Hindi madalas na dapuan ng sakit si Cristina. Paminsan-minsan lang siya nagkakasipon. Hindi siya madaling mahawa. Ngunit kapag nagkakasakit ay nahuhulaan niya. Kakayahan daw iyon, ayon sa biro ng ilang malalapit na kaibigan. Ang paniniwala niya ay kabisado lang niya ang katawan. Isang umaga bago pumasok sa trabaho ay bigla siyang napahatsing. Ipagsasawalang-bahala ng isang karaniwang tao ang ganoong bagay. Ngunit iba ang hatsing na iyon ni Cristina. Malakas ang kanyang kutob na magkakasakit siya. “Magkakasakit ako bukas, Chief, kaya hindi muna ako makakapasok. At sa susunod na tatlong araw,” walang anumang sabi niya pagpasok na pagpasok sa loob ng opisina ni Chief Mendoza. Kaagad kuminang sa pagkaaliw ang mga mata ng chief. Inakala nitong nagbibiro lang siya. Ilang sandali na hinayaan

