TININGNAN ni Strike ang kaibigang sina Ur at Coleen na abala sa pag-a-apply ng make-up. Pagkatapos ay dumako ang tingin niya kay Josei na ikinukuwento sa iba nilang kaibigan ang karanasan nito sa triathlon. Pagkatapos ay kay Colin naman na nasa kalagitnaan ng mainit na pakikipaghalikan sa babaeng nakakandong dito.
Tama si Cee-Cee sa obserbasyon niya sa mga kaibigan namin.
Humingi uli siya ng alak sa bartender. Naroon siya sa isang bar ngayon para magliwaliw kasama ang mga kaibigan niya, matapos ang mahabang board meeting kanina sa kompanya niya.
Gusto niyang pansamantalang iwasan si Cee-Cee. Matagal na niyang alam na mali ang pagkakahusga nila rito, pero nang makita niya ang mga regalo sana nito para sa kanilang magkakaibigan, napatunayan niya kung gaano kalaki ang kasalanan nila sa dalaga.
Kapag nalaman ni Cee-Cee na siya ang nag-plano para magkatuluyan sina Kraige at Cleo, tiyak na hindi siya nito mapapatawad. At iyon ang kinakatakutan niyang mangyari ngayon. Lumapit siya rito dahil nakokonsensiya sa nagawa niyang pananakit dito, at pinapasaya niya rito para sana makabawi. Pero ngayon, mukhang iba na ang dahilan niya.
"Strike, are you okay?"
Nalingunan niya si Cleo na umupo sa katabi niyang stool sa tapat ng counter. "Hi, Cleo. Where's Kraige?"
"Papunta siya rito," nakangiting sabi nito. "Bakit ka nga pala mag-isa rito?"
Bumuntong-hininga siya. "'Wag mo kong intindihin. This is just one of the nights when I hated the whole world." Sinulyapan niya ito. "Except you and Kraige, of course." And Cee-Cee.
Natawa ito ng marahan. "You haven't changed at all, Strike. You're still the overprotective brother Kraige and I never had."
"I get that a lot."
Ngumiti si Cleo habang inaalog-alog ang yelo sa hawak nitong baso. "Alam namin kung bakit ganyan ka ka-overprotective sa'min ni Kraige. Nasa isang van tayo no'n at galing tayo sa isang bakasyon... ako, si Kraige, ang mga magulang ko, at ang mga magulang ni Kraige. Bumunggo tayo no'n sa isang truck, at bumaligtad ang sasakyan natin no'n. Tinulungan mo kaming makalabas ni Kraige –"
"Pero hindi ko nailigtas ang mga magulang niyo," mapait na sansala niya sa sinasabi ni Cleo. "I failed to save them."
Nang panahong iyon ay hindi nakasama sa bakasyon ang mga magulang niya kaya walang nangyaring masama sa mga ito. Ang mga magulang din niya ang nag-alaga at gumabay kina Kraige at Cleo hanggang sa mahawakan na ng mga ito ang kanya-kanyang kompanya ng pamilya ng mga ito. Iyon ang dahilan kung bakit naging mas malapit siya sa dalawa.
Hinawakan ni Cleo ang kamay niya. "Strike, sumabog ang van dahil sa pag-leak ng gas kaya hindi mo sila natulungan. Wala kang kasalanan sa nangyari. And we were just fifteen then. Huwag mo nang sisihin ang sarili mo sa nangyari."
Hindi siya sumagot. Sa tuwing maaalala niya ang nangyari noon, nasasaktan pa rin siya. Nakita niya kung gaano nasaktan sina Cleo at Kraige ng mawala ang mga magulang ng mga ito sa mismong harap ng mga ito. Iyon ang dahilan kung bakit ipinangako niyang gagawin niya ang lahat para maging masaya ang mga ito.
"Strike... kalimutan mo na ang pangako mo sa'min ni Kraige. Isipin mo na ang kaligayahan mo simula ngayon."
Kaligayahan niya? Ang mukha agad ni Cee-Cee ang pumasok sa isip niya. Hindi tuloy niya napigilang mapangiti. "Masaya na ko, Cleo."
Humiwalay si Cleo sa kanya at tiningnan siya nito sa mukha. "You're smiling. Strike, who's making you happy now?"
Inisang-lagok niya ang alak sa baso niya bago siya sumagot. "Sik-re-to."
Pabirong himpas siya nito sa braso. "Ang daya nito! Naglilihim ka na sa'kin, ha!"
"You seem to be having fun without me, huh?"
Sabay nilang nalingunan ni Cleo ang nakangiting si Kraige.
"Kraige," bati niya rito.
"Hi, hon," bati naman ni Cleo dito.
Hinalikan ni Kraige sa mga labi nito si Cleo bago ito umupo sa tabi ng dalaga. "Anong pinag-uusapan niyo?"
Yumakap si Cleo sa baywang ni Kraige. "Kraige, si Strike. I think he already likes someone. Pero ayaw niyang sabihin kung sino."
Ngumisi si Kraige. "Really? Who's the lucky girl?"
"CC!"
Marahas na nilingon niya ang pinanggalingan ng boses. Akala niya, si Cee-Cee ang tinawag na iyon, pero kapangalan lang pala ng dalaga. Pero ang ikinagulat niya ay nang lumingon din si Kraige sa direksyon na 'yon. Nang tingnan niya si Kraige, nagulat siya nang makita ang pagkadismaya sa mga mata nito. And then he saw Cleo looking at Kraige. May sakit na bumalatay sa mga mata ni Cleo.
What's happening?
Natigilan lang siya nang tumunog ang cellphone niya. He recieved a blank text message from Cee-Cee. Nag-alala siya para rito. Lumabas sya ng bar para magkarinigan sila.
"Cee-Cee, why did you send me a blank text message?" tanong niya agad rito.
"Ah, sorry. Napindont ko agad 'yong send button, eh. Anyway, I was just wondering if you can help me. Bumili kasi ako ng mga bagong furniture and appliances. Hindi ko naman maayos kasi mabigat."
Tumingin siya sa wrist watch niya. It was already ten PM. Natawa siya ng marahan. "Ikaw lang ang kilala kong nag-aayos ng bahay sa kalagitnaan ng gabi."
"Well, that's what makes me your favorite person, right?"
Kinagat niya ang ibabang labi niya. Dang, kinikilig yata siya. "Cocky, aren't we?"
Natawa ito, pero agad ding tumigil. "I hear loud music in the background. Siguro nasa gimmick ka with your friends. I'm sorry sa pang-iistorbo –"
"Twenty minutes," nakangiting sansala niya sa sinasabi nito. "I'll be there in twenty minutes."
He couldn't say no to his most favorite girl in the world, could he?
***
NAPANGITI si Cee-Cee nang pagbukas niya ng pinto ay sumalubong sa kanya ang isang hinihingal at pawisang Strike. "Nineteen minutes. Maaga ka ng isang minuto."
Nagkibit-balikat ito. "Nakalimutan mo na bang ako si Superman?"
Natawa siya nang maalala ang itsura nito noong isuot nito ang kapa no'ng nakaraang araw. "Come in. Pasensiya na kung nasira ko ang gimmick mo kasama ang mga kaibigan mo."
"Nah, it's okay. Pauwi na rin naman ako no'ng tumawag ka."
Halatang nagulat ito nang pagdating nito sa sala ay sumalubong dito ang dalawang sette do'n na wala sa ayos. May malaking speaker na rin at DVD player.
"Wow. Sana isinama mo rin ako mag-shopping," reklamo ni Strike.
"Alam ko namang busy ka sa trabaho kaya hindi na kita inistorbo."
Tumayo ito sa harap niya at pinunasan ang pawis sa noo niya gamit ang panyo nito. "Pawis ka na. Kanina ka pa nag-aayos dito?"
Tumango siya. "Nilinis ko rin kasi ang buong bahay." Pinunasan din niya ang pawis sa noo nito, pero kamay lang niya ang ginamit niya dahil wala siyang panyo. "Sigurado ka bang hindi ako nakakaistorbo?"
Umiling ito. "Siyempre, hindi." Hinubad nito ang suot nitong coat at sinampay iyon sa sofa. Pagkatapos ay tiniklop naman nito ang sleeve ng plo nito hanggang sa siko nito. "Paanong ayos ba ang gusto mo rito sa sala mo?"
In-instruct niya ito kung saan ilalagay ang sofa at ang sette. Gano'n din ang speaker at ang DVD player niya. Napangiti siya habang pinapanood ito. Si Strike, walang kahirap-hirap sa pagtutulak sa sofa. 'Yong sette nga ay paa lang ang pinantulak nito.
Ngayong pawis ito ay humapit sa katawan nito ang suot nitong polo. And yeah, he had a very gorgeous body.
Tumikhim siya. "Strike, salamat sa pagtulong sa'kin. Kumain ka muna."
"Okay. Pero magpapalit lang ako ng damit sa unit ko."
Tumango lang siya. Pag-alis ni Strike ay nagtungo siya sa kusina para initin ang mga niluto niya kanina. Naghahain na siya nang bumalik ang binata. Ang bango nito. Mukhang nag-shower ito dahil basa ang buhok nito.
Sinimangutan niya ito. "Hindi ka dapat naligo agad. Baka magkasakit ka niyan."
Ngumiti lang ito. "Pagkatapos ay lumingon ito sa buong kusina. "Wow. Mukhang nadagdagan din ang mga gamit mo sa kusina. Dati, pang-isang tao lang ang mga utensils mo."
"Para sa'yo 'yan." Nang gulat na nilingon siya ni Strike ay saka lang niya na-realize ang kahulugan ng sinabi niya. Nataranta siya. "Ang ibig kong sabihin, kailangan ko ng mga extra utensils para sa mga bisitang gaya mo."
Ngumisi ito. "Okay."
Tinakpan niya ng mga kamay niya ang mukha niya. "Friends visit each other, right? Ang sabi mo, magkaibigan na tayo kaya naisip ko na kapag nandito ka sa bahay ko, hindi maiiwasan kung sabay man tayo kumain minsan. Kaya naisipan kong mamili ng mga kasangakapan."
Nang wala siyang matanggap na tugon mula kay Strike ay inalis niya ang takip sa mukha niya. Nagulat siya nang makitang nakangiti lang ito na para bang masaya ito sa mga narinig nito.
"Masaya akong kaibigan na ang turing mo sa'kin," nakangiting sabi ni Strike.
Nawala na ang pagkapahiyang naramdaman niya. Napangiti na rin siya. Mayamaya lang ay magkasalo na silang kumakain sa mesa.
"It's Friday night, pero nandito ka lang sa bahay mo. You really have no social life," biro ni Strike sa kanya.
"Excuse me. I had a date today."
Natigilan sa pagsubo si Strike. Nakakatakot ang simangot nito. "With whom?"
Nagkibit-balikat siya. "With my books."
Umaliwalas agad ang mukha nito. "You should have called me. Wala naman akong ginawa sa opisina."
Napaisip siya. "Hmm. Yeah, I will do that next time."
"Really?"
Tumango siya. "It's kinda lonely without you..." pabulong na sabi niya sa sarili. Nakalimutan na naman niyang i-preno ang bibig niya. Nakagat niya ang ibabang labi niya nang ngumisi si Strike. "Puwede bang magpanggap kang walang narinig?"
Natawa ito. "Imposible 'yan. How can I pretend not to hear you say it's lonely without me? That was the biggest compliment I received in my life. And I'm happy that it came from you, Cee-Cee."
Yumuko lang siya para hindi nito makita ang tiyak na pamumula ng mga pisngi niya. "Pero nakakahiya 'yong sinabi ko."
"I was lonely, too, because I didn't see you the whole day. It makes us even now, kaya hindi ka dapat mahiya."
Nag-angat siya ng tingin dito. Seryoso ang anyo nito. "Strike..."
"Alam mo 'di ba? Alam mo nang gusto kita. 'Wag ka sanang magpanggap na hindi mo nakikita 'yon, dahil wala akong balak magpanggap na kaibigan lang ang tingin ko sa'yo. Though we're friends... I can't help but like you more than that, Cee-Cee," pag-amin nito, saka mabilis na sunod-sunod na sumubo ng kanin para maiwasan nito ang tingin niya.
Natahimik siya. Hindi na niya mapigilan ang pag-iinit ng magkabila niyang pisngi. Ngayon lang niya narinig ng gano'n kalakas at gano'n kabilis ang t***k ng puso niya. Masaya siya, pero nando'n pa rin ang pangamba sa dibdib niya. Kagagaling lang niya sa hiwalayan. Hindi niya alam kung handa na siyang magkaroon agad ng ugnayan sa ibang lalaki.
Narinig niyang bumuntong-hininga si Strike. "Cee-Cee, hindi mo kailangang mag-isip ng kung ano. I'm sorry for making you feel uncomfortable."
Umiling siya. Hindi niya gusto ang nakikita niyang pag-aalala sa mga mata nito. "Hindi ako naiilang sa pinagtapat mo. Pero sana, hindi ka umasa na matutugunan ko agad ang nararamdaman mo. Alam mo namang kagagaling ko lang sa hiwalayan, 'di ba? At mas kailangan ko ng kaibigan ngayon."
Napangiti ito. "Of course." Mukhang nakahinga ito ng maluwag kaya natawa ito. "Hindi kita mamadaliin. Ang mahalaga, hinayaan mo kong makasama ka, kahit bilang kaibigan lang."
Nang makita ang ngiti ni Strike, napangiti na rin siya. "Salamat sa pag-intindi, Strike. I think you're my most favorite friend now."
Eksaheradong sumimangot ito. "Ako lang naman ang kaibigan mo."
Natawa lang siya.