Kabanata 22: Panik

1062 Words
Napahinto sina Bernard at Serrando sa pag-aayos ng mga gamit nila sa silid, nakarinig sila ng mga putukan at hiyawan ng mga tao sa labas ng simbahan. Nagkatinginan sila at napaisip nang ilang saglit bago nila napagtanto kung anong nangyayari. Halos tumalbog ang puso nina Bernard at Serrando nang biglang bumukas ang pinto ng kuwarto. Sabay silang napatingin sa mukha ni Martin na pawis na pawis, humahangos itong umakyat sa kanilang dormitoryo na tila ba hinahabol ng kung ano. “Nandito ang mga hapon, iniisa-isa nila ang bawat bahay!” wika ni Martin na patuloy sa paghingal. Nanlaki ang mga mata ni Bernard, nahintakutan siya para sa lahat… lalo na rito sa simbahan na siguradong pag-iinitan ng ulo ng mga kaaway. Nagmamadaling bumaba siya upang bumalik sa loob ng cathedral. Ang tanging nasa isip niya ay sagipin ang pari. Nang makapunta muli sa loob ng simbahan, hinanap ni Bernard ang lalaki. Nagkakagulo na ang mga tao roon dahil sa walang humpay na putukan at sigawan na maririnig sa labas. Ang iba ay nagtatago at ang iba naman ay umiiyak habang nananalangin. Nakita niya ang hinahanap sa ilalim ng altar ng Diyos. Mabilis siyang lumapit. “Father, pakiusap, s-sumama po kayo sa ‘min!” Hindi na niya naisip pa kung mayroon mang makarinig sa sinasabi niya. Nagmamakaawa na sinabi niya iyon sa lalaki. Subalit katulad pa rin ng kanina, umiling ang pari. “Umalis na kayo, Bernard. Huwag n’yo na ako intindihin! Dali na.” “Father!” Nagmakaawa siya muli, halos paiyak na ang itsura. “Dalian mo na! Hindi ko maiiwan ang tahanan ng Diyos. Umalis na kayo!” Itinulak siya nito at pinagtabuyan. “Paparating na rito ang mga sundalo!” At nang sabihin nito ang mga katagang iyon, napalingon si Bernard sa bungad ng simbahan, nandoon na nga ang mga sundalong hapon at sinalubong sila ng mga kenpetai. Paano nangyari ito? Bakit kahit dito ay sumugod ang mga hapon? Namamasa ang mga mata sa luha na tumingin muli siya sa pari. Nagsusumamo pa rin ang mga mata niya rito. “Dali na! Alis na!” determinadong sabi lamang nito. Masakit man sa kalooban, napipilitan man, subalit sumunod si Bernard. Tumayo at lumuluhang tumakbo siya patungo sa lihim na lagusan ng simbahan. Maaaring nandoon na rin sina Serrando at Martin, naghihintay sa kaniya. *** Napatayo nang tuwid si Jaime sa gulat sapagkat nakita niya mismo ang biglaang pagmartsa ng mga sundalo sa daan patungong simbahan. Walang pakundangan na sumiksik siya sa kumpol ng mga tao upang pumasok sa loob ng cathedral. Nandito ang isang batalyon ng mga hapon, isang senyales na may hindi magandang magaganap ngayon. Sigurado siyang magkakamkam at maghahanap ang mga ito. Iisa-isahin nito ang mga kabahayan ng Calawis at uunahin ng mga ito ang simbahan. Kailangan niyang mahanap agad si Micah. Sa pagkakatanda niya ay nagtungo ang babae sa palikuran. Nagulantang din si Micah sa palikuran ng mga babae nang pabalang na bumukas ang pinto. Nagtataka at nagugulat itong napatitig kay Jaime na balisa ang mukha. “Jaime, palikuran ito ng mga babae!” Subalit walang paki na pumasok ang binata, hinila ang braso ni Micah at tumakbo sila palabas. “Ano bang nangyayari?” batay sa natatarantang itsura ni Jaime, nahulaan agad ni Micah na may hindi magandang nagaganap. Natigilan lamang sila sa pagtakbo nang makasalubong nila si Bernard na patungo rin sa sikretong lagusan. *** Samantala, magkakasama sina Theodore, Abra at Yamamoto nang marinig nila ang kaguluhan. Agad silang napahinto sa pagbaybay ng daan at napaisip kung anong nangyayari sa kabilang parte ng baranggay. "Abra, dalian mo, sabihan mo silang lahat at tatakas tayo. Magkita tayong lahat sa lihim na tagpuan. Pupunta lamang ako nang saglit kay Mr. Yuzon," bilin ni Theodore sa kasama. Tumango si Abra at agad na tumalikod saka tumakbo sa kabilang direksyon. Samantala, nagtungo naman si Theodore sa pasugalan at kasunod niya si Yamamoto sa likod. Hindi muna nagtungo si Abra sa simbahan kung saan nananatili ang mga kasamahan at maaaring naghihintay sa tagong lagusan na naroon. Dumiretso siya sa tahanan nina Mang Ador at Aling Selya. Hindi papayagan ni Abra na maganap muli ang nangyari sa kaniyang lolo at lola, namatay ang kaniyang mga kapamilya dahil din sa biglaang pag-raid ng mga ito sa kanilang tahanan. At dahil gumagawa ng sandata ang kaniyang pamilya, kinamkam ng mga ito ang mga baril at pinagkamalan ang kaniyang lolo na kaanib ng sandatahang Pilipino. Pinaslang ng mga ito ang kaniyang ingkong at isinunod ng mga ito ang kaniyang inosenteng lola. Itinago siya ng kaniyang mga tagapag-alaga sa ilalim ng papag, kaya nakaligtas siya sa kamay ng mga ito. Subalit ang sakit ng pangyayari ay nananatili sa kaniya magpasanghanggang ngayon. Hindi siya papayag na mauulit iyon! Ililigtas niya ang dalawang matanda. Nang makapasok siya sa loob ng tahanan, naabutan niya ang mga ito na nagluluto sa kusina. Natigilan ang mga ito at nagtatakang napatingin sa kaniya. Humingal siyang lumapit dahil tinakbo lamang niya ang daan pauwi. "Paparating po rito ang mga hapon. Iisa-isahin nila ang mga bahay at baka kung anong gawin nila sa inyo. Pakiusap po, sumama po kayo sa akin!" Nagkatinginan ang dalawang matanda, napanganga ang mga ito at nagtanungan ang mga mata. "S-Sige," wika bigla ni Mang Ador na nangatog ang mga salita at katawan. Agad itong kinabahan nang mapagtanto ang mga sinabi ni Abra. "Kunin muna natin lahat ng gamit at sandata sa itaas." Walang pagdadalawang-isip na iniwan ng dalawang matanda ang niluluto at nagmamadaling pumunta sa hagdan. Nakahinga nang maluwag si Abra, mukhang pumayag ang mga ito na sumama sa kanila upang lumisan sa bayan. *** Ngunit sa kasawiang-palad, hindi nagtagumpay si Theodore sa pagyaya kay si Mr. Yuzon. Kasalukuyang nasa lihim na silid ang tsino at kinakausap ito ni Theodore. Katulad ng ibang mga kasamahan, nais din niyang iligtas ang kaibigan. "Di-ko maaa-ling uma-lis, Theodore. Alamo nadiko pede i-wan maga kasama-ko," pagtanggi nito na tumalikod at ipinatong ang mga kamay sa lamesa. "Paano kapag nahuli kayo? At sa tingin ko, alam ng mga hapon na may mga Wha-Chi rito. Sinabi sa akin ni Abra na may mga Pilipinong nag-e-espiya sa lugar at kakampi sila ng mga hapon. Kung nandito ang mga hapon ngayon, may nagsumbong nga sa kanila!" katwiran ni Theodore. Umiling lamang si Mr. Yuzon at napabuntong-hininga. Pagkatapos, seryoso siyang tumingin sa mga mata ni Theodore at sumagot. "E di, Lalaban kami. Balana... lalaban kami..." ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD