Chapter 4

1385 Words
"Paano nangyari 'yon?" tanong iyon ng aking isipan. Pero hindi ko maitatangging nagpapasalamat ako dahil umalis siya kaagad, dahil kung hindi ay nakita na siya ng pinsan ko. "Anong ginagawa mo rito? Tanghaling tapat naggagala ka. Hinahanap ka na ni Tiyang at Tiyong." Napahinga ako ng malalim dahil ako lang ang nakita niya-- ako lang at wala ng iba. Lumingon pa akong muli at bumungad lang sa akin ang isang napakalakas na hangin na humawi sa buhok ko. "Meow.." Narinig kong huni ni Mikee habang tinatahak namin ang daan patungo sa bahay. Tiningnan ko kung saan nakatingin si Mikee at napakunot lang ang noo ko dahil hindi niya inaalis ang tingin sa lugar na pinagtatambayan namin. "Sinabi ko ba sa'yo na gumala ka ng tanghaling tapat, Fyane?" Bungad sa akin ni Inang na nakapamewang na sa labas ng bahay nang makarating kami. "P-pasensya na po, Inang. Hindi ko lang po napigilan na masilayan ang ganda ng kagubatan," nakayuko kong sabi. Samantala ay nakatingin lamang sa aming dalawa si Fritzy. Pakiwari ko naman ay wala naman siyang nakitang kakaiba na dapat kong ikapangamba. "Pritzy!" "Po? Tiyang?" "Pumasok ka na muna sa loob," ma-awtoridad na sabi ni Tiyang. "Opo." At nang magtamang muli ang tingnin namin ng pinsan ko ay ibinigay ko na muna sa kaniya si Mikee. Nang makapasok ang pinsan ko sa loob ay hindi ako nakaligtas sa mga sermon ni Inang. Kung kaya't nadatnan ni Amang na nagsisigaw si Inang at sa kabila ng kapaguran nito ay nagawa pa rin nitong pagtaasan ng boses si Inang para lang ipagtanggol ako. "Ano ba 'yan, Yolanda! Hindi ka na tumigil sa kakasermon sa anak mo!" "Aba'y anong gusto mo? Ang mamihasa ang anak natin, 'yan kasi ang problema sa'yo, hindi ka marunong magdisiplina ng tama kaya tumitigas ang ulo ng anak natin!" Sa mga narinig kong sagutan nila ay hindi ko na napigilan ang sarili ko na gumitna dahil alam ko ang kahihinatnan kapag hindi ko sila inawat. "Amang, Inang, tama na po. Hindi po kayo dapat na nag-aaway nang dahil lang po sa ginawa ko. Pasensya na po kung madalas ko po kayong suwayin. Pero sana, hindi iyon dahilan para mag-away kayo." Pinabalik-balik ko pa ang tingin sa kanilang dalawa. At hindi na sila nakapagsalita, animo'y naintindihan ang aking mga sinabi. Napangiti ako ng bahagya at saka ko sila iniwan. Hanggang sa pagpasok ko sa aking mumunting k'warto ay sariwa pa rin sa aking isipan ang sandaling inamin namin ni Kyru na gusto namin ang isa't isa. Niyakap ko ang mga salitang iyon hanggang sa dumating ang hapon. Kinagabihan ay walang pinagkaiba ang kapaligiran sa umaga, tanghali at hapon. Tanging ang mga agos lamang ng tubig na nagmumula sa ilog, mga nagtutunugang mga kuliglig at iba pang sari-saring insekto ang nagbibigay ng magkakahalong ingay sa buong paligid. Sumilip ako sa bintana ng aking k'warto at gaya noon ay napakagandang pagmasdan ng buwan na nagbibigay ng liwanag sa gabi, ang mga bituin na nagniningning na nagkikislapan sa gabi. Subalit agad na naagaw ng atensyon ko ang nagtutunugang mga dahon ng halaman, hudyat na may tao sa likod niyon at halos matutop ko ang bibig nang bumungad siya sa harapan ko. Narito siya mula sa labas ng aking bintana habang nakangiting nakatingin sa akin. "Kyru?" Sandali akong lumingon sa likuran ko at napangiti ako nang makitang walang tao. Mukhang tulog na silang lahat. "Anong ginagawa mo rito?" halos pabulong kong sabi. "Masama bang bisitahin ka, binibini?" Agad naman akong nakadama ng mabilis na pagpintig ng aking puso. Kung kaya't hindi ko namalayan na nakapalad na siya sa akin. "Sumama ka sa akin, binibini. May mahalaga akong sasabihin sa'yo." Tumingin muli ako sa likod dahil baka sakaling may makakita sa akin. At mukhang pinagbibigyan ako ng pagkakataon dahil walang nakaririnig sa bawat ingay na idinudulot ko. At dahil gusto ko rin na makasama siya ay pumayag akong sumama sa kaniya. Kaya kahit kinakabahan ay nagawa ko pa rin na suwayin sina Amang at Inang. Mula sa bintana ay inilabas ko ang aking paa at dahan-dahan niya akong binuhat mula sa kaniyang likuran. Nang ibaba niya ako ay doon lang ako nakahinga ng maluwag. Magkasama kaming naglakad habang hawak-hawak niya ang kamay ko. Sa kadiliman ng gabi ay agad akong napamangha sa bumungad sa aming liwanag. Ang maraming lampara na siyang nagbibigay liwanag sa kalaliman ng gabi. Mayroong mga pinaghiwa-hiwalay na petals ng bulaklak sa batong madalas naming tambayan. At natigilan pa ako nang makarinig ng tunog ng gitara na siyang nagbigay ng magandang musika sa buong paligid. At habang dahan-dahan siyang lumalapit sa akin ay nararamdaman ko ang mabilis na pagpintig ng aking puso. "Ito na ang ating huling sandali Hindi na tayo magkakamali Kasi wala ng bukas Sulitin natin ito na ang wakas Kailangan na yata nating umuwi.." Mas lumapit pa siya sa akin at inilahad ang kaniyang kamay. Binitawan niya ang kaniyang hawak na gitara, gayunpama'y nagpatuloy pa rin siya sa pagkanta. "Hawakan mo aking kamay Bago tayo mag hiwalay Lahat lahat ibibigay, lahat lahat.. Paalam sating huling sayaw May dulo pala ang langit Kaya't sabay tayong bibitaw Sa ating huling sayaw Di namalayan na malalim na ang gabi Pero ayoko sanang mag madali Kay tamis, kay sarap Ngunit ito na ang huli Kailangan na yata nating umuwi.. Hindi ko alam pero parang nadama ko ang bawat lirikong sinasabi sa kanta. May kakaibang dulot na hindi ko maintindihan, maaaring masaya, malungkot at puno ng katanungan kung bakit iyon ang napili niyang kantahin. At sa kalagitnaan ng gabi ay masaya kaming nagsasayaw. Habang ang kaniyang mga mata ay parang may nais sabihin pero ipinagwalang bahala ko lamang iyon. Ngunit sa isang iglap ay saka siya nagsalita, "Fyane, nais kong malaman mo na.. gusto kitang ligawan." Nanlaki ang mata ko sa mga narinig. Animo'y nagdulot iyon ng kakaibang saya sa aking kabuuan. "Pero ipangako mo sa akin na tayo lang ang makakaalam ng ating pagkikita." Doon muling napakunot ang noo ko, hindi ko pa natatanong sa kaniya ang minsang mabilis siyang nawala o nagtago, 'ni hindi man lang siya nagpaalam sa akin. "Pero bakit?" Batid kong sang-ayon ako sa kagustuhan niya pero nais ko rin siyang makilala nila Amang balang-araw. Napailing siya at agad na napalitan ng ngiti ang kaniyang pagiging seryoso. Kaya naman mas naguluhan ako sa nais niyang sabihin. "Hanggang kailan mo nais na ilihim ang pagkikita natin? Paano kung nais ka rin na makilala nila Amang?" Agad niyang hinaplos ang mukha ko at iniharap iyon sa kaniya. "Hindi pa p'wede, Fyane, sana maunawaan mo. Darating ang panahon na maiintindihan mo rin ang dahilan." Sasagot pa sana ako pero tinakpan na niya ang bibig ko. "Maupo tayo." Napasunod ako sa kaniyang pag-upo sa malaking bato na pinagtatambayan namin. Patag kasi iyon kaya komportableng upuan. Mas gumanda lang itong pagmasdan dahil sa mga petals ng bulaklak na nakakalat dito. "Nagustuhan mo ba ang sorpresa ko para sayo?" tanong niyang muli at kakatwang isipin kung gaano ako ginugulo ng aking mga katanungan sa aking isipan. "O-oo. Nagustuhan ko," nauutal kong sagot. Hindi ko kasi alam kung anong mararamdaman sa hindi niya pagsagot ng malinaw sa mga tanong ko. Isa pa, hindi ko pa nakikilala ang pamilya niya at hindi ko rin alam kung saan siya nakatira. At nabigla ako sa aking sarili nang may biglang lumabas na salita sa bibig ko, "Sa tingin mo ba ay dapat kitang pagkatiwalaan?" Napakunot ang noo niya sa sinabi ko. "Paano mo naman nasabi 'yan?" Napabuntong hininga ako at tiningnan siya sa mga mata na nakatingin din sa akin. "Dahil masyado kang malihim." Napabuntong hininga rin siya at saka umiwas nang pagkakatingin sa akin. "Hindi mo kailangan malaman ang lahat tungkol sa pagkatao ko, hindi pa ba sapat kung ano ang nakikita mo ngayon?" Natigilan ako sa sinabi niya. Maaaring tama rin siya pero hindi ko maiwasan na mag-isip ng kung anu-ano. "Fyane, sana maisip mo na totoo ako sa'yo, kahit iyon lang sana ang paniwalaan mo." Napatango ako ng ilang beses at nang sandaling magtama ang aming mata ay am kong pareho lang ang sinisigaw ng aming mga puso. Dahil hindi ko napigilan na tanggapin ang pagdampi ng kaniyang labi sa aking noo. Saglit na halik pero nagbigay ng kung anong kiliti sa aking puso. At sa tuwina ay natigilan ako sa sumunod na sinabi niya, "Mahal na yata kita, Fyane."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD