3RD PERSON POV
"Oi ayos ka lang bes?"
Isipin pa lang niya ang kaganapan na iyon, wala sa sariling napahawak siya sa kanyang sintido at mariin na hinilot iyon.
Nung una, ang problema lang niya ay si Damon, tapos ngayon nadagdagan pa. Sumasakit ang kanyang ulo at matinding stress talaga ang naramdaman niya sa isang linggong nakaraan.
"Huh? A-Ah, Oo Jen," sagot na lamang niya sa kaibigan, medyo na gulat pa siya sapagkat abala ang kanyang utak sa pag iisip kung paano nga ba matatapos ang kalbaryo niyang ito.
Pero, bago niya iyon isipin siguro ay kailangan muna niyang mag-focus kung nasaan at kung anong ginagawa niya ngayon.
"Sure ka ba?" nag aalala pang tanong nito muli. Tumango na lamang siya para hindi na ito mag isip pa ng kung ano-ano. Napaka-exaggerated pa naman nito.
"Wahhhh! Bukas na pala ang shop na 'to! Come on bes, let's go shopping!" malakas na sigaw pa nito sa kanya, napayuko na lamang siya dahil sa kakaibang tingin ng mga taong narito.
'Pagdating talaga sa kaingayan, wala nang tatalo pa sa babaeng 'to.' Hindi niya mapigilang mapailing.
Hindi pa ito nasiyahan sa pagsigaw, kinaladkad pa sa siya nito papunta sa fashion boutique na gusto nitong puntahan.
Ang loob ng shop ay puno ng magagandang damit, accessories at iba pang item na pang babae. Matatawag na super girly ng ganitong mga shop, at patok talaga ito sa mga kababaihan lalo na sa mga teenager.
Mula sa nakikita niya, mukhang kabubukas pa lang din ng branch na ito sapagkat may mga lobo pa at banner na nakalagay sa may pintuan.
Napangisi naman siya dahil sa nagniningning na mga mata ni Jen habang nakatingin sa magagandang damit na naka-sale ngayon.
Habang napapasilay sa kabuohan ng lugar, wala namang sinayang na oras ang kanyang kaibigan na si Jen, manili agad ito ng mga dress at blouse na makita nito.
"Bes, halika, tingnan mo oh, ang gaganda ng blouse nila dit--- hala! May croptop," pag aanyaya at pagtawag pa nito sa kanya para lumapit.
Nakatayo lamang kasi siya sa gilid at kumportableng nagmamasid lamang. Hindi naman siya makapag suot ng mga ganung klase ng damit kaya hindi na niya inaabala ang sarili at gumagastos para bumili pa ng mga iyon.
Habang naglalakad palapit, hindi niya mawari kung may saltik ba sa utak itong kanyang kaibigan sapagkat nagawa pang makipag unahan sa pagkuha ng damit sa mga teenager na kasabay nito.
Napatakip na lamang siya ng labi para di nito mapansin ang palihim niyang pagtawa. Parang hindi magte-trenta anyo ang ugali nito. Napangisi na lang siya nang maisip na geeling bagets talaga ang kaibigan niyang ito.
"Bes, bilis halika! Bagay sayo 'to oh," anito, at saka mabilis na itinapat sa kanyang katawan ang isang off-shoulder na blouse.
"Ano ka ba Jen, alam mong di ako nagsusuot ng ganyan," pagtanggi pa niya. "--sige na, mamili ka na, hihintayin na lang kita dito," pangungumbinsi pa niya dito, pero mukhang hanggang sa huli nakatanim na sa pagkatao nito ang salitang kakulitan.
"Hindi bes, isusukat mo lang naman. Sure akong bagay sayo 'to," pag mamakaawa pa nito sa kanya, habang nagpu-puppy dog eyes.
'Akala mo naman cute siya,' napapangiwing saad niya sa isipan habang na-aasiwa sa pagtingin dito.
"--ganda kaya oh, at saka ngayon lang tayo ulit nakapag bonding. Ito kaya ang pinaka una nating get together mula nang bumalik ka," dugtong pa nito na may kasamang pangungunsensya at saka mabilis na ibinigay sa kanya ang damit.
Alam niya kung gaano ito kakulit kaya naman nakisakay na lamang siya sa malakas nitong trip. At naisip din niya na may punto din naman ito, natatandaan pa niya, noong panahon na high school or first year college sila sobrang priority pa nila ang mga ganitong bagay.
Halos kada weekend ay nagbo-bondate sila at nagsho-shopping. Nakakabili at nakakapagsuot pa siya ng mga ganitong klaseng damit noon.
'Aist, napakarami na nga naman ang nagbago mula noon, ngayon halos bilang na lang ang mga pwede kong gawin, puntahan at magustuhan.'
Dahil sa traumatic experience na meron siya, madalas ay lumalayo siya sa matataong lugar, hanggang ngayon kasi ay natatakot pa rin siya sa biglaang pagkakadikit ng mga balat at katawan kapag nasa crowded na lugar, pero hindi maiwasan na mapunta siya sa ganoong sitwasyon ngayon kaya nagsusuot na lamang siya ng patong-patong na damit.
Bago pumasok sa fitting room, nagkasundo pa sila na isusukat lamang niya ang damit, pero hindi siya lalabas.
"Oo naman bes, ako lang makakakita kaya nyan kaya Go na!" excited at pagmamadali pa nito.
Napuntong hininga na lamang siya at saka pumasok doon dala ang damit na pinili nito para sa kanya.
Habang isinusuot ang isa sa mga damit na kinuha ni Jen, rinig niya na may nag uusap sa fitting room na katabi ata sa ng kanya, manipis na pader lang naman kasi ang namamagitan sa bawat isa kaya rinig niya nang malinaw ang pinag uusapan ng mga babae sa kabila.
"Girl, napansin mo na yung babae sa shop?"
"Alin dun?"
"Yung naka- turtleneck, naka-blazer at naka-gloves pa hahaha like nasaan ka girl? America? Ang chaka tingnan."
"Ah oo nga, balot na balot si ate, parang suman lang hahaha."
Napatigil siya sa ginagawa dahil sa mga narinig, hindi niya alam kung masasaktan pa ba siya dahil hindi naman ito ganun ka-bagong issue pagdating sa kanyang sitwasyon.
Napabuntong hininga na lamang siya at napaisip ng... 'Napakadali talagang magsalita ng ibang tao, lalo na at hindi naman nila alam ang tunay na nangyayari.'
Matapos ang kaganapan noong college siya, ilang taon din siyang tumira sa ospital, nagkulong sa kwarto at takot na lumabas.
Nung unang beses na tumapak muli siya sa labas ng bahay, daig pa niya ang vampire na masusunog sa sikat ng araw. Hindi na siya sanay at puno ng kaba at takot ang kanyang puso.
Mabuti na lamang at nariyan ang kanyang mga magulang at si Jen para suportahan siya. Kahit ilang beses niyang itaboy ang mga ito, kahit kailan hindi siya sinukuan ng mga ito at nanatili sa kanyang tabi hanggang sa huli.
'Hmm, siguro hindi rin lahat, may isang tao pala na sumuko at napagod--- Aist matagal nang tapos iyon kaya ayaw ko nang balikan pa. Ang pinaka una kong heartbreak.'
Napailing na lamang siya para mawala ang mga isipin na iyon sa kanyang utak, pilit niyang tinitibayan ang sarili at kalooban para sa kanya Mama at Papa at sa kanyang...
Hindi niya alam, pero muling naalala na naman niya ang nakakairitang mukha ng lalaking iyon.
Ang simpleng tawananan, chismisan at bulungan ay hindi na nakaka apekto sa kanya ngayon. Mas marami pa siyang napagdaanan na mas malala kaysa sa mga bagay na iyan.
Nalampasan niya iyon at napagtagumpayan kaya naman mas malakas na ang tingin niya sa kanyang sarili. Wala na ang masasamang panaginip, pag iyak sa gabi at depression. Ang naiwan na lamang sa kanya sa paglipas ng mga taon ay ang allergies reaction pagdating sa mga kalalakihan.
Sa halip na malungkot dahil sa mga narinig, nagpatuloy na lamang sila sa kanyang ginagawa. Bubuksan na sana niya ang pinto ng fitting room para ipakita sa kaibigan ang suot nang bigla siyang makarinig ng malakas na kalabog at kasunod noon ang galit at iritang boses ni Jen.
"Ui mga bruha, lumabas kayo dyan! Ang galing nyong mang-chismis ah!"
"Uii lumabas kay---"
"Jen, wag ka nang mag eskandalo dyan," pagpigil pa niya sa kaibigan.
"Kasi bes, ang lalakas ang loob oh, mga takot naman," pagsusumbong pa nito sa kanya, habang nakaturo ang daliri sa katabi niyang fitting room.
Ang loob naman ng nasabing fitting room ay parang naging ghost town sa sobrang tahimik, halatang mga kabataan ang nasa loob at takot dahil sa nangyayari.
"Hayaan mo na sila, halika tingnan mo kung bagay sa akin 'to," aniya pa, para mawala ang atensyon ng kaibigan sa mga echoserang teenager na iyon.
"Wooww, sabi na sayo ih, bes ang ganda!!!" manghang saad nito sa kanya, at dahil matagal na rin noong huli siyang makapagsuot ng ganitong damit. Medyo nahiya siya at pinamulahan ng mukha at tenga.
Dahil sa maroon na kulay ng tela nito kaya mas lumitaw ang kanyang mala-porselang kutis. Makinis at maputi dulot nang makakapal na damit na laging nakatabon sa kanyang katawan.
"Talaga ba?" nakanguso pa niyang tanong dito. Nanggi-gigil naman siyang nilapitan at pagkuwa'y pinisil ang kanyang pisngi.
"Oo, bilhin na natin tapos akitin mo na ang future husband mo para magkapamangkin na rin ako!" kinikilig na turan pa nito. Siya naman ay halos mapasalampak sa sahig dahil sa kalukohan nito.
Dahil rin sa pahayag nito, muling biglang nag-flash sa kanyang alaala ang gwapo pero nakakairitang mukha ng lalaking iyon.
"Gaga ka talaga, tumigil ka nga," nahihiya niyang ani at mabilis na bumalik sa loob ng fitting room.
"Sorry na bes, basta bilhin na natin yan. Super bagay sayo."
Makalipas ang 100 years, nakalabas din sila sa shop na iyon. Satisfied naman sila parehas at masaya. Hindi niya inaasahan na makakabili din siya nang ilang damit at mga accessories.
Ngayong kasama na muli niya ang kaibigan. Naisip niya na hindi rin masama na pumayag siya sa alok na bonding nito.
At ang isang mahalagang dahilan ay nakatakas na siya sa bwisit na lalaking si Damon at sa alaga nitong aso.
HABANG naglalakad dala ang mga nabili nila. Napaharap si Jen kay Heiley dahil sa sinabi nito.
"Gutom na ako Jen, kain muna tayo," ani Heiley sa kanya, at saka marahang hinaplos ang tiyan.
Napangisi naman siya at masayang inakbayan ito. "Oo naman, dun tayo sa korean resto na sinabi ko sayo noon, buti nandito ka na ulit, makakapag-bonding na tayo lagi."
"Ui luka di rin ah, malapit na akong bumalik sa office, inaasikaso ko lang ang pagta-transfer ng ibang file mo mula America," sagot pa nito.
Kahit alam niyang hindi naman ito nagtatagal sa kumpanya, pumupunta lamang ang kaibigan doon kapag may mga kailangang gawin or meeting.
Ang opisina na tinutukoy nito ay isang kwarto sa coffee shop na pagmamay ari nito. Bukod sa mas private ang lugar na iyon, malapit pa ito sa paborito nitong gawin kung hindi ang magtimpla ng iba't ibang uri ng beverages, tulad ng kape, milk tea, frappe at iba pa.
Suki rin siya ng cafe na pagmamay ari ni Heiley, kapag hindi siya busy sa bahay, isa kasi siyang house wife kaya lagi siyang tumatambay doon.
"Oo alam ko, masaya lang ako dahil malapit na sa akin ulit, kapag may kailangan ka, mabilis na kitang mapupuntahan ngayon tawagan mo lang ako," nakangiting saad pa niya, habang papasok sila sa korean place sa loob ng mall.
"Salamat talaga Jen," mahina, pero buong puso na bulong nito na sapat lang para marinig niya.
"Wala yun, wag mo sanang isipin na ginagawa ko ito para ibsan ang kasalanan ko sayo," pabiro pa niyang ani, kahit parang tinutusok ng milyong karayom ang kanyang puso.
"Wala akong iniisip na ganun, matagal ko na rin namang natanggap ang lahat," sagot pa nito sa kanya, nang makaupo sila sa table na may burner sa gitna para sa pagluluto ng bbq.
"-- besides, I always remind you that it's not your fault. Ako ang may problema kaya nangyari ang mga bagay na iyon."
Tumingin pa ito nang deretso sa kanyang mga mata, kita niya kung gaano ka-tunay ang sinasabi nito.
Sa totoo lang, hanggang ngayon ay hindi pa rin nawawala ang guilt na nararamdaman niya, lalo na at nakikita niya ang kalagayan ng kanyang nag iisa at pinakamalapit na kaibigan.
Tunay na kapatid na rin ang turing niya dito at pamilya na ang tingin niya sa mga magulang nito, kaya naman minsan hindi rin niya maiwasan na di magalit sa kanyang sarili dahil sa mga nagawa.
Halos tunay na kapamilya na ang turing sa kanya nina Heiley at pamilya nito pero...
'How could you steal the lover of your best friend?' napayuko siya dahil sa tanong na iyon mula sa kanyang isipan.
'I didn't---' pagdedepensa pa sana niya, pero alam din niya sa kanyang sarili na wala siyang pwedeng gawing rason sapagkat siya ang nasa mali.
Napakabait lang talaga ni Heiley at ng pamilya nito para patawarin siya at wag pag isipan ng masama kahit walang kapatawaran ang ginawa niya, pero kahit ganun, kahit kailan hindi niya makakalimutan ang disappointed na makikita sa mukha ng mga magulang ni Heiley nang malaman ang nangyari.
'Not just stealing the man she loves, you even marry him ang build a happy family while your best friends is suffering so much. HOW COULD YOU!'
Nag iiwan ng mapait na panlasa sa kanyang bibig ang katotohanan na pilit sumisiksik sa kanyang isipan ngayon, ang kunsensya na hindi nagpapatahimik sa kanya.
"Ui Jennifer? Okay ka lang?"
Mabuti na lamang at tinapik siya ni Heiley kaya nagising siya sa pagkatulala.
"A-Ah Oo naman, gutom lang 'to, tagal naman ng maluto ng karneng ito," napapatawa pa niyang ani kahit halatang pilit.
Medyo mahina talaga ang kanyang kaibigan na ito pagdating sa pag-pick up ng mga nangyayari kaya hindi manlang nito napansin ang mukha niyang puno ng pagsisisi.
"Oo nga ih, kainin ko na lang kaya muna itong mga gulay," napapatawa rin na sagot nito sa kanya, sabay subo ng isang malaking parte ng letus sa bibig nito.
"Hahaha mukha kang kambing na ngumunguya ng dahon." Malakas na pagtawa pa niya na nakakuha rin ng atensyon ng ibang costumer na narito ngayon, hindi niya napigilang mapatawa dahil sa itsura nito.
"Kambing agad, di ba pwedeng rabbit para mas cute?" nakanguso pa nitong bwelta mula sa kanyang pang aasar.
"Haha sige na, rabbit na kung rabbit, ito pa oh, iyo na rin ang gulay ko." Inabot pa niya dito ang ibang side dishes maliban sa karne.
Masaya naman nitong tinggap, kita pa niyang kumuha agad ito ng isang lettuce at nilagyan ng karneng luto at kimchi sabay sabo nun.
Kung kanina mukha itong RABBIT, ngayon isa na itong chipmunk dahil sa taba ng pisngi nito.
Sa halip na mag isip ng kung ano-ano at tuluyan na ma-stress dahil doon, napabuntong hininga na lamang siya at saka nagsimulang kumain na rin.
Pagdating kasi sa kainan magaling din itong si Heiley kaya naman bago pa siya maubusan ay kailangan na rin niyang kumain.
HABANG pinagsasaluhan ang teokbokki na inorder nila ni Jen kasama pa ang honey fried chicken na meron dito, napag usapan din nila ang nangyayaring marriage trial at kung anong unang impression niya kay Damon at iba pa.
Naikwento rin niya ang tungkol sa alagang aso nito na talagang kasama pa talaga.
"What!? May aso si Fafa Damon?"
"Oo, hindi lang basta aso, kung hindi isang malaking aso," aniya, habang ikinukumbas ang kamay para ipakita kung gaano kalaki ang asong alaga ni Damon. Hindi na niya isinama sa kwento ang tungkol sa tangka nitong pag atake sa kanya noon, baka kasi mag alala pa si Jen kahit wala namang nangyari sa kanya.
"Labrador ba? Pitbull? Doberman?"
"Hindi, ano--- teka? Malaki tapos mabalahibo ih," saad niya, hindi kasi talaga niya maisalaysay ng maayos ang itsura ng aso.
"Aso pa ba ang pinag uusapan natin bes?" nakangisi at napapatighim na tanong naman nito sa kanya.
Tiningnan naman niya ito ng kakaiba bago magsalita. "Oo naman, di ba sabi ko aso, hindi naman pusa."
Napailing na lamang si Jen sa kanya dahil malinaw na di niya nakuha ang ibigsabihin nito.
"Okay, sabi ko nga, so anong ngang breed?" tanong na lamang ulit nito sa kanya, sabay inom ng red iced tea.
"Teka, google ko," turan niya, sabay hugot ng cellphone.
'Ferni send message' pagkakabasa pa niya sa notification sa kanyang cellphone. Naisip niyang mamaya na lang buksan iyon para basahin.
Mukhang nalalapit na talaga ang pagbabalik niya sa trabaho.
"Ayun! Alaskan Malamute," sagot niya, matapos ang ilang sandali.
"Ohh, Oo hindi lang malaki, magandang aso yan ah. Super high maintenance pa."
"Mukha nga, at saka alam mo naman na ayaw ko ng aso."
"Ah oo nga pala---"
"---maingay at magulo," sabay pa nilang sabi at saka napatawa.
"So hindi na lang si Fafa Damon ang problem mo, may package pa palang kasama," kumento pa nito, kaya napatango na lang siya.
Pasalamat na lamang niya sa kaibigan at isinama siya dito, kung hindi baka natambakan na siya sa gawain sa bahay na iyon.
Sa loob kasi ng isang linggong lumipas, ang inatupag niya ay mag ayos ng buong bahay pati garden.
Speaking of pag aayos ng bahay, buti naalala niya na kailangan pa pala niyang bumili ng mga kurtina, cover ng kama at iba para sa ikagaganda ng home sweet home nila.
Kahit tutol naman siya sa pagtira sa bahay na iyon kasama ang lalaking di niya lubusan na kilala, hindi pa rin maiaalis na isa siyang babae kaya ang pagtatrabaho ng ganung bagay. Siguro ay mamimili siya bago umuwi mamaya.
"Nga pala, di ba masyadong pushy naman si Tita tungkol sa pag aasawang yan?"
"Aist, Oo, minsan nga naisip ko baka kahit ata 50 years old na ako hindi pa rin nila ako hayaan na magdesisyon para sa aking sarili---"
"Sino? sina tita ba?" napapataas kilay na tanong nito.
"Oo, sila nga."
"Baka naman dahil hindi mo lang sinasabi sa kanila ang gusto mo kaya sila na ang gumagawa ng paraan para sayo di ba?"
Napaisip naman siya dahil sa pahayag nito. "Kapag kaya kinausap ko sila at sinabi ang gusto ko, makikinig kaya sila?"
"Siguro, pero isipin mo din na para sayo din naman ang ginagawa nila, wala namang magulang na ipapahamak ang anak. Lalo na ang mga magulang mo, napaka-overprotective ng mga yun sayo."
Napatango naman siya, pero sa oras na ito alam niyang hindi siya pakikinggan ng kanyang mga magulang sa ngayon.
"Siguro nga Jen, pero alam mo may naisip ako para mawala na sa landas ko yang si Damon at yung alaga nyang aso," napapatango na saad niya, matapos kumain.
Ngayon ay naglalakad na sila palabas ng resto na iyon dala ang mga pinamili.
"Ha? Ididispatsya mo na ba?" gulat na tanong nito sa kanya, kaya napakamot siya sa ulo dahil sa kalukohan ng best friend niyang ito.
"Ui gaga di ah, ginawa mo naman akong killer, hindi ganun."
"Eh ano bang binabalak mo?"
"Hmm nag iisip pa nga ako eh, wala pa rin akong alam sa kanya kaya mga mild na prank pa lang ang nagagawa ko sa ngayon," sagot naman niya dito.
"So balak mo siyang pagtripan hanggang sa di na siya makatiis at lumayas na?" napapataas na kunklusyon pa nito.
Napatango naman siya bago sumagot.
"Exactly, nag iisip ka din pala minsin Jen." Pagbibiro pa niya dito.
"Luka, lagi akong nag iisip no, tingin mo naman sa akin?"
"Owo na, basta tutulungan mo ako ha." Tinapik pa niya ang braso ng kaibigan nang medyo may kalakasan kaya halos matapilok ito.
"Of course bes, kakampi mo ako lagi," sagot nito, habang inaayos ang sarili.
"So uuwi na tayo?" dugtong na saad pa sa kanya ni Jen.
Naalala niya na kailangan pa niyang bumili ng mga gamit para sa bahay kaya hindi pa siya makakauwi ngayon.
"Ah may bibilhin pa ako eh, mauna ka na muna Jen."
"Ha? Anong bibilhin mo pa, samahan na kita," pagpiprisinta pa nito.
"Wag na, baka hinihintay kana nina G-Greg at Savannah," pangungumbinsi naman niya para di na ito sumama pa.
"Sure ka ba?"
"Oo naman, pagkabili ko, uuwi na rin ako," aniya pa, para mapanatag ang kalooban nito.
Tumango naman ito at saka kumaway sa kanya habang naglalakad patungo sa sasakyan nito. Kumaway naman siya pabalik bago pumasok muli paloob ng mall.
'Ano kayang magandang pattern para sa bedroom curtain namin?'