NANGHIHINA na napainom ng tubig si Alona. Pakiramdam niya ay gusto pa niyang sumuka pero wala na siyang isusuka. Nailbas niya lahat. Umasim ang paligid dahil sa amoy ng suka nila. Halos ayaw niyang tingnan ang nasa pinggan nila—ang sinasabi ni Miss Black na kakainin nilang anim.
Malakas na tumawa si Miss Black. “O, bakit hindi niyo pa simulan? Bawal ang mahuli dahil sasabog ang utak! Kaya kung ako sa inyo ay umpisahan niyo nang ubusin iyan!” anito.
“No! I will not eat that s**t!” sigaw ni Jenny habang nakapikit.
May inilabas na parang cellphone si Miss Black. “Isang pindot ko lang dito ay maa-activate na ang chip na nasa ulo ng matatalo kaya simulan niyo na!”
Muling tiningnan ni Alona ang nasa pinggan nila. Kulay brown iyon na medyo yellow. Mahaba. Marahil ay anim na pulgada din. Isang tae! Kung tae iyon ng tao o hayop ay hindi niya alam. Basta sigurado siya na hindi niya magagawang kainin iyon. Hindi pa siya nababaliw para gawin iyon. Matino pa ang utak niya.
Naiinip na inihampas ni Miss Black ang kamay nito sa ibabaw ng lamesa. “Ano ba? Wala bang kikilos sa inyo?! O baka naman iniisip niyo na joke lang lahat ng ito?!”
Pumalakpak ito ng isang beses at mabilis na nilapitan ito ng isa sa mga lalaki na tauhan nito. May iinulong sa lalaki si Miss Black. Nakita nila na may inabot na maliit na bagay ang lalaki kay Miss Black. “Nakikita niyo ba ang maliit na square na hawak ko? Ganito ang chip na nakalagay sa mga ulo niyo!” Naglakad si Miss Black papunta sa vase at inihulog ang chip sa loob niyon. Bumalik ito sa kanila at may pinindot sa hawak nitong aparato.
Lahat sila ay nahintakutan nang sumabog ang vase!
Isa-isa silang tiningnan ni Miss Black. “Ganiyan ang mangyayari sa matatalo sa larong ito…” sabay ngisi nito.
Napalunok si Alona. Mahal pa niya ang buhay niya, ayaw pa niyang mamatay ngayon pero hindi niya talaga kayang kainin ang bagay na nasa pinggan niya. Ipinikit niya sandali ang mga mata upang kumbinsihin ang sarili na gawin ang pagsubok sa kanila ni Miss Black. Pagmulat niya ng kanyang mata ay nakita niya na kinakain na ni Gio ang nasa pinggan nito. Nakangiwi ang mukha nito habang lumalaglag sa gilid ng bibig nito ang pinagsamang laway at tae. Malakas na napasigaw si Gio nang sa wakas ay maubos na nito ang nasa pinggan. Masusuka sana ito pero sinabi ni Miss Black na kapag isinuka nito iyon ay kakainin nito ulit ang suka. Namumula ang mga mata ni Gio habang umiinom ito ng tubig at nagmumumog.
“Very good, Gio! Ligtas ka na!” ani Miss Black sabay tingin sa kanila. “Kayo? Hindi niyo pa ba uubusin `yan?”
Muntik na naman siyang masuka.
Hawak na ni Alona ang tae na nasa pinggan. Medyo malagkit at amoy na amoy niya ang mabahong amoy niyon. Pero muli niya iyong ibinalik sa pinggan at napaiyak na lang.
Inuunti-unti na ring kainin nina Mario, Jessa at Arvin ang sa kanila ngunit si Jenny ay nakasubsob lang ang mukha sa lamesa. Mukhang hindi nito talaga kaya na gawin iyon.
Huminga ng malalim si Alona. Kailangan niyang gawin ito!
Ayaw pa niyang mamatay!
Marami pa siyang gustong gawin!
“Alona, kaya mo iyan…” sabi sa kanya ni Mario. Tapos na nitong kainin ang nasa pinggan nito.
Tumango siya at muling hinawakan ang tae. Mabilis niyang dinala ang kalahati niyon sa kanyang bibig at hindi na niya nginuya. Nilunok niya agad at sinundan ng tubig. Maluha-luha siya dahil sa muntik na naman siyang masuka. Isinunod niya ang kalahati at naramdaman niya na may sumabit pa sa kanyang gilagid at ngipin bago niya lunukin iyon.
Ganoon na lang ang saya niya nang sa wakas ay magawa niyang ubusin ang tae. Kahit diring-diri siya na ginawa niya iyon.
“H-hindi ko na kaya…” Umiiyak na turan ni Jessa.
Labis ang awa ni Alona nang makita niya si Jessa habang hinihimas nito ang tiyan. Makakasama sa sanggol na nasa sinapupunan nito kung kakain ito ng ganoon. Agad niyang kinausap si Miss Black. “Wala ka naman sinabi na hindi pwedeng tumulong, `di ba?” aniya.
“Hmm… Well, pwede namang tulungan. Ang larong ito ay tungkol sa kung ano ang iisipin mo… Ang sarili mo ba o ang ibang tao?”
Nilapitan ni Alona si Jessa at hinawakan ito sa balikat. Pikit-mata na kinain niya ang natitirang tae sa pinggan nito.
Maya maya ay natapos na rin si Arvin sa pagkain.
“Mukhang isa sa inyo ang mamamaalam na…” nakakalokong saad ni Miss Black.
Biglang umangat ang mukha ni Jenny. Takot na takot ito. “Please, Miss Black! `Wag mo akong papatayin! Kaya kang bigyan ng pera ng daddy ko—“
Hindi pa man tapos magsalita si Jenny nang sumabog na ang ulo nito. Pinindot na pala ni Miss Black ang button na mag-aactivate sa chip na nasa ulo nito. Nahihintakutan silang napasigaw nang kumalat sa sahig ang piraso ng utak at dugo ni Jenny sa sahig. Ang iba ay tumalsik pa sa katawan ng bawat isa sa kanila.
“Hayop kaaa!!!” malakas na sigaw ni Alona. Susugurin niya sana ito pero pinigilan siya ni Mario.
Tiningnan lang siya ni Miss Black na parang napakataas nito. “Ngayon, alam niyo nang seryoso ako sa larong ito!”
“Ano bang nagawa namin sa iyo, ha?!” patuloy ang galit ni Alona.
“Nasabi ko na ang mga dapat niyong malaman, Alona. Ayoko nang magpaulit-ulit! Dito na nagtatapos ang unang pagsubok niyo. Umuwi na kayo at intayin niyo na lang ang tawag ko. Meron pang dalawang pagsubok na naghihintay sa inyong lima at kapag tatlo na lang ang natitira sa inyo ay sasabihin ko na kung saan niyo matatagpuan ang box! Paalam!” At tinalikuran na sila nito at naglakad palabas ng restaurant.
Naiwan silang lima na tulala at hindi makapaniwala sa nangyayari.
Nang wala na sina Miss Black ay doon lang napasuka si Alona.
Isinuka niya lahat ng tae na kinain niya kanina.
Agad naman siyang dinaluhan ni Mario at hinimas ang kanyang likod. Tinabig niya ito at masamang tiningnan. Hindi pa rin nawawala ang galit niya sa lalaki dahil sa panloloko nito sa kanya. Malalaki ang mga hakbang na lumabas siya ng lugar na iyon.
Hindi pa man siya nakakalayo ay may tumawag agad sa pangalan niya. Nang lingunin niya kung sino iyon ay nakita niya si Jessa na papalapit sa kanya…