HERA UNTI-UNTI ay bumubuti na ang lagay ng mama ni Daniel at masaya ako para sa kaniya. Alam ko na ang karamdaman ng mama niya ang nagbibigay sa kaniya ng sobrang stress sa buhay dahil mahal na mahal niya ang mama niya. Nagdesisyon kaming pumunta ng magkasama sa ospital kung saan ito nagpapagaling upang ibalita sa mama niya ang tungkol sa aming relasyon. Pagbukas ni Daniel ng pinto ay bumungad sa amin ang nakangiting ina niya habang nakaupo at binabalatan ang orange na kakainin niya. Halos magtago lang ako sa likuran ni Daniel dahil sa hiya. Napansin naman niya agad iyon kung kaya inalalayan niya ako upang pumwesto sa gilid niya at hinawakan ng mahigpit ang kamay ko. Nagmano muna kami sa mama niya at kinumusta niya ito. "Kumusta ka na, ma? Mukhang maganda ang gising mo ngayon, ah?"

