Kabanata 28

1405 Words
“TAWAGIN mo na si Soledad, Ising, nang makaalis na tayo,” narinig niyang wika ng kanyang mama kaya’t lumabas na rin siya agad ng silid. “Narito na ho ako, mama.” “Nakahanda ka na ba?” “Opo.” “Tayo na’t umalis, hindi magandang mahuli tayo sa misa de gallo,” sabi pa ni Donya Juana. Kasama ang buo niyang pamilya maging ang ilan sa mga kasambahay, pasado alas-tres y medya pa lamang ng madaling araw ay nakagayak na sila para sa unang araw ng misa de gallo. Paglabas ng bahay ay namataan niya maging ang iilan nilang mga kapitbahay ay naglalakad na papunta sa simbahan. Napakalamig ng umagang iyon kaya’t habang palabas ng bakuran ay hindi naiwasan ni Soledad ang manginig sa lamig. Nang makalabas sa bakuran, napalingon silang lahat nang mamataan ang buong pamilya ni Badong. Agad silang napangiti sa isa’t isa nang magtama ang kanilang paningin. “Magandang umaga ho,” bati ng mga ito sa kanila. “Aba Selya, magandang umaga rin, kumusta?” mainit na pagbati ng kanyang ina sa ina ng nobyo. “Mabuti naman ho Donya Juana.” “Sa simbahan din ba ang inyong tungo?” tanong pa nito. “Oho.” “Gregorio, kumusta naman ang bukid?” tanong naman ng kanyang papa sa ama ni Badong. “Mabuti naman ho, hayun at katatapos lamang namin magtanim.” Napalingon siya kay Badong nang sumabay ito sa kanya at sadyang nagpahuli. “Magandang umaga, mahal ko,” bulong ni Badong sa kanya. “Magandang umaga rin,” nakangiting sagot niya. “Nakatulog ka ba ng mahimbing?” “Oo. Salamat sa magandang pabaon mo noong isang gabi,” pilyang sagot niya na ang tinutukoy ay ang mainit na tagpong nangyari sa pagitan nila. Pigil ang tawa na umiwas sila ng tingin sa isa’t isa. Nang makabawi ay mahinang tumikhim si Soledad. “Tignan mo sila. Tignan mo ang pamilya natin na magkasundo,” sabi pa nito Badong habang pinagmamasdan ang mga ito mula sa likod na nagkukuwentuhan habang naglalakad sila papuntang simbahan. “Sana’y walang magbago kapag dumating ang araw na malaman ng mama at papa ang totoo,” sagot niya. “Maaaring magalit sila sa umpisa dahil sa paglilihim natin, ngunit naniniwala ako na sa bandang huli ay magiging maayos din ang lahat.” “Isa ‘yan sa mga dasal ko ngayon misa de gallo at nawa’y pakinggan ng Poong Maykapal ang aking panalangin.” Pagdating sa simbahan ay agad silang nakahanap ng upuan. Nagkataon din naman na si Soledad ang pinakahuling naupo sa pamilya nila kaya’t ang kanyang nakatabi ay si Badong. Dahil sadyang pilyo si Badong, kapag nakakuha ng pagkakataon ay palihim nitong hinahawakan ang kanyang kamay at mabilis iyong bibitiwan kapag lumilingon ang mama o papa niya. O kaya naman ay kung anu-ano ang ibubulong nito sa kanya kaya impit silang tatawa at pasimple niya itong papaluin o kukurutin sa hita. Matapos ang misa ay sabay-sabay din silang lumabas ng simbahan. Doon ay nagkataon na nakita nilang dalawa ang mga kaibigan. “Badong, halina’t kumain tayo ng bibingka at puto bumbong, may nagtitinda doon sa gilid eh!” yaya ni Marcing dito. “Oo nga, kanina ko pa naaamoy iyon kahit ako’y nasa loob ng simbahan,” sang-ayon naman ni Perla. “Sige, halika at kumain tayo bago umuwi,” sagot ni Badong. Agad lumingon si Soledad sa mga magulang. “Mama, mauna na ho kayong umuwi, susunod na lamang ako. Niyayaya ho ako ng mga kaibigan ko na kumain ng bibingka,” paalam pa niya. “O sige,” sagot pa ng kanyang ina sabay lingon kay Badong. “Badong, isabay mo na itong si Soledad pag-uwi mo ha? Ikaw na bahala sa kanya,” bilin nito bagay na kapwa nila kinagulat. “H-Ho? Ah… oho Donya Juana,” nagkandautal na sagot ng binata. Nang tuluyan makaalis ang mga ito ay saka naman sila nagkatinginan. Kitang-kita ni Soledad ang saya sa mga mata ni Badong. “Narinig mo ‘yon? Hinabilin ka niya sa akin?” umaapaw sa kagalakan at hindi makapaniwalang sabi nito. “Alam na ba sa inyo ang tungkol kay Badong?” pag-uusisa naman ni Nena. “Hindi pa,” sagot niya. Nakisilip si Ising at tumingin din sa mga pamilya nilang naglalakad pauwi. “Marahil ay napipisil ni Tiya Juana si Badong para sa’yo,” sabad nito. “Paano mo nasabi?” kunot-noo na tanong niya. “Hindi ko ba nasabi sa inyo? Kapag pinapatawag nila si Badong doon sa bahay at may gustong ipakumpuni o kaya ay nagdadala ito ng bigas o mga sariwang gulay. Aba’y sobra ang paghanga at papuri niya kay Badong. Natutuwa si Tiya Juana dahil masipag daw ito,” kuwento pa ni Ising. Halos mapatalon sa tuwa si Badong sa narinig na kuwento mula sa babae. Habang umaapaw naman sa tuwa ang kanyang damdamin. Ang kanilang nalaman ay nagbigay ng malaking pag-asa na matatanggap ng mga ito si Badong sa oras na dalhin niya sa bahay at ipakilala sa mga magulang. “Bakit ngayon mo lamang nabanggit ang tungkol dito?” masayang tanong pa ni Soledad habang naglalakad sila papunta sa nagtitinda ng bibingka. “Pasensiya na, sadyang nawaglit sa isipan ko. Ngunit ang mahalaga ay nalaman ninyo na maganda ang tingin ng iyong mama sa kaibigan ko,” sabad naman ni Pedro. “Siya nga naman,” sang-ayon naman ni Perla. “Maraming salamat, Ising. Kung nalalaman mo lamang kung gaano pinaluwag ng sinabi mo ang aking damdamin. Nabawasan niyon ang aking pag-aalala kahit paano.” “Walang anuman. Hayaan mo at ibibida pa kita sa kanila ni Tiyo,” sagot nito. “Siya nga?” hindi makapaniwalang tanong ni Badong. “Oo, akong bahala sa inyo ni Soledad.” Dahil sa kagalakan ay nayakap nilang dalawa ni Badong si Ising. “Sandali, maiba ako ng usapan. May gagawin ba kayo bukas?” tanong ni Abel. “Sa hapon ay wala naman,” sagot ni Badong. “Naisip ko lang na masaya kung maligo tayo sa ilog, pagkatapos ay magdala tayo ng makakain,” suhestiyon nito. Nagkatinginan silang dalawa ng nobyo. Ang ilog na tinutukoy ni Abel ay ang ilog na kanilang lihim na tagpuan. Hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi nila sinasabi na doon ang kanilang tagpuan. “Hindi ba’t masyado nang liblib sa lugar na iyon? Kaya nga walang nagagawi doon,” tanong naman ni Perla. “Ngunit maganda sa parteng iyon, may alam akong daan,” sabi pa ni Abel. “Sige at maligo tayo sa ilog. Nais kong sulitin ang bakasyon dahil sa matapos ang bagong taon ay kailangan na muli namin bumalik sa Maynila,” sagot naman ni Soledad. “Kung ganoon ay magkita-kita tayo sa harap ng aming bahay ng alas-tres ng hapon,” sabi ni Abel. “Kami na ang bahala sa pagkain,” prisinta ni Soledad. “Pumunta kayo bukas ng mas maaga sa bahay para magtulong tayo sa paghahanda,” baling niya sa mga kaibigan. Pagdating sa nagtitinda ng bibingka, si Badong at Abel ang lumapit doon. Habang naupo naman sila sa mga bakanteng mesa. “Ale, tig-iisa ho kaming bibingka at puto bumbong.” sabi ni Badong. “Pakisamahan na rin ho ng tsokolate,” dagdag naman ni Abel. Habang naghihintay sa kanilang pagkain ay tumabi sa kanya si Badong. “Hindi kaya mabighani ang ibang kalalakihan sa’yo, mahal ko?” tanong nito sa kanya paglapit. “Bakit mo nasabi?” “Hindi mapalis ang ngiti mo sa labi at lalong tumitingkad ang iyong kagandahan. Nag-aalala ako na baka maraming kalalakihan ang lumapit na lang at makipagkilala sa’yo.” Doon niya napansin na nakangiti nga siya kaya mabilis na tinikom ang bibig. Ngunit mayamaya ay natawa silang dalawa. “Labis lamang ang sayang nararamdaman ko. Una dahil nakita kong magkasundo ang ating pamilya. Ikalawa, iyong mga naikuwento ni Ising. Pakiramdam ko’y unti-unti na tayong nakakalaya mula sa lihim na ito,” paliwanag ni Soledad. “Ako man, hindi ako makapaniwala.” “Iniisip ko nga na marahil ay kasarap at gaan sa pakiramdam kapag dumating ang araw na malaya kang nakakapunta sa bahay at mainit kang tatanggapin ng aming pamilya.” Hinawakan nito ang kamay niya at marahan pinisil. “Darating din ang araw na iyon, mahal. Lalo na ngayon at tila unti-unting umaayon sa atin ang tadhana.” Huminga siya ng malalim at ngumiti sa nobyo. “Napakasaya ko, Badong.” “Ako rin.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD