ELARA’S POV
Huminto kami sa harap ng kulay itim na kotse. Ibig sabihin sa kaniya pala itong kotse na nakaparada ngayon sa mismong harap ng mansion. Kung alam ko lang na sa kaniya ito nang makita ko pagdating pa lang namin, hindi na kami tumuloy at niyaya ko na ang mga anak ko para umuwi.
Binuksan niya ang back seat at agad na pumasok si Mathias, sumunod naman ang dalawa pang kakambal niya.
Sasakay din sana ako pero pinigilan ako ni Matheo. Tinaas pa niya ang dalawang kamay niya.
“Mama, sikip na po kami dito. Sa una ka na lang po,” saad niya.
Alanganing tumingin ako kay Sean na tumango naman sa akin. Bahagya akong nakayuko kaya umayos ako ng tayo.
Sinarado na agad ni Sean ang pinto at napaatras ako dahil sobrang lapit niya. Nakita ko pang tumaas ang isang sulok ng labi niya dahil sa ginawa ko kaya umirap ako.
Mabilis akong umikot para sumakay. Ayaw ko sana sa unahan pero pakiramdam ko pati anak ko, napagkaisahan ako. Kita ko pa si Gerlie na nakatingin sa amin. Isa siyang kasambahay sa mansion na medyo parang may galit sa akin kahit wala naman akong ginagawa. Napapansin ko kasi ang mga irap niya kapag nagkakasalubong kaming dalawa.
Sumakay na rin si Sean. Parang biglang sumikip ang buong kotse dahil sa presensya niya. Tumingin ako sa mga anak ko. Komportable na silang nakaupo sa huli. Kita ko pa tila naa-amaze sila sa kotse ni Sean.
“May car ka rin po pala gaya ni Sir Ashton, ibig sabihin, mayaman ka rin, Sir?” biglang tanong ni Mathew kay Sean na nagmamaneho pero ang bagal ng takbo niya.
Parang mas mabilis pa takbo ng padyak kaysa sa takbo ng kotse niya. Hindi ko alam kung sinasadya ba niya o hindi.
“Pinsan siya ni Sir Ashton, apo siya nina Sir Gustavo kaya ibig sabihin ay mayaman din siya,” si Mathias na ang sumagot sa tanong ni Mathew.
“Matalino mga anak mo,” komento ni Sean at tumingin sa akin.
“Syempre naman po, nagmana kami kay Mama,” may pagmamalaking sagot ni Mathew kaya napangiti ako.
“Really? Then ano ang namana ninyo sa Papa n’yo?”
Malakas akong naubo sa tanong ni Sean. Pinagpawisan ako bigla ng malamig at kung pwede lang akong tumalon palabas ng kotse ay ginawa ko na.
Bakit naman sa dami ng tanong niya ay iyon pa?
“Mommy, are you okay?” nag-aalalang tanong sa akin ni Mathias.
“Yes, baby. May nakaalala lang siguro sa akin kaya nasamid ako,” pagsisinungaling ko.
Tumingin naman sa akin si Sean. Ewan ko ba kung guni-guni ko lang o hindi, pero kita kong ngumisi siya.
“Sabi po nila medyo kamukha raw namin si Sir Ashton pero hindi naman po namin siya Papa,” pagdadaldal pa ni Mathew.
Akala ko pa naman ay naiba ko na ang usapan pero binalik pa rin niya.
Anak naman. Bakit hindi ka nakisama?
“Really?” pagsakay naman ni Sean.
“Opo, pero kayo po ni Mathias, pareho po kayo ng kulay ng eyes,” saad pa ni Mathew.
Kung katabi ko lang ang anak ko, tinakpan ko na ang bibig niya. Mabuti pa ang mga kapatid niya na tahimik lang, habang siya ay todo ang daldal. Gusto ko siyang sawayin pero nanatili lang akong tahimik dahil ayaw ko naman maging obvious sa harap ni Sean na aligaga ako dahil sa mga tanong ng mga anak ko. Baka mapansin pa niyang kinakabahan ako, mas magduda pa siya.
“Namana ko sa father ko ang kulay ng mata ko,” sagot naman ni Sean.
Lumingon ako kay Mathew at nakita ko pa siyang humawak sa baba niya na para bang may malalim na iniisip. Ano na naman kaya ang naiisip ng anak ko?
“Sir Sean, paano po kung tatay din namin ang tatay n’yo?” biglang tanong ni Mathew.
Nanlaki ang mga mata ko habang hindi makapaniwalang tumingin sa anak ko. Narinig ko namang tumawa si Sean habang si Mathias at Matheo ay sabay na napapailing na para bang hindi sila makapaniwala sa sinabi ng kakambal nila.
“Mathew, don’t say that. Hindi kayo same ng tatay ni Sir Sean. Maraming tao ang magkakakulay ang mata pero hindi naman magkakamukha,” paliwanag ko sa kaniya.
Isa pa, bakit naman sa dami ng paghihinalaan niyang ama nila, tatay pa ni Sean ang naisip niya. Hindi mismo itong driver namin. Mas okay rin siguro iyon para mas madali kong maitatanggi.
Nag-pout si Mathew dahil sa sinabi ko. Habang si Matheo at Mathias naman ay tahimik pa rin.
“Pasensya ka na,” hinging paumanhin ko naman kay Sean kahit na ayaw ko siyang kausapin.
Nababagalan din ako masyado sa takbo ng kotse niya. May nauna pa nga sa aming tricycle dahil parang pagong siya kung magpatakbo. Na para bang sinasadya talaga niyang bagalan.
“Hindi naman sa nagmamadali ako, pero baka naman pwedeng bilisan mo ng kunti. Iyong naka-bike nauna pa sa atin,” saad ko at tinuro ang isang trabahador na naka-bike na nauna na ngayon sa amin.
“Hindi pwede, may mga bata tayong kasama,” sagot niya at lumingon sa triplets. “Okay lang ba kayo, boys?”
“Yes po,” sagot ni Matheo.
Tumango naman si Sean.
“Bakit ngayon lang po kayo umuwi?” biglang tanong naman ni Matheo.
“I was busy with my business. Pero sana pala matagal na akong umuwi,” sagot ni Sean at sumulyap sa akin.
“What is your business po?” muling tanong ni Matheo.
Kung kanina si Mathew ang madaldal ngayon naman si Matheo ay daig pa ang imbestigador.
“I have different businesses.”
“Ibig sabihin po mayaman po talaga kayo.”
“Sort of.”
Tumango-tango si Matheo. Hindi na siya nagtanong ulit kaya nakahinga na ako ng maluwag.
Lalo na nang matanaw ko na ang arko. Sa wakas, nakarating na rin kami ng bahay. Dapat siguro naglakad na lang kaming mag-iina. Baka kanina pa kami nakauwi.
Nang huminto ang kotse ni Sean sa tapat ng bahay namin ay agad akong bumaba.
Sabay pa naming binuksan ang mga magkabilang backseat. Lumabas sa side ko si Matheo. Habang sa side naman niya si Mathew at si Mathias na nasa gitna ay parang nag-iisip pa kung saang side siya lalabas.
Pero parang sa unang pagkakataon ay hindi ako pinili ng anak ko dahil sa side siya ni Sean lumabas.
“Thank you po,” saad ni Mathew kay Sean habang malapad ang mga ngiti ng anak ko.
“You are welcome,” sagot ni Sean. “If you need a driver call me. I can be your driver,” dagdag pa niya.
Ngumiti si Mathew biglang sagot bago siya tumakbo papasok sa loob ng bahay. Nakita ko na ang tricycle ng ama ko kaya ibig sabihin nasa loob na sila. Sabi ni ma’am Amelia may iuutos pa siya kay Tatay? Pero bakit nandito na ang ama ko?
Mabilis ding sumunod si Matheo kay Mathew papasok ng bahay na wala man lang sinabi pero parang nagmamadali siya.
Habang si Mathias naman ay nanatili sa kinatatayuan niya. Tumingala siya kay Sean kaya tumingin din sa kaniya ang lalaki.
Bigla akong kinabahan. Parang sasabog ang dibdib ko sa lakas ng kabog. Ewan ko ba kasi kung bakit isa sa triplets ang nagmana ng kulay ng mga mata ni Sean, kaya parang ang hirap itanggi na siya ang ama dahil kulay pa lang ng mata magkatulad na sila.
Magsasalita n asana ako para papasukin na si Mathias pero naunahan na niya akong magsalita.
“May girlfriend ka na po ba?” biglang tanong ng anak ko.
Nanlaki naman ang mga mata ko. Bakit naman niya tatanungin ng ganoon si Sean?
Umiling si Sean.
“Wala, why?”
Tumaas ang isang sulok ng labi ng anak. Parang gaya ng ginawa ni Sean kanina habang nagmamaneho siya.
“Wala lang po.”
“Anak, pasok ka na. Dali,” singit ko at hinawakan siya sa balikat kaya napatingin siya sa akin.
“Sige po, pasok na po ako. Salamat po sa paghahatid,” pasasalamat ng anak ko bago siya sumunod sa sinabi ko.
“Pasensya ka na sa mga anak ko. Madadaldal lang talaga sila,” hingi ko naman ng paumanhin kay Sean.
Tumingin siya sa akin.
“It’s okay. I love talking to them. They are smart,” sagot niya sa akin.
“Sir Sean.”
Lumingon ako at nakita ko si Matheo. May dala siyang lapis at papel.
Inabot niya iyon kay Sean.
Pareho kaming nagtataka ni Sean na tumingin kay Matheo.
“Cellphone number n’yo po. Sabi ninyo tatawagan lang namin kayo kapag gusto namin ng driver pero paano namin gagawin iyon kung wala kaming number mo?” paliwanag ni Matheo.
Agad namang kinuha ni Sean ang papel at lapis na inaabot ni Matheo. Pero hinawakan ko rin ang kalahating papel para pigilan siya.
“Naku, hindi na. Hindi mo—”
Hinawakan ni Sean ang kamay ko kaya agad akong napabitaw sa papel. Muling tumaas ang isang sulok ng labi niya dahil sa ginawa kong pag-iwas sa kaniya.
Sinulat naman niya ang numero niya doon bago inabot pabalik kay Matheo.
Tiningnan pa ng anak ko ang nakasulat bago ngumiti.
“Salamat po,” tuwang saad nito bago muling bumalik sa loob ng bahay.
“They are really smart,” muling saad ni Sean at tumingin sa akin.
“Ah… oo,” sagot ko. “Sige salamat ha.”
Alis ka na. Gusto ko sanang idagdag pa pero pinigilan ko ang bibig ko.
“I think nagmana sila sa akin,” biglang saad niya.
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya bago unti-unting naningkit.
“Excuse me, hindi ako bobo.”
Kulang na lang ay mameywang ako habang sinasabi ko iyon.
Ngumiti siya sa akin.
Ang gwapo. Sigaw ng kalahating parte ng isip ko.
Nagulat ako nang bigla niyang hawakan ang ulo ko at guluhin ang buhok ko kaya asar na pinalo ko ang braso niya. Ginawa pa niya akong bata.
“You did not deny it.”
“Ha?”
“I’ll go ahead, see you later,” sagot niya at tumalikod na.
Nagtatakang tumingin naman ako sa kaniya. Hanggang sa makaalis ang kotse niya. Mabilis na rin ang takbo noon. Pwede naman palang bilisan, sobrang bagal niya magpatakbi kanina.
Nanatili ako sa kinatatayuan ko habang iniisip ang sinabi niya.
Malakas akong napasinghap at napatakip pa ako ng bibig ko nang ma-realize ko ang ibig sabihin niya.
Sinabi niya na nagmana sa kaniya ang triplets at hindi ko iyon tinanggi. Sinabi ko lang na bobo ako.
Parang gusto kong maglaho bigla. Bitukan ko ang sarili ko dahil sa katangahan ko.
Ayaw kong magdaldal ang mga anak ko kay Sean pero parang ako pa yata ang magbubuko sa sarili ko.