IT’S another week. Another busy Monday for Sam and the whole Marketing Department. Magkakaroon kasi sila ng meeting mamaya para sa ilo-launch na bagong version ng game console na ilalabas sa market sa susunod na buwan. Pero kahit busy ay magaan ang kanyang pakiramdam. Masaya siya at nabawasan ang pag-aalala para kay Hari ngayon nasa poder na sila ni Hiraya.
Bago pa sila magkita ulit nito ay palaging may pangamba sa kanyang damdamin para sa kaligtasan ng anak sa tuwing iiwan ito sa umaga para pumasok. Natatakot siya na baka matagpuan ng mga naghahanap sa kanila ang apartment na tinuluyan nila. Ngayon, mas ligtas na ito doon sa bahay. Bukod sa mahigpit ang security ng village. Bukod pa ang security guard na nakabantay sa gate. Walang tagalabas na hindi nakatira doon ang basta nakakapasok. Isa pa ay maraming kasambahay doon na kasama si Hari kaya hindi ito mababagot.
Abala siya sa pag-eencode sa computer nang biglang may humawak sa kaliwang kamay niya.
“Oh. My. God.”
Nang lumingon ay nakita niya si Marcia. Nanlalaki ang mata habang nakatitig sa suot niyang engagement ring.
“Shocks!” sunod naman na reaksyon ni Rissa.
“Ikakasal ka na?!” malakas ang boses na tanong nito kaya naglingunan ang mga kasamahan.
Mabilis niyang tinakpan ang bibig nito pero huli na. Narinig na ng mga kasama niya ang sinabi nito kaya naghiyawan at palakpakan ang mga ito. Natawa na lang siya nang magtatalon sa tuwa ang dalawa sabay yakap sa kanya ng mahigpit.
“Bakla ka ang ganda mo!” excited na sabi ni Rissa.
“Sana lahat may love life. Sana lahat may jowa. Sana lahat pakakasalan!” litanya pa ni Marcia.
Inulan ng pagbati si Sam mula sa mga kasama at isang mahigpit na yakap naman ang tinanggap niya mula sa dalawang malapit na kaibigan.
“Grabe super happy kami for you!” nakangiting sabi ni Rissa.
“Puwera joke, girl. Masaya kami talaga para sa’yo,” segunda naman ni Marcia.
“Salamat. Salamat sa mga payo n’yo noong huling magkausap tayo. Sinabi ko na kay Hari ang totoo. Mula noon mas binuhos ni Hiraya ang panahon at atensiyon niya sa amin.”
“Balita ko nga dito kay Rissa ay kinuha na kayo ni Sir Aya,” sabi pa ni Marcia.
“Oo, noong sabado lang.”
“Nakuwento ni Tita sa akin ang nangyari noong araw na ‘yon. Buti hindi kayo nakita at paalis na kayo.”
Huminga siya ng malalim. “Hindi ko alam kung hanggang kailan kami magtatago. Gusto kong magalit. Kami ang biktima pero parang daig pa namin ang kriminal.”
“Bakit kasi hindi mo pa sabihin?”
“Hindi pa ako handa. Hindi biro ang pinagdaanan ko. Hindi ko alam kung matatanggap niya ang nakaraan ko. Natatakot akong masira at mawala ang mayroon kami ni Aya ngayon. Nakita nga niya ‘yong mga peklat ko sa likod eh.”
“Oh, eh anong sabi mo?”
Kinuwento ni Sam ang napag-usapan nilang dalawa ni Hiraya.
“Hindi ka na n’ya kinulit pagkatapos no’n?” tanong pa ni Marcia.
Umiling si Sam.
“Buti kung ganoon, at least nirespeto niya ang sinabi mo. Pero sana girl, eto payong kaibigan lang, huwag mo na rin patagalin. Kasi baka mamaya, sa hindi maiiwasan pagkakataon ay sa iba pa niya malaman. Maging dahilan pa ‘yan ng pag-aaway ninyong dalawa,” payo nito.
“Totoo ang sinabi ni Marcia, girl. Besides, if he truly loves you, and I believe our boss does loves you unconditionally. Tatanggapin niya ang nakaraan mo.”
“Tama,” sang-ayon ni Marcia.
“Kung kinakailangan mo ng back-up o witness, nandito ako, handa akong kausapin siya. Dahil kung mayroon man nakasaksi sa pinagdaanan mo, ako na ‘yon,” sabi pa ni Rissa.
“Oh, basta ha? Imbitado kami sa kasal,” sabi pa ni Marcia.
Doon siya napangiti. “Oo naman,” sagot niya.
“Sam!”
Napalingon silang tatlo sa tumawag na iyon sa kanya. Sinalubong niya ng ngiti ang Department Head nila nang makitang ito ang tumawag sa pangalan niya. Sinenyasan siya nitong pumasok sa pribadong opisina nito. Agad niyang iniwan saglit ang mga kasama at pinuntahan ang boss.
“Pumili ka ng apat pang makakasama mo mamaya sa conference para sa introduction ng bagong game console na ilo-launch natin in three months. Tapos basahin n’yo na itong manual in advance. We need a great marketing strategy for this product since everyone is anticipating this new version,” sabi pa nito saka inabot sa kanya ang manual.
“Yes Ma’am,” sagot niya.
Bahagyang kumunot ang noo niya nang matawa ito.
“It’s weird that you call me Ma’am. Baka soon ako na tumawag sa’yo n’yan kapag kinasal na kayo ni Sir Aya.”
Natawa siya at mabilis umiling.
“Naku hindi po. Kahit po ikasal kami, magtatrabaho pa rin ako dito. Sinabi ko naman sa kanya na ayokong magbago ang posisyon ko dito sa kompanya. Kung mapo-promote ako sa mas mataas na posisyon, iyon ay dahil deserve ko, hindi dahil sa impluwensiya niya. Ayoko din po kasing may masabi ang iba sa akin.”
“Alam mo Sam, kung tutuusin, puwede ka nang mag-resign. Kapag kinasal na kayo ni Sir, kahit hindi ka magtrabaho mabubuhay niya kayo. Why are you still working so hard?” nagtatakang tanong nito.
Huminga siya ng malalim. “Ang totoo po, sinabi niya na rin ‘yan sa akin pero tumanggi ako. Aaminin ko Ma’am medyo ma-pride akong tao. Nahihiya akong gastusin ng gastusin ang perang pinaghirapan pagtrabahuhan ni Hiraya. Kung para kay Hari, hindi po ako kikibo. Ang gusto ko lang naman ay maging financially independent. Ayoko na nakasandal ako sa kanya pagdating sa pera.”
Napangiti ang boss niya at tumango-tango.
“I like your principle,” komento nito.
“Minsan nga po nalulula ako sa mga binibigay n’ya. Hindi na po ako sanay. Nahihiya ako sa kanya na tanggap na lang ako ng tanggap. I know I shouldn’t feel this way because he’s just doing that for our own good. Ewan ko po, siguro talagang ako ang may problema.”
“Alam mo, okay na ‘yan ganyan. Ibig sabihin, hindi ka marunong mang-abuso sa kapwa mo. Iyong iba nga diyan kapag nalaman mayaman ang isang lalaki, jojowain tapos pineperahan lang. It only shows that you love him, his heart and not what’s inside his pocket. Pero sabihin na natin nakaipon ka, saan mo gagamitin ‘yong pera?”
“Savings. Natuto na po ako sa mga nangyari sa parents ko. Saka gusto ko po mag-enroll ng refresher course sa Business. Then, I’ll put up my own business. Gusto ko po magamit ang pinag-aralan ko.”
“Wow, that’s great! Nasabi mo na ba ‘to kay Sir?”
Umiling si Sam. “Hindi pa po.”
“You should tell him. Siguradong matutuwa iyon. At huwag kang mahiya na tanggapin ang mga binibigay n’ya sa’yo dahil asawa mo na siyang maituturing. Mas magtatampo iyon kapag tumanggi ka ng tumanggi. If someone is trying to bless you, accept it and be thankful. Sa ganoon, tuloy-tuloy din ang darating na blessing sa taong nag-bless sa’yo.”
Napangiti siya sa mga naging payo ng boss.
“Tatandaan ko po ‘yan. Thank you po.”
“Pero kung magre-resign ka, huwag naman agad, ayokong mawalan ng magaling na tauhan.”
Nagkatawanan sila. “Salamat po.”
SEVEN minutes bago mag-alas-tres ay sakay na sila ng elevator paakyat ng conference hall sa twentieth floor. Si Marcia, Rissa, ang Marketing Head nila na si Miss Emy at tatlo pa ang kasama niyang aattend ng conference meeting. Sakay din ng elevator ang iba pang empleyado. Busy sila sa pag-uusap nang huminto iyon sa sixteenth floor. Natigilan sila nang bumukas ang pinto at tumambad sa kanila si Hiraya. Kasama nito si Rafael at ang iba pang mga executive ng kompanya.
Tumalon ang puso ni Sam nang magkatama ang kanilang paningin. Hiraya is also wearing their blue & yellow polo shirt uniform. Itim na pantalon ang suot nito at sneakers saka pinatungan iyon ng blazer coat na itim. His hair is perfectly styled with gel. Pakiramdam niya ay muling nahulog ang puso nang ngumiti ito sa kanya. Mula umaga ay marami na siyang trabaho, medyo masakit na ang likod niya dahil maghapon siyang nakaupo at kaharap ang computer at nakakaramdam na siya ng pagod. But now that she saw his handsome face, lovingly smiling at her. Parang biglang nawala ang lahat ng kanyang pagod.
“Love!” bulalas pa nito.
Kinilig si Sam sa paraan ng pagkakasabi nito ng endearment nila. He sounded really happy to see her. Biglang umaliwalas ang mukha nito at kumislap ang mga mata. Agad itong sumakay at hinawakan siya sa kamay at hinila sa tabi nito.
“How’s your day?” malambing na tanong nito sa kanya sabay halik sa sentido nila.
“Okay lang. Medyo busy kanina sa baba, pero ayos naman.”
“Good. By the way, tumawag si Ate Amihan kanina, pinaalam si Hari. Sinundo nila sa bahay dahil hinahanap ng mga anak niya. Gustong makipaglaro. Wala naman ginagawa ‘yon sa bahay kaya pinayagan ko na. Hindi ka daw matawagan ni Ate kanina.”
“Okay. Nalowbat kasi ako kanina. Pero anong oras ‘yon?”
“Mga two hours ago,” sagot nito.
Mayamaya ay natawa siya nang mapansin na natahimik ang mga tao doon sa elevator. Hanggang sa mapalingon sila kay Marcia nang magsalita ito. “Ah Sir Aya, excuse po pero mawalang galang na. Konting respeto naman sa mga single dito,” biro nito.
Natawa silang lahat doon sa elevator. Lalo tuloy itong inasar ni Hiraya.
“Wala kang jowa, Marcia…”
“Ay kainis naman talaga itong si Sir eh!” maktol nito.
Pagdating ng twentieth floor ay magkasabay na silang pumasok sa conference hall. Uupo sana siya sa bandang likod nang lumingon si Hiraya sa kanya.
“Come here, sit beside me,” sabi pa nito.
“Nakakahiya naman sa mga ibang empleyado dito baka sabihin special treatment ako.”
“Bakit naman nakakahiya? Natural lang na special treatment ka, ikaw ang first lady ng The Empire. Masanay ka na,” sagot nito sabay kindat sa kanya.
Sumunod siya dito at naupo sa tabi nito. Habang ang mga kasama niya ay nasa likuran lang din niya. Nang magkatinginan silang dalawa ay kapwa sila ngumiti sa isa’t isa. Pagkatapos ay bumulong ito sa kanya.
“I’m happy that I can work like this with you.”
She smiled at him and held his face gently. “Me too.”