"Oy Beshie, blooming ka ngayon ah." puna ni Mariel kay Flora Amor pagkapasok pa lang niya sa silid-aralan.
Humagikhik ang dalaga. Hanggang ngayon di pa rin niya makalimutan ang nangyari noong byernes sa bahay nina Anton. Ngayon nga'y hinihintay niyang tawagin ni Dixal ang kanyang pangalan pero di pa rin nito ginagawa. Di pa seguro ito dumarating.
"O Ikaw ba't namumugto yang mata mo?" balik niyang puna sa kaibigan.
"Napuyat ako kakapanood ng TV." anito saka lumipat nang upo sa tabi niya habang di pa dumarating si Anton.
"Beshie, may bagong korean drama ngayon sa GMA, napanood mo ba? "
"Nakupo Beshie. Wag mo akong tatanungin at wala kaming TV. " sagot niya habang nilalagay sa ilalim ng upuan ang bagpack.
Napanganga ang kaibigan.
"Kahit TV wala kayo?" bulalas nito.
Napatingin sa dako nila ang ilan sa mga kaklase nilang andun.
Tumango siya.
"Ano lang pala ang appliances sa bahay niyo?" curious na usisa ni Mariel.
"Ref." mabilis niyang sagot.
"Di namin kailangan ng mga appliances Beshie. Tama na yung ref samin." dugtong niya.
"Sabagay." sang-ayon nito.
May pumasok na isa sa kaklase nila.
"Guys wala raw pasok ngayon. May conference na naman ang mga teachers." balita ng kapapasok lang nilang kaklase saka agad ding lumabas pagkasabi nun.
Nasigawan sa tuwa ang buong klase.
"Gala tayo Beshie." aya ni Mariel.
"Saan naman? "
"Kahit saan. Antayin natin si bakla para tatlo uli tayong gumala." anito.
Sa waiting shed nila hinintay si Anton sa harap ng kanilang department.
Napatingin ang dalaga sa ginagawang building. Bakit kaya wala pa si Dixal? Busy kaya ito sa trabaho?
May pumaradang sasakyan sa harap nang kanilang department.
Bigla niyang naaalala yung lalaking naka encounter niya nung matagal siyang pinaghintay ni Anton sa covered-walk.
Hindi na niya matandaan ang mukha ng lalaking yun lalo at nakasunglass. Pero bakit bumilis ang t***k ng kanyang dibdib pagkaalala niya rito. Kay Dixal niya lang nararamdaman ang ganun.
Napabaling siya uli sa ginagawang building.
'Dixal asan ka? ' tawag ng isip niya.
Parang kulang na ang araw niya pag di ito nakikita o naririnig man lang ang boses nito.
"Beshie, tayo na lang kaya ang gumala." untag ni Mariel sa katahimikan.
"Uuwi na lang ako Beshie. Pupunta muna akong library. Pagkatapos uuwi na ako." aniya sa kaibigan.
"Segurado ka? "
Tumango siya.
"Maysakit kasi si Mama eh." dugtong niya.
"O sige. Mauuna na ako. Ingat ka ha? " ani Mariel saka sinabayan na ng alis.
Muli niyang tinanaw ang ginagawang building. Seguro nga'y di papasok ngayon ang nobyo.
Tumayo siya at nagpuntang library pero wala dun ang isip niya, nasa nobyo, kaya ilang minuto lang ay lumabas din siya.
Uuwi na lang siya para matulungan ang ina sa gawaing bahay.
Nakangiti siya habang naglalakad pauwi. Seguradong matutuwa ang ina pag nakita siya. Hindi ito nagpuntang palengke ngayon kasi maysakit.
Pero iba ang bumungad sa kanya sa labas pa lang ng kanilang bahay.
"Hindi namin kailangan ang pera mo! Umalis ka dito! Umalis ka! " paulit-ulit na sigaw ni Harold.
Kinabahan siya bigla at mabibilis ang mga hakbang na pumasok ng bahay.
Nakita niya ang ina, inaawat ang kapatid habang ang ama'y gusto itong lapitan.
"Papa?"
Gulat na napalingon sa kanya ang mga magulang.
"Ma?" takang tanong niya nang makitang umiiyak ang ina habang hawak si Harold.
"Pa, anong nagyayari?" usisa niya sabay hagis ng bag sa sahig saka lumapit sa tatlo.
"Anak, wala to. May nasabi lang ako na ikinagalit ng kapatid mo." sagot ng ama.
"Oy, Harold. Anong drama yan? Tumigil ka ha. Wala kang galang sa mga magulang natin." pagalit na saway niya sa binatilyo.
"Isa ka pa! Manhid ka! Sarili mo lang ang iniisip mo! Wala kang pakialam sa nangyayari sa kapaligiran mo!" ganting sigaw ng kapatid sa kanya.
Binitawan ito ng ina.
Gigil na sinunggaban niya ang kapatid at sinampal sa magkabilang pisngi.
"Tarantado ka! Wala ka nang galang samin. Ganyan ba itinuturo sayo sa paaralan mo?"
Tinitigan siya nito nang matalim.
"Palibahasa manhid ka kaya lahat ng nangyayari wala kang alam!" sigaw na uli sa kanya saka tumakbo palabas ng bahay.
"Tarantado ka! Walanghiya! Wag kang babalik ditong hinayupak ka!" pahabol niyang sigaw.
"Tumigil ka na Flor." saway ng ina.
"Ma, ba't hinahayaan mong ganun ang maging asal ni Harold sa harap niyo?"
"Tama na!"
Natigilan siya. Ngayon niya lang nakitang nagalit ang ina sa kanya.
Tumingin siya sa ama, nagtatanong kung anong nangyari.
Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat.
"Kasalanan ko yun anak. Wag kang magagalit sa kapatid mo." marahan nitong sabi.
"Kayo kasi eh. Ok lang naman pong maging masipag kayo. Pero yung kalilimutan niyo kami dahil sa pagtitinda lang ng isda sa palengke, di na rin naman tama yun. Di naman kami humihingi sa inyo ng madaming pera eh. " paninisi niya sa ama.
Nagkatinginan ang mga magulang niya.
Napayuko ang kanyang ina habang humihikbi.
"Anak, sana mapatawad niyo ako. Madami akong kasalanan sa inyo pero babawi ako. Promise babawi ako." paniniyak nito saka siya niyakap.
"Ok lang po yun, Pa." tinapik tapik niya ang likod ng ama.
"Basta maglaan ka lang ng madaming oras para samin. Nagalit lang yun si Harold kasi di ka namin madalas makita sa bahay." dugtong niya.
"Pwede bang umalis ka na lang muna?" sabad ng ina na sa asawa nakatingin, pigil ang pag iyak.
"Ma, bat mo paaalisin si Papa eh kauuwi niya nga lang?" baling niya sa ina, nakasimangot.
Binitawan siya ng kanyang Papa saka ngumiti sa kanya.
"Okay lang yun anak. Dun na lang ako sa labas muna." anito.
"Ma. Ano bang nangyayari sa inyo? Di naman kayo ganyan." angal niya sa ina.
Hindi ito sumagot.
" Aalis na muna ako. Babalik na lang ako pag mahinahon na ang lahat." wika ng ama.
Hindi sumagot ang ginang hanggang makalabas ng bahay ang asawa.
"Pa, wag kang umalis!"pigil niya pero hindi ito lumingon man lang.
"Ma, ano bang problema niyo? Bakit si Harold ang kinampihan niyo't pinaalis niyo si Papa?" pagmamaktol niya.
Sa halip na sumagot ay umupo ito sa lumang sofa at pinagtaklob ang dalawang palad sa mukha saka humagulhol.
"Ma, ano bang problema? Sabihin niyo naman sakin oh. Bat kayo nag-away ni Papa?" pangungulit niya dito saka ito nilapitan at lumuhod sa harap nito't niyugyog ang balikat ng ina.
"Ma!"
"Mas mabuti nang wala kang alam, naiintindihan mo?" kung kelan bumaling ito sa kanya'y saka naman siya nito sininghalan.
Natigilan siya. Nasaktan sa sinabi nito. Kanina pa siya nito sinisigawan. Di naman ito ganun dati. Anong bang merun na pati kapatid niya tinawag siyang manhid?
Kumirot ang kanyang dibdib. Hindi niya matanggap na pinagalitan siya ng ina nang wala man lang mabigat na dahilan.
"Ang sama niyo, Ma." naibulalas niya pagkuwan sabay patak ng mga luha.
"Alam niyo namang gustong gusto kong makita si Papa. Pinaalis niyo nang basta ganun lang."
Nanlilisik ang mga matang tinitigan siya ng ina.
"Basta ganun lang?" paasik na hiyaw nito saka siya itinulak.
Tumama ang likod niya sa lamesita sa likuran niya.
"Hindi mo ba alam kung anong nararamdaman ko ngayon at sasabihin mong basta ganun ko lang pinaalis ang Papa mo?!"
Napahikbi siya.
"Pwede naman nating pag-usapan nang maayos kung ano man ang problema. Bakit kailangan niyo akong sigawan?" tuluyan na siyang napaiyak pagkasabi nun. Hindi siya sanay makakita ng karahasan. Bunganga lang ng ina niya ang maingay pero hindi ito nananakit ng anak.
Subalit ngayon, heto't marahas siya nitong itinulak saka siya sinigawan.
"Lumayas ka." mahina nitong utos.
"Ma-"
"Lumayas ka!"
Napatayo siya sa takot at sama ng loob saka tumakbo palabas ng bahay.
Hahabulin niya ang kanyang Papa. Ang kawawa niyang Papa. Napakabait nitong ama na hindi man lang nagawang ipagtanggol ang sarili sa harap ng galit na asawa.
Subalit wala na ang ama paglabas niya sa kanto.
Hinanap niya ito sa highway pero hindi na niya ito nakita.
Nanlulumo siyang napaupo sa gilid ng kalsada.
Galit siyang pinalayas ng ina. Masama din ang kanyang loob.
Tumayo siya. Babalik siya sa eskwelahan. Duon siya magpapalipas ng oras. Hindi na muna siya uuwi ng bahay hanggang mamayang gabi.
HETO siya. Tulala habang nakatitig sa kunawari'y binabasang libro pero wala duon ang isip.
"Isa ka pa. Manhid ka! Sarili mo lang ang iniisip mo.Wala kang pakialam sa nangyayari sa kapaligiran mo! "
Biglang pumatak ang kanyang luha sa umalingawngaw na tinig ni Harold sa kanyang isip. Pano siya nito napagsalitaan nang ganung bagay samantalang ang alam niya'y siya na ang pinakamabait na anak at kapatid sa lahat? Hindi siya humihingi ng kung ano ano sa mga magulang kasi iniisip niyang kailangan din ng mga kapatid ng pera. Tapos sasabihan siya nitong manhid? Hindi niya yun matanggap.
Pinilit niyang kumbinsihin ang sariling talong ang paborito niyang ulam kasi talong ang gulay na hindi kinakain ng mga kapatid. Para wag lang masayang ang nilulutong talong ng ina 'y sinasabi niyang siya lahat kakain nun at yun lang ang kinakain niyang ulam, yung ibang masasarap ay binibigay na niya sa mga kapatid. Pano nito nasabing sarili lang ang kanyang iniisip?
Impit siyang napaiyak habang nakatakip ang libro sa kanyang mukha para walang makapansin sa kanya.
Ang sama ng loob niya. Sakit ng kanyang dibdib.
Alam ng ina kung gano siya kasabik makita ang ama pero basta na lang nitong pinaalis ang huli. Ni hindi man lang ito nagpaliwanag kung bakit. Basta na lang siyang sinigawan at pinalayas.
Mahina siyang napahagulhol. Kung hindi niya gagawin yun baka di na siya makahinga sa sakit ng kanyang dibdib.
Biglang kumirot ang likod niyang bumunggo sa lamesita. Hinimas niya iyon. Pero mas masakit ang ginawa ng ina sa kanya at higit na masakit ang sinabi ng kapatid.
Iyon ang mga salitang hindi niya kayang tanggapin.
Hindi niya napansing napapalakas ang iyak niya nang lumapit ang librarian.
"Shhh, may problema ka ba?" pabulong nitong tanong saka umupo sa tabi niya.
Umiling siya saka pinahid ang mga luha sa pisngi.
Iniabot ng librarian ang panyo nito.
"Salamat po pero wag na po." aniya saka mabilis na tumayo at pumasok sa banyo saka naghilmos sa lababo. Tinitigan niya ang sarili sa salamin. Mugto na ang mga mata niya.
Huminga siya nang maluwang saka kumuha ng tissue sa ibabaw ng lababo at pinunasan ang mukha saka lumabas ng banyo tuloy-tuloy sa labas ng library.
Nakayuko siyang naglakad. Hindi niya alam kung saan pupunta ngayon. Ayaw niyang umuwi ng bahay. Wala din siyang phone para matawagan si Mariel. Ultimo pamasahe na lang ang pera niyang dala.
Napabuntunghininga siya sabay sipa sa bote ng mineral water na nakaharang sa kanyang daraanan.
Kanina lang bago siya pumasok ay sobrang saya niya. Pero ngayon heto't para siyang binagsakan ng langit at lupa, walang maisip puntahan para pagaanin ang pakiramdam.
Nag-angat siya ng ulo sabay lingon nang marinig ang bosena ng sasakyan. Saka niya nalamang nasa gitna na pala siya ng daan malapit sa may gate.
Patakbo siyang gumilid sa covered-walk at bahagyang iniyuko ang ulo habang naglalakad upang walang makakitang namumugto ang kanyang mga mata.
"Dixal asan ka na?" wala sa sariling nausal niya. Tila nagbabadya na namang pumatak ang kanyang mga luha.
Muli siyang bumuntung-hininga nang lumuwang ang pakiramdam, nang biglang may humawak sa kanyang kamay.
"Dixal!" sabay baling niya sa may-ari ng kamay na yun.
Nakangiti ang binata sa kanya saka siya sinabayan palabas ng eskwelahan. Napansin nitong mugto ang mga mata niya pero hindi ito nagtanong.
Maya-maya'y humarap ito sa kanya.
"Wanna come with me?" tanong nito.
Tumango siya agad.
Hawak-hawak ang kamay niya'y nagpalinga linga muna ito saka magkahawak-kamay silang tumakbo papunta sa kotse nito at mabilis na sumakay. Mabilis nitong pinaharurot ang sasakyan palayo sa eskwelahan.
Nagtataka man kung bakit ito nagmamadali'y hindi siya nagtanong.
Matagal na katahimikan ang namayani sa kanila. Walang may balak magsalita. Pero napansin niyang ilang beses itong lumiko habang panay tingin sa side mirror ng sasakyan na tila may tinitingnan sa likuran.
Matagal bago niya nasulyapang nakangiti na uli ito.
Kalahating oras marahil ang naging biyahe nila bago nito ipinasok ang sasakyan sa isang malaking gate.
Ilang minuto pa ang tinahak nila bago ito huminto sa isang maliit at lumang bahay. Wala man lang siyang nakitang halaman sa paligid ng bahay na yun.
Nauna itong lumabas saka lumiko sa kabilang gilid ng sasakyan at pinagbuksan siya ng pinto.
"Bahay niyo?" tanong niya agad.
Marahan itong tumango saka pilyong ngumiti.
Nagtatakang pinagmasdan niya ang palibot pagkalabas ng kotse. Ang alam niya'y nasa isang subdivision sila.
Lahat ng mga bahay sa malapit ay pawang mga higante at magaganda.
Pero bakit kakaiba ang bahay na to sa kanilang harapan? Wala na ngang pintura ang labas eh halata pang luma tsaka maliit, para lang isang apartment.
Marahang tumawa si Dixal nang mahulaan ang iniisip niya saka hawak ang kamay na iginiya siya papasok sa loob ng bahay nito.