Chapter 7

1638 Words
MULA sa puwestong kinalalagyan kung saan siya nagbebenta ng sigarilyo at mga kendi ay nagliwanag ang mukha ni Vincent. Natanawan niya kasi si Caroline habang nakikipaggitgitan sa hugos ng mga taong naglalakad sa harap ng simbahan. Gayon man ay namumukod ang anyo ng kapatid sa karamihan ng mga taong iyon. Tulad niya, maputi at porselana rin kasi ang kutis nito. Kung Mian ang tawag sa kanya noong maliit dahil sa pagiging sobrang puti niya, Mi naman ang tawag kay Caroline. Ang ‘Mian’ ay Chinese name na sa Ingles ay cotton samantalang honey naman ang kahulugan ng ‘Mi’. Ilang metro na lang ang layo ng kapatid nang ngitian niya ito. Agad namang nagliwanag ang anyo nito at ngumiti rin sa kanya. Lakad-takbo na ang ginawa nito habang sagad sa mga tainga ang ngiti. “Kuya Vince!” bulalas nito nang ganap na makalapit. Niyakap siya nito nang ubod-mahigpit na halos maglambitin na sa kaniya. Tulad nang dati ay ginusot niya ang buhok nito. “Kumusta na? Ang mga kapatid natin, kumusta na silang lahat?” tanong niya rito matapos itong abutan ng stool para upuan. “Ayos naman. Maayos kaming lahat pati na rin si Papa. Napasyal na ba kayo ulit sa kanya?” Marahan siyang napailing. “Hindi pa ako nababalik pero naroon si Aiden kanina.” “Si Ate Sussie?” Ngisi ang isinukli niya rito bago siya umiling. “Kilala mo naman si Ate; hindi ka na dapat nagtatanong nang ganyan.” Matigas ang loob ni Sussie. Kahit halos ay tatlong linggo na buhat nang nangyari ang g**o sa pagitan nilang magkakapatid, hindi pa rin ito nagpapakita ng kahit isang palatandaang may balak itong makipagkasundo kay Bia. Noong isang araw lang ay narinig niyang binaggit ni Aiden ang tungkol doon at narinig din niyang sinikmatan lang ito ni Sussie. Sa tingin niya ay matatagalan pa bago ito makipagkasundo sa panganay nilang kapatid. Ang problema, pati naman ang Papa niya ay nadadamay sa galit nito. Minsan lang ito nagpunta nang ospital gayong may panahon naman itong dumalaw doon. Mas pinipili pa nitong maglaba o kaya ay matulog sa tuwing may panahon itong libre. “Kailan ba kayo uuwi sa bahay, Kuya? Nami-miss na namin kayo ng mga girls.” Ngumiti siya bago sumagot. “Magpunta kayo rito kapag nami-miss niyo kami. Puwede niyo ring bilhin ang paninda ko para maaga akong makauwi—” Napatigil siya sa pagbibiro nang hampasin ni Caroline. “Ikaw Kuya, ha…puro ka biro. Tuturuan mo pa pala akong manigarilyo.” “Joke lang,” aniya habang tumatawa. “Hindi ka puwedeng gumamit nito, kung hindi ay may palo ka sa akin.” Saglit pa silang nagkuwentuhan ni Caroline at iyon ay sa pagitan ng pagsigaw ng mga dumadaang jeepney driver na pinapalapit siya para bumili ng sigarilyo. Abala man sa ginagawa ay hindi nalingid sa kanya ang pamumuo ng luha sa mga mata ng kapatid. Marahil ay naaawa ito sa kanya kaya pinagbuti niya ang ngiti sa tuwing sumusulyap dito. “Oi, nagmamantika ang ilong mo,” biro niya nang naghahanda na sila sa pag-uwi. “Nakakainis ka talaga, Kuya,” anito sabay yuko. Ang totoo ay gumagawa lang siya ng bagay na maaari nilang pag-usapang magkapatid. Alam niya kasing hindi siya nito titigilan sa kakukulit. Maya’t-maya ay igigiit nitong umuwi na silang tatlo sa kanilang dating tinutuluyan. “Ihahatid na kita sa sakayan,” aniya nang naayos na niya ang mga natirang paninda. Iuuwi niya iyon sa tinutuluyan at muling dadalin kinabukasan. “Sasama ‘ko sa’yo, Kuya.” Marahas siyang napalingon dito. “Sa bahay?” Tumango ito at mabilis siyang napailing. “Hindi puwede. Hahanapin ka ni Ate Bia.” “Hindi siya uuwi ngayon, Kuya. Ang sabi ni Ate Andeng, bukas na raw makakauwi si Ate—” “—dahil maglalamay siya sa pagtatrabaho. Hindi naman yata tamang dahil lang hindi siya uuwi ay hindi ka na magpapaalam na sa amin ka tutuloy.” “Hindi naman niya ako papayagan kung magpapaalam ako.” “Kahit pa—” “Nami-miss ko kayo ni Kuya Aiden,” giit nito. “Ang kulit mo talaga, Caroline.” “Mana lang sa’yo, Kuya.” “Basta hindi puwede!” “Kuya naman!” Pumadyak pa ito. “Huwag matigas ang ulo. Maaga ka pang papasok bukas.” “Iyan nga ang sadya ko sa’yo, Kuya,” anito na bahagyang nagliwanag ang mukha.” “Huh? Bakit?” taka niyang tanong. Ngumiti lang ang kapatid at kahit anong pilit ay hindi na ito nagsalita. Sa huli ay magkaagapay rin silang umuwi nito. For the nth time, panalo na naman si Caroline. “ANO ‘kamo? Kinukumusta ako ni Virgie? Hindi ako naniniwala sa’yo,” napapangiting sabi ni Vincent habang pinapalitan ng puting sapin ang ibabang bahagi ng double deck na higaan nila ni Aiden. “Kuya, makulit lang ako pero hindi ako sinungaling. Alam mo ‘yan.” Muli siyang napangiti. Sa bagay, marahil ay totoo nga ang sinasabi ng kapatid. Si Virgie ay ang transferee na kaklase niya na unang araw pa lang ng klase ay nagparamdam na ng pagkagusto sa kanya. Maganda ito at bagaman hindi kaputian ay makinis naman ang kutis. Gayon man, wala siyang gusto kay Virgie. Kahit pa nga sabihing nakakataba ng puso ang mga ginagawa nitong pagpaparamdam ay wala iyong dating sa kanya. Siguro, hindi niya tipo ang mga modernang tulad nito. “Totoo talaga, Kuya. Pinuntahan pa niya ako sa classroom namin kahapon para lang itanong kung bakit hindi ka pumapasok. Kinukumusta ka niya.” “Sabihin mo, hindi na ako mag-aaral.” “Ha? Bakit?” Nanlaking mabuti ang mga mata nito. “Itinatanong pa ba dapat iyan? Tingnan mo nga at hindi na ako nakakapasok. Sa loob ng halos tatlong linggo ay lilimang araw pa lang ang nabubuo ko sa school.” Naalala na naman niya ang sinabi ni Alvin, isang kaklase niyang napadaan sa puwesto niya sa palengke noong isang araw. Pinapatawag daw ng adviser nila ang guardian niya. Ang ibig sabihin niyon, alin lang kina Ate Sussie at Ate Bia ang dapat niyang isama sa paaralan para kausapin ang teacher niya. Pananakot pa ni Alvin, ida-drop na daw siya kapag wala pa siyang dumating na magulang. “Hindi ka ida-drop ni Ma’am Suzette hanga’t hindi mo sinasabi. Marami namang nakakapagtapos na madalang pa sa patak ng ulan ang attendance eh.” Mariin siyang napailing. “Totoo, Kuya. Natural, naiintindihan din naman ng mga teacher ang mga problema ng bawat estudyante. Iyon nga lang, kailangan mong makipag-usap sa school.” “Paano nga ako makikipag-usap kung wala naman akong maisasamang ate? Hindi ko maisama si Ate Sussie, lalo namang hindi ko magagawang lumapit kay Ate Bia.” “Okay na siya, Kuya. Hindi na siya galit sa’yo. Naiintindihan naman daw niya kung bakit mo iyon nasabi kaya napatawad ka na niya—” “Hindi ko pa napapatawad ang sarili ko kaya hindi pa rin ako makakalapit sa kanya,” mapait niyang putol sa sinasabi nito. “Kuya naman…” Hindi natapos ni Caroline ang sasabihin nito nang biglang bumukas nang padarag ang pinto. “Ate!” halos magkasabay nilang bulalas ni Caroline. Naroon at nakatayo si Ate Sussie sa bungad ng pinto habang nanlalaki ang mga matang nakatitig sa kanila. “Panay ang kuda niyo riyan, kaya naman pala nasunog ang sinaing!” anitong ikinalaki na rin ng mga mata niya. Madali siyang napatayo nang maalala ang sinaing na isinalang niya bago niya pinapasok si Caroline sa silid nila ni Aiden. Bakit ba niya nalimutan iyon at bakit hindi naman niya naamoy na nasusunog na pala iyon? “Sorry, Ate…n-nakalimutan ko—” kandautal niyang sabi. Napayuko siya nang mabilis na lumapit si Ate Sussie at bigla siya nitong sampalin. “Inuna mo pa kasi ang makipagkuwentuhan, Vince, kaysa maghanda ng pagkain natin! Alam mo namang pagod ako, hindi ba!” “Sorry, Ate Sussie! Hindi naman po sinasadya ni Kuya Vince! Kasalanan ko kasi—” sagot ni Caroline na mabilis namang pinutol ni Sussie. “Kasalanan niyo talagang dalawa! Kahit kailan ay pabaya kayo! Nalilimot niyo ang lahat kapag naisipan niyong magkuwentuhang dalawa!” Mabilis itong lumabas ng silid at pagbalik ay may dala nang isang mangkok ng sopas. “Nakikita niyo ito? Pauwi ko ito para sa’yo, Vince. Naisip ko kasi na baka pagod at gutom ka sa pagtitinda sa palengke kaya binilhan kita nito. Hindi naman pala, kaya heto na!” Mabilis nitong isinaboy sa kanila ni Caroline ang laman ng mangkok. Kapwa sila napasigaw sa sakit nang dumampi ang mainit na likido sa kanilang balat. Hindi sobra ang init, pero sapat para mamula ang balat nila ni Caroline. Sapat para makapanakit. Agad na namuo ang luha niya sa mga mata habang hindi matutunan kung ano ang gagawin para maibsan ang sakit na nararamdaman ng nakababatang kapatid. Kung siya ay halos naiiyak na, si Caroline naman ay talagang ngumunguyngoy na sa sakit. Awang-awa sa sarili nito at maging sa kanya. Ilang saglit na wala silang kibuan habang sige lang sa pagpupunas ng likidong kumapit sa kanilang balat. Siya naman ay sinimulan nang linisin ang ilang sopas na tumapon sa sahig. Nasa ganoon siyang ayos nang maisipan niyang magbiro. “Sayang naman,” aniya sa kapatid. “Puwede pa kaya ito?” Akma niyang titikman ang daliring idinampi sa sahig nang biglang tumawa si Caroline. Noon siya tumayo at saka humarap dito. “Bawasan mo ang pagiging iyakin, okay.” “E kasi naman, Kuya—” “Basta! Basta sinabi kong bawasan mo. Aapi-apihin ka ng ibang tao ‘pag lagi kang ganyan.” Sinikap niyang ngumiti. “Isa pa, okay din ito. Nadagdagan ang mga pinagsamahan natin.” Pinisil niya ang pisngi ng kapatid at tulad nang nakasanayan ay ginulo niya ang buhok nito. Napanatag na siya nang magsimulang ngumiti si Caroline.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD