“BADONG! Kuya Badong, huuu!” malakas na tawag sa kanya ng kapatid na
si Isidro.
Napalingon ang abala sa pagtatanim ng palay na si Badong. Naroon din ang
kanyang ama at ang ibang mga kapatid niya, maging ang iba pang magsasaka na
kapwa rin napalingon.
Napaigik siya sa sakit nang iangat ang katawan. Saglit siyang nag-inat saka
dahan-dahan humarap habang hawak ang mga punla ng palay.
“Bakit?” tanong niya.
“Sulat! May dumating na sulat mula kay Ate Soledad!”
Nanlaki ang kanyang mga mata nang marinig pa lamang ang pangalan ng
minamahal. Biglang nabuhay ang kanyang loob at sa isang iglap ay napawi ang
pagod niya at lahat ng p*******t ng katawan. Dali siyang umahon mula sa palayan
at mabilis na naghugas ng kamay at mga paa. Nang matuyo na ang kanyang mga
kamay ay saka pa lamang niya kinuha ang liham.
Hindi mapalis ang ngiti ni Badong habang binubuksan ang sobre. Ang
kanyang pananabik sa mga sandaling iyon na mabasa ang liham ni Soledad ay gaya
ng pananabik niya na muli itong masilayan at makapiling. Kulang na lamang ay
mapunit ang kanyang labi sa labis na ngiti nang makita ang kalakip ng liham nito.
Isang larawan ni Soledad at mga tuyong talulot ng bulaklak.
Para siyang tinatakasan ng bait na hinaplos ang mukha ni Soledad sa
larawan na tila ba nasa harapan niya ito.
“Sadyang walang makakapantay sa taglay mong ganda, mahal ko,” pabulong
na pagkausap niya sa larawan. Matapos iyon ay binasa na niya ang liham.
Ika-16 ng Hunyo, 1940
Mahal kong Badong,
Habang binabasa mo ito’y ibig sabihin ay natanggap ko ng matiwasay ang iyong liham. Labis akong
nagagalak nang mabasa ko pa lamang ang pangalan mo sa sobre. Napawi ang aking pagod, maging ang lungkot at
pangungulila nang mabasa ko ang nilalaman niyon.
Maayos naman ang kalagayan ko rito. Marami kaming aralin at pagsusulit sa mga darating na araw. Isang
himala ng langit na nakakaya ko na lumilipas ang bawat araw na wala ka sa aking piling. Sa pagdaan ng bawat
sandali ay mas lalo akong nangungulila sa’yo, mahal ko. Wala akong ibang dinadalangin kung hindi ang makapiling
ka at muli kong masilayan ang makisig mong mukha.
Maraming salamat pala sa larawan. Itatago ko ito at madalas kong titignan na para bang ikaw mismo ang
aking nasa harapan. Ang masasayang alaala natin doon sa ating tagpuan ang nagsisilbing lakas ko para umusad ang
aking buhay dito sa Maynila.
Kumusta ka na, mahal ko? Kumusta ang iyong trabaho? Natanggap ko ang liham ni Ising at binalita niya sa
akin na tunay nga na matapat ka sa akin kahit ako’y malayo. Marami pa rin daw mga dalagang nais pa rin makuha
ang iyong pansin. Ngunit nanatili kang tapat sa iyong pangako sa akin. Hindi mo alam kung gaano ako nakahinga ng
maluwag nang mabalitaan ko iyon. Sadyang hindi ako nagkamali na pagkatiwalaan ka. Dito sa Maynila ay marami
rin mga makikisig na kalalakihan na nais manligaw sa akin. Ngunit walang makakapantay sa’yo at sa pag-ibig mo,
mahal ko, kaya ipanatag mo ang iyong kalooban sapagkat walang ibang lalaki sa buhay ko kung hindi ikaw lamang.
Narito ang aking larawan kalakip nitong liham. Itago mo ito kasama ng aking balabal at panyolito nang sa
ganoon ay maibsan kahit na konti ang pangungulila mo sa akin. Dalangin ko na makapiling kita hanggang sa aking
panaginip kung saan muli kong mararamdaman ang mainit mong yakap at matamis mong halik.
Palagi mo sanang iingatan at huwag pababayaan ang iyong sarili. Hihintayin ko ang araw nang muli natin
pagkikita, mahal ko. Lagi mong alalahanin na mahal na mahal kita. Hanggang dito na lamang.
Ang Nagmamahal Sa’yo,
Dadang
“Hindi na naman matawaran ang ngiti mo,” tudyo sa kanya ng mga
kasamang magsasaka.
Doon napalingon si Badong na hindi pa rin napapalis ang ngiti.
“Totoo nga yatang tunay nang umiibig ang kilalang pabling ng San Fabian.”
“Kayo lang naman ang ayaw maniwala eh,” sagot niya saka tinago sa bulsa
ng suot na pantalon ang sulat.
“Ngunit sa dami ng dalagang iibigin, bakit ang anak pa ng Gobernador? Hindi
ba’t tila langit at lupa ang agwat ninyo?” tanong naman ng isa pang magsasaka.
“Aba kung ganoon ay aakyat ako sa langit maabot lamang siya,” sagot niya
na puno ng kompiyansa.
“Masipag ang anak ko at madiskarte. Kahit sinong dalaga na mamahalin niya
ay magiging mapalad. Marunong sa buhay at mabait.”
Napangiti lalo si Badong sa sinabi ng ama.
“Salamat, ‘tay.”
“Basta anak, ingatan mo si Soledad. Ipakita mo sa kanyang pamilya na kaya
mong manindigan sa pagmamahalan n’yo.”
“Opo, ‘tay.”
KAARAWAN ni Abel, abala sa pagbibihis si Badong nang matigilan at makita
ang larawan ni Soledad na pinatong sa ibabaw ng kanyang maliit na mesa. Kapag
natapos ang pagtatanim nila sa bukid, ang una niyang gagawin ay lumuwas ng
Maynila at sopresahin ito.
“Dadalo lang ako sa kaarawan ni Abel, mahal. Huwag kang mag-alala at
magselos, hindi ako titingin sa ibang babae,” pagkausap pa niya sa larawan nito.
Matapos magbihis ay saka siya pumanaog at agad nakuha ang pansin ng
kanyang ina
“Bihis na bihis ka, saan ang punta mo?”
“Diyan lamang ho kay Abelardo, kaarawan niya ngayon at may konting salo-
salo.”
Huminga ng malalim ang ina. “Binalita sa akin ng tatay mo na kasintahan mo
na pala si Soledad.”
“Opo, inay.”
“Bakit hindi mo sinasabi sa akin?”
“Eh baka ho kagalitan n’yo ako eh dahil anak siya ni Don Leon.”
“Wala naman kaso sa akin kahit saan pamilya siya manggaling. Ang sa akin
lang anak, huwag mo sana siyang sasaktan at huwag ka ng titingin pa sa ibang
babae. Panganay ka, nasaksihan mo kung paano ako naghirap at nasaktan nang
minsan mambabae ang tatay mo. Kaya galit na galit ako sa’yo noong panay ang
pambabae mo, dahil alam ko ang pakiramdam ng niloko. Hindi mo naman siguro
gugustuhin maranasan iyon ni Soledad. Mabait siyang dalaga at magalang, gusto
ko siya para sa’yo.”
Napangiti si Badong at malambing na niyakap ang ina.
“Huwag na ho kayong masyadong mag-alala, inay. Hindi ko ho sasaktan si
Dadang. Mahal na mahal ko ho siya. At ipanatag ninyo ang kalooban n’yo dahil
hindi na ho ako gaya ng dati. Malaki na ho ang pinagbago ko mula nang makilala ko
si Dadang.”
“Mabuti naman kung ganoon. Matanda ka na, anak. Hindi ka na bata para
maglaro pa. At kahit kailan ay hindi tama na paglaruan mo ang damdamin ng mga
babae,” payo ng ina.
“Hindi ko ho kakalimutan ang payo n’yo.”
“Badong!”
Sabay silang napalingon nang marinig ang boses ng mga kaibigan.
“Mauna na ho ako inay. Doon na rin po ako maggagabihan,” paalam niya.
“Sige at huwag ka masyadong magpapagabi ng uwi,” bilin pa nito.
“Oho!”
Paglabas ng bahay ay agad niyang nakita si Pedro at Marcing na naghihintay.
Dahil malapit lang ang bahay ng kaibigan mula sa kanila, ilang sandali lang ang
lumipas ay naroon na sila.
Nang makapasok sa bakuran ay bumungad sa kanila ang iba pang panauhin
ng kaibigan.
“Oh, Badong! Buti nakarating kayo,” masayang salubong sa kanila nito.
“Maligayang kaarawan, kaibigan,” agad niyang bati.
“Salamat. Pumasok kayo, may pagkain sa loob. Ang inay mismo ang
naghanda niyan.”
“Magandang hapon ho Aling Lagring,” bati nila.
“Ay naku, narito na pala ang mga makikisig na binata ng San Fabian,
pumasok kayo at kumuha na ng pagkain,” magiliw na bati ng ina ni Abel.
“Salamat ho.”
Habang kumukuha ng pagkain ay napansin ni Badong ang ilang mga
kababaihan na nagbubulungan at panay ang tingin sa gawi nila. Kung dati ay agad
siyang lalapit sa mga ito, ngayon kahit na sulyap ay hindi man lang niya ginawa.
“Aba’y magagandang lalaki pala itong mga kaibigan ng anak mo,” puna sa
kanila ng isa pang may edad na babae.
“Naku salamat ho,” nahihiyang sagot nila.
“Lalo na itong si Badong oh.”
Napakamot na lang siya sa batok at nahihiyang ngumiti.
“Kaya habulin ng mga babae eh.”
“Ang inay naman oh, nahihiya na si Badong eh,” saway ni Abel sa ina.
“Halika doon tayo sa mesa sa labas pumwesto.”
Pag-upo sa may mesa ay nagsimula na silang kumain.
“Mukhang maganda ang araw mo ngayon ah, ang aliwalas mo tignan,” puna
sa kanya ni Marcing.
Doon napangiti si Badong.
“Alam ko na, marahil ay may kinalaman ito kay Soledad,” hula naman ni
Pedro.
“Nagpadala na siya ng liham,” balita niya.
“Talaga? Sumagot siya agad sa sulat mo?”
“Oo at nilakipan din niya ito ng larawan. Sinabi niya sa sulat na nagustuhan
niya na nagpadala ako ng larawan at mababawasan daw ang pangungulila niya sa
akin,” masayang pagmamalaki niya.
“Masaya ako para sa’yo, kaibigan. Iba marahil talaga kapag natagpuan mo
na ang babaeng iibigin mo,” sabi pa ni Abel.
“Kaya naman pala ang ganda ng ngiti mo kanina pa,” sabi naman ni Marcing.
Napalingon sila ng bumuntong-hininga si Pedro. “Kaysarap siguro nang may
minamahal, ano? Sana’y sagutin na rin ako ng aking nililigawan.”
“Pasasaan ba’t mapapasagot mo rin siya,” sagot niya sa kaibigan.
“Sandali lang, kukuha muna ako ng maiinom sa loob,” paalam pa ni Badong.
Agad siyang pumasok sa loob ng bahay at kumuha ng isang basong tubig.
Paglabas ay tatlong babae ang lumapit sa kanya.
“Magandang araw, ikaw ba si Badong?” tanong ng isa.
Nagtataka na napatingin siya sa mga ito at marahan tumango.
“Oo.”
“Ako nga pala si Constancia, sila naman ang mga kaibigan ko na sina Lorena
at Clara.”
“Magandang araw sa inyo. May maipaglilingkod ba ako sa inyo?” kaswal na
tanong pa ni Badong.
Humagikgik ang mga kababaihan at nagtinginan.
“Ikaw nga. Kami ay taga kabilang bayan at kaibigan namin si Abel. Narinig
namin ang usap-usapan na may isang makising na binata dito sa San Fabian. At
ikaw nga ang tinutukoy nila.”
Alanganin siyang napangiti at napakamot sa batok.
“Uh… salamat kung ganoon.”
“Kung wala kang gagawin mamayang gabi, maaari ka ba namin imbitahin?”
tanong pa ni Constancia.
Kumunot ang noo niya. “Imbitahin? Saan?”
“Sa bahay namin. Para naman makapaghuntahan tayo at magkakilalang
mabuti,” sagot nito.
“Siya nga naman. Mabait itong si Constancia at tiyak na magkakasundo
kayo,” sabad naman ni Clara.
“Oo nga naman, isama mo ang mga kaibigan mo kung gusto mo,” sabi
naman ni Josefina.
Nakaramdam ng pagkailang si Badong. Hindi niya akalain na aabot siya sa
punto na makakaramdam ng ganoon sa harap ng ibang babae. Malayo sa dating
Badong na kapag nilapitan ng kababaihan ay kumpiyansa at umaapaw ang tiwala
sa sarili na haharap sa mga ito.
“Ah, mga binibini. Ipagpaumanhin ninyo ngunit hindi ko maaaring pagbigyan
ang imbitasyon ninyo,” magalang na sagot niya.
“Bakit naman? Masaya kaming kasama,” sagot pa ni Clara.
“Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa, Badong. Makisig ka at simpatiko. Gusto
kita,” prangkang wika ni Constancia.
“Ipagpaumanhin mo… Co…” napahinto siya sa pagsasalita nang makalimutan
ang pangalan nito. “…Corazon?”
Dismayadong bumuntong-hininga ito at umikot ang mga mata.
“Constancia,” pagtatama nito.
“Ah, tama! Constancia. Ipagpaumanhin mo Constancia ngunit hindi ako
maaaring sumama sa’yo. Hindi kaaya-aya sa mata ng ibang tao na makita ang
isang lalaking may kasintahan na sumama sa ibang babae.”
Nahulog ang balikat nito at bumakas na lalo itong nadismaya sa kanyang
sinabi.
“May nobya ka na? Totoo nga ang sinabi ni Abel kanina,” hindi makapaniwalang tanong nito.
“Muli ay ipagpaumanhin ninyo,” sa halip ay sagot niya pagkatapos ay mabilis
na tumalikod at bumalik sa mga kaibigan.
Natatawa ang mga ito habang nakatingin sa kanya at umiiling.
“Ang mahirap dito, kahit na nagbagong buhay na itong kaibigan natin. Ang
mga babae naman ang kusang lumalapit sa kanya,” sabi ni Pedro.
“Kanina ka pa hinahanap ni Constancia sa akin,” natatawa pa rin sabi ni Abel.
“Sana sinabi mong may kasintahan na ako.”
“Sinabi ko naman, siya lang itong makulit at ayaw maniwala eh.”
“Akalain mo na isang Soledad lang pala ang makakapagpabago sa kaibigan
natin,” sabi naman ni Marcing.
“Kumain na nga lamang kayo,” saway niya sa mga ito.
“Oh, mamaya pagkatapos kumain may serbesa riyan,” sabi pa ni Abel.
Magaan ang damdamin na pinagpatuloy ni Badong ang pagkain. Ganito pala
ang pakiramdam kapag malinis ang konsensiya at tapat ka sa iyong minamahal.
Magaan sa dibdib at tila gusto niyang ipagmalaki ang sarili.