JLP 9's writing contest for JLP: Vanishing
TOP 40
KUTOB
By: Tintin Cares
Dahil sa covid-19 pandemic ay naging doble ang trabaho ni Nurse Jhin sa hospital na kanyang pinagtatrabahoan. Halos wala na siyang tulog at pahinga, at isang beses lang din siya sa isang linggo kung makauwi sa apartment na inuupahan niya. Mabuti na lamang at hindi sa kanila naka-assign ang mga naging positibo sa virus, ngunit dahil na rin sa kakulangan ng hospital ay dinagsa sila ng pasyenteng may ordinaryong karamdaman. Hindi na kasi tinatanggap ang mga ito sa ibang hospital na mayroong case ng covid-19 para narin sa kanilang proteksiyon.
“Nurse Jhin tawag ka sa room 409,” tawag sa kanya ng kasamahang Nurse. Pumuslit lang siya sandali para sana kumain dahil nagugutom na siya, pero heto at tinatawag na kaagad siya. Mabilisang isinubo niya ang kanin at kaonting ulam sa pantry bago uminom ng tubig para magkalaman lang ang kanyang sikmura.
Pumasok siya room 409 kung saan nakahiga ang pasyenteng kakagising lang mula sa matagal na pagka-coma. Halos isang taon din itong nakaratay sa higaan, at ngayon nagising pa sa gitna ng pandemya. Kung dati ay may dumadalaw pa dito, ngayon ay wala na, nakailang beses na rin silang tumatawag sa guardian nito pero pinapatayan lamang sila. Sa hula nila ay tuluyan na itong inabandona ng pamilya, dahil na rin siguro sa laki ng bills na kailangang bayaran sa hospital.
May awang humaplos sa puso ni Nurse Jhin ng makita itong nakatulala lamang sa kisame. Siya lang ang bukod tanging kinakausap nito sa hospital, siya kasi ang nagbabantay dito simula day one.
“Hello po, ano po ang kailangan niyo?” tanong niya dito. Tumingin ito sa gawi niya at lumiwanag kaagad ang mukha nito.
“Dito ka lang, Nurse Jhin. Ayaw ko matulog, pinipilit nila akong turukan ng injection kahit ayaw ko,” pagsusumbong nito sa kanya.
Hindi nalalayo ang kanilang edad pero kung umasta ito ay para paring bata. Kung tutuusin pwede na iyong lumabas ng hospital dahil naging okay naman ang kondisyon nito. Ngunit dahil sa pending bills, ay pinipigilan ito ng hospital, siya ang naiipit sa sitwasyon at nakatukang makipag-usap sa guardian nito.
“Last na lang po iyan na turok sa iyo, kaya wag na po kayong mag-alala. Okay? Para din po iyan sa inyo,” ngumiti siya dito ng matamis. Ibinigay sa kanya ng isang Nurse ang injection para siya na ang humalili. “Sige, ako na ang bahala sa kanya,” umupo siya sa upuan pagkatayo ng naunang Nurse.
Nakatitig lamang sa kanya ang pasyente habang dahan-dahan niyang itinutusok ang karayon sa bandang pulsuhan nito. Nakangiti ito habang unti-unting nakatulog. Inayos ni Nurse Jhin ang kumot sa katawan nito at ng masigurong okay na ang pasyente ay iniwan na niya ito.
“Alam mo ba ang balita?” si Bianca, ang ka-close niyang Nurse. Sumaglit lang sila sa pantry para tapusin ang naiwan niyang pagkain.
“Hindi pa,” sagot niya habang ngumunguya.
“Isa raw sa pasyente natin ang isa sa anak ng may-ari ng hospital na ito! Akalain mo iyon?”
“Oh, tapos?” hindi interesadong tanong niya dito.
“Anong tapos? Syempre, ang swerte ng nagbabantay sa kanya, paniguradong may bonus iyon pagdating ng pasko mula sa kaitas-taasan.”
Umikot lang ang paningin niya sa sinabi nito, dahil wala pa namang nangyaring ganoon sa tagal niya sa hospital. Tumunog ang cellphone niya kaya dali-dali niya iyong tiningnan, baka si Jai na ang nag-text. Ngunit, hindi naka-rehistro ang numerong nagpadala sa kanya ng mensahe.
Flowers for you
Napangiti si Jhin. Iniisip niya na naki-text lang ang boyfriend niya, kaonti lang kasi ang nakakaalam ng personal niyang numero. Ni-replayan niya ito ng, call me later at 5:00AM. Mag alas tres na kasi iyon ng madaling araw at tuwing alas singko ng umaga ang kanyang fifteen minutes coffee break. Muli na niyang ipinasok ang cellphone sa bulsa ng kanyang uniform bago muling sumabak sa trabaho.
“Nurse Jhin, may nagpapabigay sa ‘yo,” tawag sa kanya ng front desk ng mapadaan siya doon.
Itinuro niya ang sarili. “Ako? Sa akin, talaga?” hindi makapaniwalang tanong niya dito.
May panunuksong tumango ang kasamahan sa kanya. “Ikaw ha? Kailan ba ang kasal? ‘Wag mo kaming kakalimutan, ha?” sabay abot sa kanya ng isang palumpon ng pulang rosas.
Kinikilig na inamoy-amoy niya ito. Ano kaya ang na-kain ng boyfriend niya ngayon at pinadalhan pa siya ng bulaklak? Parang gusto na niyang hilahin ang oras para makausap na niya ito kaagad. Isa ring Nurse ang kanyang boyfriend na si Jai, pero na-assign ito sa ibang hospital. Kaya bihira lang magtagpo ang kanilang schedule at ilang buwan na ring hindi sila nagkikita. Nauunawaan naman niya ito dahil sa klase ng kanilang trabaho. Pero wala siyang tawag na natanggap mula dito nang sumapit ang alas singko ng umaga.
Sinusubukan din niyang tawagan ang numerong nag-text sa kanya kanina pero naka-off na iyon. Napabuntong-hininga siya habang nakatingin sa bulaklak, tinanggal niya iyon sa pagkakatali at inilagay sa flower vase na nasa front desk. Hindi naman na nag-komento ang mga kasamahan niya dahil aanhin din naman niya ang mga iyon kung hindi naman siya makaka-uwi? Nag-iwan siya ng isang bulaklak at dinala iyon sa room 409, napansin niya kasing may flower vase doon.
Pagpasok niya sa loob ay tulog parin ang kanyang pasyente, muli niyang tiningnan ang vitals nito at lumabas na ng silid.
Pagod na pagod ang kanyang pakiramdam kaya naman naisipan niyang mag-shower sandali at iidlip kahit ilang oras lang. Nagpaalam siya sa kanilang management at pinayagan naman siya. Mabuti na lamang at merun silang shower area sa hospital at sleeping quarters na para lamang sa kanila. Hinubad na ni Nurse Jhin ang kanyang damit at ninamnam ang daloy ng tubig sa kanyang katawan.
“Nurse Jhin, gising!” naririnig niyang boses ni Nurse Bianca. Paulit-ulit niya iyong naririnig at palakas ng palakas iyon sa kanyang pandinig. “Hoy, gising! Halos tatlong oras ka na pong natutulog,” muling tapik nito sa kanyang balikat. Nakadapa siya sa kanyang higaan habang nakabalot pa ng tuwalya ang kanyang buhok.
“OMG!” mabilis na napatayo siya mula sa pagkakadapa at pinunasan ang pisngeng may bahid pa ng laway. Nagmumug kaagad siya ng mouthwash habang nagsusuklay. Mabuti na lang at naka-uniform na siya. Napailing naman si Nurse Bianca, ngunit nakangiti narin ito. Hindi na bago sa kanila ang ganoong eksena, dahil kahit ito ay napapasarap din ang tulog minsan.
Paglabas niya ng sleeping quarters ay sinalubong siya ng isang Janitor na may hawak na isang box ng chocolate sabay abot sa kanya. Wala sa loob na tinanggap niya iyon.
“Ma’am, may nagpapabigay po sa inyo,” malapad itong napangiti.
“Kanino po galing, Manong?”
“Hindi ko po alam Ma’am, eh! May nagpadala lang po niyan dito at nakapangalan sa inyo.”
Muli siyang kinilig dahil alam niyang galing lahat iyon sa kanyang boyfriend. Aba! Aba! Parang ang sweet naman nito ngayon sa kanya? Baka may kasalanan ito sa kanya. Pagkatapos magpasalamat dito ay muli siyang pumasok sa loob ng sleeping quarters para ilagay ito sa kanyang higaan. Walang araw na hindi siya nakakatanggap ng bulaklak at pagkain mula dito. Kaya naman tinutukso na siya ng kanyang mga kasamahan. Baka raw kasi sa susunod, singsing na ang matanggap niya—bagay na matagal na niyang pinapangarap.
Abot hanggang tainga ang ngiti niya ng makatanggap siya ng tawag mula kay Jai. Tinanggal niya muna ang bara sa kanyang lalamunan at huminga ng malalim.
“Hi, babe! I miss you! Sorry ngayon lang ako napatawag, ngayon lang ako nagkaroon ng time.”
“I understand, babe! No worries! At salamat pala sa mga bulaklak at pagkain na lagi mong pinapa-deliver sa akin these past few weeks, nakakawala ng pagod ‘yong effort mo. Maraming thank you, babe.”
“Bulaklak? Food? I am sorry, babe. Pero, wala akong pinapadala diyan sayo.”
Nanginig si Nurse Jhin sa narinig mula sa boyfriend. Binalot siya ng takot lalo pa at muli siyang nakatanggap ng mensahe mula sa unregistered number.
Kumain kana ba?
Sabi ng mensahe sa kanya at alam niya na pagkatapos ng mensahe ay makakatanggap muli siya ng pagkain kaya mas natakot siya. “Babe, someone is sending me flowers and foods these past few weeks, at may numero ding laging nag ti-text sa akin. Akala ko, galing sa iyo ang lahat ito. Babe, natatakot na ako.”
Na-alarma naman ito sa kabilang linya. “Don’t accept anything from now on. And block the number. Don’t tell them about this, yet. Para, hindi sila mag alala, let’s figure this out. Hihintayin kita bukas sa apartment, okay?”
“Okay, babe. I love you. Bye!”
Napaigtad si Nurse Jhin ng bigla siyang binulaga ni Nurse Bianca. May hawak na itong tatlong kahon ng pizza.
“K-kanino galing ‘yan?”
“Kanino pa nga ba? Eh, di... sa mapagmahal mong boyfriend! Ikaw na ang mahaba ang buhok dito,” bago pa man nito maibigay sa kanya ang pizza ay kaagad naharangan nga iyon.
“Busog pa ako, sa inyo na lang yan,” tumalikod na siya dito at dali-dali tinungo ang chart para sa gagawing rounds. Nakita niyang ipinasok na ni Nurse Bianca ang tatlong kahon ng pizza sa pantry at paglabas nito ay may kagat-kagat na itong isang slice ng pizza. Kaagad namang pumasok ang ibang Nurse sa pantry para makikain.
Napailing siya. Bukod sa kanyang boyfriend, wala na siyang ibang naiisip na pwedeng magpadala sa kanya ng mga bulaklak at pagkain. Pumasok na siya sa room 409 para kumustahin ito. Gaya ng dati, nakatulala parin ito sa kisame. Umupo siya sa kama nito at kinuha ang mga kamay, galit na kaagad binawa nito iyon at nanlilisik ang matang nakatingin sa kanya.
Napatayo si Nurse Jhin at kaagad na pinakalma ito. “Sorry, hindi na mauulit,” ang tinutukoy niya ay ang paghawak dito sa kamay ng walang paalam.
Nag-iba naman kaagad ang paningin nito at huminge ng paumanhin, nagulat lang daw ito sa kanyang ginawa na kaagad niyang naunawaan.
Muling tumunog ang kanyang cellphone at galing na naman iyon sa unregistered number. Nabitawan niya ang cellphone ng mabasa ang mensahe nitong, see you.
Kaagad na bumangon ang kanyang pasyente at inalalayan siya nito paupo. “Okay lang po ba kayo, Nurse Jhin?” nag-aalalang tanong nito sa kanya. Napatingin siya dito at nahihiyang tumayo na. Dapat hindi madamay ang trabaho niya dahil lamang sa isang taong nanggugulo sa kanya.
“Yes, okay lang ako. Salamat,” hinanap niya ang nabitawang cellphone at kaagad na ipinasok iyon sa bulsa. Nagpaalam na rin siya dito. Kailangan niyang makauwi ng maaga mamaya.
“See you, tomorrow! Balitaan mo kami, ha?” muling tukso sa kanya ng mga kasamahan ng paalis na siya ng hospital, alam kasi ng mga itong magkikita sila ni Jai sa kanyang apartment. Ang hindi niya alam ay nauna na ito sa kanilang apartment, at nag handa din ito para sa kanilang dinner. Lumabas lang ito saglit para bumili ng wine, pero bago pa man ito makabalik ay may isang bulto ng humarang dito at pinagsasaksak siya ng kutsilyo. Hindi pa ito nakuntento at hinila ito sa isang eskinita at walang awang pinugutan ng ulo.
Pag bukas ni Nurse Jhin ng pintoan ay sumalubong kaagad sa kanya ang amoy ng mga pagkaing nakahanda na sa mesa. Nakita din niya ang bag at cellphone ni Jai sa mesa. Kinuha niya ang cellphone para sana tawagan ang hospital na hindi siya makakapasok kinabukasan, pero hindi niya na iyon mabuksan, doon niya napagtantong hindi sa kanya ang cellphone na hawak. Napahiyaw siya ng makita ang kanyang hubo’t hubad na larawan na nasa wallpaper habang naliligo sa shower area ng hospital.
Dali-dali niyang binuksan ang pintoan ng may kumatok doon.
“Babe, I’ll show you something—”
Napako siya sa kanyang kinatatayuan ng pagbukas niya ay tumambad sa kanya ang isang kahon na may nakasulat na, my gift for you. Nanginginig ang mga kamay niya habang tinatanggap ang kahon. Dahan-dahan niyang tiningnan ang delivery boy at doon na kumpirma niya ang kanyang hinala. Sumilay ang mala-demonyong ngiti nito sa mga labi kaya nabitawan niya ang kahon sa sobrang takot, bumukas ang kahon at gumulong ang ulo ni Jai patungo sa kanyang mga paa habang nakatingin ng deretso sa kanya.
“Akin ka lang, Nurse Jhin. Akin lang!” puno ng pagnanasang bulong nito, habang nababalot ang sariling katawan ng dugo.
THE END