Chapter 37

1261 Words
“BAKIT ba ang arte-arte mo?” Hindi kumibo si Ikay at sa halip ay itinuloy lang ang paghuhugas ng pinggan. “Ano ba!” “Bakit ba?” piksi niya. “Busy ang tao kaya huwag mo ‘kong abalahin!” “Busy pala ha!” Ngumisi si Victoria at naroon na naman ang pamilyar na inis sa dibdib niya para rito. “Busy ka o umaarte dahil naiinis ka sa nangyari kanina?” Alam niya ang tinutukoy ni Precious at ang totoo ay tama naman ang hinala nito. Naiinis talaga siya, paano’y ginawa nito ang lahat para gawin iyon. Nagtagumpay itong sumama sa lakad nila ni Vince at buong maghapon ay dito nakatuon ang atensiyon ng kanyang kaibigan. Alam niyang sinadya nito ang lahat. Sa tuwing kakausapin siya ni Vince ay sumasabad ito at kung siya naman ang nagsasalita ay gumagawa ito ng paraang maiba ang paksa para hindi sila magkausap ng ni Vince. Sa huli, nanahimik na lang siya habang kimkim sa dibdib ang inis. “Alam mo, kung ako sa’yo ay pumanhik ka na kaysa ako ang inaabala mo rito. Wala ka namang mahihita eh—” “Ano ba meron ka at gustong-gusto ka ng Vincent na iyan? Mas maganda naman ako sa’yo…mas mabait at mayaman.” Inirapan niya ito habang patuloy pa rin sa ginagawa. “Siguro ay mas gusto niya ang aanga-angang tulad mo.” Umingos ito. “Ano ba ang problema mo, Precious? Nakuha mo na ang gusto mo, nasa iyo na ang atensiyon ni Vince. Ikaw na! Ano pa ang kulang?” “Ang kulang? Ang kulang ay si Vince mismo! Hindi niya ako makita dahil nariyan ka! Hindi niya ako mapansin dahil palaging sa’yo nakatitik ang paningin niya!” “Kasalanan ko ba kung nauna kaming nagkakilala at naging magkaibigan kaysa sa inyo? Isa pa, marami kang kaibigan sa school, Precious. Ako, wala! Wala dahil tinatakot mong lahat ang mga lumalapit sa’kin. Tapos ngayon, pati si Vince ba naman na nag-iisang kakampi ko ay aagawin mo pa rin?” “Kakampi mo? Kung malalaman niya ang totoo, sa tingin mo ba ay maituturing mo pa ring kakampi si Vince?” Umiling-iling itong tila nang-aasar. “Magagalit siya sa’yo dahil niloko mo siya, Ikay. Dapat ay alam mo ‘yan.” Hindi niya nagawang kumibo sa katotohanan ng mga sinabi nito. “Ano, bakit natahimik ka?” “Nangako ka sa akin na hindi mo sasabihin kay Vince ang totoo, Precious. Alam mong naghihintay lang ako ng pagkakataon—” “Kaya nga huwag mo akong inaartehan ng ganyan! Kung makaasta ka ay tila nagmamalaki ka pa gayong isang salita ko lang kay Vince ay matatapos ang pinakatatagong sekreto mo.” Inilayo niya ang tingin mula rito habang kimkim sa dibdib ang mga salita ng pagrerebelde. Mula noon ay wala nang ginawa si Precious kundi ang galitin siya na totoong ipinagtataka niya kung bakit. Wala kasi siyang matandaang kahit isang beses ay ginawan niya ito ng bagay na dapat nitong ikainis sa kanya. Totoo nga kayang nagseselos ito sa mainit na atensiyon at pakikisamang ibinibigay sa kanya ng ina nito? “Wala akong maisip na nagawa kong hindi maganda laban sa’yo, Precious…” “Siguro nga ay hindi mo sinasadya pero hindi ako naniniwalang hindi mo nakikita ang malapit na pakikitungo sa’yo ni Mama, Ikay.” “Ikaw ang lumalayo sa mama mo. Hindi mo ba alam na mahal na mahal ka niya?” “Talaga ha!” “Totoo ang sinasabi ko sa’yo. Mahal ka ni Mama Ramona at sa tuwing makikita mong nag-uusap kami, ikaw ang ikikukuwento niya.” “Sinungaling!” Tumalim ang mga mata nito. “Hindi ako naniniwala sa’yo. Kung totoo ang sinasabi mo, bakit hindi ko nararamdaman?” “Dahil inilalayo mo nga ang sarili mo—” “Si Papa lang ang nagmamahal sa akin at nararamdaman ko iyon kaya huwag mo nang ipilit iyang sinasabi mo para lang utuin ako.” “Hindi kita inuuto, Precious!” “Wala akong pakialam. Ang usapan ay usapan, Ikay at may pangako ka sa akin!” Napakunot ang noo niya, pilit inaalala ang sinasabi nito. “Anong pangako?” Umangat ang isang sulok ng mga labi ng dalagita. “Natatandaan mo ba ‘yung sinabi ko sa’yo noon na pag-iisipan ko ang kapalit ng lahat ng pagtatakip ko sa mga sekreto mo?” “Anong kapalit?” “Dalawang bagay, Ikay. Mamili ka. Una, gagawa ka ng paraan para lumayo ang loob ni Mama sa’yo o pangalawa, bibigyan mo ako ng chance na magkasama kami ni Vincent nang kami lang dalawa.” “M-may gusto ka ba kay Vincent? Napakabata mo pa, Precious…” “Huwag mo nang pakialaman ang bagay na iyon at huwag ka na ring magmalinis sa harap ko dahil kilala kita!” “Ano ang balak mong gawin kung ganoon? Ano ang plano mo kay Vince?” Napailing ito, anyong nauubusan na ng pasensiya. “Hindi ka nakikinig sa akin, Victoria. Kasasabi ko lang na huwag mo na iyong pakialaman. Problema ko na kung ano ang gagawin ko kay Vincent!” “Hindi ako papayag na gawan mo siya nang hindi maganda!” “Wala akong gagawing hindi maganda sa kanya kung iyan ang iniisip mo! Ano, mamili ka na!” Saglit siyang natahimik. Kung pipiliin niya ang una, natatakot siya sa posibleng mangyari. Paano kung tuluyang lumayo ang loob ni Mama Ramona sa kanya at sa huli ay pauwiin siya nito ng Sta. Barbara, paano ang pag-aaral niya? Kung sa isang banda at ang panglawa naman ang piliin niya, paano naman sila ni Vincent? Halos ay kailan lang mula nang muli silang magkasama, papayagan ba niyang mawala na naman ito sa kanya? “Naiinip ako, Ikay…” “Precious, hindi ko magagawa ang mga sinasabi mo…” “Ag sekreto mo, handa ka na bang ibalandra sa harap ng kaibigan mo?” Natameme na naman siya. “Kung malalaman niya iyan ngayon, doble at higit ang magiging galit niya. Alalahanin mong kailan lang kayo nagkaayos…” “Bakit mo ito ginagawa sa akin, Precious? An g**g kasalanan ko sa’yo para gawin mo ito?” Ngumiti ang dalagita pero hindi umabot sa mga mata nito ang ngiting iyon. “Sabihin na nating naiinggit ako sa’yo. Hindi naman ako ipkorita eh. Naiinggit ako dahil nasa’yo na ang atensiyon ni Mama, may Vincent ka pang nagtitiyaga sa’yo.” “Sila lang ang meron ako—” “At sila din ang mawawala sa’yo kung hindi ka mamimili, Ikay. Isipin mo, magagalit si Mama Ramona oras na malaman niyang sa probinsiya pa lang ay ganito na ang ginagawa mo. Lalo namang magagalit si Lola sa’yo, hindi ba?” Ngumiti ito nang makahulugan. “Kung pipiliin mo ang ikalawa, si Vince lang iyon at hindi rin naman siya mawawala sa’yo nang tuluyan. Gusto ko lang maging kaibigan din niya…’yung pakikipagkaibigan na pares ng sa’yo. Iyon lang naman, Ikay, wala naman akong ibang hangad kay Vince.” Napaisip siya. “Ano na—” “Payag na ako…” “Na ano?” “Payag na akong makipaglapit ka kay Vince pero simulan mo iyon next week. Magagawa ko siyang iwasan sa loob ng mga panahong iyon dahil balak kong umuwi sa amin sa Sta. Barbara.” “Alam ba ni Vince na uuwi ka doon?” Umiling siya. Mabuti na lang at hindi pa niya iyon nasasabi rito. “Mabuti naman. Tumupad ka sa usapan natin, Ikay.” “May isang salita ako.” “Good.” Matapos sabihin iyon ay tumalikod na ito. Naiwan siyang kakaba-kaba.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD