"DID you see it, Colin? Tyra looked hurt!" masayang bulalas ni Marielle.
"Shut up Marielle!" galit na sigaw ni Colin habang pilit siyang tumatayo. "Sino bang nagsabi sa'yong iiwan ko si Tyra?"
Bumakas ang magkahalong takot at pagtataka sa mukha nito. "Hindi mo siya iiwan? Pero sabi mo no'ng nagpusta –"
"Lasing lang ako kaya ko nasabi 'yon," sansala niya sa sinasabi nito. "I'm in love with Tyra."
Pagkasabi niyon ay tumayo siya at lumabas ng kuwarto para sundan si Tyra. Masakit pa ang mga kalamnan niya dahil bugbog pa ang katawan niya, pero binale-wala niya iyon. Binilisan niya ang lakad kahit iika-ika siya.
"Colin, saan ka pupunta?"
Nalingunan niya ang kaibigang sina Ur, Josei, Strike at Kraige, pero hindi niya pinansin ang mga ito at mas binilisan niya lang ang lakad.
"Colin!" sigaw uli ni Kraige.
Halos tumakbo na siya nang makita niya si Tyra na naghihintay sa tapat ng elevator. Hinawakan niya ito sa braso nang akmang papasok ito sa loob. "Tyra! Listen to me first!"
Tinapunan siya ng malamig na tingin ni Tyra. "Ano pa bang dapat kong marinig, Colin?"
"Hindi totoong inakit lang kita para pasakitan ka sa huli, at lalong wala akong balak iwanan ka! Lahat ng sinabi at pinakita ko sa'yo, totoo! I really love you!"
Marahas na binawi nito ang braso mula sa kanya. Then, she gave him a bored look. "Alam mo, Colin, mabuti na nga rin at nalaman ko na ginusto mo lang pala akong paghigantihan. At least, hindi na ko mahihirapan at magi-guilty kapag iniwan kita."
Kumunot ang noo niya. "What do you mean?"
"You heard me. Akala ko, medyo tatagal pa ang pagsasama natin since naaaliw ako sa'yo. But I was wrong. Kaya ngayon pa lang, tapusin na natin ang lahat. Goodbye, Colin."
"Pinaglaruan mo lang ba ko, Tyra?" naghihinanakit na tanong niya rito.
"Gaya noon mga bata pa tayo, uto-uto ka pa rin. Aaminin ko, I'm really attracted to you. Sino ba naman ang hindi maaakit sa bagong ikaw? But you're still the same silly boy who follows me around. Boring. Gullible. Walang challenge."
"Hindi ako naniniwala," giit niya. "Kung totoong hindi mo ko minahal, bakit ipinagkaloob mo ang sarili mo sa'kin? You can't fool me, Tyra. Alam kong ako ang unang lalaking pinagbigyan mo ng sarili mo."
Nanatiling blangko ang ekspresyon ng mukha nito. "I was just curious. Gusto ko lang malaman kung hihinto ka na kapag nakuha mo na ang gusto mo sa'kin. You know what, Colin? Kung lumayo ka sa'kin pagkatapos ng gabing 'yon, baka sakaling ako pa ang naghabol sa'yo. Pero wala, eh. Ikaw pa rin 'yong binatilyong kayang-kaya kong paikutin sa mga palad ko."
Naramdaman niya ang tila pagpiga sa puso niya, kasabay ng pag-iinit ng sulok ng mga mata niya. "Hindi totoo 'yan."
Tumingin ito ng diretso sa mga mata niya. "Laruan lang ang tingin ko sa'yo, Colin. Mula noon hanggang ngayon."
"Bawiin mo 'yang sinabi mo, Tyra!" galit na sigaw niya kasabay ng pagtulo ng mainit na likido sa magkabilang pisngi niya.
"I'm sorry."
Nanghina siya sa mga nalaman niya. Unti-unting lumuwag ang pagkakahawak niya sa braso ni Tyra hanggang sa tuluyan na niya itong mabitawan, kasabay nang pagbigay ng mga tuhod niya. Napaluhod siya sa harap ng dalaga. Niyakap niya ang magaling niyang kamay sa baywang nito, saka niya isinubsob ang mukha niya sa tiyan nito.
"Don't do this to me, Tyra," pagmamakaawa niya rito. "Mahal kita. Ikaw lang, mula noon hanggang ngayon. You loved me, too, right? Pero kung hindi pa talaga, sige, tatanggapin ko 'yon. Give me another chance to make you fall for me. Tyra..."
"Tumayo ka nga, Colin. Hindi ka ba nahihiya sa ginagawa mo? Look, your friends can see you!" sabi ni Tyra habang pilit siyang tinatayo.
Mas hinigpitan niya lang ang pagkakayakap dito. "Wala akong pakialam sa kanila. Kahit i-Youtube pa nila ako at gawing katatawanan, wala akong pakialam. Please say you'll stay, Tyra."
Matagal hindi sumagot si Tyra. Akala niya ay lumambot ang puso nito sa kanya. Pero nagkamali siya dahil itinulak lang siya nito ng buong lakas dahilan para mapilitan siyang kumalas dito sa pagbuwal niya sa sahig.
"Colin!" sigaw ng mga kaibigan niya.
Tumingala siya kay Tyra. Malamig pa rin ang tingin nito sa kanya bago siya nito tinalikuran at sumakay sa elevator.
"Tyra!" sigaw niya habang pilit na tumatayo para habulin ito pero pinigilan siya ng mga kaibigan niya.
Alam niyang sobra-sobrang kahinaan na ang pinapakita niya, pero hindi pa rin niya napigilang umiyak nang tuluyan nang sumara ang elevator at mawala na si Tyra sa paningin niya.
"Colin, tama na! You're making yourself look pathetic!" galit na sigaw ni Josei, pero may bahid na pag-aalala sa boses nito.
"Bitawan niyo ko! I need to follow Tyra!"
Pilit siyang kumawala sa pagkakahawak sa kanya ng mga kaibigan niya. Pero sa pagtayo niya ay mabilis din siyang nawalan ng balanse. Kung wala pang sumalo sa kanya, malamang ay humalik na siya sa sahig.
Nag-angat siya ng tingin sa sumalo sa kanya. Nanlaki ang mga mata niya. "Daddy?"
Bakas ang awa at simpatya sa mga mata ng ama niya. "Nakita ko ang lahat, anak. Nang itakwil kita, ang gusto ko ay magpakumbaba ka at bumalik sa pamilya natin. Pero hindi ko sinabing magpakababa ka para sa isang babaeng kayang-kaya kang tiisin. Ganyan na ba talaga ang karma ngayon? Digital?" May bahid na pagbibiro sa seryosong boses ng ama niya.
Natawa siya, kasabay ng muling pagpatak ng mga luha niya. "I love her, Dad."
Tinapik siya ng ama niya sa balikat. "I can see that, son." Nagulat siya sa pagtawag nito ng "son" sa kanya gayong tinakwil na siya nito. Mukhang nahalata nito iyon. "What? Gano'n ba katigas ang tingin mo sa'kin para isiping matitiis kita? Gusto lang naman kitang turuan ng leksyon kaya ko ginawa 'yon. You need your family now, Colin. Hindi kita tatalikuran."
Lalo siyang naiyak, pero sa pagkakataong iyon ay dahil sa sinabi ng ama niya. Niyakap niya ito. "I'm sorry for everything, Dad."
Tinapik-tapik nito ang likod niya. "I'm sorry, too, son. Hindi ako naging mabuting ama sa'yo. Nang marinig ko sa mga kaibigan mo ang nangyari sa'yo, natakot ako. I don't want to lose you. Ayusin natin 'to. Pero sa ngayon, magpahinga ka muna. Hindi ko kayang makita kang nagkakaganyan."
***
HINDI makalabas ng bahay niya si Tyra. Nandoon kasi si Colin, nakaupo sa hagdan ng front porch niya. Hindi niya ito pinagbuksan at tinaboy pa nga niya ito. Pero nagpumilit itong hindi aalis do'n hangga't hindi niya ito kinakausap.
Dahan-dahan niyang hinawi ang kurtina ng bintana niya para silipin si Colin. Nakaupo pa rin ito. Kahit likod lang nito ang nakikita niya, masaya na siya. Gusto niya itong labasin at yakapin, pero alam niyang hindi niya puwedeng gawin 'yon.
Ang totoo, alam niyang hindi nagsisinungaling si Colin nang sabihin nitong mahal talaga siya nito. Maaaring totoong nakipagpustahan ito, pero naniniwala siyang nagbago ang damdamin nito nang nagkasama sila.
Siya ang nagsinungaling nang sabihin niya ang lahat ng sinabi niya rito sa ospital. Naisip kasi niyang kung hindi siya lalayo kay Colin, may mas malalang mangyayari dito gaya ng nangyari kay Tyrone.
Natigil lang siya sa pag-iisip nang may isang magarang kotse ang dumating. Umibis mula do'n si Dylan na tinapunan ng malamig na tingin si Colin na bigla namang tumayo. Kahit malayo sa dalawang lalaki ay naramdaman niya ang tensiyon sa pagitan ng mga ito kaya lumabas na siya ng bahay.
"Dylan," bati niya rito.
Nilagpasan ni Dylan si Colin para humalik sa pisngi niya bilang pagbati. "Let's go, Tyra."
Humarang si Colin sa harap nila. "Tyra, can we please talk first?"
Sa pagkuyom niya ng kamay niya ay kinadena rin niya ang damdamin niya. "Sinabi ko na sa'yo, ayoko na sa'yo."
"Gano'n kadali, Tyra?" mapait na tanong nito.
"I told you, you bore me."
Gumuhit ang matinding sakit sa mga mata ni Colin. Pero gumuhit din naman ang matinding kirot sa puso niya. But she had to do it to keep him safe. Baka sa susunod, hindi na ito palaring makaligtas.
Bumuga ng hangin si Dylan. "What made you think that Tyra will fall for a good-for-nothing bastard like you, Colin?"
Tinapunan ni Colin ng masamang tingin si Dylan. "Shut the f**k up. I'm not talking to you."
Akmang susugurin ni Dylan si Colin kaya pinigilan niya ito. "Colin, pumasok ka."
Nag-aliwalas ang mukha nito. "Ty–"
"Kuhanin mo na ang gamit mo." Pagkasabi niyon ay pumasok siya sa bahay at dumiretso sa kusina. Ramdam niyang kasunod niya si Colin. Kumuha siya ng itim na plastic bag at inabot iyon dito. "Dito mo ilagay ang mga gamit mo."
Mapait na ngumiti si Colin. "Hindi na ko magtataka kung dito mo rin itinapon ang lahat ng pinagsamahan natin."
Humalukipkip siya at sumandal sa kitchen sink. "Bilisan mo. Aalis pa kami ni Dylan."
Tinalikuran siya nito. Pagkatapos ay kinuha nito mula sa cabinet ang magkapares na plato at mga kutsara at tinidor na binili nito noon nang minsang nag-shopping sila. Walang pag-aatubiling nilagay nito ang mga iyon sa plastic bag. Lumabas ito ng kusina. Sinundan niya ito. Sinilid nito sa plastic bag ang binili nitong tigress stuffed toy para sa kanya noon.
Nagtaka siya nang biglang huminto si Colin at nanatili lang itong nakatayo. Pagharap nito sa kanya ay hindi niya inasahan ang matinding sakit na gumuhit sa mga mata nito.
Tinaas ni Colin ang hawak nitong plastic bag. "Tyra, wala ba talaga akong halaga sa'yo kahit konti lang?"
Tinigasan niya ang puso niya. "Tapos na kitang ipinta kaya wala ka nang halaga sa'kin."
Mapait na ngumiti ito, pero pumatak na ang luha sa kaliwang mata nito. "You're really cruel, Tyra. Masaya ka bang sa pangalawang pagkakataon, nasaktan at napaglaruan mo ko?"
Pinigilan niya ang pagpatak ng mga luha niya. "Umalis ka na, Colin."
"Kapag umalis ako, hindi mo na uli ako makikita."
Nag-iwas siya ng tingin dito. "Umalis ka na."
"Tumingin ka muna sa'kin at sabihin mong hindi mo ko mahal."
Pinilit niya ang sarili niyang harapin ito at kahit halos pinapatay na siya ng sarili niyang kalupitan, ginawa pa rin niya ang sinabi nito. "Hindi kita mahal, Colin."
"Okay." Tumango-tango ito, habang patuloy pa rin ang mabilis na pagpatak ng mga luha nito. "Okay." And then he walked out on her.