Diba sabi nila ang High School Life raw ang pinakamasayang parte ng buhay. ‘Yong tipong dito mo raw ma- eenjoy ang stage ng pag-aaral. Totoo ba?
Matapos ang election namin ng mga Classroom Officers, lahat ng mga elected officers ay pinatayo sa harap.
Habang pumumupunta kami sa harap, ay sige naman ang pagpapalakpakan ng mga classmates namin.
“Congratulations, all of you are the new elected officers,” sabi ng adviser namin.
“Samantha Antonio, President,” tawag sa akin ng teacher ko at ako ay nag bow.
“Jacob Cruz, Vice President,”
“Jewel Corpuz, Secretary,”
“Shane Florita, Treasurer,”
“Anne Pascua, Auditor,”
Oo officer din si Anne, at ako ang nag nominate sa kanya, well friendship goals ata ito hahaha…
“Gerald Garcia, PIO,”
“Patrick Tomson, Escort,”
“Denise Sanchez, Muse,”
Sina Patrick at Denise ang napiling muse at escort sa klase namin, sila ang magiging panlaban kada pageant, ganoon naman ‘yon diba? Kapag may mga pageant sila ang sandata.
Sa loob na halos ilang buwan ay naging maayos ang pamumuno ko sa klase namin, mababait naman ang aking mga classmates at sumusunod sila. Kaya walang naging problema.
Nang biglang…..
Pumasok ang adviser namin ng may kasamang estudyante.
May hikaw sa tenga, mahaba ang buhok na naka brush-up, malaki ang polo, at nakapantalon, alam mo ‘yon? ‘yong pormahan ng mga bad boy.
“Okay class, you have a new classmate, please introduce yourself.”
“Josias Montero,” pagpapakilala niya habang nakayuko at kinakaskas ang sapatos. Actually, nagulat kami sa lalim ng boses niya.
At dahil sa tabi ko lamang may bakanteng upuan dahil tumigil na sa pag-aaral ang isa kong kaklase, ineexpect ko na sa tabi ko siya uupo. At hindi nga ako nagkamali dahil….
“Since we only have one vacant chair beside Ms. Antonio, you can permanently sit there Mr. Montero,” sabi ng teacher namin habang nakangiti.
“Ano? Permanent?” naiinis kong bulong.
Siga itong pumunta sa kanyang upuan at binalibag ang kanyang bag at tumitig sa akin.
Napansin kong nakatingin siya sa akin at umiwas ako ng direksyon ng upo.
“Ano ba naman to, first day na first day, kung makatingin sa akin kala mo naman may ginawa kong mali,” naiinis kong sambit habang inaayos ang aking palda.
“Naku, huwag mo na lang pansinin,” sabi ni Jeron na seatmate ko.
“Eh! Kasi namin nakakainis, kung makatingin kala mo naman ninakawan ko siya.”
“Tssssssss, ang ingay naman,” narinig kong bulong ni Josias.
Pumasok na ang next teacher namin na si Teacher Mikee Mabini ang teacher namin sa AP.
“Good morning class.”
“Good morning Teacher Mikee.”
“May bago pala kayong kaklase, maari mo bang ipakilala ang iyong sarili.”
“Pakilala nanaman,” narinig kong bulong ni Josias.
“Maari mo bang ipakilala ang iyong sarili,” ang slight na pag sigaw ni Ma’am Mikee.
Hindi pa rin natitinag si Josias at nakayuko pa rin ito sa arm desk.
“Haysssss,” sambit ko pagkatapos ng malalim na buntong hininga.
Agad akong tumayo at sinabi na, “pasensiya na po ma’am, masama po ata ang pakiramdam ni Mr. Montero.”
Pagkaupo ko ay nakita kong nag thumbs up si Josias sa akin na ikinainis ko.
“Kaya mo pa ba? First day pa lang iyan?” Pang-aasar na tanong ni Jeron sa akin.
Agad kong siniko si Jeron.
Okay, let’s now start our discussion.
Habang nagdidisscuss si ma’am ay wala ako sa focus, naiinis pa rin kasi ako sa inasal ni Josias at hindi na ako makapagtimping kausapin siya.
“That’s all for today, goodbye class.”
“Goodbye Teacher Mikee,” lahat kaming magkaklase ay nagtayuan at bukod tangi lang si Josias na nakaupo.
“Samantha,” tawag sa akin ni Ma’am Mikee at sabay kaming lumabas ng classroom.
“Kanina pa ba siya ganyan?” tanong ni Ms. Mabini habang nakatanaw kay Josias.
“Ah, opo ma’am eh, first day pa lang po niya baka naninibago pa po, kakausapin ko po siya mamaya ma’am.”
“Sige, salamat.”
“Okay po ma’am.”
At pagbalik ko ng classroom.
Agad kong tinapik ang braso ni Josias habang nagtutulog-tulugan ito sa arm desk.
“Hoy, hoy, hoy,” tawag ko habang tinatapik ko siya.
At ng hindi pa rin ito umiimik at tumatayo. Agad ko ng hinila ang braso nito.
Nakita kong nagulat siya pero wala na akong pakialam kailangan ko siyang makausap. Hinila ko siya palabas ng classroom.
“Ano bang problema mo?” tanong ko, habang nakatingin sa kaniya.
Nakatingin si Josias sa ibang direksyon habang inaayos ang kaniyang buhok at tila walang pakialam.
“Anong problema mo?” Tanong ko muli. “Bakit natutulog ka lang sa arm desk kahit may pumasok na teacher?” naiinis ko ng tanong na medyo pasigaw.
Yumuko ito at humawak sa kanyang sintido habang pinapadyak ang kaniyang isang paa.
Matapos ang dalawang segundo, tumingin ito sa akin. Sabay sambit na….
“Wala akong problema bukod sa,” tumigin muna ito mula ulo hanggang paa sabay sabing, “ingay mo.”
Umalis na siya agad at pumasok ng classroom.
“Huh? Ano? Ingay ko? Itong bibig ko na to ang problema? Huh?” gulat at naiinis kong tanong.
Pumasok na rin ako agad sa classroom namin at sakto recess kaya naupo ako sa tabi ni Anne.
“Uy! Samantha, nakausap mo na ba yang si Josias?” tanong ni Anne habang tinuturo si Josias. “Ano raw problema may sakit ba siya?” tanong nito habang kumakain ng lunch.
“Huh? Sakit?” nagsimula na naman akong mainis.
“Kung hindi sakit, eh, ano raw?” pagtatanong nito habang nginunguya ang kanyang pagkain.
“Alam mo anong problema,” walang emosyon kong tanong.
“Ingay ko raw, so basically ang tinutukoy niya itong bibig na ito,” inis na inis kong sagot habang tinuturo ang aking bibig.
Natawa si Anne at tila mabubulunan pa. Uminom ito ng tubig at…..
“Maingay ka raw?, paano ka naman niya maririnig eh, tulog siya.”
“Tulog ka riyan, nagtutulog-tulugan lang iyon.”
“Baka naman pinagtitripan ka lang? o kaya, nagpapansin? o kaya baka crush ka?” pang-aasar nitong sagot at tinusok ang bewang ko.
“Mabulunan ka sana,” inis kong sagot at bumalik na ako sa aking upuan.
“Samantha naman eh, binibiro lang kita,” sigaw nito.
Umupo ako sa aking upuan at kinuha na lang ang Mathematics na libro sa aking bag. Ang alam ko kasi may recitation kami ngayon.
Binasa ko ang ilang definition of terms at naglabas ng papel at ballpen para magtry magsolve.
Natapos na ang recess at math time na namin.
“Good morning class,” pagbati ni Ma’am Christine Arino.
“Today we will be having your graded recitation. I will give you 5 minutes to review your notes.”
Kaagad na naglabas ng notebook ang aking mga kaklase at nag focus sa pagbabasa.
Makalipas ang ilang minuto.
“Okay put your notebook, inside your bag.”
Inalog ni ma’am ang garapon na naglalaman ng mga papel kung saan nakasulat ang mga pangalan namin.
Bumunot siya at…
“Anne Pascua, stand-up, what is Fibonacci Sequence?”
“Ah...ano po ma’am,”
“Yes?”
“Ano po ma’am, ah, ma’am? Pwede po bang ibang tanong na lang, hi-hindi ko po ka-kasi na-nabasa iyon eh,” kinakabahan na sagot ni Anne habang kumakamot sa ulo.
“Okay sit down.”
“Sayang, sana iyon na lang ung tanong sa akin,” naririnig kong bulong ng aking mga kaklase.
“Shane Florita, stand-up.”
Tumayo agad si Shane na confident na confident na tila walang kabang nararamdaman.
“What is Fibonacci Sequence.”
“Fibonacci Sequence is the sum of the two consecutive numbers to get the next term, in some cases it is also known as a recursive sequence because the first term is known,” sagot kaagad na Shane.
“Grabe talaga si Shane,” bulong ng aking mga kaklase.
Well, what do you expect? Shane is valedictorian.
Nagsulat ng equation si Ma’am Arino at ang sunod na tinawag ay ang kinaiinisan ko na si Josias.
Lumapit si Ma’am Christine at inabot ang chalk kay Josias.
Kinuha ni Josias ang chalk at biglang….
Tinuro niya ako gamit ang chalk at pagkatapos ay tinuro ang blackboard. Yung tipong parang inuutusan akong i-solve ang isulat na equation ni ma’am.
Nanlaki ang mata ko dahil sa totoo lang ay hindi ko alam paano icocompute ang equation na nasa blackboard. Pero wala akong choice kinuha ko ang chalk at inirapan si Josias.
At ng nasa harap na ako ay nakaramdam ako ng sobrang kaba.
“Paano na nga ulit to?” bulong kong tanong.
Cinompute ko ang equation, ngunit binura ko rin ito gamit ang basa kong kamay na bumakat na sa blackboard, sa sobrang kaba ay namawis na ang aking kamay.
Muli akong nag-isip at nagcompute ako muli.
Binox ko ang aking sagot, habang bumubulong ng “bahala na nga.”
“Very Good!” nagulat ako sa sinabi ni ma’am dahil ang akala ko ay mali ang aking sagot.
Nagpatuloy ang recitation at biglang nag ring ang bell, sign na uwian na.
“Yes! hindi kami umabot,” masayang sabi ng aking mga kaklase.
“We will continue our recitation tomorrow, Goodbye class.”
“Goodbye Ma’am Christine.”
Tumayo ako at sinusuot na ang aking bag, tumayo rin si Josias, pumunta sa harap ko at biglang...
“Salamat,” sambit nito at agad na umalis.
“May matino rin naman palang masasabi ang mokong na ‘yon,” bulong ko.
Gaya ng aking kinagawian, nagpapahuli ako sa klase para maglinis. Siguro ito na rin ang aking paraan para maipakita ko na ako ay isang responsableng President. At hindi naman ako nag-iisa as usual, kasama ko si Anne.
Habang inaayos ang upuan…
“Samantha, kamusta na pala ang tatay mo?” ani ni Anne.
“Maayos naman siya, hindi ko nga alam kung may pakiaalam ba siya sa kung ano ang nangyari kay nanay.” sambit ko.
“Meron ‘yan Samantha, siguro natatakot lang siya, kasi mayaman ang inyong makakalaban, akalain mo ba naman mga Cruz.” tugon niya habang dinadust pan ang mga basura.
Natigilan ako sa pag-aayos ng upuan at sinabing.
“Wala akong pakialam Anne kesyo mayaman sila or anuman, mag-aaral ako mabuti, magsusumikap para maging isang magaling na prosecutor para makamit ang hustisya na nararapat kay nanay.” Nararamdaman kong may namumuo ng luha sa aking mga mata, tumingala ako para mapigilan ang pagtulo nito. “Ayusin na natin itong mga ito nang makauwi na tayo.”