Kabanata 7- LEE: "Pangitain"

1726 Words
Nasa bubong ako ng kapitbahay ni Suhara. Pinagmamasdan ko siyang nakikipaglaro sa kanyang dalawang anak sa kanilang harden. Parehong may kapangyarihan ang mga ito ngunit sila ay mga Tres. Iyon ay dahil sa kanyang asawa. “Mag-almusal na nga muna kayo. Umagang-umaga e pawis na pawis na kayo.” “Bakit hindi mo kami saluhan?” Nagitla ako nang mapatingin siya sa direksyon ko. Kaya na rin pala niyang makipag-usap sa pamamagitan ng mental telepathy. “Mukhang patuloy ka sa pagsasanay.” “Bumaba ka na riyan. Sumalo ka na sa amin. Huwag kang mag-alala may barrier ang aking tahanan. Hindi nakakapasok ang mga masasamang elemento dito.” Sa isang iglap ay nasa tapat na ako ng bahay niya. Nag-doorbell ako. Ang asawa niya ang nagbukas ng pinto. “Sinong hanap nila?” “Honey! Si Lee iyan. Estudyante sa XXU. Papasukin mo.” Tuluyan nang binuksan ng asawa niya ang gate. “Naku. Wala ka bang pasok? Ikaw e huwag pagala-gala. Napakaganda mo pa namang bata ka. Baka mapagtripan ka.” “Vacant ko po.” Kailangan na ulit magpanggap na estudyante. Nakatayo ang dalawang bata nang lumapit ako sa kanila. Nagmano ang mga ito sa akin. “Good morning po!” Sabay pa nilang bati sa akin. “Kain po tayo…” “Sige lang.” Para hindi mapahiya ang mga bata ay kumuha na rin ako ng sandwich. “Kumusta ang buhay may pamilya?” Nangiti siya pagkahigop ng kape. “Masaya. Magulo pero kontento.” “Mga Anak doon na muna tayo sa kusina.” Aya ng kanyang asawa sa mga bata. “Ipagdadalhan ko kayo ng prutas. Anong nais mo, Hija? May mansanas, saging at orange kami.” “Mansanas na lang po. Salamat.” Nang makaalis sila at natawa si Suhara. “You’re really having hard time trying to be nice.” Napabuntonghininga ako. “I’m nice. Hindi lang palagi. You happy now? Ibig kong sabihin, you gave up a position in XXU. Is it worth it?” “Sa tuwing nakikita ko ang pamilya ko. Alam kong worth it ang lahat. Kumusta ang mga bata?” “Mukhang may trauma ang mga Tres. Ang Uno naman mukhang magiging masigasig sa pagsasanay. Kumusta sa Supil?” “Tahimik. Nakakapagdudang katahimikan. Alam mo bang n`ong nakaraan ay may mga batang nawawala? Nang mahanap namin sila ay hindi na nila makontrol ang kanilang kapangyarihan.” “Dark Fire Elements?” Tumango siya. “Mga Incognito na hindi makontrol ang sarili. Too bad, kailangan namin silang puksain.” “Dalhin mo ang pamilya mo sa Paraiso kung sakaling mas lumala pa ang mga mangyayari.” “Tanggap pa rin ba ako doon?” “Ang reinkarnasyon ng tapat na kawan ng Zafairah ay palaging tanggap sa Paraiso.” Gumuhit ang mga ngiti sa mukha niya. “Maging ligtas lang ang pamlya ko ay sapat na. Kung sana lang ay mas mataas ang antas ng kapangyarihan ng mga anak ko ay sasanayin ko rin silang makidigma.” “Huwag mo nang ulitin ang pagkakamali mo noon. Maraming iniyak ang asawa mo mapaslang ang mga anak niyo.” “Teka palagi nating pinag-uusapan ang aking nakaraang buhay. Ikaw ba? Nalaman mo na kung sino ka?” “Hindi na mahalaga `yon.” Tumunog ang kanyang cellphone. Sinenyasan niya akong huwag mag-iingay. Ginawa ko ang kanyang nais. Sumubo ako ng sandwich habang nakikipag-usap siya. “Hintayin niyo ako diyan. Hangga’t maari huwag niyo silang sasaktan!” Mabilis niyang pinutol ang kanilang pag-uusap. “Pasensya ka na. Kailangan kong pumunta sa Supil. May mga bata na naman nagwawala.” “Kailangan mo ng tulong?” Umiling siya. “Hindi ka nila pwedeng makita doon. Magpapaalam muna ako sa kanila.” Masama ang aking kutob. Papasok na sana siya sa upang puntahan ang kanyang pamilya pero hinawakan ko siya sa braso. “May panganib.” Nakakainis ang napakakalmado niyang tingin! “Huwag kang mag-alala sa akin. Ikaw talagang bata ka. Hamak na kawan lamang ako. Huwag mo akong alalahanin.” Natuod ako sa kinatatayuan ko. Binitawan ko na siya. “Kailan mo pa nalaman?” “May katagalan na rin. Hayaan mo munang makalayo ako bago ka lumabas. Hindi natin alam baka hinahanap ka rin niya.” “Ang propesiya…” Tinapik niya ako sa kanang braso. “May tiwala ako sa`yo. Dumadaloy sa`yo ang dugo ng Zafairah. Kamukhang-kamukha mo siya. Masaya akong muli kitang nakilala dito sa Pilipinas, Kamahalan.” Yumuko siya gaya ng gingawa ng mga kawan ng aming kaharian noon. Umalis na siya. Pinuntahan ko naman ang kanyang pamilya sa kusina. Umiiyak ang mga ito. Siguro ay nabigyan na rin sila babala ni Suhara. Tumakbo papalapit sa akin ang mga bata. “Si Papa… Mapapahamak si Papa!” Pagkayakap sa akin ng mga ito ay nakita ko ang kanilang kapangyarihan. May kakayahan silang makita ang hinaharap kapag magkahawak ang kanilang mga kamay. “Ililigtas ko ang Papa niyo.” Humigpit ang hawak ng dalawa sa akin. Naging asul ang kanilang mga mata. Naglalabas sila ng puting aura. Gan`on ang kanilang Mama. “Ang kapalit ng kanyang buhay ay ang mas mapayapang kinabukasan.” Sambit ng kanilang Mama. Hindi naman nagtagal ay bumalik sa normal ang kanilang mga mata. Sumenyas ang kanilang Mama na huwag kaming mag-iingay. Mayroong lumang aparador na kahon ng baraha ang disensyo. Pumasok kami dito. Mahiwaga ito! Kumasya kami samanlatang parang isang tao lang ang kasya dito. Kitang-kita mula dito ang mga kalalakihang aligagang nagpaparoon at parito sa iba’t-ibang bahagi ng bahay. “Halughugin ang kabahayan! Paslangin ang mga bata!” Parang tumigil ang paghinga ko nang mapatingin sa dako namin ang lalaki. Natunugan kaya niya kami? Naramdaman kaya niya ang kapangyarihan namin? “Boss! Nandito sila!” May umiiyak na bata. Buhat-buhat siya ng isa sa mga lalaki. Ha? Paanong nangyari? Nandito ang mga bata. Sino iyong dalawang pasan-pasan ng mga kalalakihan? Iyak nang iyak ang mga ito. “Ibaba niyo kami! Ibaba niyo kami!” Halos mapatid ang litid ng dalawa sa kakasigaw. “Papa!” Binaba naman sila ng mga lalaki pero mahigpit na hinawakan sa balikat. “Magtatago pa kayo ha?” Itim na aura ang bumabalot sa lalaki. May kasama itong kuryente. Napapapikit ang mga bata sa gulat. Naghawak kamay ang mga ito at naging pula at itim ang kanilang aura. “Mamamatay ka. Mamamatay kayong lahat! Pagsisisihan niyo ang lahat ng kasalanan niyo!” Ang braso n`ong lalaki ay naging espada. Kumikinang ito sa talim. “Magkita kayo ng mga magulang niyo sa impyerno!” Lumakas ang hangin. Ang mga kalalakihan ay parang mga papel na nilipad at humampas sa dingding. Si Suhara! Duguan ito at iika-ikang habang pumapalibot ng mga nag-aapoy na barahan. Ang alab ng Light Fire Element! “Buhay ka pa pala. Tamang-tama nang masaksihan mo kung paano ko paslangin ang mga anak mo.” Itinutok ni Suhara ang kanang kamay niya sa lalaki. Ang mga baraha niya ang kanyang mismong sandata. Pinalipad niya ang mga ito para asentahin ang lalaki subalit masyado na siyang mahina kaya madali itong nasangga ng lalaki. Sinugod siya ng mga kasamahan nito subalit ang mga baraha ay parang tumalbog lamang sa mga dingding at naasinta pa rin niya ang mga kalalakihan. Nakakamangha. Parang mga sumasayaw ang mga baraha. Subalit hindi niya naiwasan ang liksi ng pinuno na mabilis siyang sinugod at sinaksak. Niyakap ni Suhara ang lalaki. Ikinumpas ng mga bata ang kanilang mga kamay at ang lahat ng barahang kanina lamang ay parang sumasayaw sa ere at tumarak sa mga lalaki at tumagos hanggang sa kaloob-looban nito. Isa pang kumpas nila at ang mga barahang may bahid ng dugo ay tumarak sa katawan ng iba bang bandido. Nang maging abo ang mga bandido ay saka lang binuksan ng asawa ni Suhara ang aparado. Mabilis na lumapit ang mga bata sa kanilang ama. Anong nangyayari? Quadruplets na ang kanilang mga supling? Hindi sila pare-pareho ng antas ng kapangyarihan? Hindi na magawa pang tumayo ni Suhara. Kalong-kalong siya ng kanyang asawa. Hinahaplos niya ang mukha nito. Hawak naman ng mga anak niya ang kanyang mga kamay. Napatingin ako sa dalawang batang nakatayo lamang na pinapanood sila. Ano ba ang nangyayari? Lumulutang pa rin ang mga baraha. May pag-asa pa siyang mabuhay! Nilapitan ko si Suhara. Kaya ko pa siyang isalba. Nang hahawakan ko na ang kanyang noo ay pinigilan niya ako. Umiling siya. “Huwag mong baguhin ang kapalaran ko.” Sa mental telepathy na kami nag-uusap. Nakapikit na siya. “Dalhin mo ang isa kong anak sa Paraiso. Hindi sila pwedeng magsama.” “Isa lang? Paano ang tatlo?” Umubo siya ng dugo. Hindi na nagtagal ay binawian na siya ng buhay. Nagsibagsakan ang mga baraha. Kumikinang ang dalawa pa niyang anak, iyong mga nakipaglaban kanina. Binalot sila ng alab at maya-maya at naging mga baraha din. Mga Joker! Kaya pala gayang-gaya nila ang itsura ng mga anak ni Suhara! Dinampot ng mga bata ang mga Joker. Tig-isa sila. Umiiyak ang dalawa na lumikha ng handseal sa ere. Ang mga baraha ni Suhara ay parang may sariling buhay na umikot sa kanila. Nahati ang mga ito. Rinig na namin ang sirena ng ambulansya at kapulisan. “Umalis na kayo.” Atubiling utos sa amin ng kanyang asawa. “Ulap, magbabait ka ha? Magkikita rin kayo ni Ulan sa tamang panahon.” Tumango ang dalawa. Ngunit paano niya maipapaliwanag sa mga pulis na wala ang isa niyang anak? Pinasan ko na si Ulap. Ang dalawang bata. Ang mga family pictures nila ay nagbago! Hindi na kasama si Ulap! “Madali ka! Umalis na kayo!” --- Pasan-pasan ko si Ulap papuntang XXU. Lumilipad kami sa pinakamatayog na parte ng himpapawid. Humihikbi-hikbi pa rin ito at panay ang punas ng kanyang luha. “Magkikita pa rin kayo. Pangako `yan.” Umiling siya. “Kapag magkasama kami kukunin kami ng mga masasamang tao. Gagamitin kami sa pansarili nilang kapakanan.” “Alam mo ba kung sino ang mga sumugod kanina?” Umiling ulit siya. “Ang nakikita lang namin ay ang mga mangyayari kinabukasan. Hindi mga detalye.” “Tatagan mo ang iyong loob. Balang araw bibigyan natin ng hustisya ang ginawa nila kay Suhara.” Sino sila? Hindi sila Lakbay o Supil. Ano kaya ang kanilang layunin bakit nila sinugod si Suhara? “May dalawa pang mapapaslang. At isang kapangyarihang hindi pa nakikita ng sangkatauhan ang magigising.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD