CHAPTER 19
Sugar Daddy? Paano magkakaroon ng Sugar Daddy ang isang Larisa Belleza Gracia?
Napaismid ako. Kung sa pera lang ang pag-uusapan, hindi na ako magtataka, pero hello? Sila pa ni Haris at hindi hamak na marami rin namang pera si Haris. Hindi na ba siya kayang buhayin nito?
Mataman kong tinanaw si Larisa na ngayon ay pinagtutulungan ng grupo nina Mildred. Nasa Cafeteria kami, vacant hours at syempre ay hindi naman pareho ang oras ng klase namin sa klase ni Haris kaya walang nagtatanggol sa kaniya ngayon.
Tahimik na kumakain si Larisa, siguro ay agahan niya at hindi siya nakakain sa bahay nila. Balita ko pa ay taga-Cavite na itong si Larisa kaya madalas siyang makita na kasama ang Sugar Daddy niya.
Hindi ko lang din matyempuhan sa umaga at sobrang aga yata talaga niyang pumasok. Sa totoo lang ay ayoko naman talagang maniwala kaya gusto ko na ako mismo ang makakakita, saka ko siya huhusgahan.
"Spank me, Daddy!" mapang-asar na sambit ni Mildred dahilan para magtawanan ang mga kaibigan niya.
"Give me money, Daddy, and I will send nudés!" segunda ni Abby.
Nag-apir sina Mildred at Abby. Ang mga kasama naman nilang lalaki na sina Alex, Dave at Marlon ay malakas na humahalaklak. Sila ang center of attraction sa Cafeteria, parang nagmukhang tourist spot.
Marami ang mga nanonood ngunit walang nagtatangkang umawat. Nakapalibot ang mga ito sa lamesa ni Larisa. Nagtaas ako ng kilay, parang kailan lang noong sila pa ang mga kasama ko sa pambu-bully kay Larisa.
"Come on, Larisa! Ang boring mo naman! Walang kwentang kalaro!"
Tumayo si Mildred, kapagkuwan ay kinuha ang bottled water ni Larisa. Wala iyong pakundangan na ibinuhos sa ulunan niya dahilan para matigilan si Larisa sa pagkain niya. Nakita ko ang pagbagsak ng panga niya.
Dinig ko ang pagsinghapan ng lahat. Sumaktong walang Professor sa paligid, o kahit mga Dean's officer kaya malalakas ang loob nilang lahat. Wala sa sarili nang maibaba ko ang binabasang libro.
Akmang tatayo ako para lapitan sila nang bigla rin akong mapaupo nang dumating ang grupo nina Audrey. Malapit sila sa akin noon, pero ngayon ay hindi na at mukhang ako pa ang gusto nilang kantiin.
"Himala, nagre-review ang isang Aliyah Denise Ventura," pukaw ni Audrey habang namamangha akong tinitingnan.
"Nagbago ka na ba?" Dinungaw ako ni Fiona at itinukod niya ang dalawang kamay sa lamesa. "Naku, huwag, Alice, masisira ang buhay mo— tingnan mo si Larisa."
Nagtiim bagang ako. Muli akong tumayo ngunit isang mabigat na kamay ang lumapat sa balikat ko. Nang lingunin ay si Elias iyon. Nanlaki ang mga mata ko sa gulat. Sapilitan pa niya akong pinaupo at ngayon ay kinorner na nila akong tatlo.
"May tanong ako, Alice," mapaglarong wika ni Elias at naupo pa sa tabi ko.
Kinuha pa niya ang ilang hibla ng buhok ko at saka iyon pinaglaruan ng kaniyang daliri. Wala na akong naging takas nang pati si Fiona ay dumikit sa kabilang gilid ko. Si Audrey naman ay nasa tapat ko.
Hindi ako nagsalita, bagkus ay mariin ko lamang silang tinatapunan ng tingin. Bulgar kung umirap ako. Tinatawanan naman ako ni Audrey ngunit ganoon na lamang manggigigil ang itsura niya, ang pangit.
"Narinig ko kay Audrey na madalas kayong magkasama ni Haris sa pagpasok?" Pinagtaaasan ako ng kilay ni Elias. "Kayo na ba, Alice? Si Haris na ba ang puputol ng sumpa sa naging kalakaran mo sa mga lalaki? Paano si Larisa na girlfriend niya?"
Umakto siyang animo'y concern, at the same time ay dismayado. Bahagya niyang hinila ang buhok ko kaya napalapit ang mukha niya sa akin, bumulong siya sa tainga ko.
"Kumabit ka na rin ba kagaya ng Daddy mo?"
Sa narinig ay awtomatikong nagsiputukan ang mga ugat ko sa katawan. Madali kong inabot ang tray sa lamesa at walang sabi-sabing inihampas iyon sa pagmumukha ni Elias. Hindi niya iyon inasahan kaya nawalan siya ng balanse.
Bumaligtad siya ng upo at ngayon ay nalaglag siya sa sahig ng Cafeteria. Nagulat man sina Fiona at Audrey ay mabilis lang din nilang nahila ang buhok ko. Salitan sila sa paghila at dahil hawak ko pa rin ang tray ay sinalitan ko rin ang ulo nilang dalawa.
"You fvckin' bítch!" singhal ni Elias, saka ko naman inihagis sa kaniya ang tray.
"Kilalanin ninyo kung sinong binu-bully ninyo, baka nakakalimutan niyo nang minsan niyo rin akong naging Master at inidolo. Kaya wala pa kayo sa kalinkingan ko, Audrey and Fiona. I hope this will serve a lesson to both of you." Mapang-uyam akong ngumisi sa kanila. "Aral muna kayo kung paano ako talunin. Ciao!"
Matapos kunin ang libro sa lamesa ay taas-noo akong naglakad palabas ng Cafeteria. Hindi ko na nagawa pang balikan ng tingin si Larisa, bahala na siya sa buhay niya at malaki na siya.
Ilang araw pa ang nagdaan, kahapon nang maging viral ang video ni Larisa na siyang tumatakbo sa Quadrangle na suot lamang ang kaniyang kulay itim na bra. Umabot iyon sa Dean's office, pati iyong nangyari sa Cafeteria kaya lahat kami ay napatawan ng karampatang parusa.
Inis na inihagis ko ang walis sa gilid nang matapos ako. Saglit ko pang nilingon si Larisa na maiging nagma-mop. Nandito kaming lahat sa Auditorium. Nakasama si Larisa at wala rin siyang naging takas.
Malakas na sinipa ni Mildred ang timba sa gilid ni Larisa dahilan para tumapon ang tubig sa sahig. Kaagad na nataranta si Larisa at hindi na malaman ang gagawin. Natigil siya sa ginagawang pagma-mop.
"Ano ba?!" mariing singhal niya, tinawanan lang siya ni Abby. "Kung tumulong na lang sana kayo, sana ay kanina pa tayo natapos!"
"Bakit kami tutulong? Ikaw lang naman ang may kasalanan dito, ayaw mo pa kasing umamin," palatak ni Alex na parang bakla at putak nang putak.
Mabuti pala at hindi ko ito pinatulan.
"Kung may Sugar Daddy man nga ako, ano naman iyon sa inyo??" sigaw ni Larisa na naging mitsa para magsinghapan ang grupo ni Mildred.
"Inaamin mo nang binibenta mo ang katawan mo, kapalit ng pera ng Sugar Daddy mo?" ani Abby habang dinadanggi ang balikat ni Larisa. "Alam na ni Haris ang totoo, ano? Kaya siguro napapabalitang hiwalay na kayong dalawa?"
Honestly, hindi ko rin alam kung hiwalay na nga ba sina Larisa at Haris. Iyan ang usap-usapan kalakip ng pagkakaroon ng Sugar Daddy ni Larisa. Hindi ko na rin masyadong nakakausap si Haris dahil mas naging abala ito sa school.
Sa bahay ay bihira na lang kaming magtagpo. Mukhang may iniiwasan siya. O dahil baka nga malapit na rin ang exam, ilang araw na lang kaya tutok din siya sa pagre-review. Ganoon din ako at gustong may mapatunayan, hindi lang sa school na 'to, kung 'di kay Mommy at Daddy na rin.