PAGOD si Tyra pag-uwi niya ng bahay. Sa tuwing manggagaling siya sa ospital para bisitahin si Tyrone, parating bumibigat ang kalooban niya dahil naaalala niya ang nakaraan.
Himbis na maging tampulan ng tukso, pinatigas niya ang puso niya at lumaban siya sa mga taong nang-api sa kanya noon dahil sa nangyari sa ama niya. Umabot sa pisikal na pananakit ang ginawa niyang paglaban dahil ayaw niyang maapi. Iyon ang naging simula para makilala siya bilang "Tyra the Bully" sa kanilang unibersidad.
Nagustuhan siya nang noon ay Mistress ng sorority ng unibersidad nila at ginawa siya nitong "disipulo". Naipasa niya ang lahat ng initiation kaya naging miyembro siya ng sorority na iyon. Nang umalis ang Mistress sa unibersidad nila, sa kanya nito ipinasa ang posisyon nito kaya naging sorority queen na siya noong nasa sophomore pa lang siya.
Pero nagbago siya dahil sa isang tao.
"I'm never gonna dance again! Guilty feet have got no rythm! So I'm never gonna dance again! The way I danced with you!"
Napakurap siya nang marinig ang malakas at sintunadong pag-awit na 'yon. Iisang tao lang naman ang kasama niya sa bahay na 'yon. Sinundan niya ang pinanggagalingan ng boses at dinala siya ng mga paa niya sa kusina. Nabigla siya sa nakita niya.
Feel na feel ni Colin ang pagkanta at ginawa pa nitong mikropono ang sandok, habang gumigiling ito. Pero ang mas ikinagulantang ng buong pagkatao niya ay ang suot nito. Nakapantalon ito, pero wala itong suot na pang-itaas. Sa halip ay apron lang ang suot nito, kaya nakasilip ang halatang matitigas nitong mga braso.
"Hoy, bakit ganyan ang itsura mo?!"
Huminto sa makapagbagdamdamin nitong pag-awit si Colin at nilingon siya. Ngumiti ito. "Welcome home, babe!"
Inagaw niya rito ang sandok at pinukpok iyon sa ulo nito na ikinasinghap nito. "Anong kalokohan ba 'to, ha?"
"Anong kalokohan? Nagpa-practice lang ako mag-burles para kapag ipininta mo na ko, hindi na ko mako-conscious," katwiran nito.
Muli ay pinukpok niya ang sandok sa ulo nito. "Sira-ulo ka. Paano ka mako-conscious sa landi mong 'yan? Inaakit mo ba ko?"
Ngumiti ito ng pilyo. "Umeepekto na ba?"
Pasimpleng pinasadahan niya ng tingin ang katawan ni Colin. Nakakatawa man ang itsura nito, hindi pa rin maipagkailang nakakaakit pa rin itong tingnan. Siguro mas tamang sabihing nakaka-"excite" ang itsura nito ngayon. Gusto niyang punitin ang apron na sumasagabal para malaya niyang mapagmasdan ang matitipunong dibdib at tiyan ng binata sa likuran niyon.
"Mukha kang sira," sabi niya para mapagtakpan ang paghangang nararamdaman niya.
Nang sumimangot si Colin ay nilagpasan niya lang ito. Nagulat siya nang makita ang pagkain sa mesa. Ang gaganda ng plating ng mga Filipino dish do'n.
"Ikaw ba ang nagluto at naghanda ng lahat ng 'to?" hindi makapaniwalang tanong niya.
"Wala nang iba."
Tiningnan niya lang ito, pagkatapos ay umupo na siya at nagsimulang kumain para tikman ang niluto nito. Masarap. Para sa isang lalaking mahilig maghubad, may talento ito.
"O, bakit nakatitig ka sa'kin?" nagtatakang tanong ni Colin na napahinto pa sa pagsubo.
"Bakit nagta-trabaho ka sa'kin bilang nude model kung may cooking skills ka naman? Puwede kang magtayo ng restaurant."
"Malaking responsibilidad ang pagtatayo ng sariling negosyo kaya ayoko. Nagustuhan mo ba 'yong mga niluto ko?"
Tumango siya. "Oo. Masarap."
Sa kanyang pagkagulat, ngumiti si Colin. Iyong klase ng ngiti na totoo at inosente. Dahil sa ngiting iyon, nagbalik sa kanyang ala-ala ang matabang binatilyo na gano'ng-gano'n ang ngiting ibinibigay sa kanya noon.
"Tyra!"
Hindi niya pinansin si Colin, pero gaya ng madalas nitong gawin, sinundan pa rin siya nito. Hindi pa ito nakuntento dahil kumapit pa ito sa braso niya.
"Tyra, may ibibigay ako sa'yo."
"Ano?" iritadong tanong niya.
Hinila siya nito papunta sa oval field ng unibersidad nila. Umupo sila sa damuhan. Mula sa dala nitong malaking paperbag ay naglabas ito ng tatlong food container. Iba't ibang putahe ang laman niyon.
"Sinabi ko bang ipagdala mo ko ng pagkain?" iritadong tanong niya rito.
Nagpaawa ito ng mukha. "Ako ang nagluto nito kaya tikman mo na. Please?"
Naiinis siya dahil tinatablan siya ng mga pagpapaawa ng matabang 'to. Napaka-inosente at masayahin kasi ng mukha nito kaya hindi niya 'to magawang tiisin. Tinikman niya ang mga niluto ni Colin. Pero nasarapan siya sa mga pagkain kaya sinunod-sunod na niya ang pagsubo.
"Masarap?" excited na tanong ni Colin.
Nakangiting nilingon niya ito. "Oo, Colin. Ang sarap mong magluto!"
Saglit na natigilan si Colin. Nang makabawi ay napangiti ito. "You're smiling, Tyra."
Mabilis siyang sumimangot. "I'm not smiling."
Pabirong siniko siya ni Colin. Pero dahil malaki ang braso nito samantalang patpatin naman siya, nabuwal agad siya. Tinayo lang uli siya ng binatilyo.
Tinapunan niya ito ng masamang tingin. "Hindi ka ba natatakot sa'kin, Colin?"
Umiling ito. "Bakit ako matatakot sa'yo?"
"Ako ang sorority queen ng university natin. Kaya bakit lapit ka pa rin ng lapit sa'kin?"
"Kasi tanggap kita," kaswal na sagot nito na tila ba 'yon ang pinakanatural na sabihin sa buong mundo.
"You accept me despite my rotten attitude?"
"Hindi ka naman gano'n kasama, Tyra," pagtatanggol nito sa kanya. "Mabait ka sa'kin, kaya alam kong kaya mo ring maging mabait sa ibang tao kung gugustuhin mo. Ty, bakit hindi ka na lang mag-quit bilang sorority queen?"
"At bakit ko naman gagawin 'yon?"
Ngumiti ito. "Ganito na lang. Kapag nag-quit ka sa pagiging sorority queen mo, papayag din akong habambuhay mong maging pet."
"Hindi ko kailangan ng tamagochi."
Pero kahit sinabi niya 'yon, nag-flash pa rin sa isip niya ang mga eksena kung saan tahimik lang silang kumakain ni Colin. A simple life, but it was very tempting. No'n niya naisip na nakakapagod din palang maging bully.
Pakiramdam niya, hinila siya ng antok. Naghikab siya. Sa kanyang pagkagulat ay hinila siya ni Colin sa paghiga nito sa damuhan. Ngayon tuloy ay nakahiga na siya sa matambok at malambot nitong tiyan. Napangiti siya. Mas masarap pa sa unan ang tiyan ni Colin.
"Colin," sambit niya sa pangalan ng binata.
Natigilan si Colin at napakurap. "Tyra... ngayon ko lang uli narinig na tinawag mo ko sa pangalan ko. Naaalala mo na ba ko?"
Colin's eyes looked very hopeful. Hindi na siya nagkaroon ng lakas ng loob na ipagpatuloy pa ang pagpapanggap niya. "Pumayat ka."
Bumakas ang matinding kasiyahan sa mukha ni Colin, lalo na nang ngumiti ito. "Hindi ako pumayat, Tyra! I turned into a Greek god!"
Hindi na niya napigilang ngumiti. Pakiramdam niya ay bumalik na ang dating matabang Colin na may kakayahang pakalmahin siya. "Hindi ka lang pala pumayat. Yumabang ka rin."
Tumawa lang ito. Buhay na buhay ang tawa nito na animo'y bumalik ito sa pagkabata. "I'm so happy that you finally remembered me! Puwede ba kitang yakapin? For old time's sake."
"Okay lang."
Kung nagulat man siguro si Colin sa mabilis niyang pagpayag ay hindi na nito ipinahalata iyon. Mabilis itong tumayo at nilapitan siya. Pagkatapos ay niyakap siya nito mula sa likuran. "Sobrang saya ko talaga na naaalala mo na ko. Na-miss kita, Tyra."
"Ang laki na ng pinagbago mo, Colin. You turned into a huge pervert now."
Ngumisi lang ito. Tinusok niya ng tinidor ang kamay nito ang kamay nito na akmang lalapat sa kaliwa niyang dibdib, dahilan para mapasigaw ito sa sakit.
"Aw! That hurts, Ty!" reklamo nito.
"Manyak ka kasi."