“HINDI ko maintindihan kung bakit niyo ako kailangang ikulong dito, Aiden. Huwag niyo akong gawing bata, puwede ba?” Nawawalan na ng pag-asa si Vince na makalalabas sa araw na iyon. Ang plano sana niya ay dumalaw sa mga kapatid at sabihin sa mga ito ang tungkol sa napipinto nilang pag-alis pero pagkagising pa lang niya kaninang umaga ay nagtaka na siya sa kilos ng dalawa. Iwas sa kanya si Aiden at si Ate Sussie naman ay tila nakaangil dito. Nang itanong niya kay Aiden kung may nagawa itong mali ay hindi siya nito kinibo. Tumahimik na lang daw siya para hindi na magalit ang ate nila.
Matapos kumain ng pananghalian ay inutusan na sila ni Ate Sussie na maglaba. Huwag na raw siyang magpunta ng palengke para magtinda at tapusin na lang ang mga gawain. Pagsapit ng hapon ay pinakuha na ang mga natuyong labada at pinatiklop sa kanila. Laking gulat niya nang sabihin nitong sa gabing iyon ay luluwas na pala sila. Nang umalma siya ay nagalit ito. Nagkasagutan sila kaya inatasan nito si Aiden na bantayan siyang mabuti at huwag hayaang makalabas. Nagkulong siya sa silid at hindi kumain ng hapunan bilang protesta sa ginawa nito kaya lalo lang itong nagalit.
Sumapit ang alas-otso ng gabi at gutom na gutom na siya. Patamad siyang bumangon at binuksan ang pinto pero laking gulat niya nang matuklasang nakakandado iyon. Sumigaw siya para tawagin si Aiden pero hindi siya nito pinagbuksan. Hintayin lang daw nila si Ate Sussie at aalis na rin sila pa-Maynila pagdating nito.
“Gutom na ako, Aiden! Papatayin niyo ba ‘ko dito?” sigaw niya mula sa loob ng silid.
Kinabog niya ang pinto. “Ano ba, Vince? Tumahimik ka na nga! Darating na si Ate, hintay ka lang diyan!”
Inis niyang sinipa ang pinto. Bakit kailangan siyang ituring na paslit ng mga kapatid? Bata pa ba siya sa paningin ng mga ito?
Humakbang siyang pabalik sa kama at naupo roon. Iginala niya ang paningin sa kabuuan ng silid. Nasa isang sulok ang mga gamit nila ni Aiden, marahil ay inihanda na nito kaninang naidlip siya.
Napakunot ang noo niya nang mapadako ang paningin niya sa isang cabinet na nasa sulok ng silid. Bigla niyang naalala ang unang araw na dumating sila sa bahay na iyon. Tila may kumislap na ideya sa isipin niya. Mabilis siyang napatayo at agad niyang tinungo ang cabinet. Tinantya niya ang bigat niyon at unti-unti iyong iniusad mula sa pagkakasandal sa pader. Humantad sa kanya ang isang malaking butas na kasya ang isang tao. Napapitik siya sa hangin habang hindi maalis-alis ang tingin niya roon.
“TIYAK na galit na galit na sa’yo ang Ate Sussie mo ngayon, Vince.” Seryoso ang anyo ni Ate Bia habang nakatingin sa kanya. Pawisan pa siya at halos kararating lang sa bahay na tinutuluyan ng mga kapatid. Masigla siyang sinalubong ng iba liban sa panganay nilang si Bia na mula kaninang dumating siya ay seryoso na ang anyo.
“Hindi ko kayang sumama sa kanila nang hindi tayo nagkakaayos lahat, Ate. Patawarin mo na kami—”
“Matagal na kitang napatawad, Vince, at iyan din ang dahilan kung bakit pinuntahan ko si Sussie. Hinihimok ko na siyang umuwi kayo dito sa atin.”
“Totoo ba, Ate? Kailan kayo nagkausap?”
“Pinuntahan ko siya sa puwesto niya kanina sa pag-asang baka nahihiya lang siyang magpakumbaba sa akin. Inisip kong kung magmumula na sa akin ang pagkilos ay baka magkaayos na kami pero hindi, wala pala talaga siyang planong makipagkasundo, Vince. Ang sabi niya, makikipag-ayos lang siya kung aaminin ko ang aking pagkakamali.”
“Ano naman ang aaminin mo, Ate? Alam naman nating lahat na si Ate Sussie ang sumobra sa limitasyon. Kung sumagot-sagot siya at mangatwiran ay gayon na lang.”
“Iyon na nga, Caroline. Kaya kong magpakumbaba pero hindi ko magagawang aminin ang isang bagay na sa tingin ko ay hindi ko naman kasalanan.”
“In short, hindi kayo nagkasundo ni Ate Sussie?”
Napabuntong-hininga ito. “Maging nang sumunod ako kanina sa inyo ay pinaalis lang niya ako. Huwag ko na raw kayong guluhin at maayos na ang buhay niyong tatlo.”
“Nagpunta ka sa bahay, Ate? Kaya pala galit na galit si Ate Sussie nang papasukin ako sa kuwarto, ikaw pala ang bisitang kumakatok kanina.”
“Ewan ko ba sa Ate Sussie ninyo. Napakatigas ng loob niya na hindi naman dapat. Kung may pagkakamali ako sa paningin niya, bakit kailangan niya akong suwayin at pati kayo ay isama sa paglilihim sa akin? Puwede niyo naman akong kausapin kung gugustuhin ninyo, hindi ba?”
“Sa tingin ko ay gumagawa lang siya ng dahilan para bumukod, Ate. Hindi iilang beses niyang ipinamukha sa akin na pabigat kami sa inyong dalawa.” Si Ruth.
“Oo nga po, Ate. Sinisisi rin niya si Mama kung bakit hindi nagplano ng pamilya noon. Ang dami daw tuloy natin.”
“Huwag na ninyong pansinin ang Ate Sussie ninyo, Aida. Masyado kasi kaming maraming dinaanang hirap noong maliliit pa kami na hindi niyo na kakayanin kahit ang isipin man lang. Naging matigas ang loob niya ninyo dahil sa mga iyon.”
“Kahit pa, Ate. Hindi tayo iba. Bakit niya tayo titiisin? Hindi bale man lang sana kung ibang tao tayo at ‘di niya kapamilya.”
Hindi na tumugon si Bia sa sinabing iyon ni Joe. Marahil ay naisip nitong may punto ang kapatid.
“Baka sa mga oras na ito ay papaluwas na sila ng Maynila.” May panghihinayang sa tinig niya. Ganoon na lang din kasi ang kanyang pag-asam na makarating at makipagsapalaran doon.
“Nagsisisi ka ba, Vince?”
Hindi siya kumibo pero kilalang-kilala siya ni Bia para itanggi pa niya iyon.
“Matagal mo nang gustong makarating ng Maynila, hindi ba?” anitong tila nababasa ang nasa isip niya. Hindi naman niya iyon itinanggi sa pamamagitan ng pagyuyuko ng ulo. “Huwag kang mag-alala, mangyayari iyon, Vince.”
Sinulyapan niya ito at gayon na lang ang pagkamangha niya nang makita ang malapad nitong pagkakangiti, gayon din ang iba pa niyang mga kapatid.
“Ano’ng ibig mong sabihin, Ate?”
“Isa pa iyon sa mga rason ng pagpunta ko sa apartment ninyo kanina. Sinabi ko kay Sussie na huwag na niyang ituloy ang balak niyang makipanuluyan kayo sa kaibigan niyang tagaroon. Napakahirap makisama sa ibang tao, Vince at alam na alam ko ‘yan. Ang sabi ko, payagan niya kayo ni Aiden na pumisan sa akin kung hindi pa siya handang umuwi. May maganda kasi akong balita para sa inyo.”
“Magandang balita?”
“Magaling na si Papa at ang good news pang isa ay ang pagkakataon na ibinigay ng isang kaibigan niya para makapagsimula siyang muli. Isang lumang bahay sa Maynila ang ipahihiram sa kanya nang walang bayad, Vince!”
Namilog ang mga mata niya sa tuwa.
“Makapagsisimula tayo ng bagong buhay roon. Mas maraming opportunity sa siyudad kaysa rito sa probinsiya kaya tiyak na mas uunlad ang buhay natin.”
“At hindi lang iyan, Kuya Vince,” sabad naman ni Cory, “nangako rin ang kaibigang iyon ni Papa na tutulungan tayong makapag-aral. Kapag bumuhos talaga ang grasya ay buhos na buhos, hindi ba!”
Napuno ng tuwa at pag-asa ang puso niya. Kanina lang ay desperado siya nang hindi pagbuksan ni pinto ni Aiden. Pagkaalala sa kapatid na naiwan sa poder ni Sussie ay nawala ang ngiti niya.
“Paano si Aiden, Ate?”
Natahimik rin ito.
“Hindi niya iiwan si Ate Sussie at alam mo iyon, Vince.”
Napatango siya. Isang bahagi ng kanilang kabataan ang nagpatibay sa pagmamahal ni Aiden kay Sussie. Walong taong gulang ito noon at nagkasakit kaya isang araw ay hindi nakapasok sa eskuwela. Ang mga kapatid ay pawang mga nasa paaralan samantalang ang papa niya ay nasa pasugalan noon. Mula sa pagtitinda sa kanto ay naisipan ni Sussie na umuwi, diumano ay naisip na baka wala pang pagkain si Aiden. Laking gulat nito nang datnang nasusunog ang kusina ng bahay. Lakas-loob nitong sinipa ang pinto at agad na hinanap si Aiden pero wala ito sa silid nito. Nang marinig ang iyak nito ay mabilis nitong dinaluhan ang kapatid na noon pala ay nasa banyo na halos ay katabi lang ng kusina.
Itinaya ni Sussie ang buhay para iligtas si Aiden kaya ganoon na lang ang pagtanaw ng utang ng loob ng huli sa nakatatandang kapatid. Ni isang galos o paso ay hindi nagtamo si Aiden samantalang ang binti ng ate niya ay bahagyang nadilaan ng apoy. Mula noon ay tumatak rito ang kabayanihan at pagmamahal na nagawa ng kapatid. Kaya’t kahit ano ang gawin nito, tikom ang bibig ni Aiden sa pagsuporta rito. Pakiwari nito ay alam ni Sussie ang lahat at wala itong karapatang labagin kahit ang kaliit-liitan nitong utos.
“Sa isang banda ay mabuti na rin na may kasama si Ate. Panatag tayo kahit magkakalayo na hindi siya nag-iisa sa buhay.” Napasigok si Caroline pagkasabi niyon kaya nahawa na rin siya. Mabilis na nangilid ang kanyang mga luha na kung hindi idinaan ni Bia sa pagbibiro ay tiyak nang nangalaglag.
“Makinig kayong lahat sa plano natin. Hihintayin natin ang ikatlong linggo ng Marso para naman hindi maabala ang pag-aaral ninyo. Ngayon pa lang ay isaayos niyo na ang mga requirements ng clearance ninyo para umalis man tayo nang biglaan ay hindi tayo magkakaroon ng problema sa eskuwelahan.”
Sabay-sabay na pagsang-ayon ang itinugon nilang lahat.
“Boys, mauuna tayong lumuwas doon sa weekend para tingnan ang lugar. Ang ibang mga gamit na kaya nating isabay sa pagluwas ay dalin na natin at ang mga matitira ay saka na lang sa aktwal nating paglilipat. Balita ko kasi ay kailangan ding kumpunihin ang ilang bahagi ng bahay kaya kailangan natin iyong bisitahin.”
Masigla siyang tumango at nagbigay ng ilang suggestion para sa plano nila. Walang paglagyan ang tuwa sa puso niya.
“Girls, kayo naman ang bahala dito sa bahay. Pansamantalang hindi makakatulong sa mabibigat na gawain ang mga boys kaya kayo na muna ang bahala sa kanila. Cory, bilang pinakamatanda sa inyo ay ikaw ang bahala sa mga kapatid natin. Ikaw na rin ang kasama ko bukas sa paglalabas kay Papa sa ospital.”
“Yes, Ate,” masigla ring tugon ni Cory.
“Okay, good. Sa ngayon, kailangan na nating magpahinga. Kung may kaunti mang bigat ang mga kalooban ninyo dahil hindi tayo kumpleto, huwag kayong mag-alala dahil maaayos ding lahat ang mga iyan.” Ngumiti ito nang pagkatamis-tamis. “Ang sabi n Lord, matuto naman daw tayong maghintay dahil hindi lang naman tayo ang kailangan Niyang pagbigyan. Darating din ang araw na maaayos ang lahat at kita niyo naman, unti-unti nang ipinagkakaloob ang mga dasal natin.”
Umayon ang lahat at nagpalitan ng ngiti.
“O sige, na. Matulog tayo nang masaya at panibagong araw ang haharapin natin bukas.”
Tama ang kapatid. Sa gabing iyon ay payapa siyang matutulog, may ngiti sa mga labi at kapanatagan ng loob.