“ISING!” umaapaw ang saya na salubong ni Soledad sa pinsan.
Sinalubong niya ito ng yakap paglabas ng dormitoryo.
“Kumusta ka na dito?” tanong agad nito sa kanya.
“Maayos naman ang lagay ko. Ang papa at mama, kumusta naman sila?”
“Maayos din naman ang kalagayan nila. Heto nga at pinabibigay ng Tiya
itong mga gamit na ito at mga pagkain. Para daw hindi ka na mag-abala at
matutukan mo ng maigi ang iyong pag-aaral.”
“Salamat at nag-abala ka pang dalhin ito dito.”
“Wala ‘yon, hamo na’t minsan ay makapamasyal naman,” sagot nito.
“Nga pala, nakakakain ka ba ng maayos?” tanong ulit ni Ising.
“Oo, huwag mo akong alalahanin dito at kilala mo naman ako marunong ako
sa kusina,” sagot niya.
“Hindi ako, si Badong.”
Biglang nagliwanag ang kanyang mukha nang marinig ang pangalan ng
nobyo.
“Talaga? Pinatatanong niya iyon?”
“Oo, mahigpit ang bilin sa akin kanina na huwag ko daw kakalimutan
kumustahin ka at ibilin na huwag mo pababayaan ang sarili mo at kumain sa oras.”
Pakiramdam ni Soledad ay uminit ang kanyang puso sa sinabi ng pinsan.
“Siya nga pala, eto pinabibigay niya.”
Napasinghap siya nang iabot nito ang isang regalo at ang isang bungkos ng
mga bulaklak.
“Kay ganda naman nitong mga bulaklak na ito,” mangha na wika niya.
“Ang balita ko’y pinagpaalam pa ni Badong sa kanyang inay ang mga
bulaklak na iyan. Iba rin mag-alaga ng halaman si Aling Selya. Ang haba ng biyahe
pero hayan
at sariwa pa rin ang mga iyan.”
Mayamaya ay lumabas ang kasera nila.
“Ay, magandang araw ho,” bati ni Ising dito.
“Magandang araw naman. Soledad, ako’y lalabas muna at mamamalengke.”
“Sige ho,” sagot niya sabay baling sa pinsan. “Halina’t doon tayo sa aking
silid.”
“Wala ka bang klase ngayon?” tanong nito.
“Wala, bukas pa kaya sakto ang pagdating mo.”
Kinuha muna ni Soledad ng maiinom at makakain si Ising, gayundin si Mang
Kanor na nagmaneho sa kanyang pinsan paluwas doon sa Maynila.
“Si Badong? Madalas ba kayong magkita at mag-usap?” tanong niya.
“Hindi naman masyado, pero kahapon ay naroon siya sa bahay. Pinagawa
kasi ni Tiyo ang sasakyan kaya nasabi ko sa kanya na luluwas ako.”
“Kumusta na siya?”
“Maayos naman siya. Abala sila sa pagtatanim sa bukid.”
“Marami pa bang umaaligid sa kanyang mga dalaga?”
“Naroon ako noong kaarawan ni Abel. Nakita ko na nilapitan siya ng tatlong
babae, narinig ko pa nga na iniimbita pa siya sa bahay nito. Aba’y matindi ang
pagtanggi ni Badong at pinagmalaki pa na may nobya na daw siya,” kuwento nito.
Kakaibang tuwa ang naramdaman ni Soledad. Tunay nga na tapat ang nobyo
sa naging pangako nito sa kanya.
“Gusto nga niya sanang sumama dito pero nag-aalala siya at baka magtaka
si Mang Kanor, isa pa’y hindi niya maiwan ang bukid.”
“Sayang naman kung ganoon, maganda na sanang pagkakataon ito upang
magkita kaming muli,” nanghihinayang na wika niya.
“Hayaan mo’t pasasan ba’t magkikita ulit kayo.”
“Ay sandali lang, bubuksan ko na ang regalo niya,” sabi pa niya.
“Oo nga pala, pinakita niya iyan sa akin at tiyak na magugustuhan mo!”
Nagmadali si Soledad na buksan ang regalo nito. Unang tumambad sa kanya
ay ang liham nito. Pagkatapos ay nanlaki ang kanyang mga mata at humanga nang
kunin ang isa pang laman niyon. Isang magandang bestida at kasama niyon ay
isang kamiseta.
“Napakaganda nito,” mangha na sabi niya.
“Isukat mo na!” pag-uudyok na sabi ni Ising.
“Sige!”
Agad niyang sinuot iyon. Nang humarap sa salamin ay lalong lumapad ang
kanyang mga ngiti. Si Ising ay napasinghap dahil sa labis na paghanga.
“Napakaganda!” bulalas pa nito.
“Parang sinukat sa’yo ang damit at talagang kasyang kasya. Bagay na bagay
sa’yo ang bestida.”
“Ang galing niyang pumili, hindi ba? Alam na alam ni Badong kung ano ang
nababagay sa akin.”
Tumayo si Ising sa tabi at nakangiting tinignan din ang damit na suot niya.
“Natutuwa akong makita ang tunay na saya sa mga mata mo,” sabi pa nito.
“Wala akong ibang maaaring pasalamatan kung hindi ang Diyos, dahil
binigay niya si Badong sa buhay ko.”
“Alam mo bang hindi nagpabayad si Badong kay Tiyo noong inayos niya ang
sasakyan?”
“Siya nga?” gulat na sagot niya.
“Oo, narinig ko sa pag-uusap nila ng Tiya Juana. Mautak din itong si Badong,
pasimpleng nanunuyo at kinukuha ang loob nila lalo na si Tiyo. Ginagawa niya ang
lahat nang sa ganoon kapag pinaalam n’yo na ang relasyon n’yo, hindi na kayo
mahihirapan, lalo na ikaw.”
Bumuntong-hininga si Soledad pagkatapos ay tumanaw sa labas ng bintana.
“Hindi ko alam kung anong ginawa kong kabutihan para mabiyayaan ako ng
isang gaya ni Badong. Sa dami ng magagandang dalaga sa San Fabian, isang
himala na sa akin tumibok ang mailap niyang puso.”
“Hindi ka na dapat magtaka, Soledad. Minsan ang pag-ibig mahiwaga, hindi
mo alam kung kailan pipintig at kung kanino. Dahil nga sa’yo kaya siya nagbago,
hindi lang nagtino sa pagiging pabling. Aba’y lalong sumipag sa trabaho.”
“Hindi na ako makapaghintay pa na makita siyang muli. Labis na ang
pangungulila ko sa kanya.”
“Magtiwala ka lang at magkikita rin kayo. Ang mabuti pa, basahin mo na ang
sulat at sagutin mo agad nang sa ganoon ay maibigay ko sa kanya sa pag-uwi ko.”
“Sige.”
“Mauuna na muna ako dahil pinapabili pa si Tiya Juana sa akin sa Escolta.
Babalik ako dito bago kami umalis para kunin ang sagot mo sa liham ni Badong.”
“Sige. Salamat.”
Nang makaalis si Ising ay saka niya binuksan ang liham.
Ika-9 ng Hunyo, 1940
Minamahal kong Dadang,
Labis ang aking kagalakan nang matanggap ko ang sagot mo sa aking liham. Lalong
umapaw ang kaligayahan ng aking puso nang makita ko ang iyong larawan. Hindi mapalis ang
ngiti ko sa labi habang nakikita ko ang maganda mong mukha sa aking isipan at binabasa ko sa
ilalim ng puno ng kawayan ang nilalaman ng iyong sulat.
Natutuwa akong malaman na nasa maayos kang kalagayan. Ako naman
ay patuloy ang trabaho dito sa bukid. Konti na lamang at matatapos na kami kahit paano’y
mapapahinga na rin ang aming mga likod. Habang sinusulat ko ito’y narito ako muli sa ating tagpuan. Ang malamig na simoy ng hangin ay nagpapaalala ng araw na makamtan ko ang matamis mong oo. Sa tuwing pinipikit ko
ang aking mga mata’y ang mga sandaling yakap kita ang aking nadarama, at sa aking mga
panaginip ika’y aking hinahagkan.
Mahal ko, pagdamutan mo ang munti at simpleng regalo na handog ko. Sana’y
magustuhan mo ang bestidang alay ko para sa’yo. Maraming salamat sa tinderang tumulong sa
akin pumili ng magandang disenyo. Ngunit natitiyak ko na kahit anong kulay ng damit pa ang
iyong suot ay babagay sa iyong taglay na kagandahan. Kalakip ng bestida ay aking kamiseta.
Yakapin mo ito sa tuwing ika’y nangungulila sa akin at isipin na parang nakakulong ka sa mga
bisig ko. Hindi na ako makapaghintay na muli kong masabi sa’yo na kaharap ka kung gaano
kita kamahal.
Patawarin mo ako kung hindi man ako nakasama kay Ising. Gustuhin ko ma’y nakatali
ako sa ngayon sa mga gawain sa bukid. Ngayon higit kailanman ay kailangan nila itay at inay
ng tulong ko sa pagsasaka. Hinihiling ko na sana’y habaan mo pa ang iyong pangunawa sa
akin. Darating din ang araw na ako naman ang luluwas ng Maynila para makita ka.
Lagi mong tatandaan na ikaw lang ang babae sa buhay ko at mahal na mahal kita.
Hanggang dito na lamang.
Nagmamahal,
Badong.
Hindi napigilan ni Soledad ang mapaluha matapos basahin ang sulat ng
kasintahan. Kinuha niya ang kamiseta nito at nilapit iyon sa ilong. Pumikit siya
nang maamoy niya sa kamiseta si Badong pagkatapos ay niyakap iyon kasama ang
sulat. Pakiramdam niya ay mas lalo siyang nangulila para gusto niyang sumama
kay Ising pabalik ng San Fabian masilayan lamang ang nobyo.