KINAILANGANG manatili ng ilang araw sa loob ng hospital si Ismael. Ayon sa doktor na tumitingin dito'y mahinang-mahina ito at makabubuting makapagpahinga at maobserbahan. Matapos ang ilan pang pagsusuri ay nagpaalam na ang mga doktor, nakasunod dito ang ilang nurse nang lumabas ng silid.
Nang mapag-isa ay awang-awa niyang pinagmasdan ang asawang natutulog. Sinaksakan ng gamot ang swero nito kaya napayapa sa nararamdamang kirot. Lumuluha niyang hinaplos ang humpak nitong mukha. Tinapat na siya ng doktor tungkol sa kalagayan nito. Kalat na ang cancer sa katawan ng kanyang asawa, at tanging ang mga gamot na lamang na ipinapasok sa mga ugat nito ang pinanggagalingan ng pansamantalang lakas. Pinaghahanda na siya sa isang masakit na katotohanan. Muli siyang nanangis. Hindi niya matatanggap na mawala ang pinakamamahal na asawa. Walang kailangang maubos ang lahat ng ari-arian na naipundar nila. Ang mga salapi sa bangko na pinaghirapan nilang ipunin at palaguin. Walang saysay ang kayamanang mayroon sila kung mawawala naman ang pinakamamahal niyang kabiyak. Matapos ayusin ang kumot ni Ismael ay naisip niyang umuwi muna upang kumuha ng mga magagamit sa ilang araw na ilalagi sa hospital.
"Sandali lang ako, Ismael. Babalik agad ako." Bulong niya bagama't 'di nito maririnig. Buong ingat niyang hinagkan ang noo nito.
Nang makarating sa kanilang bahay ay nadatnan niyang nakatayo sa tapat ng kanilang gate ang labandera nilang si Monang. Ito rin ang nagpaplantsa, naglilinis ng bahay at kung anu-ano pa. Tatlong beses sa isang linggo ang pasok nito sa kanila ngunit isang buwang mahigit na itong di nakakapasok dahil kapapanganak lang sa ika-limang anak.
Nang makita siya ni Monang ay agad itong napangiti. Panay ang banayad nitong pag-yugyog na tila nagsasayaw habang karga bagong silang na bata.
"Magandang araw po, ate." Tila nahihiya nitong bati. Tagaktak ang pawis nito kahit nasa ilalim ng punong may lilim.
"Magandang araw naman sa iyo. Sandali lang at dito tayo sa loob mag-usap. Napakainit dito sa labas." Mabilis niyang binuksan ang gate gamit ang susing kinuha sa loob ng bag na nakasukbit sa balikat.
Hindi na naupo si Monang nang alukin niyang maupo. Panay pa rin ang mahinang pagyugyog sa kargang sanggol na panay ang ingit. Inumpisahan na nitong sabihin ang pakay. "Alam ko pong nagmamadali kayo dahil may nakapagsabi sa akin na dinala kanina si kuya sa hospital. Nagbakasakali lang ako na uuwi agad kayo para kumuha ng gamit kaya naghintay na ako. Kung papayag po sana kayo, gusto ko na po sanang pumasok."
"Kaya na ba ng katawan mo? Wala ka pang dalawang buwang nakakapanganak ah. Baka naman kung mapaano ka. Baka mabinat ka."
"Sanay naman ang katawan ko sa ganun, ate. Huwag po kayong mag-alala. Saka kailangan ko na pong kumilos para makaraos kaming mag-anak."
"O e, sige, ikaw ang bahala. Kailangan ko na nga ng makakatulong dito sa bahay. Hindi ko na maasikaso gawa ng 'di ko maiwanan nang matagal ang kuya mo. Heto nga at pumasok na naman kami sa hospital."
"Eh ate, maaari po bang maisama ko itong anak ko dito kapag pumapasok ako? Wala po kasi akong mapag-iiwanan sa bahay. Isa pa ay sa akin po siya dumedede. Huwag po kayong mag-alala, pagkapananghali naman ay pupunta ang panganay ko para iuwi itong bunso ko. Ganung oras po kasi ang labas nun sa paaralan eh."
"Walang kaso sa akin 'yan. Sige lang. Kung saan ka makakaluwag ay ganun ang gawin mo."
"Salamat po, ate. Sige po, pasabihan nyo na lang po ako kung kelan po ako magsisimula. Tutuloy na po ako." Tuwang-tuwa nitong paalam.
"Sandali lang, Monang." Pag-awat niya sa papatalikod na kasambahay habang dumudukot ng pera sa bag na nakapatong sa ibabaw ng mesa. Pagkatapos ay iniabot iyon sa nahihiyang ginang.
"Sige na, kunin mo na ito. Iaawas ko na lang yan nang paunti unti sa sweldo mo. Bumalik ka dito pagkaraan ng tatlong araw. Hihintayin kita." Nakangiti niyang sabi. Alam niyang kailangan nito ng pera kahit hindi magsalita.
"Maraming salamat po, ate. Sige po tutuloy na kaming mag ina, babalik na lang po kami pagkaraan ng tatlong araw. Paki kamusta na lang po kay Kuya. Hayaan nyo po at isasama ko po sa panalangin ang maaga niyang paggaling."
Hinatid pa niya nang tanaw ang mag-inang palabas. Nakaramdam siya ng awa ngunit nakakaramdam din ng inggit. Mahirap ang buhay ng mga ito subalit may limang mga anak. Samantalang siya ay may pera nga subalit napakalungkot dahil ni isa ay walang naging anak. Napabuntung-hininga na lamang siya. Nang tuluyang lumapat ang pinto ng gate ay pumanhik na siya sa silid upang kumuha ng ilang damit.
Inilalagay na niya ang ilang pirasong damit sa loob ng may kalakihang bag nang may biglang pumasok sa kanyang isip.
"Isang sanggol! Buto ng isang sanggol ang makapagpapagaling sa sakit ng aking asawa!" Isinisigaw ng kanyang utak.
"Hindi! Panaginip lang yon. Hindi yon, totoo!" Pananaway niya sa sarili. Nangilabot siya sa sagot ng bahaging yon ng kanyang utak. Ibig lang sabihin na kung magkakatotoo nga ay gagawin pala niya!
"Hindi ko alam ang nangyayari sa akin. Hindi ko na alam kung nakakapag-iisip pa ba ako ng tama. Diyos ko! Kung hindi mo pakikinggan ang mga panalangin ko ay baka makagawa ako ng isang bagay kahit alam kong mali upang mailigtas ko lamang ang aking asawa. Ngayon pa lamang ay humihingi na ako ng kapatawaran. Kapag nawala si Ismael ay hindi ko na nais pang mabuhay. Mawawalan na rin ng kabuluhan ang buhay ko kung kukunin mo siya sa akin!" Pagkasabi ng ganun ay isinubsob niya ang mukha sa paboritong damit ng asawa at humagulgol nang humagulgol. Pakiramdam niya ay parang hinahangin ang loob ng kanyang utak.
Naigtad siya nang muling makarinig ng tinig; tinig ng utak niyang nakakaisip gumawa ng 'di tama.
"Hindi ako isang panaginip lamang, Josefina. Totoo ang mga sinabi ko sa'yo. Isang buhay kapalit ng buhay. Mamili ka. Ang buhay ng isang sanggol o, ang buhay ng iyong pinakamamahal na asawa!"
Nanlaki ang ulo niya sa nakita. Nagdilim ang kanyang paningin hanggang sa tuluyang mawalan ng malay.
Hapon nang siya ay magising. Agad niyang naisip ang asawang iniwanan sa hospital. May pagmamadali sa pagkilos niya. Ilang saglit pa at humahangos na siya papuntang hospital. Pabalik sa asawang alam niyang naghihintay.