noo nito, na para bang sinasabi nito na may pag-gano'n pa siya eh hindi nga siya marunong lumangoy.
“Huwag kang lumayo!” marahang sigaw nito sa kanya animo ay ama niya. Tumango naman siya dahil bakas sa mukha nito ang taos-pusong pag-aalala sa kanya. Sa isip-isip niya, buti pa ang estrangherong ito, may pakialam sa kanya. Naglakad na siya palayo dito ng biglang may malakas na alon humampas sa kanya dahilan para mapaupo siya sa buhangin ng dagat. Nasa itaas pa naman ng baywang niya ang tubig kaya pa naman niyang tumayo. Pero nagulat siya ng makitang papalapit na si Vince sa kanya. Tila may bahid nang inis na makikita sa mukha nito.
“I told you, huwag kang lumayo!” medyo naiinis nang sabi nito sa kanya. Nagtataka siya kasi ang lapit-lapit pa naman niya sa pampang para mag-alala ito ng ganito. Magdadahilan pa sana siya dito ng bigla siyang yakapin nito ng mahigpit.
“Huwag ka nang lumayo sa akin, please?” mahinang sabi nito sa kanya sa gitna ng higpit ng pagkakayakap nito sa kanya. Kahit hindi niya masyadong maintindihan ang sinabi nito ay gusto na sana niyang gumanti ng yakap dito. Sasabihin na sana niya dito kung ano ang dinidikta ng puso niya, nang makita niya ang isang pamilyar na lalaking palapit sa kanila.
Tinanggal niya ang sarili sa mahigpit na pagkakayakap nito at kahit medyo nasasaktan siya, sinambit niya ang mga salitang ayaw niya sanang iparinig dito.
“May boyfriend na ako.”