Chapter 15

1113 Words
CHAPTER 15 Whatever! Kung ano man ang gustong itago ni Haris at Anthony ay wala na dapat akong pakialam— bahala na sila sa buhay nila. Napairap ako sa ere, kasabay nang paghawi ko sa buhok ko. Nang matapos ang huling klase ay halos sabay lang kaming lumabas ni Larisa ng room. Nabangga pa ako nito sa balikat dahil sa pagmamadali niya. "Ano ba?!" singhal ko rito, napahinto siya at isang beses akong nilingon mula sa balikat at leeg niya. "Mag-ingat ka naman! Makakalabas ka rin naman, kung makabangga ka!" Pinanlakihan ko siya ng mata. Kailan man, hinding-hindi ako magiging mabait kay Larisa. Kahit pa anong gawin niyang kabutihan sa akin ay mananatiling marahas ang pakikisalamuha ko sa kaniya. Hindi niya ako makukuha sa pagpapahiram niya sa akin ng mga notes niya, o kahit pa pakopyahin ako nito ng sagot sa exam namin ay hinding-hindi mangyayari na magiging mabait ako rito. Never and ever. Saglit lang akong tinitigan ni Larisa. Nagulat pa ako nang bigla niya akong tinalikuran at walang sabi-sabing kumaripas siya ng takbo. Malakas at galit ko siyang tinawag ngunit hindi iyon naging sapat sa kaniya para muling tumigil at harapin ako. "Larisa Belleza! Humanda ka talaga sa akin! Letse ka!" sigaw ko sa hangin, nanggagalaiti pa nang tumakbo ako pababa ng building. Hindi ko na siya naabutan. Wala na rin siya sa kahit saang lupalop ng school. Uwing-uwi ang gaga; palibhasa commuter. Gumalaw ang panga ko. Ilang segundo kong kinalma ang sarili bago nagsimulang maglakad ulit. Hawak ang hand bag ay nagmartsa ako patungo sa parking area ng school. Isa sa mga high end ang kotse ko kaya mabilis lang iyong makita, agaw-pansin din. Madalas pa ay may naabutan akong mga estudyanteng ginagawang background ang BMW ko. Akmang bubuksan ko na ang pinto sa driver's seat nang matigilan ako. Biglang may sumandal na lalaki mula sa back's seat kaya saglit ko itong binalingan. Nangunot pa ang noo ko nang makitang si Ricky iyon. "Break na kayo ni Anthony?" paunang tanong niya, rason para mangunot ang noo ko. "Wala siya sa mood buong klase namin. Kaya naisip ko na baka break na kayo. Tama ako, ‘no?" "Eh, ano naman kung break na kami?" Pinagtaasan ko siya ng kilay. Mayabang siyang napangiti. Humarap pa siya sa akin habang ang dalawa niyang braso ay nakakrus sa kaniyang dibdib. Si Ricky ay kaklase ni Haris, isa rin sa malapit na kaibigan ni Anthony. "Alam mo naman na isa ako sa nakapila sa 'yo, right? Baka pwede na... tayo?" Napangisi ako. "Pwede naman." Sa sinabi ko ay lumiwanag ang mukha ni Ricky. Nanlaki ang mga mata niya. "So tayo na?" bulalas niya, napatalon siya sa tuwa at muntik pa akong yakapin. Kaagad nga lang natigil ang kasiyahan niya nang may tumamang bag sa dibdib niya. Sa lakas no'n at sa hindi inaasahan ay tumalbog siya sa pinto ng kotse ko. "Tangina mo, Ricky!" sigaw ni Anthony na kararating lang. Nang malingunan pa ito ay napansin kong pawisan siya, habol-habol ang hininga na para bang tumakbo pa siya para lang maabutan ako rito sa parking. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang galit niyang mukha. Mabibigat ang mga yabag niyang lumapit sa gawi namin ni Ricky at walang habas niyang hinila ang kwelyo ng uniporme ni Ricky. "Traydor ka rin, ano? Kami pa niyan!" sigaw ni Anthony sa mukha ni Ricky. "Kami na, Anthony! Kasasagot niya lang sa akin ngayon!" Tumagilid ang ulo ko at nabuburyo silang pinanood. Napabuntong hininga ako. Kalaunan nang talikuran ko rin sila at pumasok na sa loob ng kotse. Tuluyan ko na silang nilayasan nang hindi nila napapansin. Dere-deretso kong pinausad ang sasakyan palabas ng school. Mula pa sa rear view mirror ay nakita ko ang paghabol ng dalawa kaya natawa ako sa kawalan— mga ungas. Bakit ba sila nababaliw sa akin? Alam ko na maganda ako, pero bukod sa suhol o luho na naibibigay ko sa kanila, hindi ko naman na kayang ibigay pa ang virginity ko. Oo, siguro ay malandi ako, iba-iba ang naging boyfriend, pero lahat sila ay dumaan lang sa akin at hindi ako nakuha. Kahit papaano naman, kahit rebelde ako at pariwara, mahalaga pa rin sa akin ang pagkab*bae ko. Iyon na lang ang mayroon ako sa ngayon kaya labis din kung ingatan ko ito. Hindi nagtagal ang biyahe ko. Mabilis lang akong nakarating sa bahay, na kahit ayoko pa sanang umuwi ay wala rin akong choice. Pabagsak na isinarado ko ang pinto ng BMW, kapagkuwan ay naglakad papasok ng bahay. Walang tao sa sala, as usual. Parehong umaalis sina Mommy at Benjamin. Si Mommy ay may sariling business; Pharmaceutical at isa siyang Pharmacist. Si Benjamin naman ay napag-alaman kong isang Surgeon Doctor. Meanwhile, si James ay may business din na Home Depot. Kaya expected ko nang walang maiiwang tao rito maghapon bukod sa mga katulong sa bahay. Ngunit nang makarinig ng ingay sa office ni Daddy ay nagsalubong ang dalawang kilay ko. Imbes na dumeretso sa taas ay lumihis ako ng daan patungo sa office ni Daddy. Dahan-dahan ko iyong nilapitan. Hinawakan ko ang doorknob nito at sa kadahilanang hindi iyon masyadong nakasara ay madali ko lang iyong naitulak. "Paano si Alice?" Dinig kong boses ni Benjamin. Oh? Maaga siyang umuwi? "Alam ko na hindi pa rin niya tayo tanggap at wala naman na rin siyang magagawa kung magpapakasal man nga tayo. But don't worry, Benjamin, matatanggap niya rin tayo balang-araw," si Mommy na siyang ikinalaglag ng panga ko sa sahig. Mas itinulak ko pa ang pinto para mas makita sila sa loob. Pareho silang nakatalikod sa gawi ko dahil nakaupo sila sa pahabang sofa. Masinsinsan silang nag-uusap habang pinagsasaluhan ang mainit na kape. "Mas lalo siyang magrerebelde," dugtong ni Benjamin. "Nabalitaan ko kay Haris na hindi maganda ang grades niya sa school. Puno rin ng bad records ang pangalan niya at baka magkaproblema siya next school year, baka hindi na siya tanggapin." Natawa si Mommy at nailing-iling sa kawalan. Sumimsim siya sa tasa ng kape bago binalingan si Benjamin nang may ngiti sa labi. "Alam ko na gagawa pa rin ng paraan si Sebastian para manatili roon si Alice. Nagbibigay pa nga rin 'yon ng sustento kahit sinabi kong huwag na... para saan ba at hindi naman niya totoong anak si Alice?" pahayag ni Mommy na siyang ikinagulat ko. Napakurap-kurap ako at napabitaw sa doorknob. Lalong gumuhit ang gitla sa noo ko habang inuulit-ulit pa sa utak ko ang naging salita ni Mommy. Hindi ako totoong anak ni Daddy? Napaatras ako sa halung-halong emosyong lumukob sa akin. Kaagad ko pang sinapo ang bibig habang tuluyan nang natulala sa kawalan. Tama ba? Hindi ako anak ni Daddy? "No... no..." Umiling-iling ako. "Hindi!!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD