BUWAN NG ABRIL, 1941 MULA umaga hanggang kinagabihan ay hindi na mapakali si Soledad. Dumating na ang araw na kanilang hinihintay ni Badong. Iyon ang gabi kung saan napagkasunduan nilang papanhik ito sa kanilang tahanan at ipapakilala sa mga magulang bilang kanyang nobyo. Ngunit hindi niya mapigilan ang sarili na makaramdam ng kaba at matinding takot. Tila sasabog ang kanyang puso ano man sandali. Habang naghihintay sa pagdating ni Badong ay hindi mapakali at pabalik-balik siya sa paglalakad sa kanyang silid. Halos mapalundag sa labis na pagkabigla si Soledad nang may kumatok. “Pasok,” sagot niya. Natigilan siya nang dumungaw si Ising. “Soledad, may panauhin ka,” sabi nito. “Nariyan na si Badong?” pabulong na tanong niya. Marahan itong tumango. Nagmamadali siyang lumapit sa

