Chapter 18

1755 Words
"Confess your trespasses to one another, and pray for one another, that you may be healed. The effective, fervent prayer of a righteous man avails much." James 5:16 ~ Sabay kaming napatingin ni Sean sa screen nang pumasok ang isang breaking news. Isang babaeng reporter ang unang nakita sa tv. "Magandang gabi. Pumalo na sa tatlong libo ang kompirmadong kaso ng VV virus sa bansa. Inaasahan ng DOH na makipagtulungan ang sambayanan sa pagpuksa ng VV. Nandiyan sa ilalim ng inyong mga screen ang numero ng DOH na maari niyong tawagan kapag nakaramdam ng sintomas o may kakilalang may sintomas ng VV virus. Samantala, patuloy sa pag-akyat ang bilang ng mga namatay dahil sa virus. Ang pinakahuling biktima ay 67 anyos na babae sa Samar. Ayon sa DOH, ang most vulnerable victims ng virus ay mga matatanda at mga taong may nauna nang sakit tulad ng hypertension, cardio vascular diseases, HIV, at iba pa. Inaasahan na mas madadagdagan pa ang mga biktima sa mga susunod na araw. Ito si Ana Homer para sa isang balita." Napatingin ako kay Sean. "Yong tungkol sa batang tumakas na carrier ng VV, wala pa rin bang balita?" Nagbaba siya ng tingin. "Wala pa. Hinanap siya pero masyadong malawak ang gubat palibot sa tuktok ng Lanaya." "Anong gagawin niyo kapag mahuli siya?" "Niyo? Hindi ako kasama. Ang guerillas at Air Force ang inatasang maghanap sa bata." "Anong gagawin sa kanya?" Inabot ni Sean ang isang baso ng tubig at nilagok. Pabagsak niyang ibinaba ang baso. "Papatayin." "Pati bata?" Seryosong tumitig si Sean sa akin. "Oo, dahil carrier siya." Napailing ako. "Anong klaseng tao ba ang pumapatay ng inosenti?" "Natatakot ang gobernador na kumalat sa buong lalawigan ang VV. May posibilidad na nariyan sa Lanaya ang bata, pero malaki rin ang posibilidad na wala na siya riyan dahil napunta na siya sa ibang munisipalidad. Mas malaki ang problema 'pag nagkataon." Natahimik ako. Napaisip na kung bakit papatayin kung pwede namang i-contain sa isang lugar ang mga infected. Isa pa, hindi nila gusto ang ma-infect. Ni wala silang kamuwang-muwang na dinadala na pala nila ang virus. Kadalasan pa sa kanila ay mga taong nagtatrabaho nang marangal para sa kani-kaniyang pamilya. Para may mapakain lang. Bumuntong-hinga ako. "Makakaraan ba ako sa Badian?" "Anong gagawin mo ro'n?" "Bibisitahin ko si Mama saka si Ate Fey." "Hindi ka makakapasok. Isinara ang border ng Badian." Napatungo ako. "May bumibiyahe pa rin ba papunta sa sentro ng Cebu? Gusto kong makausap ang gobernador sa kapitolyo." Umiling siya. "Nakasara ang lahat ng daan palabas." Nangunot ang noo ko. "Pero kaninang madaling-araw, nakita ko ang ilang truck na naglabas-masok sa sentro." "Mga infected ang nandoon sa truck. Binabiyahe sila mula sa kalapit munisipalidad patimog. Dumaan lang sila sa Alegria. Mantalongon ang destinasyon ng mga 'yon." "Babarilin din sila." "Ikaw ang nagsabi." Natigil kami sa usapan nang may marinig akong ingay ng static sa may pintuan. Bigla na lang may sumigaw sa labas ng pinto. "Tañedo!" Nagtagis ang bagang ni Sean at sinenyasan akong magtago sa banyo. Mabilis kong kinuha ang plato, baso, at kutsara para dalhin doon. Isinara ko ang pinto at pinakikinggan ang ingay ng usapan nila. "Chief," boses ni Sean ang narinig ko. "O, may girlpren ka raw dito sa tent?" "Yes, Chief. Nandoon siya sa banyo. Naliligo." Naningkit ang mga mata ko at binuksan ang gripo. Hinayaan kong tumagas sa munting tiles ang tubig. "Alam mo, Tañedo, bawal magdala ng girlpren dito sa kampo. Kailan mo pa siya dinala rito?" "Kaninang umaga lang siya dumating." "O siya, marami nang sabi-sabi tungkol sa 'yo. Mas mabuti pang ihatid mo ang girlpren mo sa labas bukas. Alam mo naman ang ilang katrabaho mo, mabilis gumaya. May isang nahuli kong katawag ang misis, gustong papuntahin dito sa kampo. Tinanong ko, sabing may girlpren ka rito kaya nakikigaya sila." "Yes, chief. Ihahatid ko siya bukas." "Oo, mabuti 'yan. Magpakasawa ka ngayong gabi para di ka na maghanap sa mga susunod pang araw. Nagkakaintinduhan ba tayo?" "Yes, chief." Narinig ko ang pagsara ng pinto kaya sinara ko na rin ang faucet. Lumabas ako ng banyo at nakita ko si Sean sa munting kusina na naghuhugas ng pinagkainan. "Ako na riyan. Mukhang pagod ka sa trabaho mo. Magpahinga ka na ro'n sa kama." Lumingon siya sa akin at namumungay ang mga matang lumapit sa akin. Hinagkan niya ako sa noo. "Salamat," bulong niya bago ako nilampasan. Mabilis akong naghugas at nagpunas sa munting mesa. Nang matapos ay nagpunta ako sa sala kung nasaan din ang kama. Nakita ko siya roong nakadapa. Umupo ako sa gilid niya at kinuha ang remote sa gitna ng kama para patayin ang telebisyon. Gumalaw siya at naupo. Tiningnan niya ako bago humiga nang maayos sa kabilang parte ng kama. Sinenyasan niya akong mahiga. "Papatayin ko ba ang ilaw?" tanong ko. "Kung saan ka mas komportable." Tumayo ako at naglakad papalapit sa switch na nakita ko malapit sa pinto. Kaso, nang patayin ko ang ilaw, sobrang dilim sa loob ng tent na halos wala akong makita. Siguro dahil malakas ang liwanag at nasanay sa liwanag ang mata ko. Dahan-dahan akong humakbang paabante at tinaas sa harap ang kamay. Ilang hakbang pa ang ginawa ko bago ko maramdaman ang paanan ng kama. Naramdaman ko bigla ang kamay ni Sean na humawak sa kamay ko at iginiya ako papunta sa gilid ng kama. Naupo ako sa gilid at dahan-dahang humiga. May nahulog na tela sa katawan ko at naramdaman ko ang paghiga ninuman sa tabi ko. "Usog ka rito sa gitna. Baka mahulog ka." Ginawa ko ang sinabi ni Sean at naramdaman ko ang init ng katawan niya sa gilid ko. Huminga ako nang malalim at pinikit ang mga mata. Naramdaman ko ang paggalaw niya. Bigla na lang niyang dinantay ang kamay niya sa tiyan ko at naramdaman ko ang hininga niya sa tuktok ng ulo ko. Hindi ako umimik dahil makitid ang kama at baka mahulog ako sa lupa. Humarap na lang ako sa kaniya at gumanti ng yakap. Natulog akong gano'n ang puwesto. NAGING mahimbing ang pagtulog ko na maski hamog at lamig sa madaling araw ay hindi ko napansin. Nagising nalang akong mag-isa sa kama. Wala si Sean. Nag-iwan siya ng note na may maaga siyang gawain sa kampo at babalik sa tanghali. May nakahanda nang ulam sa munting mesa na tinakpan ng plato. 'Yon na lang ang kinain ko. Naligo ako at nagbihis. Tinupi ko ang mga damit ni Sean na ginamit ko at iniwan sa gilid ng kama. Nagsulat ako ng mensahe sa isang notepad na siya ring ginamit niya at idinikit sa ref. Pagkatapos, kinuha ko ang backpack at nagkusang lumabas sa tent. May nakita akong mga militar na kasabay kong lumabas sa mga tent. Napatingin ang ilan sa akin at nangunot ang noo. Iniwas ko ang tingin at malalaki ang hakbang na tinungo ang entrance ng kampo pero nakita ko sa malayo ang ilang kalalakihan na nakatayo sa entrance. Tumalikod ako at tinahak ang daan na dinaanan namin ni Sean kahapon sa madaling araw. Nakabukas ang pinto sa mga rehas. Nang lumabas ako at humakbang paabante ay nakita ko si Sean sa kaparehong puwesto niya kahapon. May kausap siyang lalaki. Mukhang seryoso ang pinag-uusapan dahil hindi nila ramdam ang presensiya ko. Sabay silang napatingin sa akin nang tumayo ako sa gilid. "Angela," tawag ni Sean. "Ito bang girlpren mo?" "Yes, chief." "Saan ka pupunta, miss?" tanong ng lalaki sa akin. "Sa itaas." Tinuro ko ang kakahuyan sa ibabaw. Nag-angat naman sila ng tingin doon. "May gagawin ako sa bundok." "Delikado, miss." Umikhim ang chief. "Hindi pa nahahanap hanggang ngayon ang bata at baka makasalamuha mo siya sa ibabaw. Pero mas delikado dahil nandoon ang guerillas at baka mapagkamalan ka nila." Tumingin ako kay Sean na seryosong nakatitig sa akin. "Ihahatid ko siya sa command post, chief." Nangunot ang noo ko sa sinabi ni Sean at napatingin naman sa kaniya ang chief. "Anong kailangan niya sa command post? Tañedo, iba ang trabaho ng post sa atin dito sa ibaba." "Kapatid niya ang commander ng post." Kumunot lalo ang noo ng chief at napatingin sa akin. "Sabihin mo nga, miss, kapatid mo ba?" Tumango ako. Ilang minuto siyang tumitig bago bumuntong-hinga. "Siya, ihatid mo siya. Balik din agad dito sa ibaba." "Aye, chief." Sumaludo si Sean sa chief. Pagkatapos, hinawakan niya ang kamay ko at hinigit ako papunta sa dulo ng rehas. May daan doon na nagdurugtong sa itaas at ibaba. "Ihatid mo na lang ako sa itaas. Hindi ako pupunta kay Kuya. May gagawin ako sa bundok," sambit ko. Lumingon siya saglit sa akin. "Delikado sa bundok." "Alam ko ang ginagawa ko, Sean." "Antigas ng ulo mo." "Alam ko rin." Tinikom na niya ang bibig. Nang marating namin ang itaas ay inihatid niya ako sa pusod ng kakahuyan. Huminto siya at humarap sa akin. May dinukot siya sa bulsa. Pagtingin ko sa dinukot niya, isang scanner. Kinuha niya ang kamay ko at inilagay sa palad ko 'yon. "Kung sakaling may makakasalubong ka rito sa bundok, 'wag kang lalapit. I-scan mo muna. Saka please, bumalik ka sa command post. Mas ligtas ka roon." Tinanggap ko ang scanner at inilagay sa bulsa ng suot kong pantalon. "May gagawin ako sa bundok." Bumungtonghinga si Sean. "Kapag may makita kang kabahayan na puyo payag, 'wag kang pumasok o lumapit. Nitong nakaraang buwan, isang komunidad sa gitna ng kagubatan ang na-infect." Nangunot ang noo ko. "Saang banda ang kabahayan na 'yan?" "Padiretso dito sa kakahuyan. Makikita mo 'yon bago ang burol na nagdurugtong sa kagubatan ng Lanaya." Naging seryoso ang mukha niya. "Sabihin mo sa akin, dumaan ka ba ro'n?" "Mukhang oo. Nagpalipas ako ng gabi sa isang payag. Scan mo muna ako." Inabot ko sa kaniya ang binigay niyang scanner. In-scan niya ako mula ulo hanggang paa. Tumunog. "Negative," bulong ni Sean. Inabot niya sa akin ang scanner. Tinanggap ko bago ako nagpaalam sa kaniya. Humakbang ako palampas kay Sean pero natigilan ako nang hawakan niya ang palapulsuhan ko. Lumingon ako sa kaniya at nagulat ako nang hawakan niya ang magkabila kong pisngi sabay lapat ng labi niya sa mga labi ko. Nagtagal ang halik na 'yon ng halos limang segundo. "Mag-ingat ka. Gusto kitang samahan sa bundok pero may trabaho ako sa ibaba. Ipagdadasal ko ang kaligtasan mo." Lumapit ako sa kaniya at yumakap. "Salamat sa pag-aalaga sa akin. Ipagdadasal din kita. Mag-ingat ka sa ibaba." Kumalas ako at agad tumalikod. Mabilis akong humakbang palayo sa kaniya. "Adios, Angela! Te amo..." Tinaas ko na lang ang kamay bilang tanda na narinig at naintindihan ko ang sinabi niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD