Nang makatunton sa Barangay San Juan, nagpahinga sila nang saglit sapagkat kapwa mga puyat, gutom at pagod ang lahat. Kailangan din nila ng panibagong lakas sa mga darating na laban. Isang malaking pagkakataon din sa kanila na makabili ng mga pangangailangan sa nadaanang pamilihan. Subalit upang may magbantay ng kanilang sasakyan, nahati muli ang grupo sa dalawa.
Magkasama sina Bernard, Jaime at Theodore na pumasok sa kabahayan, samantalang naiwan sina Abra, Micah, Serrando, at Martin upang magbantay sa sasakyan at sa hapon na bihag. Hindi na nila ipinasok pa ang jeepney sa loob ng barangay. Hinayaan na lamang nila ito sa kalsadang napapaligiran ng mga puno at halaman.
Habang naghihintay sa ibang kasamahan, naisipan ni Micah na magbasa muna ng libro na nauukol sa pag-aaral ng nihongo. Kasalukuyang katabi niya si Abra, nakaupo silang dalawa sa malaking tipak ng bato at binabantayan ang bihag.
Nakatali na muli ang mga kamay ng hapon sa harap. May kadena pang nakakabit sa tali at nakakonekta naman ito sa likod ng sasakyan.
Napasulyap si Micah sa estranghero dahil naramdaman niyang tumitingin din ito sa kaniya. Napansin niyang nakatuon ang mga mata nito sa hawak niyang libro. Siguro napagtanto nitong nag-aaral siyang mag-isa ng nihongo.
"Ate Micah, sa tingin mo ba, mas matuto ka ng Japanese kung makakausap mo siya?" untag ni Abra na may nakasabit na rifle sa balikat. May kinakain itong isang plastic ng mani. Nakatitig ang binatilyo sa hapon at nasa mukha rin nito ang kuryosidad ukol sa lalaki.
"Oo naman, pero paano ba? Hanggang ngayon ayaw pa rin niyang magsalita," tugon ni Micah at napabuntong-hininga.
"Bakit niya kayo iniligtas sa kweba?"
Iyon din ang tanong ni Micah sa isip- tanong na walang kasagutan. "Hindi ko rin alam at hindi ko rin maintindihan ang lalaking 'yan," aniya.
"Mukha naman siyang hindi masama. Hindi siya nagpupumiglas kahit itinali natin. Wala siyang takot sa dibdib. Nakapagtataka ang mga ikinikilos niya," dugtong ni Abra.
"Pero hindi pa rin pwedeng magtiwala sa kaniya. Kahit pa niligtas niya kami. Hindi natin siya kalahi. Hapon pa rin siya."
"Teka nga pala, nasaan na sina Kuya Martin at Kuya Serrando? Akala ko ba, iihi lang ang mga iyon?" pag-iiba ni Abra ng usapan at luminga-linga sa paligid na para bang hinahanap ang mga kasama. "Sinabi pa naman ni Kuya Jaime na huwag tayong aalis dito hangga't hindi pa sila nakakabalik. Siguradong mapapagalitan na naman tayo ni Sir Theodore niyan."
"Hayaan mo sila," walang paki-alam na tugon ni Micah at bumalik ang linya ng mg mata sa libro.
At nang banggitin nga ni Abra ang dalawang lalaki, naaninag nila ang mga ito na pagewang-gewang na naglalakad palapit. Napatayo sina Abra at Micah nang mapansin na may hawak na bote ng alak ang mga ito. Kumunot ang noo nila dahil sa pagtataka.
Isinara agad ni Micah ang libro at itinago sa kaniyang bag. Maski ang mani na kinakain ni Abra ay mabilisan nitong inubos. Nasa mukha nila ang pagkainis nang lumapit ang dalawang lalaki.
Pasadlak na umupo si Martin sa batong kanina ay inuupuan nila. Inihagis lamang nito ang boteng walang laman sa kung saan. Si Serrando naman ay tahimik lamang na tumutungga.
"Aba, may oras pa kayong maglasing? Kung hindi ba naman kayo mga tanga. Ano ba ang akala ninyo, Martin? Tingin ninyo hindi tayo pinaghahanap ng mga hapon ngayon?" panenermon niya sa mga kasama. "Madadamay pa kami ni Abra sa kagaguhan ninyong dalawa!"
"Sabi n'yo, iihi lang kayo, ah! Nagpunta pala kayo ng pamilihan para maghanap ng alak?!" gitlang bungad din ni Abra.
"Magsitahimik nga kayo! Wala kayong mga pakialam! May karapatan din naman kaming magpahinga, ah!" saway nito sa kanilang dalawa. Dala siguro ng espirito ng alak kaya mas mainit ngayon ang ulo ni Martin.
"Ganyan ba kayo magpahinga? Nasa panganib pa rin ang mga buhay natin! Nasa giyera pa rin tayo. Huwag kayong pakampante, mga tanga!" bulyaw ni Micah.
At nang marinig ang pagmumura ng dalaga, lalong nabuysit si Martin. Tumayo ito at walang pakundangan na hinila ang kuwelyo ng damit ng babae. "Ayoko sa lahat 'yong bungangera, eh! Kahit babae ka papatulan kita!"
"Tama si Ate Micah!" sumingit si Abra at itinulak si Martin. Nabitawan agad nito si Micah. "Mapapagalitan tayo sa ginagawa ninyo!"
"Wala akong paki!" sigaw ni Martin at walang pag-aalinlangan na inundayan ng suntok si Abra.
"Abra!" Napasinghap si Micah nang makitang bumagsak ang batang lalaki sa aspaltong lupa. Wala na talaga sa katinuan si Martin kahit ang kakampi ay inaaway na nito.
Nilapitan ni Micah si Abra na nakaupo pa rin doon at iniinda ang natikman na suntok. Masama ang tingin na sinundan niya ng tingin si Martin na nilagpasan lamang sila. Dire-diretsong nagtungo ang lalaki sa military vehicle.
"Hoy! Anong binabalak mo?!" Napatayo muli si Micah nang tuwid at bumaling kay Martin na lango pa rin sa alak.
"Gagawa lang ng kaunting pagganti, Micah..." anito na biglang hinila ang kadena ng bihag na hapon. Napatayo naman ang kaawa-awang lalaki. Hinila ito ni Martin palabas sa sasakyan at pinatayo sa aspaltong lupa. "Walang saysay ang awa ninyo sa taong ito!"
"Tumigil ka na, Martin!" Kinabahan si Micah sa maaaring gawin ng kagrupo. Hinawakan niya ito sa braso subalit mabilis siya nitong itinulak. Napatili siya nang bumagsak sa lupa.
"Hayop ang trato sa atin ng mga katulad nito kaya bakit natin siya itratrato na parang tao?" katwiran ni Martin na hawak pa rin ang kadena. "Hindi mo ba alam kung gaano sila ka-brutal sa Bataan?"
Hindi nakaimik si Micah sapagkat alam niya kung anong sinasabi ni Martin. Ang tinutukoy nito ay ang Bataan Death March kung saan libo-libong mga sundalong Pilipino at Amerikano ang pinahirapan at pinalakad nang 105 kilometro- mula Mariveles hanggang San Fernando.
Napakaraming namatay roon sapagkat kapag tumigil sila ng paglalakad ay papaslangin sila ng mga hapon. Gayunman, ang mga sundalo ay mamamatay rin naman sa gutom at pagod kaya wala ring ibang hahantungan kundi kamatayan.
"Kaya bakit kailangan nating maging mabait sa isang ito, Micah?!"
Muli siyang napatingin sa mga mata ni Martin at sumulyap sa mga mata ng bihag na hapon. "Pero kahit na... Iba siya sa kanila!"
"Paano naging iba?! Pare-pareho lang sila! Gusto mo rin makaganti, 'di ba?" pagpupumilit pa rin ni Martin. "Pahirapan natin ito at patayin tulad ng ginagawa sa 'tin ng mga mananakop na 'yon! Kaunting ganti lang!"
Pipigilan sana ni Micah ang lalaki subalit mabilis itong nakasampa sa driver's seat, isinara ang pinto at tinawag ang kapatid na nanonood lamang sa kanila. "Serrando!"
Matapos ang huling pagtungga, itinapon ni Serrando ang boteng walang laman sa lupa at lumapit naman ito kay Martin. Umupo ito sa tabi ng nababaliw nang lalaki.
Nagulantang si Micah nang sinimulan ni Martin buhayin ang makina ng sasakyan. Umabante ito at nahila ang bihag na hapon sa likod.
Pinanood ni Micah ang pag-andar ng jeep. At dahil nakatali ang hapon sa likod kaya walang nagawa ito kundi tumakbo upang hindi makaladkad ng sasakyan.
"Hahayaan na lang ba natin sila, Ate Micah!" Bumangon si Abra at lumapit sa kaniya. Wala siyang naging tugon dito, nanatili ang mga mata niya sa panonood ng mga pangyayari.
Samantala, kinamangha naman nina Martin at Serrando ang katibayan ng hapon dahil nakakasabay pa rin ito sa pag-andar ng sasakyan. Nais nila itong makaladkad kaya dinagdagan pa nila ang bilis ng pagpapatakbo.
Nadapa ang hapon dahil sa pagod at mukhang hindi na nito kaya pang tumakbo. Pinanood ni Micah ang pagkaladkad at pagkiskis ng pobreng katawan nito sa lupa. Habang pinagtatawanan naman nina Martin at Serrando ang pinapahirapan na lalaki.
Tama ba ito?
Gusto niyang gumanti pero ito ba talaga ang itsura pagganti? Tutulad ba siya sa kabrutalan ng mga kalaban? Magiging halimaw din ba siya katulad nila?
Naudlot ang pag-iisip niya nang biglang tumakbo si Abra at hinabol ang mga kasamahan. "Tigil! Tumigil na kayo, kuya Martin!"
Saka lamang nagising ang natutulog na diwa ni Micah. Hindi. Mali ito.
Hindi siya tutulad sa kabrutalan ng mga kalaban. Tumakbo rin siya at humabol sa mga ito, mas mabilis siyang nakaabot sa hapon na nakakaladkad. Naunahan pa niya si Abra.
"Martin! Tumigil ka na!"
Subalit walang naririnig ang mga lalaking nagmamaneho ng sasakyan. Panay lamang ang pagtawa nito sa mga upuan. Nawiwili ang mga ito sa ginagawang pagpapahirap sa kapwa.
Nasaan ang moralidad sa gitna ng digmaan? Nagiging masahol ang mga tao dahil sa pagnanais na makaganti. Unti-unti nagiging halimaw ang lahat. Nakakalimot ang iba sa pagiging makatao at nawawalan ng budhi.
Hanggang sa may naaninag sila sa hindi kalayuan. Biglang napahinto si Martin sa pagmamaneho at nagpadausdos ang kaawa-awang bihag sa likod na ngayo'y wasak-wasak na ang damit at napakadungis. Iniinda rin nito ang katawan na punong-puno ng gasgas at sugat.
Hinihingal na lumapit si Micah at mabilis na inalis ang mga kamay ng hapon sa pagkakatali sa kadena. Naawa siya nang makita ang kalagayan nito. "Gomen nasai," paghingi niya ng tawad sa sinapit nito.
Nakokonsensya siya na hindi niya napigilan sina Martin at Serrando. Ibig-sabihin, tao pa rin si Micah mayroon pa siyang simpatya.
Nakaabot naman si Abra sa kaniyang likod. Hinahabol din ng binatilyo ang hininga dahil sa pagtakbo. Subalit agad din itong natigilan nang mapansin ang nasa unahan.
Nanlaki ang mga mata ni Abra nang makita ang pagtutok ng baril sa gawi nila. "Yuko!" sigaw ng binatilyo kasabay ng pagtatago sa likod ng sasakyan. Nagsiyuko at nagsitago sila ng mga ulo at kasabay niyon ay pinaulanan sila ng bala ng mga kalabang nasa harap.
Sa kasawiang-palad ay nakita sila ng mga hapon. Marahil nang mapansin ng mga ito na may kinakaladkad silang isang hapon, nalaman agad na isa silang kalaban.
"Nahuli tayo! Buysit kasi 'tong si Martin! Kainis!" gigil na wika ni Micah at gumanti ng putok sa mga kaaway.
***