“ABA HIJO, hindi ka lang pala magandang lalaki. Masarap ka rin palang magluto. You’re just like my husband.”
“You’re right, honey. Naaalala ko ang sarili ko sa batang 'to. Siguradong responsableng binata itong si Khaki.”
“Oh, stop it, you lovely couple. Nahihirapan na ho akong maging humble niyan,” halatang nagbibirong wika ni Khaki. Pero halata rin na tuwang-tuwa ang mokong sa mga naririnig nito.
Kumunot ang noo ni Luka sa takbo ng usapan ni Khaki at ng mga magulang niya habang nanananghalian sila. Kung magkuwentuhan ang mga ito ay animo’y matagal ng magkakakilala ang mga ito gayong ngayon lang nagkaharap-harap ang tatlo.
Alas-onse ng umaga sila dumating sa bahay ng mga magulang niya. Tinulungan ni Khaki na magluto ang ina niya. Dahil madalas ay hindi niya kinakain ang mga iniluluto para sa kanya ng binata, ngayon lang niya nalamang masarap nga talaga itong magluto.
“Luka, what’s wrong? Bakit hindi mo ginagalaw 'yang pagkain mo?” nag-aalalang tanong ni Khaki.
Nilingon niya ito para sana tapunan ito ng masamang tingin. Subalit naantala ang plano niyang 'yon nang makita ang mga mata nito. He was genuinely worried about her. Natutuwa siya sa pag-aalala nito sa kanya.
Yumuko siya sa kanyang plato. “Wala naman. 'Wag mo na lang akong intindihin.”
“That’s impossible. Hindi mo ba nagustuhan ang niluto ko? May gusto ka bang kainin?” sunud-sunod na nag-aalalang tanong ni Khaki.
Nilingon niya uli ito. “I’m fine. Really.”
Nangislap ang mga mata nito – tanda na may gagawin na naman itong kalokohan. “Do you want me to feed you, baby?” Tinapat nito sa bibig niya ang isang kutsara ng kanin na may himay ng karne sa ibabaw. “Say “ah”, elye – Luka.”
Pinaningkitan niya ito ng mga mata. “Khaki.”
Nagpaawa ito ng mga mukha sa kanya, pagkatapos ay pasimpleng inginuso ang kanyang mga magulang. Nang lingunin niya ang mga ito, nakita niya ang pagkasabik at labis na kasiyahan sa mukha ng ama’t ina niya. Ilang taon na niyang pinag-aalala ang mga ito kaya naisip niyang sa pagkakataong iyon ay dapat siyang bumawi sa mga ito.
Bumuntong-hininga siya bago sinubo ang pagkain na inaalok ni Khaki sa kanya. Pero pasimple niyang sinipa ang binti nito sa ilalim ng mesa na ikinasinghap nito.
Pilit na ngumiti si Khaki habang pinandidilatan siya ng mga mata. Binigla na naman siya nito nang pisilin nito ang magkabila niyang pisngi. “Ang sweet mo talaga, Luka,” may bahid ng sarkasmo sa malambing nitong boses.
“Ano ba!” reklamo niya habang pilit inaalis ang mga kamay nito sa kanyang mga pisngi.
Kung tutuusin ay mukhang pinanggigigilan lang siya nito, gaya ng ginagawa ng magkakaibigan sa isa’t isa. Ngunit iba ang sinasabi ng mga mata nito. His eyes were dark, sultry and filled with mixed passion and… desire.
She suddenly felt warm inside. Inaakit siya ng walanghiyang lalaki!
At nagpapaakit ka naman!
Gayunman, hindi niya magawang kondenahin ang sarili dahil sigurado siyang kahit sinong babae ay maaakit sa binibigay nitong tingin sa kanya.
So, inaamin mo ngang naaakit ka sa kiting-kiti na 'yan?
Naramdaman niya ang pag-iinit ng kanyang magkabilang pisngi dahil sa mga naiisip niya. Nag-iwas siya ng tingin kay Khaki nang pakawalan na nito ang mga pisngi niyang namumula na siguro dahil sa ginawa nito. No’n naman niya napansin ang mga magulang niya na bagama’t mababakas ang kaligayahan sa mukha ng mga ito ay naroon pa rin ang luha sa gilid ng mga mata ng mga ito.
“Mom, Dad, what’s wrong?” nag-aalalang tanong niya sa mga ito.
“Masaya lang kami ng daddy mo, anak,” nakangiting wika ng kanyang ina. “Ngayon ka lang uli naming nakitang masaya.”
Natigilan siya. Siya, masaya?
“Mukhang mabuti ang naidulot ng pagkakaibigan niyo ni Khaki,” masayang wika ng kanyang ama, pagkatapos ay binalingan si Khaki. “Hijo, please take care of my daughter.”
Nakangiting tumango naman ang kanyang ina bilang pagsang-ayon sa kanyang ama.
“Ako na hong bahala kay Luka, Mommy at Daddy,” matatag na sagot naman ni Khaki na mukhang mas lalong ikinatuwa ng mga magulang niya.
Kunot-noong nilingon niya si Khaki. “What did you just call my parents? Ang kapal talaga ng mukha mo.” Huli na para mabawi niya ang mga sinabi niya. Sanay siyang sinusungitan si Khaki at bine-verbal abuse kapag silang dalawa lang, pero nakakahiya pa rin sa mga magulang niya ang inasal niya lalo’t gustung-gusto pa naman ng mga ito ang binata.
Nakalabing hinarap ni Khaki ang mga magulang niya. “Mommy, Daddy, inaaway po ako ni Luka,” pagpapaawa pa nito.
Katulad ng inaasahan, pinagsabihan siya ng mga magulang niya. Napayuko na lang siya.
“Lambingan lang ho namin ni Luka 'yon. 'Wag ho kayong mag-alala. Nag-improve na ho ang social skills nitong anak niyo. I promise you, I won’t let her go back to the darkness she once dwelled in.”
Nagugulahan siya sa nangyayari. Bakit naman siya inihahabilin ng mga magulang niya kay Khaki? At ang walanghiyang lalaki, feel na feel naman!
Magpo-protesta sana siya pero nang makita niya ang kasiyahan sa mukha ng kanyang ama’t ina ay natigilan siya. Hinayaan na lang tuloy niya ang mga ito. Tutal ay totoo rin namang naging magandang impluwensiya sa kanya ang kiti-kiti na 'to.
Pabirong siniko siya ni Khaki no’ng hindi na nakatingin ang mga magulang niya. Pagkatapos ay yumuko ito sa tapat ng tainga niya at bumulong. “Ui, aalagaan kita, ha?” malambing na wika nito.
Napalingon siya rito dala ng gulat. Hindi ito nakatingin sa kanya subalit nakita niya ang pigil na pagngiti nito habang nakikinig sa kuwentuhan ng mga magulang niya. Pero alam niyang wala naman talaga na sa mga ito ang atensyon niya dahil nahuhuli niya itong panaka-nakang sumusulyap sa kanya.
Sa sobrang lakas ng t***k ng kanyang puso, wala na siyang ibang naririnig kundi iyon at ang paulit-ulit na sinabi ni Khaki. Aalagaan daw siya nito? At tila determinado talaga itong gawin 'yon. Pero ang pinakamalaking tanong sa lahat ay…
Bakit natutuwa at umaasa ako sa sinabi niyang 'yon?
Napatayo siya bigla. Nagtatakang tumingala sa kanya si Khaki at ang mga magulang niya. Tumikhim siya. “Kukunin ko lang 'yong fruit salad sa kusina,” aniya saka mabilis na umalis para hindi na magtanong ang kahit sino sa mga ito.
Subalit nang nasa kusina na siya ay nagulat siya nang biglang sumulpot si Khaki sa kanyang likuran. Mukhang sinundan siya nito.
“Tulungan na kita,” alok agad ni Khaki nang makita nitong bitbit niya ang may kalakihang bowl ng fruit salad. Kinuha nito iyon mula sa kanya.
Humalukipkip siya. “Khaki, ano 'to? Alam kong sinabi mo lang kina Mommy at Daddy ang lahat ng sinabi mo kanina out of courtesy, pero please lang. Stop giving them false hopes.”
“What do you mean I’m giving them false hopes?”
“'Yong sinabi mong aalagaan mo ko.”
“O? Anong masama ro’n eh talaga namang balak kitang alagaan? Kung hindi ako seryoso ro’n, sana matagal na kitang nilayasan sa tuwing sinasaktan mo ko.”
Nabigla siya. “A-ano? B-bakit mo naman ako kailangang alagaan? Hindi ako imabalido!”
Binaba nito sa mesa ang bowl saka namaywang. “Gagawin ko 'yon dahil gusto ko. At hindi mo ko mapipigilang gawin 'yon.”
“At bakit mo naman gagawin 'yon?”
Matamang pinagmasdan siya nito. Lahat ng pagbibiro, pagkapilyo at kakulitan na madalas ay makikita sa mga mata nito ay biglang naglaho. Napalitan iyon ng sinseredad at... pagmamahal?
“Khaki,” banta niya. Hindi niya kasi gusto ang tinging binibigay nito sa kanya. Lalo siya niyong pinapakaba at pinapasabik.
Natawa ito, pero hindi iyong sing buhay tulad noon. Umiling-iling din ito. “Sige na nga, aamin na ko.” Tumingin ito sa kanya. Malapad ang ngiti nito bagama’t may naaaninag siyang pangamba sa mga mata nito. “Crush lang sana kita, eh. Kaso ngumiti ka. Ayan tuloy… mahal na kita.”
She froze. Para siyang pinasabugan ng mga paputok sa kanyang magkabilang tainga. Idagdag pa ang pagwawala ng kanyang puso. But before she could even think about how to respond to his abrupt confession, her cell phone rang. Sinagot niya iyon.
“Hello? O, Mayang, bakit?” Biglang nanlamig ang buong katawan niya habang pinapakinggan ang sinasabi ng kanyang katulong sa kabilang linya. Nang matapos ang tawag ay dumulas sa kamay niya ang kanyang cell phone.
Agad na lumapit sa kanya si Khaki. “What’s wrong, Luka?”
“N-nasusunog ang studio ko, Khaki.” Nanginginig ang mga kamay niya nang hawakan niya ang braso nito. “Puwede mo ba 'kong ihatid sa bahay?” pakiusap niya rito.
Bumakas ang pag-aalala sa mga mata nito. Hinawakan nito ang nanginginig na kamay niya at iginiya siya palabas ng kusina. Hindi na sila nakapagpaalam ng maayos sa mga magulang niya; pinasunod na lamang nila ang mga ito sa bahay niya.
Hindi binitawan ni Khaki ang kamay niya. Kahit paano ay naibsan ang nararamdaman niya. His warm hand gave her an undeniable feeling of security and protection. She knew she would always be safe with him. Kahit paano ay nakalma ang kalooban niya dahil buong biyahe ay halos hindi nito binibitawan ang kanyang kamay.