Chapter 14: Kulang na lang ay isa-isahin na alisin ni Anthony ang kahit na maliliit na bato sa kaniyang dinaanan papasok sa restawran. Siya na nga itong nahiya sa lalaki. Para bang isa siyang maharlika kung iturin nito. Maging ang paghila ng upuan ay ang lalaki ang gumawa. Ayaw naman paawat ng lalaki sa ginagawa nito. Sa katunayan ay nagiging hindi na siya komportable. “Here are your orders, Ma'am and Sir.” Nilapag ng serbidor ang mga pagkain na inorder ng lalaki para sa kanilang dalawa. “Thank you,” pagpapasalamat ni Anthony sa serbidor. Bakas sa mukha ni Anthony na tuwang-tuwa ito habang nakatingin sa kaniya. Daig pa ng lalaki ang bata na nanalo sa palaro kung bumungisingis ito. Hindi maalis ang ngiti ng lalaki na naging dahilan ng pagkapermanenteng singkit ng mga mata nito.

