Joymi is very grateful that her second pregnancy is not sensitive and dangerous. Nang makumpirma ang pagbubuntis niya matapos siyang samahan ng ina na magpa-checkup ay halos linggo-linggo ring naroon sa Taguig ang kaniyang mga magulang.
She is now five months pregnant pero hindi ganoon kalaki ang umbok ng tiyan niya kaya hindi naman siya nahihirapan masyado sa pag galaw. Ipinagpapasalamat niya ring hindi siya nakakaramdam ng morning sickness ngayon katulad ng naranasan niya noon kaya nakakapag-trabaho pa siya sa bahay at naalagaan pa at the same time si Aeriya.
"Aalis ka na agad? Hindi ka na ba mag-aagahan muna?" tanong ni Joymi nang makita si Franz na tila nagmamadaling umalis.
"Hindi na. Ipe-present kasi namin ang income statement today sa COO kaya kailangan kong magmadali. Kailangan pa naming i-compile ang mga reports ng per analyst and per branch para hindi hassle mamaya. Naghabol lang kami kahapon dahil biglaang presentation ito since nagkaproblema sa sales ang ilang branches specially sa mga lugar na binaha at inabutan ng bagyo. Maraming mga products ang nasira at hindi na pullout," Mahabang paliwanang nito habang abala sa pagtingin sa cellphone nito.
"Mauna na ako, ha? Susubukan kong makauwi ng maaga mamaya," paalam nito bago nagmamadaling umalis. Pumunta lang ito sa kusina para sumimsim sa tinimpla niyang kape at para na rin siguro magising ang diwa nito kapag nainitan ang sikmura. Para hindi marahil antukin sa pagmamaneho.
Napatingin na lang tuloy si Joymi sa hinandang agahan at saka malalim na napabuntong-hininga. Kung minsan ay naninibago siya sa pagiging busy ni Franz pero sinusubukan niya pa ring intindihin ito dahil alam niya namang ginagawa lang nito iyon para rin sakanila.
Nanlulumong umupo sa harap ng hapag si Joymi. Bigla ring sumagi sa isipan niya ang naging usapan nilang mag-asawa nang minsang kamustahin niya ang lagay nito sa opisina.
"Bakit gising ka pa? Gising pa ba si Aeri?" tanong ni Franz nang madatnan si Joymi sa kusina. Saktong kukuha siya ng maiinom nang dumating ito. Gaya nang mga nakaraang araw ay inabot na naman ito ng alas-onse ng gabi.
"Tulog na siya. Napagod yatang makipaglaro kay papa kaninang umaga kaya himbing na himbing na ang pagtulog ngayon. Hapon na kasi sila umalis ni Mama kanina."
"Ganoon ba? Mukhang na-miss talaga nila ng todo si Aeri."
"Kumain ka na ba?"
"Hindi pa nga, eh. Hindi na namin naharap mag-dinner dahil alam mo na. Madami talagang hinahabol na deadline sa tuwing last week of the month."
"Umupo ka na at ipagsasandok kita ng makakain. Nagluto si Mama kanina ng menudo bago sila umalis," sambit naman ni Joymi. Agad namang umupo ang asawa. "Kamusta naman sa trabaho?" maya-maya ay tanong niya habang pinapanood itong kumakain.
Galing sila sa ospital kanina ng ina at nakumpirma na nga niyang buntis siya. She is two months pregnant at balak niya na nga ring sabihin ang balita kay Franz kaya sinisimulan niya sa light topic. Araw-araw niya namang tinatanong kung kamusta ang araw nito, eh.
"Okay naman. Habang tumatagal mas nagiging malinaw na sa akin ang gusto kong maabot na posisyon sa kompanya. Good thing at na-appreciate ng COO ang trabaho ko kaya promoted na ako as supervisor. I will continue doing good to impress the boss at baka sakaling ma-promote ako as Internal Auditor."
"Gusto mong maging Auditor? Not accounting Manager?"
Tumango-tango pa ito habang may malawak na ngiti sa mga labi. "Yes, iba kasi ang dating sa akin ng mga nasa audit staff. Napaka-importante ng trabaho nila sa company since sila ang nagdo-double check sa mga reports. Para silang mga imbestigador and I really like that. Napaka interesting ng trabaho nila. At higit sa lahat, mas mataas din ang salaries and benefits na offer sakanila."
"Bakit naman may special treatment sakanila?"
"Mas broader kasi ang sakop nila kumbaga. Dahil kami sa accounting department focus sa recording of transactions, finance department is focus sa cashflows report and so on while ang mga auditor sakop nila lahat ng department. Lahat ng report chinecheck at vine-verify nila." Tumango-tango na lamang si Joymi habang pinapakinggan ang mga sinasabi ng asawa.
Kilala ni Joymi si Franz. Alam niya ang ugali nitong kapag may ginusto itong maabot ay gagawin nito ang lahat para ro'n. Sabi nga rin nito ay ginagawa lang naman niya iyon para sakanila. Para sa future ng mga anak nila kaya bakit naman siya magrereklamo 'di ba?
---
"Bakit ganito? Masyadong maraming nasirang products sa area mo, Franz. Bakit hindi ito na-coordinate sa operation supervisors para sana nai-transfer sa ibang malapit na branches na mas malakas kahit papano? Kayo ang may hawak ng inventory kaya kayo ang nakaka-alam kung aling branch ang maraming laman. Sa Umingan naubusan tayo pero tambak tayo kay Villasis. Hindi ka naman bago. Alam mo na nag-ta-transfer tayo ng products if needed right?," malumanay ngunit dismayadong sambit ng COO habang nakatingin sa inventory report na ibinigay niya. "Verna, hindi niya ba nai-report ito saiyo?" baling nito sa Accounting Manager na kasama niyang ipinatawag.
"No, Ma'am. Nagtanong naman po ako three or four days ago before pa lumakas ang bagyo sa pangasinan kung anong lagay nang inventory per branches dahil possible na ma-hold ang deliveries and wala ring mag-pull out ng products if ever. Nagawan naman po ng paraan sa Nueva Ecija area since nakatanggap ako agad ng report kay Dona," tukoy nito sa accounting supervisor rin na kasamahan niya.
Naikuyom na lang naman ni Franz ang kamao. He did tell his manager na alanganin ang inventory sa villasis but the problema is wala siyang written report kaya wala rin siyang proof kahit na mangatwiran siya. Hindi nga rin niya mawari kung bakit mainit ang dugo nito sakaniya. Hindi niya naman basta nalang pwedeng i-defend ang sarili niya without any proof because aside sa mas matagal na ito sa company ay kamag-anak pa ito ng Vice President for production kaya sino siya para mas paniwalaan?
"I am very disappointed in you, Franz. I didn't expect you to make this kind of mistakes. Napakababaw nito. Don't tell me nagkaka-attitude ka na just because mabilis ang promotion mo kumpara sa iba kaya hindi ka na nakikipag-communicate ng maayos sa manager mo."
"No, Ma'am. I did mention the possible out of stock and over stock in my area in case na mag hold ng deliveries even before niya hingiin ang reports," pagtatanggol niya sa sarili. Hindi niya naman kasi maatim na masira ang tingin sakaniya ng COO nila ng ganoon na lamang. "But it is also my fault dahil nag-report lang ako verbally kaya hindi naaksyunan agad dahil sunod-sunod na ang reports na natanggap ni Ma'am Verna," kahit papaano ay pagbawi niya naman.
"Is that true, Verna? If he did inform you earlier how come na nakalimutan mo?" Hindi marahil nito inasahang magsasalita siya kaya naman nawalan ito ng imik nang balingan ito ng COO para komprontahin.
Nang walang matanggap na sagot ito mula kay Verna ay tumawag ito sa accounting department gamit ang intercom at pinapunta roon ang lahat ng Accounting Supervisor.
"Mula ngayon, lahat ng i-re-report niyo sa manager niyo even the smallest problem ay diretso niyo ring i-re-report sa akin. Right after ninyo siyang makausap ay pupunta kayo rito para kausapin ako. At hind ko na rin papayagan ang verbal report. Dapat printed at make sure na ipapa-receive o kukuhanan niyo ng signature ang kung sino mang tatanggap ng report niyo. Relay this message sa mga analyst dahil pati sila ay magbibigay rin sa akin ng copy ng incident report na ipinapasa nila sainyo. Nagkakaintindihan ba tayo?"
"Yes, Ma'am," sabay-sabay na tugon naman ng mga ito.
"You may leave now except for Franz. After lunch na ang presentation ng income statement. We are dismissed for now."
Todo-todong kaba ang nararamdaman ni Franz ng ipaiwan siya. Huwag naman sana siyang pabigyan ng memo nito. Kung hindi ay ikakasira ng records niya iyon.
"To be honest, I am very disappointed to see this kind of trashy report from you, Franz," sambit nito ng makaalis na ang lahat. "Bobo lang ang gagawa nito. Anong klaseng katangahan ang papasok sa isip ng isang tao para hindi aksyunan ang malinaw na problema? Kaya nga hindi ako naniniwala na wala kang ginawa because I know the quality of your work. I know how meticulous you are when it comes to solving the problems. Pero next time, huwag kang makakampante sa pagre-report lang. Kung alam mong hindi na-aksyunan ang problema bakit hindi ka kikilos? Palalampasin ko ito sa ngayon pero sana ay huwag ng maulit. Huwag mong sayangin at sirain ang tiwalang ibinigay ko at ng company saiyo."
"Yes, Ma'am. I'll keep that in mind."
"Good. You may go now."
Buong araw na tahimik at hindi kumikibo si Franz dahil sa nangyari. Sa trabaho talaga ay hindi mo alam kung kailan ka masasaksak ng patalikod. Kahit pa pala nasa iisang departamento kayo. Kung may gustong humila saiyo pababa ay hihilahin ka pa rin. Medyo mahirap lang sa part niya dahil mismong manager nila ang may ayaw sakaniya.
----
Maagang umuwi si Franz ngayong araw o mas tamang sabihing inuwi nito ang trabaho ngayong araw. Alas sais pa lang ay nasa bahay na ito ngunit mula nang dumating ay hindi na maalis ang tingin nito sa harapan ng laptop.
"Daddy! Can we play?" dinig niyang tanong ng anak dito nang lapitan ang ama. Kasalukuyan kasi siyang nagluluto ng hapunan. Napasarap ang tulog nilang mag-ina kanina kaya hapon na silang nagising at hindi tuloy siya nakapagluto ng maaga.
"Busy si Daddy. Doon ka na muna kay mommy, " sagot nito habang nakatutok pa rin ang mata sa screen ng laptop nito.
Tila wala namang narinig si Aeriya dahil sa halip na umalis ay umupo lang ito sa mahabang sofa sa may sala katabi ng ama at saka sinimulang pindot-pindotin ang maingay na laruan nito na siyang nagpainit ng ulo ni Franz.
"Ano ba, Aeri! Sinabi ng 'wag kang maingay at may tinatapos ako, eh!" Gulat na napatingin si Joymi sa gawi ng mag-ama. Ang anak ay nakatitig lang din kay Franz na tila sindak na sindak sa nangyari. Ito kasi ang unang beses na nasigawan nito ang anak.
Inisip na lang naman ni Joymi na marahil ay masyado lang stress ito kaya ganoon. Imbes na punahin si Franz ay madali siyang nagtungo sa sala para kunin ang bata na ngayon ay tulala pa rin at walang imik.
"Tayo na lang ang may play later, ha? Malapit na matapos si mommy" sambit niya nang ilapag si Aeriya sa upuan sa may kusina. Nang lingunin niya ito ay nakalabi ito at nangingilid na ang mga luha.
"Hindi na po ba ako love ni daddy?" Napalingon na lamang siya sa asawa na ngayon ay abala na ulit sa pagtipa doon sa laptop nito.
"Love ka ni daddy. Bad lang kasing hindi sumusunod sa sinasabi ng mommy at daddy. Pag sinabing huwag malikot, dapat behave lang para hindi nasisigawan, okay?"
Tumango na lamang ito at saka sunod-sunod na suminghot para umurong ang mga luha. Kakausapin niya na lang mamaya si Franz tungkol sa pangyayari. Ayaw niya rin naman kasing mag-away sila sa harap ng anak. Para sa kanya ay hindi maganda kapag namulatan ng mga bata ang pagsisigawan ng mga magulang dahil maaring makuha nila iyon. Ayaw niyang lumaking mahilig sa gulo ang mga anak.