"Ang kapal naman ng kuwintas na iyan! Sigurado akong kalahating milyon ang halaga niyan kapag ibinenta! Grabe pala talaga magmahal si senyorito Aaron! Ang mahal niya magmahal!" namamanghang sambit ni Ester habang nakatingin sa gintong kuwintas ni Valentina. Bumuntong hininga si Valentina. "Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa kuwintas na ito. Ayoko nga po sanang tanggapin." Nakapamaywang na humarap si Ester kay Valentina. "At bakit ayaw mong tanggapin? Ibinigay sa iyo iyan ng nobyo mo bilang simbolo ng pagmamahal niya sa iyo. Dahil mahal na mahal ka niya at ikaw ang gusto niyang pakasalan. Ano ang ibig sabihin mo na ayaw mong tanggapin? Ayaw mo siyang pakasalan? At ang matandang iyon ang nais mong pakasalan? Ano ka ba naman, pamangkin? Hindi ba sinabihan na kitang bawal maging tanga?

