Chapter Five

1788 Words
Agnes’ POV ISANG umaga ng Sabado ay napagkasunduan namin ni Tristan na manood ng sine dahil wala siyang pasok kapag weekend. Bonding na rin naman at date. Nauna na siyang maligo sa akin at pagkatapos niya ay ako naman ang pumasok sa banyo. Hinubad ko na ang lahat ng damit ko at itinapat ang sarili sa shower. Binuksan ko iyon at hinayaan kong mabasa ang buong katawan. Ngunit ganoon na lang ang pagtataka ko nang patingin ko sa ibaba ay may kulay pulang likido na sumasama sa tubig! Agad akong kinabahan. Parang may nararamdaman kasi akong mainit-init na likido na lumalabas sa aking p********e. Nanginginig na tiningnan ko ang aking p********e at para akong mahihimatay nang makita ko na may dugong lumalabas doon. “T-tristan…” tawag ko sa aking asawa. Pati boses ko ay nanginginig at kulang sa lakas. Inulit ko ang pagtawag kay Tristan dahil tila hindi niya yata iyon narinig. Pilit ko na lang nilakasan ang aking pagsasalita. Narinig ko ang humahangos na yabag ng paa ni Tristan. Bumukas ang pinto ng banyo at nakita ko ang gulat sa mukha ni Tristan nang makita niya ako. “Agnes!” Nag-aalalang bulalas niya at mabilis iyang lumapit sa akin. Hinawakan niya ako sa magkabila kong balikat. “A-anong nangyari? Nadulas ka ba?” puno ng pag-aalalang tanong ni Tristan. Umiling ako kasabay ng pagpatak ng aking luha. “H-hindi ko rin alam. B-bigla na lang akong dinugo…” Napahawak ako sa kaniyang braso. “Tristan, iyong baby natin… B-baka--” “Hindi! Okay lang si baby!” Natatarantang kinuha niya ang towel at binalot niya ako gamit iyon. Pinangko niya ako at inilabas ng banyo. Pinaupo niya ako sa upuan na nasa aming kwarto. “Pupunta tayo ng ospital. Huwag kang mag-isip ng kung anu-ano, ha. Okay lang ang baby natin. Okay?” Kahit may pagdududa ako na ayos lang ang baby namin ay tumango na lang ako sa kaniya. Kinakabahan talaga ako. Alam kong may hindi magandang nangyari sa magiging anak namin ni Tristan. -----ooo----- “FULLY damaged na ang uterus mo. Mahina na ito at hindi na nito kayang magdala ng sanggol. Yes, maaaring mabuntis ka pero katulad ng nangyari sa iyo ngayon ay palagi ka lang makakaranas ng miscarriage. Malalaglag lang palagi ang bata. Ang tanging maibibigay ko na lang sa iyo ay mga vitamins para mas maging malusog ka. I am sorry…” Nakauwi na kami ni Tristan mula sa hospital pero hanggang ngayon ay naririnig ko pa rin ang mga sinabi sa akin ng doktor na tumingin sa akin. Nalaglag ang bata sa aking sinapupunan dahil hindi na kaya ng aking uterus na magdala ng sanggol. Kanina nang malaman ko ang kondisyon ng aking uterus ay bumalik sa aking isip lahat ng ginawa ko noong pagpapalaglag ng sanggol. Alam kong sinisingil na ako ng Diyos sa mga kasalanang ginawa ko noon. Ngayong gusto ko nang magkaroon ng anak ay saka naman ako nawalan ng kakayahan na magka-anak. Pero noong mga panahon na kaya ko pa ay ipinapalaglag ko naman. Magkatabi lang kaming nakaupo ni Tristan sa sofa. Tahimik akong lumuluha habang siya ay nakatulala at kanina pa hindi umiimik. Pag-alis namin sa ospital hanggang ngayon ay ganoon siya. Alam ko naman kung bakit. Nag-expect siya na magkakaroon na kami ng anak dahil pangarap niya talaga iyon pero hindi pa pala. At kahit kailan ay hindi ko na siya mabibigyan ng anak. “K-kasalanan ko ito. Ako ang dapat sisihin sa lahat. Sinisingil na ako ngayon sa mga pagpapalaglag na ginawa ko noon…” Puno ng lungkot na sabi ko. Hindi naman lingid kay Tristan ang aking nakaraan. Alam niya ang lahat sa akin at tinanggap niya iyon. Kaya nga pinakasalan niya ako. Isang malalim na buntunghininga lang ang sinagot ni Tristan. Tumayo na siya at akmang aalis. “Saan ka pupunta?” tanong ko sa kaniya. “Magpapalit lang ako ng damit. Gusto kong lumabas muna ngayon.” Malamig niyang tugon. “P-pwede ba akong sumama?” “Huwag na. Dito ka na lang sa bahay para makapagpahinga ka. Inumin mo sa oras iyong vitamins mo. Saka mga kaibigan ko kasama ko.” “Sige. Basta mag-iingat ka, ha…” Mas lalo akong nalungkot dahil pakiramdam ko ay biglang nawalan ng gana at amor si Tristan sa akin. Naiintindihan ko naman siya dahil gusto niya talagang magkaroon ng malaking pamilya. Tapos ako pa ang pinakasalan niya na wala na palang kakayahan na magdala ng bata sa sinapupunan. Hindi ko naman siya masisisi kung nagsisisi na siya na ako ang kaniyang pinakasalan. Ito na siguro ang karma ko… Nanatili lang ako sa salas habang nakaupo sa sofa. Maya maya ay lumabas na si Tristan sa aming kwarto at bihis na bihis. Tumayo ako para halikan sana siya bago umalis ngunit dire-diretso lang siya sa paglabas ng aming bahay. Hindi man lang niya ako tinapunan ng tingin. Nadurog ang puso ko dahil doon. Napakasakit! Hindi kasi ako sanay na ganoon siya sa akin. Sanay ako na kapag aalis at darating siya ay sinasabi niya kung gaano niya ako kamahal na may kasama pang halik. Pero gaya ng sinabi ko, hindi ko pwedeng sisihin si Tristan kung malamig man siya ngayon sa akin. -----ooo----- MEDYO maaga pa. Hapon pa lang kaya naman naiinip na ako. Kanina ay iyak ako nang iyak dahil sa wala na ang anak namin ni Tristan. Pero naisip ko na dapat ay magpatuloy lang ang buhay. Malamig man si Tristan sa akin sa ngayon, alam kong darating ang araw na babalik din siya sa dati. Nakita ko na parang kakaunti na lang ang stock ng pagkain namin sa kusina kaya naisipan kong mag-grocery. Para na rin malibang ako kahit papaano. Sigurado naman na mamayang gabi pa uuwi si Tristan lalo na at kasama nito ang mga kaibigan nito. Binigyan naman ako ni Tristan ng sariling debit card para daw kapag may gusto akong bilhin ay doon na lang ako kukuha. Doon na rin niya dine-deposit ang pang-budget namin. Talagang napaka-responsableng asawa niya sa akin kaya naman labis akong nalulungkot dahil hindi ko maibibigay sa kaniya ang makakapagpasaya sa kaniya nang husto-- isang anak. Naligo lang ulit ako at nagbihis ng kumportableng damit saka ako umalis ng bahay para pumunta sa supermarket. Isang sakay lang naman ng jeep iyon at hindi matagal ang biyahe. Pagkalipas lang ng fifteen minutes ay nasa mall na ako. Diretso agad ako sa supermarket. Pagkuha ko ng cart ay may isang babae akong nakasabay sa pagkuha. Sabay naming hinawakan iyong cart at nagkatinginan kami. Maganda siya. Maputi pero medyo maliit sa akin. Naka-make up siya. Ang buhok niya ay may malalaking kulot at kulay brown. Hanggang balikat ang buhok niya. Naksuot siya ng blouse at maikling shorts. Ngumiti siya sa akin. “Ay, sorry! Sige, sa iyo na iyan!” Medyo malakas siyang magsalita. Naalala ko tuloy ang dating ako kasi ganoon ako magsalita noong nasa bar pa ako. Malakas at masigla palagi. “Thank you…” Sinuklian ko rin siya ng isang matipid na ngiti. Kinuha ko na ang cart nag-umpisa na akong bumili ng mga kailangan namin sa bahay. Inuna ko muna ang mga pagkain katulad ng mga delata at noodles. Isinunod ko ang mga condiments at mga asukal, kape at gatas. Kasunod naman ay mga sabon, shampoo at mga ginagamit sa paglalabas. At hinuli ko na ang mga frozen goods, mga gulay, prutas at mga karne. Napansin ko na parang naging mabilis ang pamimili ko. Maaga pa at ayaw ko pang umuwi. Malulungkot lang kasi ako sa bahay. Maiisip ko lang ang nawala naming anak ni Tristan. Oo, hindi pa siya buo pero alam kong buhay na siya. Iwinaglit ko muna ang pag-iisip tungkol doon at nag-ikot-ikot pa ako sa supermarket. May nakita akong mga basket na may kung anu-anong item na nakalagay. May juice drink, spaghetti sauce, pasta at kasama pa doon ang paboritong potato chips ni Tristan. Natuwa ako sa bundle na iyon kaya naisipan kong kumuha ng isa. Pagkuha ko ng isang basket ay may nakasabay akong kumuha niyon. Ang nangyari tuloy ay parehas naming hawak iyong hawakan ng basket. Nagulat ako nang malaman ko na siya na naman iyong babaeng nakasabay ko sa pagkuha ng cart kanina. “Oh! Ikaw na naman!” Natawa kaming dalawa. “Ano ba 'yan? Lahat na lang ng sa iyo, kinukuha ko! Pero, mag-gi-give way ulit ako. Ikaw naman ang nauna kaya sa’yo na 'yan!” Nakangiti niyang sabi sa akin. Muli akong nagpasalamat sa kaniya at umalis na rin ako. Pumila na ako sa counter. Siguro, pagkatapos ko dito ay hindi na muna ako uuwi. Baka tawagan ko na lang muna si Lulu at aayain ko siyang kumain sa labas. Siya lang naman ang kaibigan ko na pwede kong paglabasan ng sama ng loob. Turn ko na sa counter. Napatingin ako sa likuran ko at kasunod ko pala iyong babaeng nakasabay ko sa pagkuha no’ng basket. Halos four thousand pesos din pala ang napamili ko. Inilagay iyon ng bagger sa dalawang kahon kasi sobrang dami. Hindi ko na rin pala napansin na marami ang napamili ko. Pero ayos lang naman para matagal-tagal ulit bago ako mag-grocery. Binuhat ko na ang dalawang kahon. May tali iyon at iyon ang ginawa kong handle. Nakakailang hakbang pa lang ako ay ibinaba ko na ang mga iyon dahil sobrang bigat. Masakit din sa kamay. “Tulungan na kita!” Medyo nagulat ako nang may magsalitang babae sa likuran ko. Paglingon ko ay nakita ko na naman siya. Nakangiti at dala iyong isang basket na muntik na naming pag-agawan. “Naku, hindi na. Kaya ko ito.” Pagtanggi ko. Hindi ko naman kasi siya kilala kaya bakit ko hahayaang tulungan niya ako. “'Wag ka ngang echosera diyan! Nakita ko na pagewang-gewang ka sa paglalakad habang buhat mo mga dala mo. Don’t worry, walang bayad!” “Hindi naman sa ganoon pero nakakahiya naman sa iyo.” “Wala 'yon. Sinu-sino pa ba ang magtutulungan kundi tayong mga girls, 'di ba? Hindi naman pati mabigat itong basket ko. Tig-isa na lang tayo ng kahon.” Wala na akong nagawa nang kunin niya ang isang kahon at binuhat. “Saan ka ba pupunta?” “Sa second floor sana. Sa may food court…” Doon ko naisip na tawagan si Lulu para papuntahin dito. “Do’n lang pala. Gora na tayo! Ay, teka! By the way, ako nga pala si Monique.” Ibinaba niya muna iyong basket at inilahad ang kamay sa akin. Inabot ko ang kamay ni Monique at nakipag-shake hands. “Agnes…” Matipid kong sagot pero sinabayan ko ng matamis na ngiti. TO BE CONTINUED…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD