TUMIGIL sa pagtipa sa laptop niya si Cee-Cee nang manakit na ang leeg at mga balikat niya. Mag-a-ala onse na ng gabi at halos apat na oras na rin siyang nagsusulat ng walang hinto. Pinatay niya ang electric fan na nakatapat sa kanya. Malamig ang panahon dahil bigla na lang umulan kanina.
Break time.
Tumayo siya at kinuha ang cellphone niya sa ilalim ng unan sa kama niya. Mayroon siyang natanggap na apat na unread text messages. Nanatili siyang nakatitig sa huling text message na natanggap niya.
"Cee-Cee, happy birthday. I hope you're happy now."
Galing kay Kraige ang text na iyon. Naaalala pa pala nito ang birthday niya. Masaya siyang binati siya nito, pero hindi na tulad noon. Mukhang tuluyan na niyang naalis sa sistema niya ang binata. Sinagot niya ng "thanks" ang lahat ng bumati sa kanya, maliban kay Kraige. Ngayong nakakapag-move on na siya kay Kraige, hindi niya bibigyan ang sarili niya ng pagkakataong umasa muli sa binata dahil lang sa isang text message.
Binitawan niya ang cellphone niya at nagtungo siya sa kusina. Nilabas niya mula sa fridge ang maliit na bilog na birthday cake na binili niya para sa sarili niya kanina. Nagsisimula na siyang kumain ng cake nang may marinig siyang kumatok sa pinto ng apartment niya.
Tumayo siya at nagulat siya nang makita sa eyehole ang iba't ibang makukulay na lobo.
"Sino 'yan?" malakas na tanong niya.
"Cee-Cee, si Strike 'to."
Mabilis niya itong pinagbuksan ng pinto. "Strike. Anong ginagawa mo rito?"
Binaba nito ang mga lobong hawak nito. Nakasimangot ito. "Masama bang bumisita sa kaibigan?"
Tumaas ang kilay niya. "Sa ganitong oras?"
Nagpaawa ito ng mukha. "Papasukin mo na ko. Nabasa na ko ng ulan."
Nag-alala siya nang makitang basa nga ang buhok at T-shirt nito. "Halika nga."
Niluwagan niya ang pagkakabukas ng pinto at tinulungan ito sa mga dala nito. Bukod kasi sa makukulay na lobo ay may bitbit itong plastic mula sa HappyChic na naglalaman ng isang bucket ng chicken at isang box ng malaking cake.
Pinaupo niya ito sa sala. Nagtungo naman siya sa kuwarto niya para ikuha ito ng malinis na tuwalya.
"Cee-Cee, painom, ha?" malakas na sigaw ni Strike.
"Sige lang," malakas ding sagot niya.
Nang makahanap siya ng tuwalya ay pinuntahan niya si Strike. Pero himbis na umiinom ng tubig gaya ng inaasahan niya ay nakita niya itong nakatayo lang at nakatitig sa kinakain niyang cake kanina sa ibabaw ng mesa.
Pinatong niya ang tuwalya sa ulo ni Strike. "Gusto mo ng cake, Strike?"
"Cee-Cee, bakit kumakain ka ng birthday cake mag-isa?" kunot-noong tanong nito.
Nabasa niya ang simpatya sa mga mata nito kaya umarte siyang walang pakialam. "Sanay na ko." Tinalikuran niya ito para kumuha ng platito at tinidor. "Tutal naman ay nandito ka na, saluhan mo na ko. Paano mo nga pala nalamang birthday ko ngayon?"
"Secret."
"Strike –" Nagulat siya nang pagpihit niya paharap ay muntik na siyang bumunggo sa dibdib nito. He was standing so close to her. Tiningala niya ito. "Bakit?"
Matagal siya nitong tinitigan, pagkatapos ay bumuntong-hininga ito habang tinatapik-tapik ang ulo niya. "Happy birthday, my favorite girl."
Ngumiti siya. "Thank you. Hindi mo ko kailangang kaawaan. Sanay na ko."
"Hindi dapat kinakasanayan ang pag-iisa."
Bumuntong-hininga lang siya. "Bitbitin mo 'yang cake. Sa sala na lang tayo kumain."
"Okay."
Bitbit niya ang isang tray na naglalaman ng isang pitsel ng juice, dalawang baso, dalawang platito at dalawang tinidor, samantalang bitbit naman ni Strike ang cake nang bumalik sila sa sala. Nilapag nila ang lahat sa center table, pagkatapos ay sa sahig na sila umupo.
Nakasimangot pa rin si Strike no'n, kaya sinubukan niya itong lambingin. Siya na ang nagtuyo ng buhok nito gamit ang tuwalya.
Nang hindi pa rin umimik ang binata ay sinilip na niya ang mukha nito. Dahil sa ginawa niya ay nagkalapit ng husto ang mga mukha nila. Pero hindi siya nailang. Ando'n ang mabilis at malakas na t***k ng puso niya, at ang panlalamig ng mga kamay niya, pero nakasanayan na niya 'yon sa tuwing malapit ang Strike.
"Bakit ka ba nagagalit, Strike?" tanong niya rito.
"Hindi ako galit," kaila nito, sabay iwas ng tingin. "Nagtatampo lang."
Nang mangawit siya sa posisyon niya ay umupo na lang siya sa tabi nito. "Bakit na naman?"
Sinulyapan siya nito. "Dahil hindi mo na naman ako tinawagan para samahan ka. Hindi mo naman kailangang mag-isa dahil nandito ako."
Bumuntong-hininga siya. "Strike."
Ito naman ang bumuntong-hininga. Niyukyok nito ang mukha nito sa mga braso nitong nakapatong sa mga tuhod nito. "I know. Magkaibigan lang tayo. Pero hindi ko maiwasang mag-alala ng matindi dahil alam mong higit pa do'n ang nararamdaman ko para sa'yo."
Natahimik siya. Hindi niya alam kung bakit hinayaan niyang umabot pa sila sa gano'ng punto. Alam niyang gusto siya ni Strike, pero hinayaan niyang manatili ito sa tabi niya bilang kaibigan niya kahit mahirap iyon para sa kanilang dalawa. Pero anong magagawa niya? Masaya siyang kasama ito. Kung saan man patungo ang nararamdaman niyang iyon para sa binata, hindi niya alam. Pero ngayong nakikita niya itong nahihirapan, nasasaktan din siya. Kaya nakapagdesisyon na siya.
"Strike... I like you."
Dahan-dahan itong nag-angat ng tingin sa kanya. Bakas ang matinding gulat sa guwapo nitong mukha. "What?"
Hindi niya nagawang mag-iwas ng tingin dito kahit ang init-init na ng magkabila niyang pisngi. Niyakap na lang niya ang mga binti niya ng mahigpit. "I like you," pag-uulit niya. "Hindi ko alam kung saan 'to papunta, pero ayoko nang pigilan 'to. Sasamahan mo ba kong makarating kung saan man patungo ang nararamdaman natin para sa isa't isa?"
Napakurap-kurap si Strike. Umaliwalas ang mukha nito hanggang sa mapangiti na ito. "Talaga?"
Tumango siya.
Kinagat nito ang ibabang labi nito. "Puwede ba kitang yakapin?"
Yumuko siya, saka kiming tumango.
Mayamaya lang ay naramdaman niya ang pagyakap ni Strike sa kanya. He even put his chin on top of her head. Hinawakan naman niya ang mga braso nitong nakapalupot sa katawan niya, saka niya sumandal sa dibdib nito. Napangiti siya nang marinig ang malakas at mabilis na t***k ng puso nito.
Pero sinira ng malakas na kulog ang magandang pakikinig niya sa t***k ng puso ni Strike.
"Cee-Cee..." halos pabulong na wika ni Strike, kasabay ng pagbaba ng mukha nito sa leeg niya. Tumama ang mainit nitong hininga sa sensitibong bahagi ng tenga niya.
Humiwalay siya rito, saka ito sinimangutan. "I'm not having s*x with you, Strike."
Sumimangot din ito. "Sino bang nagsabing 'yon ang iniisip ko? Para sasabihin ko lang na buksan mo 'yong TV. Ayoko kasi ng tunog ng kulog." Bigla itong ngumisi. "Bakit? Gusto mo ba?" halatang nagbibirong tanong nito.
Lalong nag-init ang magkabila niyang pisngi dahil sa mali niyang hinala. Tumayo siya. "Manood na lang tayo ng DVD," aniya saka mabilis na umalis para itago ang pagkapahiya niya.
Pagdating niya sa kuwarto niya ay impit siyang tumili. What made her think Strike wanted to have s*x with her anyway? Ang dumi-dumi ng isip niya! Ilang beses siyang humugot ng malalim na hininga. Nang kumalma na siya ay hinalungkat niya ang drawer niya para sa mga CD niya. Kinuha na rin niya ang comforter niya para maging komportable siya sa panonood. Nang mahanap na niya ang gusto niyang panuorin ay bumalik na siya sa sala.
Nagtaka naman siya nang mapansing sa bawat pagguhit ng kidlat ay napapapiksi si Strike.
"Okay ka lang, Strike?" tanong niya rito.
Pilit itong ngumiti. "Oo naman."
Tumango lang siya. Pinakita niya rito ang CD na hawak niya. "Gusto kong panuorin uli itong Tangled. Okay lang?"
Napangiti ito, sa pagkakataong iyon ay totoo na. "Kung 'yan ang gusto mo, sige."
Isasalang na sana niya ang CD sa DVD player nang biglang namatay ang mga ilaw. Tanging ang mga kandila sa ibabaw ng cake na lang niya ang nagbibigay ng liwanag sa apartment niya. Mukhang nag-brown out dahil sa malakas na ulan.
"f**k!" malakas na mura ni Strike nang gumuhit ang kidlat sa madilim na kalangitan, kasabay ng pagkulog ng malakas.
Umupo siya sa tabi nito para silipin ito. Nagtaka siya nang makitang nakayukyok na uli ang ulo nito sa mga braso nito. "Strike... takot ka ba sa kidlat?"
"O-of course not," kaila nito sa nanginginig na boses.
Kinagat niya ang ibabang labi niya para pigilan niya ang mapangiti. "Natatakot ka."
"Hindi nga sa – s**t!" mura uli nito nang muling kumidlat at kumulog.
Natawa siya. He looked like a child and it was cute.
"This is so uncool," paungol na reklamo ni Strike. "Oo, takot ako sa kulog at kidlat. 'Can't help it. I was involved in an accident when I was fifteen. And it was raining hard then. Kaya sa tuwing ganyan ang panahon, naaalala ng katawan ko ang nangyaring 'yon."
Biglang nawala ang ngiti niya. Naawa siya kay Strike. May masakit na trahedya pala itong pinagdaanan noon. Bumuntong-hininga siya, pagkatapos ay niyakap niya ito. Hinayaan niyang ihilig nito ang ulo nito sa pagitan ng leeg at balikat niya. "Shh. Everything's gonna be fine."
He sighed and hugged her back. Pinalupot nito ang mga braso nito sa baywang niya. "Thank you, Cee-Cee."
Ngumiti lang siya, saka niya binalot ang mga sarili nila sa comforter. Pero alam niyang mas mainit ang hatid ng pagkakadikit ng katawan nila ni Strike. And it felt good.
This is probably my best birthday so far.