“SOLEDAD, tapos na ba silang kumain?” tanong ni Aling Lagring paglabas
nito ng silid.
“Oho,” sagot niya.
“Mga ginoo, pagpasensyahan n’yo na kung kayo ay pauuwiin ko na. May
patakaran ako dito sa aking dormitoryo na hanggang alas-nuwebe lang ng gabi ang
bisita lalo na’t lalaki. Kung gusto ninyo ay bumalik na lamang kayo bukas,” sabi pa
nito.
“Huwag ho kayong mag-alala, naiintindihan ho namin,” magalang na sagot ni
Badong.
Mayamaya ay tumayo na sila ni Ricardo at hinatid sila hanggang sa ibaba ni
Soledad.
“Saan ka tutuloy ngayon gabi?” nag-aalalang tanong ni Soledad.
“Doon sa bahay nila Ricardo, sa Pasig.”
“Huwag kang mag-alala, Soledad. Ligtas at maayos naman ang aking bahay,
tinitiyak ko sa’yo na makakapagpahinga siya ng mabuti doon.”
“Salamat, Ricardo ha?” nakangiting sabi niya.
“Walang anuman, Soledad. Kami nitong si Bartolome ay matalik na
magkaibigan mula pa noong kamusmusan namin. Magkasama kami nito sa lahat ng
bagay maging sa kalokohan,” kuwento pa nito.
“Natutuwa akong marinig ‘yan. Ngayon ay mapapanatag ako na may
tutuluyan naman pala si Badong sa susunod na pagluwas niya dito.”
“Huwag mong kalimutan maghanda ng mga gamit mo ha? Bukas ng alas-
singko ng umaga, susunduin namin kayo,” bilin pa ni Badong.
“Sige.”
Muli siyang niyakap ng mahigpit ni Badong bago ito tuluyan umalis.
Nakaramdam ng panghihinayang si Soledad. Tila hindi sapat ang mahigit isang oras
na pamamalagi doon ng nobyo. Kahit na magkikita pa naman sila kinabukasan.
Palibhasa’y limitado ang kanilang kilos dahil naroon ang kanyang mga kaibigan lalo
na si Aling Lagring na panay ang labas sa silid nito habang naroon si Badong at
Ricardo.
Bagsak ang balikat na pumasok si Soledad pabalik nang bahay nang mawala
na ito sa kanyang paningin.
“Masaya ka na?” nakangiting tanong ni Nena.
Tuluyan siyang napangiti saka tumango.
“Hindi man lang sumagi sa aking isipan na makikita ko si Badong ngayon,”
sagot pa niya.
“Mga anak, gabi na at magsitulog na kayo pagkatapos ninyong magligpit sa
kusina,” bilin ni Aling Lagring.
“Opo.”
“Ako’y mauuna nang matulog sa inyo,” sabi nito.
“Sige ho, magandang gabi po.”
Matapos magligpit ng kanilang pinagkainan papasok na sana si Soledad sa
kanyang silid nang bulungan siya ni Perla.
“Huwag mong kalimutan na ikandado ang pinto ng iyong silid,” bilin nito.
Napakunot-noo siya. “Lagi naman akong nagkakandado ng pinto ah,” sagot
niya.
“Wala, paalala lang.”
“Sige na, huwag n’yo kalimutan gumising ng maaga ha?”
“Oo.”
Bago mahiga ay naligo muna si Soledad. Pagkatapos ay hinanda na niya ang
mga gamit na dadalhin sa susunod na dalawang araw. Pasado alas-diyes na ng gabi
nang matapos siya sa pag-aayos kaya naman pinatay na niya ang ilaw at nahiga.
Ngunit ilang sandali pa ay may narinig siyang nag-uusap mula sa labas ng bintana.
Bigla siyang napabangon sabay silip sa baba. Ganoon na lamang ang kanyang gulat
nang makita sa ibaba sa likod ng bahay si Badong, kasama si Ricardo at si Nena.
“Anong ginagawa n’yo?” pabulong na tanong ni Soledad.
Agad ngumiti sa kanya si Badong at kumaway. Pagkatapos ay sinakay ito ni
Ricardo sa balikat saka tumayo. Dahil mas mababa ang bahay na iyon kumpara sa
bahay nila sa San Fabian. Agad nitong naabot ang kanyang bintana. Mabilis niyang
hinawakan ito sa braso saka hinila. Nang tuluyan makasampa ay mabilis na umalis
si Ricardo at Nena.
Nang humarap sa kanya si Badong ay agad siyang niyakap nito ng mahigpit.
Isang klase ng yakap na kanina pa rin niya hinihintay. Pagkatapos ay bahagya
siyang nilayo nito at tumingin sila sa isa’t isa. Wala siyang narinig na kahit na
anong salita mula sa nobyo. Sa halip ay pinagmasdan nitong maigi ang kanyang
mukha. Pagkatapos ay tuluyan sinakop ang mga labi niya.
Walang pag-aatubiling pinikit ni Soledad ang kanyang mga mata kasabay ng
pagganti ng yakap. Buong puso siyang tumugon sa matamis at mapusok nitong
halik. Parang lumulutang ang kanyang mga paa sa labis na tuwa. Hindi kayang
ipaliwanag ng mga salita ang saya sa kanyang puso ngayon nararamdaman ang
halik nito. Kay lakas ng kabog ng dibdib niya at parang nanlalamig ang kanyang
katawan. Para siyang nalulunod sa halik na binibigay ni Badong sa kanya. Mula
nang maging mag-nobyo sila, iyon pa lamang ang ikalawang pagkakataon na
natikman niyang muli ang halik nito. Mas malalim, mas masuyo, at mas mainit.
Nang matapos ang halik na iyon ay muli silang tumingin sa isa’t isa.
“Ang akala ko’y umalis ka na,” mahina ang boses na sabi niya.
“Hindi ako maaaring umalis nang hindi kita nahahagkan muli. Hangga’t hindi
kita nayayakap ng mas mahigpit,” sagot nito.
Hinaplos niya ang mukha nito. “Napakasaya ko na kasama kita ngayon. Hindi
na ito isang imahinasyon lang.”
“Hindi mo alam kung gaano ako nasasabik na makita kang muli.”
“Ako man,” sagot ni Soledad. “Ngunit delikado ang ginawa mong ito. Wala
tayo sa San Fabian, paano kung may makakita sa’yo?”
“Kaya nga humingi ako ng tulong kay Nena. Hindi kasi tayo makapag-usap
ng maayos kanina.”
“Oo nga eh, palagi kasing nakabantay si Aling Lagring. Ganyan siya talaga
kapag may umaakyat ng ligaw sa mga babaeng nakatira dito sa dormitoryo.”
Mayamaya ay naupo sila sa gilid ng kama pagkatapos ay yumakap sa
beywang ni Badong habang nakakulong siya sa mga bisig nito.
“Habang narito ka sa Maynila, sisikapin ko na dalawin ka kahit isang beses
kada buwan o dalawang buwan.”
“Talaga? Gagawin mo ‘yon?”
“Oo naman. Kung iyon lang ang paraan para madalas tayong magkita. Ang
hirap gumising araw araw na alam kong hindi kita masisilayan.”
“Kung maaari lamang na huwag na akong umalis pa.”
“Hindi bale, ilang buwan na lamang ang ating hihintayin. Malapit mo nang
matapos ang pag-aaral mo.”
“Saka sa loob lang ng ilang linggo ay uuwi na ako sa San Fabian para sa
pasko at bagong taon.”
“Nga pala, alam na ng inay at itay na nobya na kita. Kaya pag-uwi mo ay
pormal na kitang ipapakilala sa kanila.”
Biglang nalungkot si Soledad at para siyang nakonsensya.
“Oh, bakit bigla kang sumimangot riyan?”
“Pasensiya ka na, Badong. Dahil hanggang ngayon ay hindi ko pa rin
nasasabi sa mga magulang ko ang tungkol sa atin.”
Hinawakan nito ang kamay niya. “Huwag kang mag-alala, hindi naman ako
nagmamadali eh. Naiintindihan ko ang sitwasyon mo at kilala ko si Don Leon. Alam
ko na mahirap kunin ang kanyang loob. Kung sakaling hindi niya ako matanggap
para sa iyo, gagawin ko ang lahat para ipakita sa kanya na karapat-dapat ako sa
pagmamahal ng anak niya,” sabi pa nito sabay halik sa likod ng kanyang palad.
“Maraming salamat sa pagsusumikap mo at pag-intindi sa kalagayan ko.”
Hinaplos nito ang kanyang pisngi. “Alam mo na gagawin ko ang lahat para
sa’yo.”
Nang kabigin nitong muli palapit ang kanyang mukha ay ginawaran siya ng
nobyo ng halik sa ikalawang pagkakataon. Yumakap ang mga braso niya sa leeg
nito at tumugon sa halik nito. Kung maaari lang, mas nanaisin ni Soledad na huwag
nang hayaan malayo pa sila ni Badong sa isa’t isa.
“Wala pa rin pinagbago mula noong beses kong matikman ang halik mo. Kay
tamis pa rin ng iyong labi,” bulong nito.
“Ikaw naman ay kaysarap pa rin humalik,” pilyang sagot niya.
Marahan itong natawa pagkatapos ay hinayaan muli si Badong na ikulong
siya sa matipunong mga bisig nito.
“Kailangan ko nang magpaalam,” mayamaya ay sabi nito.
“Sige. Mag-iingat kayo pauwi ha?”
“Bukas ng umaga, huwag mong kakalimutan,” paalala pa nito.
“Oo, eksaktong alas-singko ay tiyak na nakahanda na kami.”
Nang tumayo si Badong at naupo sa hamba ng bintana. Muli itong lumingon
sa kanya at siniil pa siya ng halik sa labi. Pagkatapos ay saka ito tumalon pababa.
Bago ito umalis ay kumaway pa muna ito. Nang tuluyan mawala na sa kanyang
paningin ang nobyo ay halos mapunit ang kanyang labi sa sobrang saya. Nang
maisarado ang bintana ay agad siyang nahiga sa kama at niyakap ang mga unan
saka pumikit at paulit-ulit na inaalala ang matamis na halik na kanilang
pinagsaluhan.