"BAKIT ganyan ang suot mo?"
Ngiti lang ang isinagot ni Dolphin sa tanong ni Connor. Sa nakikita niya, walang masama sa suot niyang baby blue tube dress. May malaking asul na laso rin sa buhok niya na kulot ang dulo. "Hindi mo ba nagustuhan? Hindi ba bagay sa'kin?"
"Hindi naman sa gano'n. You just seem overdressed. Wala namang okasyon."
"Ano'ng walang okasyon? Ipapakilala mo ko sa pamilya mo bilang girlfriend kaya dapat, maayos ang itsura ko," kontra niya.
"Batang-uhugin ka pa lang, kilala ka na ng pamilya ko."
Awtomatikong napahawak siya sa pagitan ng ilong at itaas na labi niya. Noong bata siya ay madalas talaga siyang may sipon. Naaalala niya na si Connor pa ang nagpupunas ng ilong niya noon at dahil do'n, gusto na niyang ibaon sa limot ang ala-ala na iyon.
Kumislap ang kapilyuhan sa mga mata ni Connor. Para bang nababasa nito ang nasa isip niya dahil tinangka nitong hawakan ang ilong niya pero umatras siya palayo rito.
"Ang bully mo!" reklamo niya.
Natawa lang ng mahina si Connor. Pagkatapos ay hinawakan nito ang kamay niya. "Tara na. Kanina pa naghihintay sina Mommy."
Ngingiti-ngiti lang siya habang nakatingin sa magkahawak nilang kamay ni Connor. Akala niya noon, hanggang panaginip na lang na makaka-holding hands niya ang lalaking mahal niya, pero heto siya ngayon ay nabubuhay sa pangarap niya.
"Oh, my God! So it's true! Please tell me it's true!" pagde-demand ni Tita Carlota nang makita sila nito.
Bumuntong-hininga si Connor. "Yes, Mommy. Dolphin and I are together now."
Lumapad ang ngiti niya nang makita kung gaano kasaya si Tita Carlota nang makita silang magkasama ni Connor. "Hi, Tita!"
Niyakap siya ng ginang dahilan para mabitawan siya ni Connor. Pero hindi siya nagreklamo. Masaya siyang mayakap ang future mother-in-law niya.
Hinawakan siya ni Tita Carlota sa magkabilang-balikat. "I'm so happy you're finally my son's girlfriend."
Tumabingi ang ngiti niya, pero hindi na siya nagkomento. Sa totoo lang, hindi pa niya matawag na 'girlfriend' ni Connor ang sarili niya dahil nagde-date pa lang naman sila.
"Congratulations, Dolphin. Finally," nakangiting sabi ni Madison, pero tila ba malamya ito.
Nakakunot ang noo na lumapit siya kay Madison, saka hinawakan ang mga kamay nito. "Okay ka lang? Mukhang matamlay ka? May sakit ka ba?"
Nakangiting umiling si Madison at sa tingin niya ay mas pinasigla nito ang boses para marahil ay hindi siya mag-alala. "It's just a headache. But don't worry, I'm fine."
Napabungisngis siya. "I'm happy to know that, sister-in-law!"
Napansin niyang natahimik at nakatinginan sina Tita Carlota at Connor. Nang titigan niya si Connor, may kakaibang emosyon siyang nakita sa mga mata nito na bigla ring nawala. O mas tamang sabihing itinago nito.
"Dolphin, let's go," aya ni Connor sa kanya, sabay hawak sa kamay niya.
"Saan tayo pupunta?" nagtatakang tanong niya. Inaasahan kasi niya na doon sila sa bahay ng mga ito manananghalian.
"We're going out. Ayaw mo ba?"
"Hindi naman sa gano'n pero..." Tiningnan niya sina Tita Carlota at Madison.
Iwinasiwas ni Tita Carlota ang kamay nito, hindi pa rin nawawala ang ngiti nito. "Go. Don't worry about us. Mas mabuti kung sa labas kayo kakain ni Connor, para naman mairampa mo 'yang bestida mo, hija."
Humagikgik siya. Kinilig siya sa suporta ng future biyenan niya. Nagpaalam na sila ni Connor kina Tita Carlota at Madison na masaya silang pinaalis.
Habang nasa kotse sila ni Connor at nasa biyahe ay wala siyang ibang ginawa kundi titigan ang binata.
"Bakit ka nakatitig?" reklamo ni Connor. Hindi nito maalis ang tingin nito sa daan kaya sulyap lang ang ibinibigay nito sa kanya.
"May na-realize lang ako."
"Ano?"
"That dreams do come true." Tinuro niya ang langit, kahit pa tumuro lang ang daliri niya sa bubong ng kotse ni Connor. "You just have to believe hard, and pray hard."
"Did you dream about us being together?" tila naaaliw na tanong ni Connor.
Matagal bago siya sumagot. Ipinagdaop niya ang mga kamay niya sa tapat ng dibdib niya. "No. I prayed for it. Hard. Ipinagdasal ko na sana, kahit konti, magustuhan mo rin ako."
Bumuntong-hininga si Connor. "Hindi mo dapat ipinagdadasal ang mga ganyang klase lang ng bagay."
Ngumiti lang siya. Hindi pa siguro maiintindihan ni Connor, pero ang inaakala nitong maliit na bagay lang ay ang bumubuo sa mundo niya. Pero hindi niya sasabihin iyon dito dahil ayaw niyang matakot ito sa damdamin niya para rito.
"Baby love, dapat may endearment tayo," paglalambing niya rito.
Itinukod nito ang siko nito sa windowsill at nangalumbaba habang hinahantay nitong magbago ang kulay ng traffic light. "I'm not fond of endearments, Dolphin. Saka pangalan mo pa lang, tunog-endearment na. Ka-level ng 'carebear', 'loverbird', 'puppylove' –"
"Hey!" reklamo niya. "Puro may animal 'yon, ah!"
"In case you didn't notice, you are named after a mammal."
Tinapunan niya ng masamang tingin si Connor. Pero nawala agad ang inis niya nang makitang nakataas ang isang sulok ng mga labi nito. That was a first. Ngayon lang nakipagbiruan si Connor sa kanya. His playful side was also interesting.
Sumandal siya sa kinauupuan. "'Baby love' na lang din kaya ang itawag mo sa'kin?"
"Never."
"Eh di 'baby' na lang?"
Umiling ito, saka muling nagmaneho. "Too mainstream."
Bumuntong-hininga na lang siya. Baka makulitan lang si Connor sa kanya.
"Suko ka na?" Sinulyapan siya ni Connor. "Baby..."
Nanlaki ang mga mata niya sa itinawag nito sa kanya.
"Baby sea urchin?" nakangising pagpapatuloy ni Connor.
Lumabi siya. "You demoted me to a sea urchin!"
Tumaas lang uli ang isang sulok ng mga labi nito nang sulyapan siya. "Ayaw mo?"
Napahagikgik siya. "Gusto."
***
"SIGURO ka na ba rito, Connor?"
Sinukbit ni Connor sa balikat niya ang malaking backpack niya bago hinarap ang stepfather niya. "Yes, Dad."
Bumuga ito ng hangin, halatang hindi masaya sa desisyon niya. "Hindi naman por que nakuha mo na ang lisensiya mo bilang engineer ay kailangan mo nang umalis ng bahay. Hangga't wala ka pang nahahanap na trabaho at hindi ka pa nakakapag-ipon, puwede kang mag-stay dito sa'min ng mommy mo."
"Daddy, I appreciate that. Pero hindi ako mapakali na ilang buwan na simula nang makuha ko ang lisensiya ko, pero hindi pa ko naghahanap ng trabaho. It's probably because I'm being spoiled here. Kung hindi ako aalis sa poder niyo, baka masanay ako na lagi kayong nand'yan ni Mommy para sa'kin," katwiran niya.
Tinapik nito ang balikat niya. "Mag-iingat ka, anak. Kung kailangan mo kami ng mommy mo, we're just one phone call away."
Tumango siya. "Thank you, Dad."
Nang yakapin siya ng amain niya, nakaramdam siya ng pagsipa ng konsensiya. Parang tunay na anak ang trato ng Daddy Matthew niya sa kanya, pero hindi niya magawang itrato bilang tunay na kapatid ang anak nito.
Kaya kailangan na niyang umalis sa bahay na iyon bago pa lumala ang damdamin niya para kay Madison.
Pagbaba niya sa sala ay nakita niyang nag-aabang sa kanya ang mommy niya at si Madison, kasama ang mga nakakahon niyang gamit. Parehong malungkot ang dalawang pinakamahalagang babae sa buhay niya.
"You don't have to do this, Connor," tila maiiyak na sabi ng mommy niya. Mukhang sinisisi nito ang sarili nito sa pag-alis niya.
Niyakap niya ang mommy niya. Ang totoo niyan, no'ng una ay nagalit siya rito dahil tumutol ito sa damdamin niya kay Madison at ni hindi siya nito inunawa. Pero ngayon, naiintindihan na niya na ginawa lang nito kung ano ang mas makakabuti para sa pamilya nila.
His forbidden feelings for his stepsister would destroy their family. Iyon na ang pangalawang pamilya ng ina niya simula nang mamatay ang tunay niyang ama. Wala naman siyang puso kung sisirain pa niya ang kung ano mang meron ang mommy niya ngayon.
"This is for the best, Mom," bulong niya sa ina niya bago niya ito bitawan. At alam niyang naiintindihan nito kung ano ang ibig niyang sabihin dahil tumango ito.
Dumako ang tingin niya kay Madison. Nang makita niya ang lungkot sa mga mata nito ay hindi niya napigilang hilahin ito at yakapin ng mahigpit.
Babalikan kita, Madison. Sa ngayon, hindi pa kita puwedeng ipaglaban dahil pareho pa tayong mga bata. Hindi ko kayang alisin sa'yo ang pangarap mo, at wala pa rin akong maipagmamalaki para agawin kita sa pamilya natin. But once I become successful, once I have all the means to take you away, I will come back for you. Just wait for me, okay?
Kapag nalaman ng mga tao ang damdamin niya kay Madison, gagawa lang ang mga ito ng paraan para mapaghiwalay sila. Nand'yan ang mommy niya na handang dalhin sa Amerika si Madison para lang ilayo sa kanya. Ang stepfather niya, hindi niya alam kung ano'ng puwedeng gawin sa kanya dahil tiyak na magagalit ito.
"Take care of yourself, Maddie," masuyong sabi niya kay Madison bago niya ito pinakawalan.
With one last goodbye, he walked away from his family.
Pero darating ang araw na babalik siya. Babalik siya para kay Madison. Para matutunan din siya nitong mahalin ng higit pa sa isang kapatid.
***
"I HEARD you're dating my sister."
Natigilan si Connor sa pag-aalis ng mga gamit niya mula sa kahon para lingunin si Shark. Sa iisang condominium unit sila titira ni Shark bilang mag-roommate. Hindi pa niya kayang bumili ng sarili niyang unit at ayaw naman niyang umasa sa mga magulang niya kaya makikihati muna siya kay Shark. Magbabayad naman siya rito ng renta buwan-buwan gamit ang ipon niya. Kapag may trabaho na siya, saka siya mag-iipon para makabili siya ng sarili niyang unit.
"Tutol ka ba?" tanong ni Connor kay Shark.
"Oo. Honestly, I don't like you for my sister."
Hindi siya nagkomento.
"Huwag sasama ang loob mo, Connor. Lahat ng lalaking darating sa buhay ni Dolphin, hindi ko magugustuhan. I feel like you're taking my baby sister away from me."
Tumaas ang sulok ng mga labi niya. "What are you? Her father?"
Matagal bago sumagot si Shark. Naging seryoso ito. "I may not act like I do, but I really care for my sister."
Natahimik siya. Unti-unti ay bumabangon ang konsensiya niya at sinisipa siya sa sikmura.
"Hindi ko alam kung matutuwa ako dahil masaya ang kapatid ko na pinagbigyan mo siya, o maiinis dahil hindi ko alam kung bakit bigla mo siyang nagustuhan ngayon."
"I like your sister. It's just that, I only realize it now. After I stopped running away from her," sabi na lang niya. Lalong nagkandabuhul-buhol ang sikmura niya.
"Whatever reason you have that had you change your mind about my sister, may hihilingin lang sana ako sa'yo, Connor."
Nag-aalangan man, sumagot pa rin siya. "Ano 'yon?"
"Alam kong nag-de-date pa lang kayo ni Dolphin, at ayoko rin sanang makialam sa inyo dahil hindi naman nakialam sa'min ni Antenna ang kapatid ko noon. But don't lead my sister on," seryosong sabi ni Shark.
"What do you mean?"
"Connor, gustung-gusto ka ni Dolphin. Pero alam ko, hindi mo siya gano'n kagusto. Sa totoo lang, hindi ako natutuwa na pinagbigyan mo ang kapatid ko. But because I love my sister, ayokong masaktan siya kapag tumutol ako sa relasyon niyo. Pero sana, kapag naramdaman mong hindi mo talaga kayang pantayan ang nararamdaman ng kapatid ko para sa'yo, maging tapat ka sa kanya. Tapusin mo agad. Alam kong masasaktan siya, pero mas gugustuhin ko na 'yon kaysa naman patuloy siyang umasa na merong 'kayo'."
Bumuga siya ng hangin. Binubugbog na siya ng konsensiya niya. "Shark, nagsisimula pa lang kami ni Dolphin na kilalanin ng mabuti ang isa't isa. We're just dating. Pero oo, gagawin ko ang sinabi mo. If I feel like it won't work out, I will be honest with her."
"Aasahan ko 'yan. Magkaibigan tayo, Connor," paalala ni Shark sa kanya. "Huwag mong sirain ang tiwala ko sa'yo."
Tumango lang siya. Hindi na siya nakapagsalita dahil may kung ano na tila sumuntok sa dibdib niya.
Natigil lang ang pag-uusap nila ni Shark nang tumunog ang doorbell. Umaliwalas agad ang mukha nito.
"That must be my Antenna," nakangiting sabi ni Shark.
At tama nga ito. Nang buksan nito ang pinto, si Antenna ang sumalubong sa kanila. Shark and Antenna shared a passionate kiss. Pumasok siya sa kuwarto para bigyan ng privacy ang magkasintahan.
May dalawang kama sa kuwarto. Isa lang kasi ang kuwarto sa bachelor's pad kaya nagdala na lang siya ng sariling kama. Humiga siya sa kama niya, saka niya binuksan ang Twitter account niya gamit ang cell phone niya. Sa mga mention niya, nakita niya ang tweet ni Dolphin sa kanya.
Dolphin Antonette Sylvestre: Proudly @HELLOConnor's girl.
At sa baba ng tweet na iyon ay ang litrato nila noong first date nila. Sa larawan ay nakaakbay siya kay Dolphin. Sapilitan iyon, pero hindi naman halata.
Binato niya ang cell phone niya sa mesa na nakapagitan sa kanya-kanyang kama nila ni Shark. Pumikit siya at ipinatong ang braso sa mga mata niya. Ramdam niya, malaking gulo ang pinasok niya.
Dahil sa kagustuhan niyang maprotektahan si Madison mula sa pagmamanipula ng ina nila, ginamit niya si Dolphin. Pinalabas niya sa mommy niya na nagkamali lang siya sa pag-intindi ng nararamdaman niya para kay Madison. Na tama ang mommy niya na si Dolphin ang dapat niyang makatuluyan. Ginawa niya 'yon para hindi na maisipan ng mommy niya na ipadala sa Amerika si Madison.
Hindi niya naisip na maaaring maapektuhan ang pagkakaibigan nila ni Shark. He was one of his best buds, so he couldn't afford to destroy their friendship.
Shit!
Aaminin niya na wala siyang pakialam sa damdamin ni Dolphin. Isip-bata ito, at alam niyang mababaw lang ang nararamdaman nito para sa kanya. Dolphin only liked him because he was a challenge to her. Pero kung magiging mabait siya rito, mawawala na ang pagiging 'mailap' at 'misteryoso' niya na nagustuhan nito sa kanya. Ito na rin ang mismong aayaw sa kanya.
That's it. You just have to wait for her to dump you. Kapag siya mismo ang umayaw, hindi mo siya masasaktan. Hindi magagalit si Shark sa'yo.