GULAT na gulat si Himig nang pagbuksan siya nito ng pinto. Matapos ihatid si Sam ay doon siya dumiretso sa bahay ng kakambal. He let him in but there’s a bit confusion on his face. Mag-a-alas onse na ng gabi sa mga sandaling iyon.
“’Tol, napasugod ka, may problema ba?” tanong nito pero sa pagkakataon na iyon ay bakas na ang pag-aalala sa mukha ng kapatid.
He smiled sadly. “Pasensya ka na, hindi ako nakatawag muna, medyo magulo utak ko. Nakaistorbo ba ako?” tanong niya.
“G*go, ano bang istorbo? Hindi, pumasok ka dito!” natawang sagot ni Himig saka umakbay sa kanya.
“Ano gusto mo? Whiskey?”
Umiling siya. “Hindi na. Tubig lang o juice, magmamaneho ako eh.”
Pinaghanda siya ng juice ng kakambal. “Si Anne?” tanong pa niya saka sinundan ito sa kusina. Naupo siya sa isang bakanteng bar chair sa harap ng island counter.
“Tulog na kanina pa, sinabayan na ‘yong mga bata,” sagot nito saka nilapag sa harap niya ang baso ng juice.
“Anong problema? Hindi ka pupunta dito ng alanganin oras at walang pasabi kung wala kang problema,” sabi ni Himig saka naupo sa katabing bar chair.
Humugot siya ng malalim na hininga at malalim na nag-isip.
“Hoy, ano na?”
He looked at his twin brother with a worried look. “Si Sam, Himig. Bumalik na siya.”
Napamulagat ito.
“Si Sam? Si Samantha Lagman na ex mo?! Kelan pa? Saan siya ngayon?”
Muli na naman siyang bumuntong-hininga.
“She’s been working in my company all this time for the past four months now. And her life is completely different now, but that’s another story to tell. May mas importante pa doon.”
Kumunot ang noo ni Himig. “Ano?”
Hinilamos niya ang palad sa mukha at ginulo ang sariling buhok.
“I got her pregnant, Migs. Fifteen years ago, two months after we broke up, she found out that she was pregnant. Now the kid is nearly fifteen years old.”
“What?” gulat na bulalas nito.
Tumango siya. “That’s right. You heard me right.”
“Wait… are you the… I mean the kid is yours?”
“He looks exactly like me. Xerox copy. Dahil kambal tayo, kamukhang-kamukha mo rin, puwedeng pagkamalan anak mo. Doon pa lang hindi na maipagkakaila eh.”
“May picture ka? Patingin?”
Nilabas niya ang phone at pinakita ang selfie na kuha nilang dalawa kanina pagkatapos maglaro ng game. Napamura si Himig pagkakita sa picture.
“Anak mo nga!”
Nakipag-high five sa kanya ang kakambal at niyapos siya.
“s**t, congratulations ‘tol! All these years, tatay ka na pala!” tumatawang sabi pa nito.
“Oh, eh, bakit ganyan ang mukha mo? Hindi ba dapat masaya ka?”
“I’m shocked. I don’t know what to say. What should I feel? Kahapon lang pare, bachelor ako. But don’t get me wrong, I don’t hate it. It’s just that, I’m confuse right now. Hindi ko alam kung paano magpaka-ama. Anong alam ko sa pagiging tatay sa isang fourteen years old? Can you teach me?”
Napangiti si Himig at umakbay sa kanya pagkatapos ay tinapik ang dibdib niya.
“Hindi ‘yan napag-aaralan, ‘tol. Kahit ituro ko sa’yo kung paano ko pinapalaki ang mga anak ko. Hindi ko puwedeng sabihin sa’yo na ganoon din ang gawin mo. Iisa lang ang mukha natin pero magkaiba tayo ng ugali. All you have to do is to be yourself. But I think you’ll be a cool dad, because that’s what you are. A great and cool guy.”
Napangiti din siya nang marinig iyon mula sa kakambal.
“Salamat, hindi ko alam na ganyan ang tingin mo sa akin.”
Umakbay ito sa kanya at hinapit siya palapit dito.
“Sinabi mo na kila Daddy at Ate?”
“Hindi pa, sa’yo ko pa lang sinabi.”
“Sabihin mo na bukas, sakto uuwi si Dad galing sa Zambales.”
Tumango siya. “Okay.”
“Eh kay Sam? Anong plano mo?”
Nakangiting bumuntong-hininga siya. “I want to continue dating her. We went on a date once, remember? And it’s been great so far. Well, that’s how we are since before. Wala naman problema sa pagitan namin, magkasundo kami sa lahat ng bagay, and I think she still likes me. Kaya may pag-asa.”
“Really? Bumalik ang feelings mo? Siya pa rin hanggang ngayon? After all these years?”
“’Tol, Sam has always been the special woman for me. Ikaw lang ang nakakaalam sa mahabang panahon kung gaano ko siya minahal. My feelings of course faded, sa tagal ba namin hindi nagkita. Pero ewan ko, part of me, in my heart, hindi siya nawala. Dati hindi ko rin maintindihan kung bakit. At maniwala ka, days before we met again. Palagi ko na siyang naiisip. Ewan ko, siguro dahil may nagkokonekta sa amin, si Hari. But one thing is for sure, the moment we met again, there’s a feeling inside that says keep her.”
“Hari?”
Tumango siya. “Iyon ang pangalan ng anak ko. Sinunod din niya sa akin ang apelyido.”
“Langya ka, nauna ka pa pala sa akin maging tatay!” tukso sa kanya ni Himig.
Natawa na lang siya at tinungga ang laman ng baso pagkatapos ay tumayo.
“Sige, una na ako. Bago pa ako antukin sa pagmamaneho.”
“Kita tayo bukas, puntahan ka namin nila Alvin at Michael sa opisina mo,” sabi saka siya hinatid hanggang sa labas.
“Sige,” sagot niya.
Bago siya lumapit sa kotse ay muli siyang niyapos ng mahigpit ni Himig. Pagkatapos ay parang bata na ginulo ang buhok niya.
“Don’t be scared, dummy! You’ll be fine!” natatawang sabi pa nito saka pabiro siyang hinalikan sa pisngi.
“Yuck!” pabirong reaksyon sabay tulak palayo dito. Natatawang nag-high five sila.
“Salamat ‘tol!” sabi niya.
“I’m excited to meet him.”
“Soon!” sagot niya saka sumakay sa kotse. Bago tuluyan umalis ay kumaway pa siya sa kakambal saka pinaandar palayo ang sasakyan.
“SAMANTHA!” halos mapatalon siya sa gulat sa maraming boses na iyon na tumawag sa kanya. Pati ang ibang kasamahan niya doon sa department ay nagulat. Nanlaki ang mga mata niya nang makilala kung sino ang dumating. Nagmamadali at patakbo siyang lumapit agad sa mga ito.
“Oh my gosh! Alvin? Michael? Himig?”
“Sam! Namiss ka namin!” tuwang-tuwa na sabi ni Alvin.
Natawa siya sa mga ito at niyakap ng mahigpit ang mga matalik niyang mga kaibigan mula college days pa.
“Kumusta na kayo?” masayang tanong niya.
“We’re okay. We now officially belong in one family,” sagot ni Michael.
Napakunot-noo siya. “Ha? Anong ibig n’yong sabihin?”
“Asawa ni Ate Amihan,” sagot ni Himig sabay turo kay Alvin. “At eto, asawa ni Lia,” turo naman nito kay Michael.
Natutop niya ang bibig. “Wow, really?”
Umakbay sa kanya si Himig. “Malapit ka na rin makasama sa amin,” sabi pa nito.
Natawa siya at pabirong hinampas ito sa tiyan.
“Oo nga pala, pakilala ko kayo sa mga kasama ko sa trabaho,” sabi pa niya saka humarap sa mga kasama.
“Everybody, this is Alvin and Michael, mga bestfriends ni Sir Hiraya at hindi siya ang boss natin. Si Sir Himig ‘to, sa mga hindi pa nakakaalam, kambal sila ni Sir. Obvious naman, iisa sila ng mukha,” pagpapakilala niya sa tatlo.
“Hello po!” bati ng mga kasamahan niya.
“Hi, pasensya na kayo ang ingay namin. Since college pa kasi kami magkakaibigan ngayon lang nagkita,” sabi pa ni Migs.
“Okay lang ‘yon, Sir Migs,” nakangiting sagot ng Department Head nila.
Eksakto naman na naglunch break na. “Sandali lang, ha? Aayusin ko muna ‘yong gamit ko sa table.”
Kinuha niya ang phone at wallet pagkatapos ay lumabas na. Pagdating niya sa labas ay naabutan ni Sam na naroon na rin si Hiraya. Tumalon ang kanyang puso nang salubungin siya nito ng magandang ngiti. Apat ang guwapo sa harapan niya, pero namumukod-tangi si Hiraya para sa kanya na malakas ang dating. Kahit noon pang college ay iyon na ang tingin niya.
“Saan tayo kakain?” tanong ni Migs.
“Doon na lang sa taas, masarap naman pagkain n’yo dito,” sagot ni Alvin.
“Oo para hindi na tayo babyahe,” sang-ayon ni Michael.
Habang nasa elevator ay walang tigil ang tawanan at kuwentuhan nilang lima tungkol sa mga kalokohan nila noong college may kasama pang high-five doon. Pagdating sa canteen ay pumwesto sila sa tabi ng glass wall. Gaya ng mga karaniwan empleyado gaya niya nakipila din ang mga ito. Habang pinagtitinginan ang apat ng mga tao. Hindi lang mga empleyado ng The Empire Gaming Company, maging empleyado mula sa ibang kompanya na doon din sa gusaling iyon nag-oopisina. Habang abala sa pagkukuwentuhan ang tatlo ay binulungan siya ni Hiraya.
“Mamaya pagkatapos natin kumain, dumiretso ka sa basement parking. Doon tayo sa kotse may sasabihin ako.”
“Okay,” sagot niya.
Habang kumakain ay wala pa rin silang tigil sa tawanan at kuwentuhan. Pero sa tuwina ay palihim na hinahawakan ni Hiraya ang kamay niya sa ilalim ng mesa. Nang matapos kumain ay pinaalis na agad nito ang kapatid at mga kaibigan nila. Nagpunta lang siya sa banyo sandali pagkatapos nagpunta na sa basement parking. Paglabas niya ay agad niyang nakilala ang kotse ni Hiraya, naroon na rin ito sa loob at naghihintay.
“Bakit gusto mo akong makausap?” tanong niya agad pagsakay.
Pumihit ito paharap sa kanya. “Mamaya, kakausapin ko na sila Dad. Sasabihin ko na sa kanila ang tungkol kay Hari.”
Biglang umahon ang kaba sa dibdib niya. Nagkaroon siya ng pag-aalala. Hindi lang sa maaaring pagtanggap ng mga ito o hindi sa anak niya. Kung hindi lalo na sa Daddy niya na hanggang ngayon ay tinatanaw pa rin niya ng utang ng loob ang ginawa nito noon para sa kanya.
“Oh, bakit ka natahimik?” tanong nito.
“Wala, naisip ko lang. Matanggap kaya nila ang anak ko?”
Ngumiti ito. “Oo naman. Para naman hindi mo kilala ang pamilya ko.”
“I know, sorry. Hindi ko lang maiwasan isipin.”
“Basta ako muna ang kakausap sa kanila. Tapos saka ko ipapakilala si Hari kanila.”
“Sige, kung iyan ang gusto mo. Pero bago ‘yon, kailangan sabihin natin sa kanya ang totoo.”
Si Hiraya naman ang biglang natahimik at napaisip.
“Ikaw naman ang hindi kumibo diyan?”
Bumuntong-hininga ito. “Gaya mo, medyo natatakot din ako. Kung anong iisipin niya tungkol sa akin? Kung matatanggap ba niya ako? Fourteen years akong wala sa buhay niya. Hindi ako nagpalit ng diaper n’ya. Hindi ko nakita ang unang steps n’ya. Hindi ko narinig ang unang salitang binigkas n’ya. I wasn’t there, Sam.”
She smiled at him. “Hari is such a great kid. Makulit pero napakabait, matapang at buo ang loob kahit bata pa, madiskarte sa buhay, parang ikaw. He’s also more matured for his age. Napansin mo naman siguro ‘yon noong kumain tayo kasama siya. Kung magsalita akala mo matanda na marami nang experience sa buhay. Kuhang-kuha niya ang ugali mo. Wala akong problema sa pagpapalaki sa kanya. Nakita mo nga walang takot bumyahe mag-isa papunta dito sa opisina. Siguradong magkakasundo kayo. Panay nga ang tanong sa akin no’n kung kailan ka daw ulit pupunta sa bahay. Enjoy na enjoy siya na kasama ka.”
Nakita ni Sam na nagningning ang mga mata ni Hiraya.
“Talaga?”
“Oo, kaya huwag kang mag-aalala. At huwag mo na isipin ‘yong mga panahon na wala ka sa tabi namin. Ikaw na ang nagsabi, nandito ka na ngayon at pupunan mo ang mga panahon na wala ka sa buhay namin.”
Huminga ng malalim si Hiraya. “Gusto ko siyang makasama, Sam. I want to spend time with him, with both of you.”
“Sige, sabihin mo lang. Mabuti na rin ‘yon, dalasan mo pagpapakita sa kanya para kapag sinabi na natin sa kanya ang totoo, hindi siya mabigla.”
“Okay.”
Napangiti si Sam nang ngumiti rin sa kanya si Hiraya. No words. Nanatili lang silang naroon, nakaupo at nakatingin sa isa’t isa. Mayamaya ay umiwas ng tingin si Hiraya.
“s**t! Baka hindi ako makapagpigil mahalikan kita, baka kung saan pa matuloy masundan si Hari. Bumaba na nga tayo,” sabi pa nito.
Humagalpak ng tawa si Sam. “Siraulo ka talaga!” sagot niya. “Mauna na akong bumaba. Baka kapag nakita tayong dalawa magkasama ulit ng mga tao dito ma-chismis na tayo.”
“See you later, seksi!”
“Heh! Bye!”
Hindi mapalis ang kanyang ngiti sa labi habang naglalakad pabalik. Alam ni Sam na magiging mabuting ama si Hiraya sa anak nila. Wala siyang ibang hangad kung hindi ang makitang nasa maayos na kalagayan si Hari at higit sa lahat ay ligtas sa kapahamakan.