Ang Paghihintay

2208 Words
By Michael Juha getmybox@h*********m fb: Michael Juha Full ----------------------------------                 Para akong isang baliw. Ngunit napag-isip-isip ko na baka magbago rin ang kanyang isip at babalik siya. Nasa bukid kasi ang libingan ng kanyang inay at kapatid. At nangako siya na hindi niya iiwan ang mga ito. Kaya sa isip ko, sigurado akong babalik din siya. At handa akong maghintay. "Naghihintay sa iyo ang inay at kapatid mo, Meg. Naghihintay din ako..." ang palagi kong ibinubulong sa hangin na para bang ang hangin ay nakakarinig sa aking mga hinagpis at ipararating nila ito sa kanya, saan man siya naroon. Lumipas ang isang linggo, nanatili pa rin ako sa barong-barong. Tila masisiraan ako ng bait sa kahihintay at kaiisip sa kanya. Kapag may narinig akong ingay ng ibon, magtatakbo na ako palabas ng kubo o hahanapin ang pinanggalingan ng ingay, nagbakasakaling galing kay Meg ang tawag na iyon. Minsan, aakyat ako sa tuktok ng malaking bato na paboritong akyatin ni Meg kapag nalulungkot siya upang doon, kagaya ng palaging ginagawa niya, magpatugtog ako ng plawta. Minsan din, parang ayaw ko na lang kumain dahil nawawalan na ako ng gana at gusto ko na lang matapos ang buhay. ...at wala pa ring Meg na dumating. Isang araw, bumaba ako sa bayan, bumili ng ilang gamit at supply. Nang nagkaroon ng signal ang aking cp, may mensahe. Si Weng. "Tob... umuwi ka. Inatake sa sakit sa puso ang iyong mommy. Pumanaw na siya." Tila gumuho ang mundo ko sa pagkabasa sa text na iyon. Dali-dali akong umuwi. Naabutan ko pa ang lamay. Agad kong tinungo ang kabaong at doon, lihim na umiyak. Alam ko, ako ang dahilan sa kanyang pagkamatay dahil sa ibayong lungkot niya sa ginawa kong disisyon. Sobrang nakonsyensya ako sa aking ginawa. Naalala ko tuloy ang kalagayan ni Meg noong namatay din ang kanyang ina. Ang sakit pala. Umiyak ako nang umiyak. Halos walang mapagsidlan ang lungkot na aking nadarama at galit sa aking sarili. "Lumayas ka dito! Ikaw ang dahilan ng pagkamatay ng iyong ina! Baklaaaa! Lumayas ka!!!" ang narinig kong sigaw. Nang nilingon ko ang pinagmulan ng boses, ang aking step-father pala. Bigla niya akong sinugod at nang nasa harap na niya ako, pinaulanan niya ng suntok ang aking mukha at katawan. Natumba ako. Ngunit hindi ako lumaban. Hinayaan ko lang siya sa kanyang pagsusuntok sa akin. Tanggap ko iyon ng maluwag sa dibdib. Tama lang na matikman ko ang mga iyon. Kahit patayin pa niya ako, hindi ako papalag, hindi ako lalaban. Ang pambubugbog sa akin ng aking step-father ay hindi sapat na katumbas sa pagkamatay ng aking ina at sa pagkawasak ng mga pangarap nila. Ramdam ko ang dugong dumaloy sa aking pisngi at bibig noong inawat na ng mga security guards ang step-father ko. Nilayo nila siya sa akin at ako naman ay pinatayo, kinaladkad palabas. "Palabasin iyan dito! Palabasin iyan dito! Mapapatay ko ang walang-hiyang baklang iyan!!!" Umalis ako sa lugar. Tinext ko na lang si Weng at inalam ang araw at oras ng libing ng aking ina. Umuwi ako sa kubo na doble-doble at nagkapatong-patong ang naramdamang kalungkutan. Wala si Meg, nawala na rin ang aking ina. At nag-iisa na lang ako sa mundo. Sa araw ng libing ng aking ina, naroon lang ako sa isang malayo-layong sulok, pinagmasdan ang kanyang kabaong hanggang sa tuluyan na itong ipinasok sa kanyang nitso. "Patawad mom. Hindi ko po intensyon na sirain ang ating pamilya. Hindi ko po sinadya na maging ganito ang buhay ko, ang buhay natin. Sana po ay naintindihan ninyo ang kalagayan ko mom. Ako man ay naguluhan din sa aking sarili. Hindi ko alam kung bakit ako nagkaganito. Sana mom, magkaroon ka na ng katahimikan... I love you po." bulong ko. Nagsiuwian na ang ibang nakilibing at tumalikod na rin ako upang lumisan noong narinig ko ang, "Tob..." Si Weng. Nakatayo sa aking likuran. "Condolence Tob..." ang malungkot niyang sabi sabay abot sa kanyang kamay. Gusto kong umiyak sa kabaitan ni Weng, ibulatlat sa kanya ang saloobin. Ngunit pilit kong nilabanan ang aking sarili. Pilit kong ipinakita sa kanya ang aking tatag. "S-salamat Weng." "Kumusta ka na? Mukhang pumayat ka..." "O-ok lang ako Weng. Ok lang ako." "I don't think you're ok Tob... Kilala kita. Kung may isang tao man sa mundo na lubos na nakakakilala sa iyo... ako iyon." sambit ni Weng. Inangat niya ang kanyang bag, binuksan iyon at hinugot ang kanyang wallet, may kinuha. "Heto... ang isang credit card ko. Alam kong inilakad ni Tito ang pagpapaputol sa mga credit card access mo at blocked na rin ang mga bank accounts mo. Gamitin mo iyan kapag kailangan mo ng pera o pambili ng gamot." "H-hindi ko matanggap iyan, Weng." "Tob please... kalimutan mo na ang lahat. Tanggap ko na iyon. Narito ako bilang kaibigan. Alam kong kailangan mo iyan." At dahil sa pangungulit ni Weng, tinanggap ko rin ang credit card. Sa sarili ko lang, totoo rin naman ang sinabi niya. Magagamit ko iyon sa panahon ng kagipitan. "S-salamat Weng... Napakabait mo." Sinuklian ni Weng ang pasasalamat ko ng isang tipid na ngiti. Aalis na sana ako noong, "Tob... isosoli ko na arin itong singsing mo..." sabay hugot ni Weng sa singsing mula sa kanyang wallet at iniabot ito sa akin. Binitiwan ko ang isang pilit na ngiti. "Kunin mo siya Weng... alaala na lang natin. Bilang magkaibigan. Please...?" ang sagot ko sabay paandar sa aking motorsiklo. MAY ISANG buwan pa ang nakalipas at wala pa ring Meg na sumipot. "Maghintay pa ako ng isa pang linggo... at kapag hindi pa rin dumating sa kubo si Meg, susundan ko na siya sa Malaysia." Lumipas pa ang isang linggo at walang Meg na bumalik. Kaya nabuo sa isip ko ang sundan ko na siya. Agad kong tinext si Weng upang magpaalam na gamitin ko ang kanyang credit card dahil sa disisyon kong iyon. Hindi naman siya tumutol bagamat halata sa kanyang boses ang pag-aalangan, ang pangamba. "Isa lang ang kundisyon kong hilingin bago ka umalis..." "A-ano?" "Magpacheck up ka sa doktor upang sigurado ka sa iyong kalusugan. At kapag nakita sa resulta na bumalik ang karamdaman mo, huwag mo nang ituloy ang balak mo... Puwede ba?" "Ok..." ang sagot ko. Kaya nang nakababa ako ng bayan upang bumili ng mga gamit na dadalhin, nagpa-check up na rin ako. At dahil may dalawang araw muli bago malaman ang resulta, bumalik muli ako sa kubo, inihanda ang sarili at mga gamit. At sa araw na sinabi ng doktor kung saan mai-release ang resulta ng check up, sinabay ko na rin ang aking pagbaba ng bayan upang tuluyan nang sundan si Meg sa Malaysia. Nang makuha ko na ang resulta, tinext ko kaagad si Weng. "Weng... nakuha ko na ang resulta. At tutuloy ako." "So... ok ang resulta, Tob? Hindi na bumalik ang iyong karamdaman?" "Hindi na Weng. Kung kaya ay tutuloy ako. Ordinaryong ubo lang iyong pag-uubo ko sabi ng doktor. At bumili na ako ng gamot. Iyong pagpapamayat ko raw ay sanhi lang iyon ng kakulangan ng tulog at pagkain... Wish me good luck Weng!" "Good luck, Tob. At sana ay mahanap mo siya at makabalik kayo nang matiwasay. Huwag mong pabayaan ang iyong sarili, Tob. Mag-iingat ka palagi. Ipanalangin ko ang tagumpay ng iyong lakad." "Salamat, Weng. At ikaw... mag-ingat ka rin. Ipanalangin kong mahanap mo na ang taong siyang tunay na nakalaan para sa iyo." MAHIRAP ang aking karanasan sa pagbiyahe patungong Malaysia. Tinungo ko muna ang Tawi-tawi sa dulo ng Mindanao at saka doon, sumakay na ng bangka. At dahil illegal entry ako na matatawag, takot na takot ako kapag may nakikitang mga awtoridad. At maliban sa kanila, kinatatakutan ko rin ang mga sindikato, ang mga rebelde, ang mga extremists, ang mga mandurukot at iba pang mga taong may masasamang-loob. Nagkahalo-halo na kasi lahat. Doon ko narealize ang hirap na pinagdaanan ni Meg. Nang nakarating na ako sa Sabah, nagbiyahe naman ako patungong Kota Kinabalu at doon naghanap ng matutuluyan. Pinili ko ang isang mumurahing bed space upang makatipid. Iniisip ko kasi na ganoon din ang ginawa ni Meg. Isa pa, nahihiya ako kay Weng. Kinabukasan, sinimulan ko na ang paghahanap. Inikot ko ang syudad ng Kota Kinabalu, at ang mga karatig-lugar kung saan ko mapag-alamang may maraming Pinoy. Pinuntahan ko rin ang mga factories, ang mga farms at plantations. Tiniis ko ang init, ang pagod at hirap. Kahit ang aking pagkain ay nakakaligtaan ko na rin minsan. Ilang beses ko ring naranasan ang mawalan ng malay sa gitna ng paglalakad, ang makatulog sa mga waiting sheds, ang maulanan, ang maligo sa pawis sa sobrang init. Wala pa ring Meg akong nakita. Sa bawat gabi na umuuwi ako sa aking nirentahang bed space at walang resultang nangyari, tila lalong nawawalan ako ng lakas. Nadidismaya. Ngunit malakas pa rin ang hangarin ng isip kong ipagpatuloy ang paghahanap. Hindi pa rin ako sumuko. Hanggang sa naisipan kong magpaskil ng litrato ni Meg sa mga pampublikong bulletin boards, sa mga poste, at sa mga malls. Gusto ko pa sanang dumulog sa mga himpilan ng pulis at TV ngunit dahil illegal ang pagdayo ko roon, ipinagpaliban ko ito. Naghintay ako. Isang linggo, dalawang linggo, tatlong linggo... wala akong natanggap na feedback. Parang gusto ko nang sumuko. Pakiwari ko ay isang kandila ang aking pagnanais na mahanap siya at sa bawat araw na lumipas at wala pa ring resulta, unti-unti itong natutunaw. At hindi lang ako unti-unting nawalan ng pag-asa; may takot din akong nadarama. Takot na baka nakulong siya, nabiktima ng mga sindikato o mga taong may masasamang-loob. At ang pinakamatindi, baka na-salvage. Marami kasi akong narinig na mga kasong nahuli at nakulong dahil sa kawalan ng mga papeles. Ang iba ay ginawang slave workers at ikinulong sa pagawaan. At ang iba naman, napatay ng mga masasamang loob. Sobrang gulo ng aking isip. Sobrang takot na baka hindi ko na siya makikita pa. Eksaktong isang buwan ang lumipas mula nang magpaskil ako ng litrato ni Meg, may tumawag sa aking cell phone. "Ito ba iyong Tob na naghanap kay Meg?" sambit sa kabilang linya. Sobrang excited ko sa pagkarinig sa tawag na iyon. At sa tono ng kanyang pananalita, napag-isip-isp kong isa siyang Pinoy. Marami kasing Malaysians sa Sabah na marunong magsalita ng Tagalog. Ngunit malalaman mo sa tono ng kanilang pananalita kung sila ay Pinoy. "O-opo. Opo. A-alam niyo ba kung saan siya makikita?" ang sagot ko. "Oo. Alam ko. Magkita tayo sa isang lugar..." Dali-dali kong pinuntahan ang sinabing lugar. Isa pala itong inabandonang building at walang katao-tao. "Ikaw ba si Tob?" "Oo... ikaw iyong nakausap ko sa telepono?" "Oo..." ang maiksing sagot niya sabay pagpalabas ng kanyang baril at itinutok iyon sa akin. "Ilabas ang pera mo! Daliii!" Doon na ako nagsisi. Isa palang hold-upper ang taong nagpanggap na alam niya ang lugar na tinitirhan ni Meg. Wala na akong nagawa kundi ang ipalabas ang aking wallet na naglalaman ng aking mga ID, pera, at ang masaklap, ang credit card ni Weng. Kinuha rin niya ang aking cell phone. Noong naibigay ko na ang mga ito sa kanya, dali-dali rin siyang tumakbong palayo. Laking panghihinayang ko sa nangyari. Hindi ko na nga nahanap si Meg, nawala pa sa akin ang mga bagay na kailanganin ko upang mag-survive sa lugar, bagamat nagpapasalamat pa rin ako na hindi niya ako pinaslang. Ngunit ang pagkawala sa mga bagay na iyon ay isang napakalaking dagok sa aking hangaring matagpuan si Meg. Sobrang lungkot ko sa sandaling iyon. Wala na nga akong pera, pati pa ang pang credit card ni Weng ay nadamay. At hindi lang iyan, pati cell phone ay wala na rin ako... at wala ring Meg akong natagpuan. Sobrang pagkalito ang aking naramdaman. Naglakad ako sa kalsada nang hindi alam kung saan ako tutungo. Mabuti na lang at may isang Pinoy akong nakasalubong at tinulungan niya akong maka-contact sa Pilipinas gamit ang kanyang cell phone. Pinangakuan ko na lang siya na babayaran kapag nagkaroon na ako ng pera. Doon ko na nakontak si Weng. Ikinuwento ko sa kanya ang lahat pati na ang pagnakaw sa credit card niya. Pinayuhan ko siya na ipacancel agad ang card niya. "Tob... magpadala ako ng pera ngunit please, umuwi ka na. Ako ang natatakot para sa iyo d'yan!" ang tarantang sambit ni Weng nang makausap ko siya. Hindi kaagad ako nakasagot. Ang puso ko ay naghahangad pa rin na mahanap si Meg. "Tob... walang silbi ang paghahanap mo sa kanya kung sa huli ay mabibigo ka na nga, mamamatay ka pa d'yan sa lugar na iyan. At malay mo rin, baka bumalik na siya rito. Kaya huwag mong aksayahin ang buhay at oras mo d'yan. Bumalik ka na please." Doon na ako napaisip. Tama nga naman si Weng. Anong silbi kung mamamatay lang ako sa lugar na iyon at hindi pa mahanap ang taong dahilan ng pagpunta ko roon. At saka, baka nga umuwi na rin si Meg at nasa kubo na niya, dahilan kung bakit hindi ko na siya mahanap pa sa Sabah. At kung sakaling hindi rin talaga siya bumalik sa kubo, kahit papaano, doon ko na lang siya hihintayin. Mamatay man ako sa paghihintay sa kanya, at least, kasama ko ang mga mahal niya sa buhay, na nasa likod ng barong-barong. "S-sige Weng... uuwi na lang ako." Ang naisagot ko. (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD