Chapter Fourteen

1124 Words
NAPABUNTONG-HININGA si Kisa nang makitang alas-diyes na ng gabi sa relong suot niya. Tiyak na nag-aalala na ang mama niya at pagagalitan siya nito pag-uwi niya. "Oreo, ano'ng sinabi mo kay Mama no'ng tinawagan mo siya kanina?" "'Sabi ko, magdi-dinner tayo sa labas kaya male-late tayo ng uwi." "Thanks." "Don't worry. Sinisiguro kong hindi tayo pagagalitan ni Tita Klaris dahil nagpaalam naman ako nang maayos." "Bakit masyado ka yatang confident?" Nagkibit-balikat lang ito. Pagdating nila sa bahay ay agad siyang bumaba ng kotse. Tahimik siyang pumasok sa bahay. Pero natigilan siya nang makarinig siya ng pamilyar na mga boses mula sa kusina. "Samuel, hanggang kailan ba natin itatago kay Kisa ang katotohanan?" "Hindi na niya kailangang malaman pa 'yon, Klaris. Ayokong sumama ang tingin niya sa 'yo. Mahal na mahal ka niya." Ang mama at papa niya ang nag-uusap! At siya ang pinag-uusapan ng mga ito! Hindi na siya nakatiis. Pumasok siya sa kusina at nagpakita sa mga ito. Nagulat ang mga ito nang makita siya. "Ano'ng ibig n'yong sabihin, 'Ma? Ano'ng itinatago n'yo sa akin?" *** HINDI pa rin makapaniwala si Kisa sa mga nalaman mula sa kanyang mama. Ang sabi nito ay nilasing at pinikot lang nito ang kanyang ama na nakatakda nang ikasal kay Stephania—ang ina ni Stone—at iyon ang dahilan ng pagkakahiwalay ng dalawa. Siya ang naging bunga ng ginawa ng kanyang ina. Pinakasalan ng kanyang ama ang mama niya dahil sa kanya. Lumayo naman noon si Stephania at hindi na nagpakita pa sa mga magulang niya. Naging maayos naman ang pagsasama ng mga magulang niya dahil pinakisamahan naman nang mabuti ng papa niya ang kanyang mama. Nagulo lang ang pagsasama ng mga ito nang magbalik si Stephania noong sampung taong gulang siya at hindi sinasadyang makasalubong ito ng mga magulang niya. Kasama ni Stephania si Stone noon. Nagkumustahan ang mga ito at nalaman ng mga magulang niya na kamamatay lang ng asawa ni Stephania kaya nagpasya itong bumalik sa Pilipinas. Sa Amerika kasi nakabase ang mga ito. Doon nagsimula ang pagseselos ng kanyang ina. Parati nitong pinagbibintangan ang kanyang ama na nakikipagkita kay Stephania kahit hindi naman iyon totoo. Iyon ang dahilan ng madalas na pagtatalo ng kanyang mga magulang. Pero hindi pala roon nagtapos ang pagseselos ng kanyang ina. "'Ma, totoo bang tinangka mong saktan ang mommy ni Stone no'n na naging dahilan ng pagkalumpo niya?" tanong niya. Nalumpo pala ang mommy ni Stone dahil sa kagagawan ng kanyang ina. Binulag ito ng matinding selos at galit at dahil doon ay nagawa nitong sagasaan ng kotse si Stephania na naging dahilan ng pagkalumpo ng huli. Hindi nagdemanda si Stephania dahil ayaw nito ng gulo. Pero iyon ang naging mitsa upang tuluyan nang iwan ng kanyang ama ang kanyang ina. Gusto nitong maalagaan at protektahan si Stephania na siyang tunay nitong mahal. Umiyak ang kanyang ina. "T-totoo 'yon, anak. Nagawa ko ngang saktan si Stephania noon dala ng matinding selos. Hindi sila nagkabalikan noon, pero dahil sa ginawa ko, nabuhay ang pagmamahal nila para sa isa't isa. K-kung meron mang may kasalanan kung bakit tayo iniwan ng ama mo, ako 'yon. Nabulag ako ng selos. Anak, Mama was the real villain." "Bakit hindi n'yo sinabi sa akin?" galit na tanong niya. "Huwag kang magalit sa mama mo, Kisa," anang papa niya. "Ako ang may kagustuhan na huwag sabihin sa 'yo ang katotohanan. Una, alam ko kung gaano mo kamahal at tinitingala ang mama mo. Ayokong sirain ang imahen niya sa isip mo." "Pero dapat sinabi n'yo pa rin sa akin ang lahat." Umiling ito. "Kung nalaman mo noon, magagalit ka sa mama mo at sisisihin mo siya kung bakit kami nagkahiwalay. Ayokong sirain ang magandang samahan ninyo ng mama mo. Mas gusto kong sa akin mo isisi ang lahat kaysa sa kanya." "Bakit?" "Dahil kahit ano pa ang malaman mo, hindi pa rin mababago n'on na iniwan ko pa rin ang pamilya ko." Hinawakan nito ang kamay niya. "Na iniwan ko pa rin ang nag-iisa kong anak." Tahimik na tumulo uli ang mga luha niya. Totoo rin ang sinabi nito. Inabandona pa rin sila nito. Pero ngayong alam na niya na hindi nito minahal ang mama niya nang tulad ng pagmamahal nito kay Stephania at dahil na rin sa matinding pagseselos ng kanyang ina noon na sumira sa samahan ng mga ito, naintindihan niyang mas mabuti ngang naghiwalay na langang mga ito kaysa naman makulong sa isang pagsasama na walang pagmamahal at respeto sa isa't isa. Masakit pa rin pero hindi na sintindi noon. Tuluyan nang nawala ang lakas niya para pilitin ang sarili na manatiling galit sa kanyang ama. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa kamay ng papa niya na nakahawak sa isa niyang kamay. "I'm sorry, Papa." Nagulat ito dahil noon lang uli niya ito tinawag na "Papa." "Sinaktan kita sa loob ng mahabang panahon kahit hindi ko alam ang totoong nangyari. Patawarin mo sana ako," sabi pa niya. Marahas na umiling ito. "Hindi, anak. Wala kang dapat ihingi ng tawad. Ako itong nagkulang sa 'yo bilang ama mo. At dahil din sa akin kaya nagkapeklat ka sa mukha. I know how much you hate that scar on your face. Nakuha mo 'yan dahil sa akin kaya dapat lang na habang-buhay kong pagbayaran ang kasalanan ko sa 'yo. Kahit paulit-ulit akong humingi ng tawad sa 'yo, alam kong kulang pa iyon." Umiling siya. "Pagod na akong magalit at malungkot, Papa. Alam mo kung bakit? Because despite everything, I still miss you. Kung mabibigyan ako ng pagkakataong pumili ng magiging ama, ikaw pa rin ang pipiliin ko. Dahil kahit nasaktan mo ako, hindi ka nawala at patuloy kang gumawa ng paraan para mapatawad kita. Ako lang itong matigas ang ulo. Ikaw, 'Pa, pipiliin mo pa rin ba akong maging anak mo? Mahal mo ba ako?" Tumayo ito at niyakap siya. "Of course, I love you! You're my daughter. Kahit ilang beses pa akong papiliin, ikaw pa rin ang pipiliin ko. Pangako, mas babawi ako sa 'yo ngayon. Mas ipaparamdam ko sa 'yo kung gaano kita kamahal." Natawa siya sa kabila ng pagpatak ng mga luha niya. "Aasahan ko 'yan, Papa." Nilingon niya ang kanyang ina na umiiyak pa rin habang nakayuko. "Mama." Nag-angat ito ng tingin sa kanya. "A-anak... I-I'm sorry." Ngumiti siya. "'Ma, naman, eh. Hindi ko naman kayang magalit sa 'yo. I love you so much, 'Ma. Kaya kong tanggapin at unawain ang lahat ng ginawa mo, katulad ng pagtanggap at pag-unawa ko kay Papa. Gusto ko lang na maging masaya tayong lahat." Tumayo ito at niyakap din siya. "Salamat, anak. Salamat." She cried hard, and this time, she wished this would be the last time she would cry because of pain. Isa na lang ang kulang. Stone, sana ngayon ay puwede na tayo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD