Agnes’ POV
“FOR sure, sa naisip ko ay matutuwa sa iyo ang asawa mo. Anak ang gusto ninyo, 'di ba? Alam ko na ang solusyon sa problema ninyong mag-asawa!” ani Maonique sa akin. May pagkindat pa talaga siya.
“A-ano ba kasi 'yon?”
Hinawakan niya ako sa isa kong kamay. “Basta! Malalaman mo rin. Sumama ka lang sa akin at huwag nang magsalita! Tara na!” Hinila niya ako pero hindi ako natinag sa aking pagkakatayo.
Medyo kinakabahan lang kasi ako sa kung anong naiisip niya.
Pinanlakihan niya ako ng mata. “O, bakit? Ayaw mo ba?”
“H-hindi naman sa ganoon. Kaya lang…” Ibinitin ko ang sasabihin ko. “Saan ba muna tayo pupunta?”
“Basta nga, sabi. Sumama ka na lang. Okay? Malalaman mo rin!”
Sa oras na iyon ay inisip ko na lang na kaibigan ko na si Monique at wala naman siguro siyang gagawing hindi maganda sa akin o bagay na ikakapahamak ko. Nagtiwala na lang ako sa kaniya at sumama sa kung saan man niya ako dadalhin. Nasa third floor kami at bumaba kami sa first floor. Pumasok kami sa isang pet shop na karamihan ng mga pet na naroon ay mga aso.
Kumunot ang noo ko dahil hindi ko alam kung ano ang gagawin namin dito ni Monique. “Monique, akala ko ba alam mo na ang solusyon sa problema namin ni Tristan?” tanong ko habang nakasunod ako sa kaniya. Tumitingin-tingin siya ng mga tuta na naroon.
“Kaya nga tayo nandito.” Humarap siya sa akin. “Ito ang naisip kong solusyon sa problema ninyo ng Tristan mo. Mag-alaga kayo ng aso para kunwari ay may anak na rin kayo. Nakakaalis pa ng stress ang pag-aalaga ng dogs. Nabasa ko sa internet!”
Medyo nalaglag ang pag-asa ko sa sinabi niya. “Pero ang gusto kasi ni Tristan ay iyong sarili niyang laman kaya sa palagay ko ay hindi niya ito magugustuhan…”
“Bakit kasi hindi mo muna subukan?” Muli itong tumingin ng mga tuta na naroon. “Iyon! Mura lang iyong puppy na pug!” Itinuro ni Monique ang isang matabang tuta na ang mukha ay parang nilukot na papel. Kahit kulubot ang mukha niyon ay napaka cute pa rin. “Sa pagkakaalam ko ay sobrang lambing at playful ng mga pug kaya parang may bata na rin sa bahay ninyo. Ano sa tingin mo, Agnes?” Muli siyang tumingin sa akin.
Nang hindi agad ako nakasagot at hinawakan niya ang dalawang kamay ko. “Sige na! Try mo lang. Malay mo naman, matuwa si Tristan. Ang pug na iyon ang parang magiging anak ninyo.”
Tiningnan ko iyong cute na pug at nakatingin siya sa akin na para bang sinasabi niya na bilhin ko na siya, na gusto niyang maging baby ko. Huminga ako nang malalim at tumango. “Sige na nga…” Pagsang-ayon ko sa ideyang ito ni Monique.
-----ooo-----
Tristan’s POV
“OY, Tristan! Hindi ka pa ba uuwi? Palagi ka na lang OT, a!” Isang tapik sa kaliwang balikat ko ang naramdaman ko habang nakaharap ako sa computer . Paglingon ko ay nakita ko ang aking kaibigan at katrabaho na si Charlie.
Five na ng hapon at uwian na pero ako ay wala pa talagang balak umuwi. Mas gusto ko pa kasi na maging busy dito sa opisina kesa umuwi at makita si Agnes. Nalulungkot lang ako kapag nakikita ko ang asawa ko dahil parang ipinamumukha lang niyon sa akin na hinding-hindi ako magkakaroon ng anak sa kaniya kahit anong gawin ko. Kung noong una ay gustong-gusto kong hilahin ang oras kapag nasa trabaho ako para makauwi na at makasama si Agnes ngayon ay nag-iba na.
Aminado naman ako na naging iba na ang pakikitungo ko sa kaniya matapos naming malaman na hindi na niya kaya ang magdala ng sanggol sa kaniyang sinapupunan. Pero anong magagawa ko? Disappointed ako at galit. Kaya kesa awayin at sisihin ko lang si Agnes sa nangyayari ay mas mabuting umiwas na lang ako sa kaniya. Asawa ko pa rin naman siya at mahal ko siya kaya ayaw kong makapagbitaw ng salitang masasaktan siya. Ako na lang ang iiwas na mangyari iyon.
Alam ko ang buong nakaraan ni Agnes at tinanggap ko iyon ng buo dahil sa mahal ko siya. Kahit ayaw ng mga magulang ko sa kaniya ay sinuway ko pa rin sila dahil sa pagmamahal na iyon. Ang hindi ko lang talaga kayang tanggapin ay ang katotohanan na hindi niya ako mabibigyan ng anak. Hindi lingid kay Agnes na gusto ko talaga ng malaking pamilya dahil hindi ko iyon naranasan. Isa pa, gusto ko na ring maranasan ang maging isang ama. Iyong may batang nagmula sa aking dugo at laman na tatawagin akong papa o hindi naman kaya ay daddy o kaya ay tatay. Pangarap ko talaga iyon. Ngunit parang magiging isang pangarap na nga lang ang bagay na iyon.
Pagtingin ko kay Charlie ay ibinalik ko na ulit ang atensiyon ko sa computer. “Marami pa akong gagawin, e. Natambakan ako dahil ilang araw din akong absent gawa ng kasal namin ni Agnes,” palusot ko na lang.
“'Sus! E, dati naman para kang natatae sa pagmamadali sa pag-uwi kapag uwian na. Ayaw na ayaw mong mag-OT dahil palagi mong gustong makita ang asawa mo. Teka, may problema ba?”
“Problema? Ano naman ang magiging problema namin ni Agnes? Wala, oy!”
“Okay, sabi mo, e. Hinay-hinay sa pagtatrabaho at baka naman maubusan ka ng gagawin sa susunod. At 'wag masyadong magpaka-stress. Ang sabi kasi sa research, nahihirapan daw makabuo ang isang lalaki kapag stressed! Aba, dapat makabuo na kayo ni Agnes para naman makapag-ninong na ako sa first baby ninyo!” Tawa pa ni Charlie.
“Oo na! Alam ko naman iyan. Huwag kang mag-alala at ninong ka talaga ng first baby namin kahit hindi mo na ipaalala sa akin palagi!” Magkaibigan kasi talaga kami ni Charlie. Sabay kasi kaming nag-umpisang magtrabaho sa kumpanyang ito tapos magkaparehas pa kami ng trabaho. “Umuwi ka na nga at baka mapalo ka pa ng nanay mo!” Pagtataboy ko sa kaniya at baka mag-usisa pa siya.
“Sige. Mag-iingat ka, pare! Una na ako!” Muli niya akong tinapik sa balikat bago siya tuluyang umalis.
Nang mag-isa na lang ako ay isinubsob ko na lang ng husto ang sarili ko sa pagtatrabaho para hindi ko na maisip ang problema ko… namin ni Agnes.
-----ooo-----
ALAS-OTSO na ng gabi nang makarating ako sa bahay. Sa ngayon ay nagco-commute lang ako pero pinag-iisipan ko na rin ang kumuha ng sasakyan para hindi na ako nahihirapan na makipagsiksikan para lang makasakay ng bus o jeep. Mas nakakapagod kasi kapag ganoon.
Pagbukas ko ng pinto ay nagulat ako nang may sumalubong sa aking matabang aso na kulubot ang mukha. Tinahulan niya ako nang paulit-ulit at nagpapaikot-ikot siya sa paa ko. Ano ito? Bakit may aso sa bahay namin? Hindi ko natatandaan na meron kami nito.
Umasim ang mukha ko nang may maamoy akong hindi maganda. Iyon naman pala ay may tae at ihi ng aso sa sahig. Ayaw ko pa naman ng kalat o dumi sa bahay dahil naiinis ako kapag ganoon.
Mula sa kusina ay lumabas si Agnes. May hawak siyang sandok kaya nalaman kong nagluluto na siya. Nakangiti siya sa akin ng malaki. Lumapit siya sa akin para bigyan ako ng halik sa labi.
“Ano ito? Bakit may aso dito?” Medyo iritadong tanong ko. Sino ba naman kasi ang hindi maiirita kung pag-uwi mo ay may makikita kang dumi at ihi ng aso sa sahig.
Yumukod si Agnes at kinuha ang tuta. “Binili ko ito kanina sa mall. Pug siya. Ang name niya ay Tres. Pinagsamang pangalan mo at pangalan ko--”
“Agnes, wala akong pakialam sa pangalan ng asong iyan! Ang gusto kong malaman ay bakit ka bumili ng aso nang hindi mo man lang sinabi sa akin? Hindi mo man lang ako tinanong kung okay lang ba sa akin na may aso dito sa bahay!”
Nawala ang ngiti sa labi niya. Napalitan iyon ng lungkot. “Surprise ko kasi ito sa iyo kaya hindi ko sinabi…”
“Well, I am surprised dahil pag-uwi ko may tae at ihi sa sahig! Ano ito? Araw-araw na may sasalubong sa akin na ganiyan pag-uwi ko? Ayaw ko ng aso dahil may allergic ako sa balahibo ng hayop at ayaw ko ng maduming bahay!”
“Binili ko si Tres kasi para may anak na tayo.”
Tumango-tango ako. “Ah, alam ko na. Hindi mo ako mabigyan ng anak kaya aso na lang. Sa tingin mo ba ganoon ako kababaw, Agnes? Ang gusto ko ay totoong anak. Iyong galing sa dugo’t laman ko at hindi isang aso. Hindi mo ako madadala sa ganiyang bagay.” Alam kong masakit ang mga sinasabi ko sa kaniya pero hindi ko na napigilan. Ito ang iniiwasan kong mangyari kaya hindi ko kinakausap si Agnes dahil sasabog talaga ako. Masasabi ko lahat ng kinikimkim ko sa loob.
“S-sorry kung hindi ko maibibigay ang gusto mong anak, Tristan. Ginagawa ko lang naman ang sa tingin ko ay makakapagpasaya sa iyo. Sorry talaga…”
“Pwes! Hindi ako mapapasaya ng asong iyan!” bulyaw ko.
Hindi na umimik si Agnes. Napayuko na lang siya. Dinig ko ang pagsinghot at paghikbi niya. Gusto ko siyang yakapin ng mga sandaling iyon pero kapag naiisip ko na hindi niya ako mabibigyan ng anak ay umuurong ako. Napapatungan ng galit at inis ang pagmamahal ko sa kaniya.
“Sige. Sa labas ko na lang ilalagay itong aso. M-maiwan na kita. Tatapusin ko lang ang niluluto ko.” Tinalikuran na niya ako. Dala ang aso ay bumalik siya sa kusina.
Bumalik din siya agad para linisin ang dumi at ihi sa sahig.
May awang humaplos sa puso ko habang pinapanood siya sa kaniyang ginagawa. Napailing na lang ako at pumasok na sa aming kwarto para magpalit ng damit. Pero pagpasok ko doon ay nanghihinang napaupo na lang ako sa gilid ng kama. Naihilamos ko ang aking mukha sa sariling palad.
Tama ba ang ginawa ko kay Agnes? Tama ba ang sigawan ko siya? Tama ba na sisihin ko siya kasi hindi niya kayang magkaroon ng anak? Tama lang naman siguro na siya ang sisihin ko. Ilang beses siyang nagpalaglag noon at alam kong iyon ang dahilan kung bakit naging mahina ang sinapupunan niya.
Hindi ko alam kung tama ba ang nararamdaman ko pero kahit mahal ko si Agnes ay parang may nararamdaman na akong pagsisisi na pinakasalan ko at ginawa kong asawa. Gusto kong magkaroon ng anak at hindi iyon kayang ibigay ng babaeng pinangakuan ko ng habangbuhay sa harap ng Diyos…
TO BE CONTINUED…