"ANG MAHAL na ng gastusin ngayon, 'no? 'Tapos nagbabayad ka pa ng renta dito sa apartment mo buwan-buwan. Pati tubig, kuryente, Internet connection. Isama mo na rin ang food supply. Meron naman ako ng lahat ng 'yon sa bahay ko. Mas makakatipid tayo kung sa isang bahay na lang tayo nakatira, 'di ba, baby?" Natawa na lang si Kookie. Sinasabi na nga ba niya at sa hinaba-haba ng sinabi ni Oreo, doon lang uli babagsakan ang usapan nila. Isang buwan na mula nang maging opisyal ang relasyon nila, at isang buwan na rin siyang kinukulit ng binata tungkol sa pagtira niya sa bahay nito. "Makakatipid din ako sa gas kung hindi na kita pupuntahan dito sa apartment, o kaya susunduin para mag-stay ka sa bahay ko tuwing weekends," pagpapatuloy ni Oreo habang dinidilaan ang lollipop nito. "At bukod sa mak

