"Ano ba, Roxy!"
Panay ang sabon ko sa buhok ni Mihael dahil sa gel na nilagay niya sa ulo; ang lagkit sa kamay. Kanina pa siya nagrereklamo sa ginagawa ko. Nanlalagkit ang kamay ko kaya diring-diri ako nang itapat ito sa gripo. Nakakainis ang lalaking 'to. Naninigas ang buhok nito sa pamada, eh hindi naman bagay sa guwapo nitong mukha.
"Ba't kasi ang hilig mong maglagay nitong gel, mukha tuloy peluka 'tong buhok mo." Mas lalo kong nilublob sa lababo ang ulo niya bago nilakasan ang gripo. Nagmukha tuloy akong yaya ng lalaki pero napangiti ako nang maisip ko ito. Kahit habang buhay akong maging yaya ni Mihael, willing na willing ako!
"Ano ba!" Napatayo na ang binata buhat sa pagkakayuko nito. "Lagi na lang, eh. This is me, Roxy, eversince. You don't need to change me. You're treating me like a kid!"
"Excuse me, best, you should be grateful because someone loves you and—that's me. You can't find someone like me, beshy." Napairap ako sa kanya nang sabihin ito sabay agaw sa tuwalyang hawak niya. "Hindi pa tayo tapos, Mihael."
Mihael? Animo isang anghel ang pangalan niya dahil pakiramdam ko, nasa langit ako lagi kapag nasa tabi ko siya. Napayakap ako sa likod ng lalaki pero pumiksi agad ito.
"Just get out, maliligo na lang ako. And please stop calling me beshy, sounds gay to me."
"Mihael—"
"Ano ba, Roxy. Ano, papanuorin mo na naman ako?" Nahubad na ng binata ang pang-itaas nito bago nito sinunod ang short.
Napangisi ako kasabay ng pagkislap ng mata ko sa sinabi niya. Naka-brief na lang ang lalaki sa harap ko kaya napalunok ako nang bongga. Natuyuan ako ng laway bigla. Kapag wala itong anumang damit sa katawan, hunk na hunk talaga ang datingan ng bestfriend ko. Ako lang ang nakakakita nito!
"P-pwede b-ba?" Nautal pa'ko nang itanong ito pero pinaharap ako ng lalaki sa pinto sabay tulak nito sa'kinnpalayo.
Malakas na pagsara na lang ng pinto ang kasunod nito kaya napadila ako. Kainis! Napangiti na lang ako bago dumive sa kama. Ang tagal ko nang pinagpapantasyahan si Mihael pero hanggang do'n lang ako kasi 'di naman alam ni Bestfriend na crush ko siya. Okay na sa'kin 'yong ganito kami total ako naman lagi ang kasama niya. Wala pa itong nagiging girlfriend eversince dahil wala itong hilig sa chicks. Pabor ito sa'kin sobra! Sasabunutan ko ang aagaw sa mahal ko. Napaupo ako sa kama nang makita ko ang malaking sobre, tickets ito nang buksan ko.
"Where is this?" Napakuno't noo ako nang tingnan ko ang hawak kong leaflet, isang island ito sa Camsur. Nabitawan ko bigla ang hawak ko nang lumabas si Mihael sa banyo, nakatapis na lang ng tuwalya ang binata. Parang gusto ko tuloy hilahin ito pahiga sa kama pero pinigilan ko ang sarili ko.
"You're reading it? We're going to Camsur for a short vacation. Three days to go, sem break na, it's good to relax somewhere kaya mag-empake ka na, Roxy. Maaga pa ang flight natin diyan and don't worry naipagpaalam na kita ahead kay Father Peter."
Parang gusto kong yakapin ang binata kaya tumayo ako bigla para lapitan siya pero mabilis ito nang ilagay niya ang kamay sa noo ko.
"Stay there, magbibihis lang ako, Roxy."
Napabalik ako sa kama sabay dapa pero hindi ko rin napigil ang sarili ko kaya pasimple akong lumingon sa gawi ni Mihael.
"Roxy!" inis na saway ng binata. "Don't piss me off."
Inis kong iniwas ang tingin ko kasabay ng pagsupil ng ngiti ko dahil nagsusuot na ito ng underwear kahit pa may tuwalyang nakapulupot sa bewang niya.
"You're really bad, Roxy!" asar na singhal ng binata kasabay ng pagbato nito ng tuwalya sa'kin.
Napaharap ako rito bigla pero nadismaya lang ako, nakasuot na ito ng short pero wala itong pang-itaas. Inis kong hinagis muli ang nasalo kong tuwalya pabalik sa kanya.
Utod pa ng lalaki, "Give me my t-shirt, please."
Oh, siya! Yaya na nga ako dahil ako ang nag-aasikaso sa suot nito. Kahit malaking tao itong bestfriend ko, may sarili itong yaya pero kapag ako ang kasama niya, ako na ang pumapalit sa pwesto ng yaya. Inis kong binato sa kanya ang red na damit.
Kaybilis lang ng araw dahil lulan na kami ng bus na sinasakyan namin papunta sa bahay na binook ni Mihael para sa'min.
"Best," naiinis kong binalingan si Mihael. "Probinsyang-probinsya na itong pinuntahan natin, ah. Puro bukid na 'tong nadadaanan ng bus."
"Sinadya ko ito, Roxy. Gusto kong lumayo sa siyudad. We'll be staying here for two weeks, maraming activities ang pwede nating gawin para hindi ka mainip such as mountain trekking, fishing, tree planting... what more do you think?"
Ito ang kinaiinis ko sa lalaki dahil modern ang lifestyle ko kahit pa super strict sila Sister sa'kin. Tinutukoy ko ang mga madre sa kumbento na pamilya ko na ring maituturing. Maraming paalala ang mga ito lagi sa'kin. Mas bet ko ang pag-shopping at paggala sa siyudad. Kapag si Mihael ang kasama ko, all paid na lahat dahil mayaman ito. Sunod ako sa luho kaya lalo akong napamahal sa kanya. Wala itong problema sa pera hindi kagaya ko, kailangan ko pang i-maintain ang grades ko para makapasok sa private school na pinapasukan namin. Scholar lang ako ng school at oras na bumagsak ako, siguradong kick out ako. Mostly mayayaman ang mga student do'n pero hindi ako nagpapatalo sa kanila, nagmukha na rin akong rich kid sa mga mamahaling gamit na binibili lagi sa'kin ni Mihael.
Ni isa sa binanggit nito, hindi ko talaga hilig. Sinandig ko na lang ang ulo ko sa balikat niya sabay pikit. Solo kami at walang kasama na alalay kagaya ng dati. Mahilig kaming mag-explore sa mga lugar ni Mihael. Well, actually siya lang pala ang may hilig, hindi ako kasali. Dahil love ko siya, sumasabit na lang ako sa mga lakad niya. Support na rin sa kanya dahil masyado itong aloof kaya nag-iisa lang akong kaibigan nito.
"Wake up, we're here." Anas ni Mihael.
Naalimpungatan ako sa paulit-ulit na pagtapik ng binata sa pisngi ko. Isang bahay na gawa sa kahoy ang nasa harap namin, old style at province type kaya napasimangot ako. Sa kabila ng yaman ni Mihael, mas hilig nito ang mga simpleng bagay--isang bagay na hindi alam ng karamihan. Masaya ito sa mga bagay na hindi kayang ibigay ng pera.
"I don't like it, Mihael." Inis kong inikot ang tingin ko, nag-iisang bahay lang ito sa gitna ng bukid. Magiging boring ito para sa'kin sigurado. "Diyos ko, best, wala man lang tayong kapitbahay? Mapapanis ang laway ko rito."
Naalala ko ang lugar ko sa probinsya, kapareho lang ito kung sa'n ako nagmula. Pinalis ko agad sa isip ko ang nakaraan ko. Wala na'kong babalikan pa. Iba na ang buhay ko dahil matagal ko nang tinakwil ang lahi ko.
"Come here, Roxy."
Nakasimangot kong binalingan si Mihael, naibaba na nito ang lahat ng bagahe namin. Usok ang iniwan ng bus nang lumayo ito sa'min kaya pareho kaming napaubo. Wala akong kaamor-amor sa lugar na 'to. I swear! Seconds pa lang pero bored na bored na ang pakiramdam ko.
"Roxy!"
Hila-hila na ng lalaki ang dalawang maleta papasok sa kawayang gate. Para naman kaming maglalaro ng bahay-bahayan nito sa liit ng kubo na nirentahan niya. Isang medium size na lamesa, isang kwartong maliit na wala pang kama pero ang kutson na nakasandig sa gilid, napakanipis din. Napasimangot ako pero dagli rin akong napangiti sa naiisip ko, kung isang kutson lang, katabi ko pa lang matulog si Mihael.
"Roxy, it's late. Can you cook? I'm hungry."
See? Yaya na cook pa! Bandang huli, canned food lang din ang kinain namin at ang take away sa isang fast food. Kahoy din pala ang gagamitin sa pagluto kaya tinamad akong kumilos. Dumidilim na sa labas nang isara ko ang bintana.
"Roxy, water, please!"
Nakagat ko ang labi ko sa inaasal ng lalaki. Kahit gusto nito ng simpleng bagay kagaya ng pagtira sa bahay-kubo na'to, boss na boss pa rin ang dating niya.
Mabigat ang loob ko nang ilapag ko ang bottled water sa harap niya. "Hayan, sir, sana sa resort na lang tayo hindi rito." Tinapunan ko ng matalim na tingin si Mihael pero nagkibit balikat lang ito.
Isa pang bintana ang nilapitan ko para isara pero natigilan ako sa nakita ko, isang matanda ang nakatayo sa kakahuyan. Matalim ang pagtitig nito sa'kin kaya inirapan ko rin ito nang bongga. Baka sa loob ng kakahuyan na 'yon, may mga bahay sa looban dahil nang tumalikod ito, pumasok ito sa masukal na gubat.
"Roxy, can you make me a tuna sandwich? You know, I don't like fast food, please."
Nang balingan ko ang lalaki, hawak nito ang katamtamang box. Namilog ang mata ko kasabay ng pagkislap ng isang bagay nang masinagan ito ng ilaw. Isang combination ng white and gold necklace ito. Cross ang pendant nito na may maliliit na mga diamond kaya napangiti ako. Mabilis itong kinuha ni Mihael sa box bago sinuot sa leeg ko nang maupo ako sa harap niya.
"Bayad ko 'yan sa'yo dahil alam kong puro reklamo lang ang maririnig. Make my sandwich now, please. I'm hungry, Rox."
Nawala ang ngiti ko. Tinanggal ko rin ang rosary na suot ko para isuot ito kay Michael.
"Ingatan mo 'yan, Mihael. Regalo sa'kin ni Father Peter 'yan." Siyempre mas bet ko ang gold kaya tinanggal ko muna ang isang kwintas ko. "Thank you, best. I love you!"
Nang walang ano-ano, sunod-sunod na ingay sa pawid na bubong ang nagpagulantang sa'min. Pareho pa kaming napatingala nang makarinig kami ng kaluskos, parang may pilit sumisira sa pawid na bubong na sinundan ng nagngangalit na ungol.
"Ano 'yon?" nahintakutang tanong ni Mihael.